Mga Pagbasa – Martes, Hunyo 30, 2015

June 30, 2015

https://www.youtube.com/watch?v=9yPmFbK5wXU

Martes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Genesis 19, 15-29
Salmo 25, 2. 3. 9-10. 11-12

Pag-ibig mong walang hangga’y lagi kong inaasahan.

Mateo 9, 23-27

Mga Pagbasa – Martes, Hunyo 30, 2015
Martes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Genesis 19, 15-29

Pagbasa mula sa aklat ng Gensis

Noong mga araw na iyon, inapura ng mga anghel si Lot, “Madali! Ialis mo na ang iyong asawa’t mga anak nang hindi kayo madamay sa pagkawasak ng lungsod.” Nag-aatubili pa si Lot datapwat sa habag ng Panginoon, halos kaladkarin na sila ng mga lalaki, palabas ng lunsod. Pagkatapos, sinabi ng isa sa mga anghel, “Iligtas ninyo ang inyong sarili! Huwag kayong lilingon o hihinto sa kapatagan! Magtago kayo sa kaburulan para hindi kayo mamatay!”

Ngunit sumagot si Lot, “Huwag na roon, Ginoo. Sabagay napakalaki na ang utang na loob ko sa inyo; iniligtas na ninyo ako. Ngunit napakalayo ng mga kaburulan. Baka hindi na ako makarating doon. Hindi ba maaaring doon na lamang sa maliit na bayang iyon?”

“Oo, doon na kayo magpunta, at hindi ko wawasakin ang bayang iyon. Kaya, madali ka! Hindi ko maitutuloy ang gagawin ko hangga’t wala kayo roon.”

Maliit ang bayang iyon kaya tinawag na Zoar.

Mataas na ang araw nang sapitin ni Lot ang Zoa. Ang Sodoma at Gomorra ay saka pa lamang pinaulanan ng Diyos ng nagninigas na asupre. Tinupok ng Panginoon ang mga lunsod na iyon at ang buong kapatagan, lahat ng mamamayan doon pati ang mga pananim. Ngunit lumingon ang asawa ni Lot kaya’t siya’y naging haliging asin.

Kinabukasan, si Abraham ay nagmamadaling pumunta sa dakong pinagtagpuan nila ng Panginoon. Mula roon, tinanaw niya ang Sodoma at Gomorra, at ang buong kapatagan. Nakita niyang pumapailanglang ang makapal na usok na parang nagmumula sa malaking hurno. Nang gunawin ng Diyos ang mga lungsod na iyon, hindi rin nawaglit sa kanyang isipan si Abraham kaya iniligtas niya si Lot.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 25, 2. 3. 9-10. 11-12

Tugon: Pag-ibig mong walang hangga’y lagi kong inaasahan.

Poon, ako’y iyong siyasatin, ako’y ‘yong subukin,
hatulan mo ang iniisip ng sarili’t layunin.
Pag-ibig mong walang maliw ang kasama at kaakbay,
at ang iyong pagtatapat ang palagi kong patnubay.

Tugon: Pag-ibig mong walang hangga’y lagi kong inaasahan.

Sa parusa ng masama, h’wag mo akong idaramay,
ilayo rin sa parusa ng mahilig sa pagpatay.
Ilayo mo sa kanilang ang gawai’y kasamaan,
mga taong sa tuwina’y naghihintay ng suhulan.

Tugon: Pag-ibig mong walang hangga’y lagi kong inaasahan.

Ngunit ako, ang pasiya ko ay matuwid ang gagawin,
kaya naman iligtas mo at mahabag ka sa akin.
Ako’y ligtas sa panganib, panganib na ano pa man,
sa hayag na pagsamba ko’y pupurihin ang Maykapal!

Tugon: Pag-ibig mong walang hangga’y lagi kong inaasahan.

MABUTING BALITA
Mateo 8, 23-27

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sumakay si Hesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad. Bumugso sa lawa ang isang malakas na unos at halos matabunan ng mga alon ang bangka. Ngunit natutulog noon si Hesus. Kaya’t nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, tulungan ninyo kami!” sabi nila. “Lulubog tayo!” At sinabi niya sa kanila, “Ano’t kayo’y natatakot? Napakaliit naman ng pananalig ninyo!” Bumango siya, sinaway ang hangin at ang dagat, at tumahimik ang mga ito. Namangha silang lahat at ang sabi, “Anong tao ito? Kahit ang hangin at ang dagat ay tumatalima sa kanya!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Leave a Comment



Previous post:

Next post: