Linggo, Hunyo 30, 2024

June 30, 2024

Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Karunungan 1, 13-15; 2, 23-24
Salmo 29, 2 at 4. 5-6. 11 at 12a at 13b

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

2 Corinto 8, 7. 9. 13-15
Marcos 5, 21-43 o kaya Marcos 5, 21-24. 35b-43


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thirteenth Sunday in Ordinary Time (Green)
Pontifical Work of St. Peter the Apostle (Sancti Petri)

UNANG PAGBASA
Karunungan 1, 13-15; 2, 23-24

Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan

Ang kamatayan ay hindi likha ng Diyos,
ang pagkamatay ng alinmang may buhay ay hindi niya ikinalulugod.
Ginawa niya ang bawat nilalang upang magpatuloy,
at lahat ng nilalang niya ay mabuti at mahusay.
Wala silang kamandag na nakamamatay.
Ang kamatayan ay di naghahari sa daigdig na ito,
sapagkat ang katarungan ng Diyos ay walang kamatayan.
Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay,
kundi para maging larawan niyang buhay.
Ngunit dahil sa pakana ng diyablo,
nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 29, 2 at 4. 5-6. 11 at 12a at 13b

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

O Panginoon ko,
sa iyong ginawa, kita’y pinupuri’t ako’y iniligtas,
kaya ang kaaway ay di na nakuhang matuwa’t magalak.
Mula sa libingang
daigdig ng patay, hinango mo ako at muling binuhay;
ako, na kasama nilang napabaon sa kailaliman.

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

Purihin ang Poon,
Siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga hinirang.
Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos na Banal,
ang kanyang ginawa ay alalahanin at pasalamatan!
Hindi nagtatagal
yaong kanyang galit, at ang kabutihan niya’y walang wakas.
Ang abang may hapis at tigmak sa luha sa buong magdamag,
sa bukang-liwayway ay wala nang lungkot, kapalit ay galak.

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

Kaya’t ako’y dinggin,
Ikaw ay mahabag sa akin, O Poon, ako ay pakinggan,
mahabag ka, Poon! Ako ay dinggin mo at iyong tulungan.
Nadama ko’y galak nang iyong hubarin ang aking panluksa.
Sa pasasalamat sa iyo, O Poon, ay di magsasawa.

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

IKALAWANG PAGBASA
2 Corinto 8, 7. 9. 13-15

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Kayo’y tanyag sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin. Sikapin din ninyong manguna kayo sa pagkakawanggawa.

Alam ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ng ating Panginoong Hesukristo na bagamat mayaman ay nagpakadukha upang yumaman kayo sa pamamagitan ng kanyang karukhaan.

Hindi sa ibig kong magaanan ang iba at mabigatan naman kayo. Masagana naman kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila’y managana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayun, pareho kayong nakatulong sa isa’t isa at naganap sa inyo ang sinabi sa Kasulatan:
“Ang nagtipon ng marami ay hindi lumabis,
at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang.”

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
2 Timoteo 1, 10

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 5, 21-43

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, muling tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, nakasakay sa bangka. Nasa baybay pa siya ng lawa ay pinagkalimpumpunan na siya ng maraming tao. Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Pagkakita kay Hesus, siya’y nagpatirapa sa kanyang paanan, at ang samo: “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung maaari, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya’y gumaling at mabuhay!” Sumama naman si Hesus. At sinundan siya ng napakaraming taong nagsisiksikan, anupa’t halos maipit na siya.

May isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo, at lubhang nahihirapan. Marami nang manggagamot ang tumingin sa kanya, at naubos na sa kapapagamot ang kanyang ari-arian, ngunit hindi siya napabuti kahit kaunti bagkus ay lalong lumubha. Narinig niya ang sinasabi ng mga tao tungkol kay Hesus, kaya’t nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Hesus. At hinipo niya ang damit nito. Sapagkat sinabi niya sa sarili, “Mahipo ko lang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” Biglang tumigil ang kanyang pagdudugo at naramdaman niyang magaling na siya. Naramdaman naman ni Hesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya’t bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa akin?” Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong nagsisiksikan ang napakaraming tao, bakit itinatanong ninyo kung sino ang humipo sa inyo?” Subalit patuloy na luminga-linga si Hesus, hinahanap ang humipo sa kanya. Palibhasa’y alam ng babae ang nangyari, siya’y nanginginig sa takot na lumapit kay Hesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Anak pinagaling ka ng iyong pananalig sa akin. Umuwi ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban. Lubusan ka nang magaling sa iyong karamdaman.”

Samantalang nagsasalita pa si Hesus, may ilang dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang anak ninyo,” sabi nila. “Bakit pa ninyo aabalahin ang Guro?” Hindi pinansin ni Hesus ang kanilang sinabi, sa halip ay sinabi sa tagapamahala, “Huwag kang mabagabag, manalig ka.” At wala siyang isinama kundi si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang dumating sila sa bahay ng tagapamahala, nakita ni Hesus na gulung-gulo ang mga tao; may mga nananangis pa at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nananangis? Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” Ngunit pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat, maliban sa ama’t ina ng bata at sa tatlong alagad, at sila’y pumasok sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, “Talita kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!” Pagdaka’y bumangon ang bata at lumakad. Siya’y labindalawang taon na. At namangha ang lahat. Mahigpit na ipinagbilin ni Hesus na huwag ipaalam ito kaninuman; at iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya:
Marcos 5, 21-24. 35b-43

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, muling tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, nakasakay sa bangka. Nasa baybay pa siya ng lawa ay pinagkalimpumpunan na siya ng maraming tao. Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Pagkakita kay Hesus, siya’y nagpatirapa sa kanyang paanan, at ang samo: “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung maaari, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya’y gumaling at mabuhay!” Sumama naman si Hesus. At sinundan siya ng napakaraming taong nagsisiksikan, anupa’t halos maipit na siya.

May ilang dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang anak ninyo,” sabi nila. “Bakit pa ninyo aabalahin ang Guro?” Hindi pinansin ni Hesus ang kanilang sinabi, sa halip ay sinabi sa tagapamahala, “Huwag kang mabagabag, manalig ka.” At wala siyang isinama kundi si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang dumating sila sa bahay ng tagapamahala, nakita ni Hesus na gulung-gulo ang mga tao; may mga nananangis pa at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nananangis? Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” Ngunit pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat, maliban sa ama’t ina ng bata at sa tatlong alagad, at sila’y pumasok sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, “Talita kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!” Pagdaka’y bumangon ang bata at lumakad. Siya’y labindalawang taon na. At namangha ang lahat. Mahigpit na ipinagbilin ni Hesus na huwag ipaalam ito kaninuman; at iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Jerome Edson Cunanan June 21, 2021 at 11:00 am

Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon kasabay ng pagdiriwang natin ng Dakilang Kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo, Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos na ating sinasariwa sa araw na ito, tayo ay inilalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ating debosyon sa Ina ng Laging Saklolo na siyang nagpapakilala sa atin kung sino nga ba ang Diyos. Ang Diyos ay makapangyarihan, Ang Diyos ay laging kasama natin kahit saan tayo magpunta. At ang pinakamahalaga, Ang Diyos ay ang Tagapagligtas nating lahat o mas kilala natin ito sa tawag na Mesiyas. Totoo, Ang Diyos ay Mesiyas na nagliligtas sa atin sa anumang kapahamakan. Kaya mga kapatid, sa ating pagdiriwang ngayon ng Kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo, mas kilalanin pa natin ang Diyos, lalo na sa mga hindi pa nakauunawa kung sino nga ba talaga ang Diyos.

Reply

Reynald Perez June 21, 2021 at 2:13 pm

PAGNINILAY: Sa mga nakalipas ng dalawang Linggo, patuloy nating pinagninilayan ang katauhan at kaisipan ng Diyos, na sinasabi hindi katulad ng ating pag-iisip at pagkikilos. Kaya ang ating tugon sa pagkilala sa mahiwagang misteryo ng pagka-Diyos ay pananampalataya. Natunghayan natin noong ika-11 Linggo na ang plano at paggalaw ng Diyos ayon sa kanyang oras at sa kanyang kalooban. Kaya ang ating pananampalataya ay dapat maging katulad ng isang butil na itinanim, upang sa mga maliit na bagay na ginagawa natin ay umusbong ang ating pagkatao sa pagkilala ng gumagabay ng Panginoon. Natunghayan natin noong ika-12 Linggo na ang Diyos ay palaging kapiling natin sa gitna ng mga bagyo sa buhay. Kilangan lang natin maging mahinahon at magtiwala sa kanyang kapangyarihan, upang malampasan natin ang mga pagsubok na bumabagyo sa ating buhay.

Ngayong Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon, patuloy nating tinutunghayan ang pagkilala sa Diyos sa pamamagitan ng ating pananampalataya. Dalawang kwento ng kababalaghan ni Hesus ang natunghayan natin sa Ebanghelyo, at ang pinakakaraniwang tema ay pananampalataya. Ang pananampalataya ng babaeng nagdudugo sa loob ng 12 taon ang nagpagaling sa kanya, nang sumiksik siya sa napakaraming tao upang mahawak lang niya ang balabal ng Panginoon. Ang pananampalataya ni Jairo bagamat mahina ang nagpalakas sa kanya na bubuhayin ni Hesus ang dalagang anak na 12-anyos. Kaya sa gitna ng mga pagsubok na ito, napatunay ni Hesus na ang lahat ng bagay ay posible sa taong tunay na nananalig sa Diyos.

Marami tayong pinagdadaanan sa buhay, at ang pinakinakatakutan natin bilang tao ay ang mamatay. Subalit ipinaalala ng manunulat sa Unang Pagbasa na hindi hangad ng Diyos na tayo ay mamatay, sapagkat pumasok ang kamatayan bilang bunga ng kasalanang mana nina Adan at Eba. Hindi pinabayaan ng Panginoong Diyos ang tao, kaya isinugo niya ang kanyang Bugtong na Anak na si Hesus bilang tanda ng ating pananalig, pagkakapit, at pagsusunod sa dakilang kalooban ng Ama. At nang muling mabuhay ang Panginoon, nagsilbi itong pag-asa na tayo rin ay mabubuhay sa kawalang-hanggan sa kalangitan. Kaya paanyaya sa atin ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay manguna at magbunga tayo sa pagkakawang-gawa. Sikapin natin na araw-araw ay patuloy tayong gumawa ng kabutihan habang tayo ay nagtitiis sa ating mga pagdurusa. Ang ganitong paraan ay nagpapakita ng ating pananampalataya sa konkretong gawain.

Nawa sa aing buhay ay tunay tayong manalig sa Panginoon, bagamat hindi pa natin mamasdan, upang tayo rin ay maging mga instrumento ng pananampalataya sa isang mundo na nawawalan ng pag-asa, pagmamahal, pagpapatawad, katarungan, kapayapaan, kaayusan, at kagalakan. Nang sa gayon, tayong lahat ay makamit ng gantimpala ng buhay na walang hanggan sa langit.

Reply

Malou / (Luzviminda S. Manganti) June 26, 2021 at 3:50 pm

It’s all about F A I T H
FIND and FOCUS to JESUS and ask a FAVOR(Mk 5:22-23)

ABIDE and ABLE and willing to change, to ATTAIN or to ACHIEVE (Mk 5:25-29)
ACTUALIZE to reach a goal.(Mk 5:27)

INTIMACY closeness to GOD, IMMERSE to become deeply involved (Mk 5:27)
INTREPID be fearless be brave and courageous (Mk 5:27) (Mk 5:36)

TEMACITY be persistence (determination) (Mk 5:28)
TOLERANT who is open minded or compassionate(Mk 5:34)
TRANSFORM and TRUST and THANKFUL always(Mk:5:33)

HUMILTY be HUMBLE and HONOR GOD OUR LORD AND SAVIOR and be HEALED(Mk 5:29) (Mk 5:42)

Reply

Ferdy Baetiong Pariño June 27, 2021 at 10:59 am

Napakalinaw ng nais ipahayag ng ebanghelyo sa linggong ito. Anuman ang iyong dalangin ay diringgin kahit gano pa ito kaimposible kung ikaw ay lubos na nananalig kay Hesus.
Nawa tayo ay tumulad kay Jairo at sa babaeng humawak sa damit Ni Hesus, na sa panahon ng kagipitan, mabibigat na problema at malalang karamdaman, patuloy tayong kumapit kay Hesus. Ang iba’y nagpapariwara, sinisira ang buhay, nagpapatiwakal, nagagalit sa Diyos at nilulugmok ang sarili sa alak at bisyo. Hanggat may buhay aya mga pag asa ika nga, mapapalad ang mga taong Diyos na lamang ang pag asa, Anuman ang mangyari sa ating buhay maging mabiyaya o kapighatian wag na wag tayong bibitaw kay Hesus. Ang lahat ng natamo ay galing kay Hesus maging ang buhay mo.

Reply

drROMUALDO-sjc June 24, 2024 at 2:51 pm

Mga kapatid, ang kwentong ito ay hindi lamang tungkol sa himalang pagbangon mula sa kamatayan, kundi ito’y patunay ng kapangyarihan ng pananampalataya. Tayo man ay nakakaranas ng iba’t ibang pagsubok at trahedya sa buhay, tinatawag tayong magtiwala sa Diyos na may kakayahang magbigay ng bagong buhay at pag-asa. Ang ating pananampalataya ay dapat laging nakatuon kay Hesus, na nagmamahal sa atin at laging nariyan upang tugunan ang ating mga pangangailangan.

Minsan, tayo ay tulad ng mga taong nagtatawa at nagdududa sa kakayahan ni Hesus. Ngunit sa pamamagitan ng kwentong ito, tinuturuan tayo na kahit sa pinakamadilim na oras, ang liwanag ng pananampalataya at pag-asa ay magdadala ng himala sa ating buhay. Magtiwala tayo sa Kanya, sapagkat Siya ang ating kaligtasan at ang tanging daan tungo sa buhay na walang hanggan.

Nawa’y maging inspirasyon sa atin ang pananampalataya ni Jairo at ang habag ni Hesus, upang sa araw-araw nating pamumuhay, lagi nating maalala na ang Diyos ay kasama natin, nagbibigay ng lakas at gumagawa ng himala sa ating mga buhay.

Reply

Mel Mendoza June 28, 2024 at 9:17 pm

Pinupuri ka namin Panginoon Hesukristo ?

Sa magkakasunod na tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon ang mga pagbasa ay patungkol sa pananampalataya na naka-angkla sa Panginoong Hesukristo sa gitna ng mga iba’t ibang uri ng pagsubok. Una ay ang pananampalatayang kasing liit ng butil ng mustasa at kung paano ito lumago, pangalawa ay ang pananampalataya sa gitna ng unos at paano ito naitawid, at ang pananampalataya sa gitna ng matitinding karamdaman at haba ng proseso ng paghilom. Sa lahat ng mga hamong ito matutunghayan natin ang pagka-Diyos ni Hesus. Sa anumang kwento ng mga sakit at pinagdadaanan sa buhay nandyan ang patuloy na paglingap ng Diyos. Ang panawagan ng pagpapanibago at pakikipagsundo ay paulit-ulit na natutunghayan sapagkat kailanman hindi susukuan ng Diyos ang kahit sinuman sa kanyang nagsipagsuway. Datapwat makailang uli mang maawalay sa Kanya dulot ng kasalanan ay walang sawang kinakalinga.

Ang tagpo sa Mabuting Balita ay gumawa ang Panginoong Hesus ng dalawang kababalaghan, ang pag panunumbalik ng kalusugan ng babaing labing dalawang taon na pagdurugo na naubos na lahat ang kabuhayan sa pagpapagamot. Sa kaso ng babae ang paghilom ay isang matagal na proseso ganun din naman sa mga buhay natin. Hindi agad agad na dumadating ang lahat ng ating mga ninanais na naayon lamang sa ating mga nasa ang mahalaga kung paano tayo kumapit sa ating pananampalataya. Ang pangalawang kababalaghan ay ang pagbuhay sa anak na dalagita ni Jairo dito ipinapakita na tayo din naman ay may malaking pag-asa na magkakaroon ng panibagong buhay sa piling ni Hesus na muling nabuhay. Ang hamon ng Ebanghelyo habang may panahon pa ay laging paka-isipin ang manumbalik, pakipagkasundo at manatili sa panukala ng Diyos sa kabila ng ating mga pagsubok.

Sa bawat masamang karanasan ang mahalaga kung paano bumangon at paano tinanggap ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga aral na natutunan sa mga nagawang kamalian. Ang pagbangon at paggapi ng mga balakid upang makasunod sa kalooban ng Diyos ay masasabing patikim kung ano ang naghihintay sa atin sa piling ni Kristo Hesus.

Reply

Malou Castaneda June 29, 2024 at 4:49 pm

PAGNINILAY
Napakaganda at malalim na regalong ibinigay ni Hesus sa babaeng may pagdurugo! Hindi ba’t napakaganda kung pagagalingin tayo ni Hesus tulad ng ginawa Niya sa kanya? Ano nga ba ang “pagdurugo” na ating nararanasan, karamdaman sa katawan, mahirap na relasyon, pakikibaka upang mabuhay o di kaya’y ang mga natitirang kahihiyan sa ating buhay? Lalapit ba tayo kay Hesus at hihilingin sa Kanya na pagalingin tayo, at pagalingin tayong muli? Pagagalingin tayo ni Hesus! Maaaring hindi ito isang madaliang himala. Mas malamang na pagalingin tayo ni Hesus ng dahan- dahan ngunit tiyak. Nagtitiwala ba tayo na si Hesus ay magpapagaling sa atin, kahit na hindi natin ito nararamdaman? Sa mga panahong ito kailangan nating magtiwala kay Hesus. Kailangan nating maniwala na Siya ay kumikilos sa atin, kahit na hindi natin ito nakikita o nararamdaman! Araw-araw ay kailangan nating abutin at hawakan ang balabal ni Hesus. Ang Kanyang pag-ibig at kapangyarihan sa pagpapagaling ay dadaloy sa atin! At sa paglipas ng panahon, maaari nating mapagtanto na tayo ay gumaling na! Kailangan nating magkaroon ng ganap na pagtitiwala kay Hesus at sa Kanyang pagmamahal at pangangalaga sa atin! Hindi tayo bibiguin ni Hesus!

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming hikayatin ang iba na lumapit sa Iyo para sa pagpapagaling. Amen.
***

Reply

Group of Believer Poblite June 30, 2024 at 4:48 am

MAGNILAY: Higit kailanman ngayon natin nahaharap ang katotohanan ng sakit at kamatayan. Halos araw-araw nakatanggap tayo ng balita na nagkasakit siya o namatay na siya. Sino ang susunod? Kailan kaya ako? Sa totoo sino ang hindi takot magkasakit? Sino ang handang harapin ang kamatayan? Sa gitna ng ating takot sa Panginoon tayo bumabaling. Siya ang may hawak ng ating buhay. Kung may magandang bunga man ang takot nating ito una natututo tayong magdasal nang wagas na binabalewala ng marami kapag sila ay malakas pa. Ikalawa, nagigising tayo sa kung ano ang importante at hindi sa buhay na ito at napaplano na natin ngayon nang mas matalino ang ating buhay. Ikatlo, naging mas matapang tayong harapin ang karupukan at kaiklian ng buhay. Dahil dito mas handa tayong magpakumbaba at magpatawad. Hindi natin makakayanan na humarap sa kamatayan na hindi pa tayo nakikipagkasundo sa Diyos, sa sarili natin at sa maraming iba.

MANALANGIN: Panginoon, yakapin mo ang aming karupukan at kahinaan.

GAWIN: Hanapin ang kahulugan at kabuluhan ng buhay at ng pagdurusa sa Panginoon.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: