Biyernes, Mayo 31, 2024

May 31, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Mayo 31
Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria

Pinarangalan si Elizabeth ng pagdalaw ng Ina ng kanyang Panginoon. Subalit ninais lamang ni Maria na ibahagi ang kanyang kagalakan. Sa ating pagdiriwang ng kapistahing ito, ilapit natin ang ating mga kahilingan sa Ama na nagtangi sa mga babaeng ito.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Punuin Mo kami ng iyong mga biyaya, Panginoon.

Ang Simbahan nawa’y lubos na buksan ang kanyang puso sa Salita ng Diyos at ipahayag ito nang may kagalakan sa lahat ng tao at kultura, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namumuno sa mga bansa nawa’y makagawa ng mga programa sa pagtatatag ng isang higit na maayos na mundo ayon sa diwa ng mapagkumbabang paglilingkod ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y pasiglahin ng Mahal na Birheng Maria upang madagdagan natin ang ating mga pagsisikap sa pagtataguyod ng isang higit na maayos na lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga maysakit, nawa’y ipakita natin ang ating malasakit sa pamamagitan ng ating pagdalaw sa kanila at pagpapalakas ng kanilang loob, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa nawa’y makatagpo kay Maria ng isang tunay na kanlungan, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, ibinababa mo ang makapangyarihan at itinataas ang aba. Sa tulong ng mga panalangin ng Mahal na Birheng Maria, ipinagkakatiwala namin sa iyo ang aming mga pag-asa sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez May 30, 2022 at 12:53 am

PAGNINILAY: Ngayon ay ang katapusan ng Mayo, ang Buwan ng Flores para kay Birheng Maria, sa pagdiriwang ng kanyang Pagdalaw sa kanyang pinsang si Sta. Elisabet. At narinig natin sa Ebanghelyo ang tagpong iyon sa Ein Karem, na sinasabing halos 150 kilometro mula Nasaret. Dahil sa habang paglalakbay na iyon, madaling umalis si Maria pagkatapos ang kanyang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos na ibinalita ni San Gabriel Arkanghel. Dahil sa nabanggit ng anghel tungkol kay Elisabet, nagpunta siya roon upang alalayin siya sa panganganak nito, na sinasabi ng dulo ng Ebanghelyo ay nanatili roon ng tatlong buwan, na tumutukoy sa Pagsilang kay San Juan Bautista. At makikita natin dito sa pagtatagpo ng dalawang babae ang kagalakan at pag-asang hatid ng Diyos para sa kanyang bayan: Si Juan na tumalon noong makita ang pinsang Tagapaglitas sa sinapupunan ni Maria ay magsisilbing direksyon tungo sa pangagaral nito sa Ilog Jordan upang ipaghanda ang bayan ng Diyos para sa pagdating ng Manunubos sa pagpaparangal ng pagsisisi, pagbabalik-loob, at kabutihan sa bawat tao. At si Hesus naman ay ang itinakdang Mesiyas na maliligtas sa lahat mula sa kasalanan.

Ayon sa mga eksperto sa Bibliya, ang Pagdalaw ng Birheng Maria kay Elisabet ay kambal na larawan sa 2 Samuel 6:1-7, nang makita ni Haring David ang Kaban ng Tipan at tumalon sa tuwa, habang ipinapahayag kung sino siya upang dalawin ang Kaban ng Tipang nilalaman ang mga utos ng Diyos. Ganun din ang nangyari sa Ein Karem nang si San Juan Bautista ay tumalon sa tuwa, at si Sta. Elisabet naman ay nagpahayag kung sino siya upang dalawin siya ng Ina ng Panginoon. Kaya ang Birheng Maria ay ang Kaban ng Bagong Tipan sapagkat dinala niya sa kanyang sinapupunan ang katuparan ng Kautusan na si Hesukristo. At dalawang beses sinabi ni Elisabet na pinagpala si Maria sa lahat ng mga babae, dahil ito ay nakinig sa salita ng Diyos at tinupad nito.

Kaya naman ipinahayag ng Mahal na Ina ang kanyang awit ng pagpupuri sa Diyos, na kung tawagin ay “Magnificat”. Ito ay kahilera sa awit ni Ana sa 1 Samuel 2, na higit pa sa inawit ng ina ni Samuel ang papuri ni Maria sa Diyos sa pagtutupad ng kanyang pangako ng kaligtasan sa pamamagitan ng anak na isisilang sa sinapupunang kalinis-linisan. Dahil sa pagpili ng Diyos sa Mahal na Birhen na isang mababang alipin, ganun din ang paglulugod niya sa mga kabilang sa “anawim” na ang anumang ipinagkakait o hindi makamtan sa buhay ay matutugunan na sa pamamagitan ni Hesus, sa pangangaral at paggawa ng kababalaghan. Ang Magnificat ay dinadasal ng Simbahan tuwing takip-silim upang magsilbing paalala na sa paglubog ng araw sa bawat panahon, nagpapasalamat tayo sa Diyos sa mga kabutihang ipinagkaloob niya sa mga tao.

Mga kapatid, ang Kapistahang ito ay nagpapahayag ng pagdalaw ng Diyos sa kanyang bayan, nang tuparin niya ang kanyang plano para sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Nakilala siya ng Mahal na Birheng Maria at Sta. Elisabet, at ang tugon nila ay pagpupuri, pasasalamat, at pagtatanaw ng utang na loob na maging matapat palagi sa kanya. Ganun din sana tayo sa ating buhay, na kapag ang Diyos ay dumadalaw sa ating buhay, kilalanin natin siya, magpasalamat sa kanyang mga biyaya, at maging mga saksi niya araw-araw.

Reply

Cathy Cristi May 31, 2022 at 2:32 am

Pagninilay:
Happy Feast day of visitation of the blessed virgin Mary

Ang gospel po ngayon ay ang pag bisita ng mahal na ina sa kanyang pinsan na si elizabeth. Sa pangyayari po na ito pinapakita na walang imposible sa diyos. Lahat ng gusto mangyari ng diyos ay mangyayari ng naayon sa kanyang kagustuhan. At kung minsan kahit sa pinaka imposibleng pangyayari ay nagiging posible basta ito ay kalooban ng diyos.

Ang pag kikita nina maria at elizabeth ay napuno ng kasayahan sapagkat pinagkalooban sila parehas ng kasiyahan sa buhay, ito ay ang pagkalooban sila parehas ng anak at ang pangyayari din na po ito ay ang nagpapatunay na si elizabeth at maria ay tunay na pinagpala ng diyos. Una dahil si elizabeth ay matanda na at imposibleng magkaanak pero dahil sa kalooban ng diyos ay biniyayaan si elizabeth ng anak na lalaki. At ang pangalawa ang si maria na isang birhen ay boglang nagdalang tao sa pamamagitan naman ng banal na espiritu at dahil din sa kalooban ng diyos. At sa pagkakataon na ito ay parehas silang sobrang saya sa binigay ng diyos sa kanila at dito na po naisulat ang pagpupuri ng mahal na ina sa diyos.

Sa pangyayari po na ito, sa ating buhay may mga kahilingan tayo sa diyos na may mga bagay na imposibleng mangyari, pero kung ito ay kalooban ng panginoon ay walang hindi kaya ng diyos. At ipinagkakaloob ito ng panginoon kung tayo ay matyagang naghihintay sa tamang pagkakataon tulad ng nangyari kay elizabeth. Gayon din nman may mga pinagkakaloob din ang panginoon na hindi natin inaasahan pero alam ng diyos na kaya natin itong pag tagumpayan gaya ng ginawa kay maria ang kailangan lng po natin ay magtiwala na kakayanin at mapagtatagumpayan. Kung tayo ay pinagkakatiwalaan ng diyos sa isang bagay na imposible mag tiwala din tayo sa diyos na magiging posible.

At sa ganitong pangyayaring kasiyahan ng ating buhay o pagtanggap ng mga biyaya wag natin kalimutan ang magpasalamat at mag puri sa diyos sapagkat binibigyan tayo ng mga biyaya na d natin inaasahan pero lubos na pinagpapala. Tayoy magpuri sa diyos sa araw araw na biyaya a ating natatanggap na minsan sobra sobra pa sa ating hinihingi at kung minsan ay hindi din natin inaasahan na mga blessings na dumadating. Salamat po sa diyos ?

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 31, 2022 at 7:33 am

Ang puso ko’y nqgpupuri.. Nagpupuri sa Panginoon, nagagalak ang aking espiritu sa ngalan ng Panginoon..

Kailan huling nanalangin ng pasasalamat at papuri sa Panginoon? Hindi kailangan na makamit mo muna ang iyong hinihiling bago tayo magpuri at magpasalamat sa Panginoon. Magmula sa pinakamaliit na bagay ay pasalamatan natin ang Diyos. Nagising ka sa umaga, maging ang iyong mga mahal sa buhay ay nagising din, pagbuka smo ng gripo ay may tubig, mqy nakakain kayo sa hapag kainan kahit hindi ganun karangya, may hanapbuhay ka pa, nakapg aaral ang mga anak mo, walang mabigta na karamdaman ang pamilya mo, hindi kayo namamalimos, may bubong ang iyong tahanan at hindi ka sa ilalim ng tulay nakatira, may maayos na pamumuhay kumpara sa iba, ligtas sa mga sakuna, nakakapmasyal, may internet, may cefon at kagamitan, hindi pilay, hindi bulag pipi qt bingi…. Lahat , magpasalamat ka sa lahat! Magpuri ka! Ano man ang pinagdadaanan mo ngayon kapatid ay mas nakakahigit ka oa din sa iba.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: