Miyerkules, Hunyo 17, 2020

June 17, 2020

Miyerkules ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

2 Hari 2, 1. 6-14
Salmo 30, 20, 21. 24

Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.

Mateo 6, 1-6. 16-18

Wednesday of the Eleventh Week in Ordinary Time (Year II)

UNANG PAGBASA
2 Hari 2, 1. 6-14

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari

Dumating ang oras na si Elias ay kailangan nang kunin ng Panginoon. Noon ay naglalakad sila ni Eliseo buhat sa Gilgal.

Pagdating nila sa Jerico, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na rito pagkat pinatutuloy ako ng Panginoon sa Jordan.”

Ngunit sinabi niya, “Naririnig ako ng Panginoon. Hanggang buhay ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At nagpatuloy sila ng paglakad. Sinundan sila ng pangkat ng mga propeta at pinanood sa di kalayuan nang sila’y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan. Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig ay sila’y tumawid.

Pagkatawid nila, sinabi ni Elias, “Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.”

Sumagot si Eliseo, “Ipinakikiusap kong ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.”

Sinabi ni Elias, “Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, pag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Kapag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.” Patuloy silang nag-uusap habang habang naglalakad. Walang anu-ano’y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo.

Ito’y kitang-kita ni Eliseo, kaya’t napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Lakas at pag-asa ng Israel!” At nawala sa paningin niya si Elias.

Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan. Dinampot niya ang nalaglag na balabal ni Elias at nagbalik sa gilid ng Ilog Jordan. Hinawakan niya sa isang dulo ang balabal at inihampas sa tubig sabay sabi, “Nasaan ang Panginoon, ang Diyos ni Elias?” Nahawi ang tubig at siya’y tumawid.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 20, 21. 24

Tugon: Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.

Poon, ang pagpapala mo’y ‘yong ilaan
sa mga anak mong may takot na taglay;
kagilas-gilas malasin ninuman,
ang pagkalinga mo sa mga hinirang
na nangagtiwala sa iyong pagmamahal.

Tugon: Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.

Iyong kinalinga at iningatan mo
laban sa adhika ng masamang tao;
sinala sa ligtas na dakong kublihan,
upang di hamakin ng mga kaaway.

Tugon: Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.

Mahalin ang Poon ng mga hinirang;
ng lahat ng tapat na mga nilalang,
ang tapat sa kanya ay iniingatan,
ngunit ang palalo’y pinarurusahan.

Tugon: Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.

ALELUYA
Juan 14, 23

Aleluya! Aleluya!
Ang sa ako’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 6, 1-6. 16-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.

“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panukalang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang nakaaalam nito. Siya, na nakakikita ng kabutihang ginagawa mo ng lihim, ang gaganti sa iyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Richard Rodriguez June 16, 2020 at 5:08 pm

Bahagi ng buhay nating mga Kristiyano ang tatlong mahahalagang bagay na maghahatid sa atin tungo sa kabutihan. Ito ang pananalangin, pag-aayuno at pagkakawanggawa. Subalit mapapansin natin na marami na ang gumagawa ng mga ito. Yung iba nga halos laman na ng mga diyaryo o ng mga newsfeeds s Facebook pero hindi pa rin nagiging mabuti.
Tinuturuan tayo ni Jesus ngayon kung paano tayo gagawa ng kabutihan upang tayo ay maging mabuti. Sinabi ni Jesus, “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti.” Nais ni Jesus na hindi maging isang palabas ang paggawa natin ng kabutihan sa ating kapwa. Hindi isang palabas na humihingi ng palakpakan, pagpupuri o pagpupugay. Nais niyang ito’y maging gawaing palabas ngunit may bungang pagbabago paloob sa ating sarili.
Kung tunay at mabuti ang ating layunin sa pananalangin, pagkakawanggawa at pag-aayuno, may mababago sa ating pagkatao. Ngunit kung hindi, babango tayo sa tao ngunit sa kalooban natin ay walang mababago.

Reply

Reynald Perez June 16, 2020 at 5:59 pm

Pagninilay: Kung papansinin natin ang ating Ebanghelyo ngayon, ito yung Ebanghelyong binabasa tuwing Miyerkules ng Abo, ang siyang hudyat ng Panahon ng Kuwaresma. Ngayon ay naririnig natin na kahit hindi Kuwaresma o mga Mahal na Araw, ang mga aral nito ay maisabuhay natin sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Tatlong gawain ang mahalaga sa mga Hudyo, na kadalasa’y ginagawa rin natin kahit Kuwaresma o hindi: ang paglimos, panalangin, at pag-ayuno. Sa kabuuan ng Ebanghelyo, nagbigay ng babala si Hesus na ang paggawa natin ng mga ito ay hindi dapat magsilbing paraan upang ipagmalaki natin ang ating mga sarili. Ito yung problema na nakita ni Hesus sa mga Pariseo at eskriba na inaakala na sila na ang banal at mas matuwid kaysa sa kapwa nilang Hudyo, subalit sa loob ay mayroong pagbaba sa dignidad at katauhan ng iba. Kaya ang paalala ng Panginoon ay kapag gumagawa tayo ng kabutihan, lalung-lalo na kapag tayo’y nagbibigay, nagdadasal, at nag-aayuno, gawin natin ito nang may buong kababaan ng puso. Ang hangarin natin sa paggawa ng mabuti ay dapat ikaluwalhati ng iba ang Diyos, at hindi ang ating mga sarili. Tayo ay tinatawag na maging ehemplo ng kagandahang-loob at ang maging katulad ng kanyang kaanyuan at katauhan sa pagpapahalaga ng tunay na kabanalan.

Reply

Kulot June 17, 2020 at 8:10 pm

Salamat po ama…

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: