Mga Pagbasa – Linggo, Nobyembre 10, 2013

November 10, 2013

Mga Pagbasa – Linggo, Nobyembre 10, 2013
Ika-32 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

UNANG PAGBASA
2 Macabeo 7, 1-2. 9-14

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng Macabeo

Noong mga araw na iyon, isang ina at ang kanyang pitong anak na lalaki ang ipinahuli ng hari. Sila’y pinahirapan para piliting kumain ng karneng baboy na ipinagbabawal ng Diyos. Isa sa mga anak ang nangahas tumayo at nagsalita, “Ano ba ang inyong ibig mangyai sa pagpapahirap sa amin? Matamis pa sa amin ang mamatay kasa lumabag sa mga kautusan ng aming ninuno!”

Bago namatay, sinabi ng ikalwang anak nang malakas sa hari, “Kasumpa-sumpang halimaw! Maaari mong kunin ang buhay namin dito sa lupa, ngunit bubuhayin kaming muli ng Hari ng buong daigdig upang hindi na muling mamatay, sapagkat sinusunod namin ang kanyang mga utos.”

Ganoon ding parusa ang sinapit ng ikatlong anak. Noong siya’y utusang ilawit ang kanyang dila, ginawa niya ito agad at walang atubiling iniabot ang kanyang mga kamay. Ganito ang sinabi niya, “Tinanggap ko ang mga kamay na ito buhat sa langit. Subalit mas mahalaga para sa akin ang mga utos ng Diyos, at umaasa akong ibabalik niya ang mga kamay ko.” Pati ang hari at mga tauhan niya’y humanga sa ipinakita niyang tapang ng loob at sa pagiging handa sa pagtanggap ng pagpaparusa nila.

Namatay rin ang ikatlong kapatid na ito. Isinunod namang parusahan ang ikaapat sa ganito ring malupit na pamamaraan. Nang mamamatay na, sinabi nito, “Ako’y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos. Ngunit ikaw, Antioco, ay walang pag-asang mabubuhay uli.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 16, 1. 5-6. 8b at 15

Tugon: Paggising ko, Poong sinta, sa piling mo’y magsasaya.

Dinggin mo po, Panginoon, ang tapat kong panawagan,
Poon, ako ay dinggin mo, sa daing ko na tulungan;
Sapagkat ako’y taong tapat, di nandaya kailanman,
kaya ako’y sumasamong dalangin ko ay pakinggan.

Tugon: Paggising ko, Poong sinta, sa piling mo’y magsasaya.

Palagi kong sinusundan ang landas mong itinakda,
hindi ako lumilihis sa kanan man o kaliwa.
Ang daing ko, Panginoon, ay lagi mong dinirinig,
kaya ako’y dumudulog at sa iyo humihibik.

Tugon: Paggising ko, Poong sinta, sa piling mo’y magsasaya.

Kung paanong sa mata mo’y lubos ang ‘yong pag-iingat,
gayon ako ingatan mo sa ililim ng iyong pakpak.
Yamang ako ay matuwid, ang mukha mo’y mamamalas
kapag ako ay nagising, sa piling mo’y magagalak.

Tugon: Paggising ko, Poong sinta, sa piling mo’y magsasaya.

IKALAWANG PAGBASA
2 Tesalonica 2, 16 – 3, 5

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica

Mga kapatid, aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Hesukristo at ng ating Diyos at Ama na umibig sa atin at sa kanyang habag ay nagbigay sa atin ng walang pagbabagong lakas ng loob at matibay na pag-asa. Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban upang inyong maipahayag at maisagawa ang lahat ng mabuti.

Sa wakas, mga kapatid, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap sa lahat ng dako at dakilain ng lahat tulad ng ginawa ninyo. Idalangin din ninyo na maligtas kami sa mga buktot at masasamang taol sapagkat hindi lahat ay naniniwala sa salita ng Diyos.

Tapat ang Panginoon. Bibigyan niya kayo ng lakas at ililigtas sa Diyablo. Dahil sa Panginoon, malaki ang aming pagtitiwala na ginagawa ninyo at patuloy na gagawin ang mga sinabi namin sa inyo. Akayin nawa kayo ng Panginoon tungo sa pag-ibig sa Diyos at sa pananatili kay Kristo.

Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 20, 27-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, may ialng Saduseo na lumapit kay Hesus. Ang Saduseo’y hindi naniniwala na muling bubuhayin ang mga patay. “Guro,” anila, “naglagda po si Moises ng ganitong batas para sa amin: ‘Kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid na lalaki’y dapat pakasal sa balo upang magkaanak sila para sa namatay.’ May pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Napakasal sa balo ang pangalawa, at namatay. Gayun din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito: isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha’y namatay naman ang babae. Sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa niya yamang napangasawa niya silang lahat?”

Sumagot si Hesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae’y nag-aasawa, ngunit ang mga lalaki’t babaing karapat-dapat na muling buhayin para sa kabilang buhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na sila mamamatay spaagkat matutulad sila sa mga anghel. At sila’y mga anak ng Diyos yamang muli silang binuhay. Maging si Moises ay nagpapatunay na mulig binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan hinggil sa nagliliyab na mababang punongkahoy, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Ngunit ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay – sa kanya’y buhay ang lahat.” Sinabi ng ilan sa mga eskriba, “Magaling ang sagot ninyo, Guro!” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya ng anuman.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Leave a Comment



Previous post:

Next post: