Linggo, Marso 24, 2024

March 24, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Linggo ng Palaspas (B)
Patnubay sa Misa

Buong pagtitiwala sa pagmamahal ng Panginoon na nakauunawa sa ating mga kahirapan at pangangailangan, idulog natin ang ating mga kahilingan:

Maawaing Diyos Ama, dinggin Mo kami!

Katulad ng mga tumanggap sa kanya sa Jerusalem, maging bukas nawa lagi ang mga puso ng lahat ng nananampalataya kay Hesus. Manalangin tayo!

Nawa’y ang Santo Papa, ating Obispo, at ating mga pari ay magpatuloy sa paggabay sa atin na maging tapat kay Hesus sa pamamagitan ng kabanalan ng kanilang buhay. Manalangin tayo!

Nawa’y ang paghatol ng lahat ng hukom sa ating bayan ay maging mabilis, walang pagkiling o katiwalian. Manalangin tayo!

Nawa’y ang mga biktimang pinagkaitan ng hustisya ay magpatuloy sa paghahanap ng katarungan nang may tibay ng loob at magtamo ng anumang karapat-dapat. Manalangin tayo!

Nawa’y maunawaan nating ang mga hirap at sakit na dinanas ni Hesus ay dahil sa sarili nating mga pagkakasala at kawalan ng pagsisisi. Manalangin tayo!

Nawa’y lahat ng nagsusuong sa panganib ng sariling buhay para ipamahagi ang Ebanghelyo ay makapagpaningas ng katatagan at tapang ng lahat ng misyonero sa buong daigdig.
Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, alalayan Mo kaming mabuhay alinsunod sa turo ni Hesus. Sa pakikibahagi namin sa kanyang paghihirap, makibahagi rin nawa kami sa kanyang kaluwalhatiang walang hanggan.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Sherwin D. Yanoria March 28, 2021 at 6:46 am

Naganap na. Walang maikukumpara sa pagmamahal ng Diyos sa Tao. Maging ang Kanyang kaisa-isang bugtong na Anak ay ibinigay pa rin sa Tao. Ngunit ang mga tao, ano ba ang ibinibigay na handog? Napakadaling sabihing magbabago na at tatalikod sa mga kasalanan. Subalit, ito’y nananatili sa salita lamang. Madaling sabihin ngunit napakahirap gawin. Ang ating Panginoong Hesus ay punong-punong pag-ibig. Kitang-kita sa kanyang pagpapakumbaba, na bumaba bilang isang tao kahit Siya ay Anak ng Diyos. Kaya nga pasanin ang ating krus sa buhay, at iaalay bilang pasasalamat sa pagtubos ng ating mga kasalanan.

Reply

Reynald Perez March 17, 2024 at 3:36 pm

PAGNINILAY: Ngayong araw na ito, sinisimulan natin ang pinakasagrado at pinakadakilang panahon sa Kalendaryong panliturhiya ng Simbahan at sa buong Kristyanismo, ang Semana Santa (Mahal na Araw). Tinatawag itong Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon sapagkat ginugunita natin ang maringal na pagpasok ng ating Panginoong Hesukristo sa Banal na Lungsod na Jerusalem upang tuparin ang kalooban ng Diyos Ama sa pamamagitan ng kanyang Misteryong Paskwal (Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay). Hindi siya pumasok na parang mandirigma na magpapatalsik sa mga Romano, kundi pumasok siya nang napakasimple, sakay sa isang asno, ayon na din sa propesiya ni Zacarias (Cf. kabanatang 9, bersikulong 9). Kaya nga yung mismong simbolo ng palaspas ay nangangahulugang pagkamartir, at yung nga kapag isang santong may hawak na palaspas katulad ni San Pedro Calungsod, ibig sabihin siya’y martir na naging saksi sa pananampalataya at sa Mabuting Balita.

Higit pa dun, si Hesus ay ang Hari ng mga martir sapagkat siya’y isang dakilang saksi ng Diyos Ama, at nagpakababa siya upang makipamuhay sa ating piling, palakasin ng loob ang mga mahihina, dakilain ang mga mababang-loob, at ibilin sa atin na magmahal at maglingkod tayo sa bawat isa at bawat tao, at lalo nang inialay niya ang kanyang buhay sa Krus upang tuparin ang plano ng ating kaligtasan mula sa pagsusuway at pagkakasala ng tao. Kahit nga mismong mga madla na sumigaw ng “Osana!” ay karamihan sila rin ang sumigaw ng “Ipako siya sa krus!” Naramdaman ni Kristo yung paghihirap na siya’y pinaduraan, pinasampalan, pinahagupitan, pinagtawanan, pinagbintangan, tinalikuran ng mga dating humanga sa kanya, at ipinako sa Krus. Sa totoo nga natakot siya kaya ipinagdasal niya sa Ama sa Halamanan ng Getsemani na ipalipas ang kalis ng kanyang pagdurusa, gayunpaman alam niyang mismo ang kalooban ng Diyos ang dapat masundan, at hindi sa kanya. At dahil sa pagiging mababang-loob at masunurin ng Panginoong Hesus, siya’y muling nabuhay bilang tandang nagtagumpay ang Diyos na tayo’y mailigtas. Nang maiparangal ito ng mga Apostol, dumami ang naniwala sa puso’t isipan mula noon hanggang sa kasalakuyan at patuloy na sumasampalatayang tunay nga si Kristo ang dakilang biyaya ng Diyos sa buhay ng bawat tao, at tanging sa Diyos lamang tayo’y magkakamit na tunay na kaligayahan. Kaya nga pumasok ang Panginoon sa Banal na Lungsod upang ipahayag sa atin sa huling pagkakataon ang Mabuting Balita, at maitatag niya ang paghahari ng Diyos na puno ng pagmamahalan, pagpapatawad, at pagiging matapat sa kanyang kalooban.

Mga kapatid, ang Maringal na Pagpasok ni Hesus sa Jerusalem ay tunay ngang matagumpay sapagkat malaya siyang sumailalim sa kalooban ng Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Marami nga ang sumampalataya, pero hindi masyado nating itong isinasabuhay. Ang mundo ngayon ay nakapokus sa mga bagay-pangsekularismo, na kung saan humahangad siya ng kapangyarihan, kayamanan, matataas na posisyon sa lipunan, atbp. Minsan sa masyado nating pagdedepende at paghahangad sa mga bagay na makalupa lamang ay nawawala sa ating puso’t isipan ang Panginoon. At kapag hindi natin ito’y nakamtan at hindi ayon sa ating pagnanais, madalas tinatanong natin ang Diyos kung bakit niyang hinayaang iyan. Hindi naman tayo’y perpekto, kaya hindi nating maiwasan na magkasala at mag-isip para sa pansariling interes. Tunay nga ang sinabi ni San Francisco ng Asisi: “Nor did demons crucify him; it is you who have crucified him and crucify him still, when you delight in your vices and sins.”

Sa kabila ng lahat na ito, ipinamalas ng ating Panginoong Hesukristo na yung nakamtan nating kaligtasang mula sa Diyos Ama ay dapat din mismo tayo’y makibahagi, katulad ng pakikibahagi niya sa mga pagdurusa ng mundo sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus. Ibinilin niya sa atin na tayo’y maglingkod at magmahalan sa isa’t isa, tulad ng ginawa niya.

Nawa’y maging makabuluhan ang ating pagdiriwang ng Semana Santa bilang paggunita sa kanyang sakripisyo sa pamamagitan ng panalangin, pagsasakripisyo, at paggawa ng mabuti sa ating kapwa, alang-alang sa ginawa niya, mas lalo na sa dakilang kalooban ng Diyos Ama.

Reply

Reynaldo R. Erosa March 21, 2024 at 7:11 am

Patawad po Panginoon?

Reply

Reynaldo R. Erosa March 21, 2024 at 7:13 am

Patawad po Panginoon!

Reply

Malou Castaneda March 23, 2024 at 11:12 pm

PAGNINILAY
Ang Pasyon ng Panginoon ay isang totoong kwento. Ito rin ang ating kwento. Sa buong buhay natin ay ginampanan natin ang iba’t ibang papel. Tayo ay naging isang taksil na nagtaksil sa isang kaibigan, isang sundalo na tinatrato ang iba sa pamamagitan ng panunuya at masasakit na salita, isang taong naghugas ng kamay ng responsibilidad, at isang taong nag-aakalang kilala niya ang kanyang sarili. Ang layunin ng pagiging isang Kristiyano ay ang walang ibang tularan kundi ang Anak ng Diyos, ang ating Panginoon, si Hesu-Kristo. Hilingin natin sa Panginoon na bigyan tayo ng lakas na maging higit na katulad ni Hesus sa paraan ng ating pagsasalita at pakikitungo sa iba, anuman ang halaga nito, at tanggapin ang walang hanggang gantimpala ng buhay na walang hanggan.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming maging tapat sa Iyo habang pinapasan namin ang aming krus. Amen.
***

Reply

Jess C. Gregorio March 24, 2024 at 5:54 am

PAGNINILAY SA MABUTING BALITA ni Jess C. Gregorio:

Parating may mensahe ang Diyos sa mga sumusunod na pangyayari sa plano Niya para sa atin. Pinauuna Niya tayo at binibigyan ng bilin kung ano ang gagawin. Dalawa-dalawa ang inuutusan kung ating mapapansin. Patunay na ang Presensiya ng Diyos ay wala sa isa kundi sa dalawa o mas higit pa. Karaniwan kasing nagmamataas ang isa at may kababaang loob pag dalawa. Maaring iyan rin ang pahiwatig kung bakit kailangan sumunod kahit hindi batid kung ano ang gagawin. Ang Kanyang utos at Salita ay sapat na paniwalaan. Nakataling asno na hindi kanila, kinalag at kinuha, para gamitin niya. Siyempre magtatanong ang may ari. Tumalima at nagparaya ng marinig mga Salita na binanggit na pinasasabi niya. Simple. May kapangyarihan na nangyayari sa mga utos ni Hesus. Maipahayag lang ng tama at sa paraang sinabi Niya, kahit hindi kakilala basta ginusto ng Diyos, ipinauubaya nila. Sa isang napakalaki at mahalagang pasyon sa buhay ng Panginoon, ang pagpasok sa Herusalem, marami pa ring maliliit na bagay ang di napapansin na kung ating pagninilayan ay mahalaga rin. Isang Hari na nakasakay sa asno, nakasulat at binabanggit ng mga propeta, hinulaang mangyayari sa Mesiyas na darating. Ang tema ay kababaang loob, pati mga pari ng templo sa kanilang kataasan ng pag iisip, tumatawa lang at nagsasabing tumahimik, mga sigaw ng marami ng Hosana sa Anak ni David, ang tanong ni Kristo, “Ano ang magagawa nyo?” Ito ang naitadhana kung pipigilin ay magkakagulo. Kababaang loob sa mga ginusto ng Diyos, mag pati alon at huwag pigilan, huwag dagdagan. Sa dahilang kung sobra sa ginusto ng langit o pinigilan, walang mabuting mangyayari, atin lang itinulak o hinarangan. At ang mga ito ay mistulang ginusto ng tao at hindi ng Diyos na totoo. Marami pa tayong matutuhan sa mga susunod na mga Mahal na Araw hanggang sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Huwag lang natin sundan mga nangyari para sa ating kaalaman. Wala itong saysay kung nasa isip lamang. Gaya-gaya puto maya wala naman kahihinatnan. Ang maganda ay magnilay ng mabuti at isabuhay mga yapak at gawi, turo, at pangaral ni Hesus na ating Diyos. Imbitahan ang Banal na Espiritu nang mabuksan ang ating mga mata sa pagkilatis ng Salita na ating isasabuhay. Totoong nangyayari mga binabasa natin hindi lamang nuon kundi magpa hanggang ngayon. Lahat ay magiging malinaw kung magbabawas tayo ng kasalanan. Sa kumpisalan ito ang paraan. At kung malinis na ang ating sarili, tanggapin natin si Hesus sa pangungumunyon sa mga Misang pinakinggan. Nang sa gayun makita at marinig natin siyang tunay kahit anong oras, kahit anong araw, sa Adoration Chapel na para lang nakikipag usap sa isang kakilala. Hindi baga ito ang nais niya sa maraming Mahal na Araw na dumaan sa ating buhay? Ang maka usap ka at makasama na para lang magkaibigan.

Reply

Joshua S. Valdoz March 24, 2024 at 11:26 am

Naganap na. Walang maikukumpara sa pagmamahal ng Diyos sa Tao. Maging ang Kanyang kaisa-isang bugtong na Anak ay ibinigay pa rin sa Tao. Ngunit ang mga tao, ano ba ang ibinibigay na handog? Napakadaling sabihing magbabago na at tatalikod sa mga kasalanan. Subalit, ito’y nananatili sa salita lamang. Madaling sabihin ngunit napakahirap gawin. Ang ating Panginoong Hesus ay punong-punong pag-ibig. Kitang-kita sa kanyang pagpapakumbaba, na bumaba bilang isang tao kahit Siya ay Anak ng Diyos. Kaya nga pasanin ang ating krus sa buhay, at iaalay bilang pasasalamat sa pagtubos ng ating mga kasalanan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: