Podcast: Download (Duration: 6:39 — 8.5MB)
Lunes Santo
Isaias 42, 1-7
Salmo 26, 1. 2. 3. 13-14
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Juan 12, 1-11
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Monday of Holy Week (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 42, 1-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
“Ito ang lingkod ko na aking itataas,
na aking pinili at kinalulugdan;
ibubuhos ko sa kanya
ang aking Espiritu,
at sa mga bansa ay
Siya ang magpapairal ng katarungan.
Mahinahon at banayad kung siya’y magsalita,
ni hindi magtataas ng kanyang tinig.
Ang marupok na tambo’y hindi babaliin,
ilaw na aandap-andap di n’ya papatayin,
at ang katarungan ang paiiralin.
Di siya mawawalan ng pag-asa
ni masisiraan ng loob,
paghahariin niya ang katarungan sa daigdig,
ang mga bansa sa malayo ay buong pananabik
na maghihintay sa kanyang mga tupa.
Ang Diyos ang lumikha’t nagladlad ng kalangitan,
lumikha ng lupa
at nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay dito sa daigdig,
at ngayon ang Panginoong Diyos
ay nagsabi sa kanyang lingkod,
“Akong Panginoon, tumawag sa iyo,
binigyan kita ng kapangyarihan
upang pairalin ang katarungan sa daigdig.
Sa pamamagitan mo ay gagawa ako
ng pakikipagtipan sa lahat ng tao
at magdadala ng liwanag sa lahat ng bansa.
Ikaw ang magpapadilat sa mga bulag
at magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 2. 3. 13-14
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Kung ang aking buhay ay pagtatangkaan,
niyong masasama, sila’y mabubuwal.
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Kahit salakayin ako ng kaaway,
magtitiwala rin ako sa Maykapal.
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Nagpupuri kami sa ‘yo,
Hari naming Hesukristo,
ang pagdamay mo sa tao
ay talagang patotoo
na kami’y minamahal mo.
MABUTING BALITA
Juan 12, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Anim na araw bago mag-Paskuwa, si Hesus ay dumating sa Betania, sa bayan ni Lazaro na kanyang muling binuhay. Ipinaghanda siya roon ng hapunan; naglingkod si Marta, at si Lazaro’y isa sa mga kasalo ni Hesus. Kumuha si Maria ng mamahaling pabango, isang libra ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Hesus. Pagkatapos, pinunasan ng kanyang buhok. At humalimuyak sa buong bahay ang pabango. Si Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo kay Hesus, ay nagsabi, “Bakit hindi ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang denaryo ang halaga niyan.” Hindi dahil sa siya’y may malasakit sa mga dukha kaya niya sinabi iyon, kundi dahil sa siya’y magnanakaw. Siya ang nag-iingat ng kanilang salapi at kinukupit niya ito. Sumagot si Hesus, “Ano’t siya’y ginugulo ninyo? Pabayaan ninyong ilaan niya ito para sa paglilibing sa akin. Habang panaho’y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako’y hindi ninyo kasama sa habang panahon.”
Nabalitaan ng maraming Judio na si Hesus ay nasa Betania kaya’t pumaroon sila, hindi lamang dahil sa kanya, kundi para makita si Lazaro na kanyang muling binuhay. Kaya’t binalak ng mga punong saserdote na ipapatay rin si Lazaro, sapagkat dahil sa kanya’y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at nananalig kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Marso 24, 2024
Martes, Marso 26, 2024 »
{ 6 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Tayo ngayon ay nasa pinakataimtim na pagdiriwang ng buong mundo, ang Semana Santa. At pagninilayan natin ang mga pinagdaanan ng ating Panginoong Hesukristo alinsunod sa dakilang kalooban ng ating Diyos Ama upang tayo ay maligtas at mabilang sa kanyang mga kinalulugdan.
Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang pinakuna sa mga apat na orakulo ni Isaias tungkol sa Lingkod ng Panginoong Diyos. Dito isinasalaysay ang magiging misyon at papel ng lingkod sa sangkatauhan. Itong lingkod na ito ay itinuturing na masunurin sa Diyos, matuwid ang pagmumuhay, at mahabagin sa pangangailangan ng mga tao. Ang Lingkod ng Diyos ay natutupad sa Bagong Tipan bilang Anak ng Ama, na si Hesus. Kaya nga sa kanyang pamumuhay, naging masunurin sa dakilang kalooban si Kristo kahit siya’y Diyos na totoo. Ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos na narito na, subalit ating pang kakamit sa kabilang banda ng buhay. Siya rin ay gumawa ng mga kababalaghan dahil sa kanyang awa, habag, at malasakit sa mga nangangailangan, kapwa pisikal at espirituwal.
Narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ang isang pasasalamat sa Betania dahil sa dakilang kababalaghang pagkabuhay na muli kay Lazaro. Si Marta ay naghanda ng mga pagkain. Samantala si Maria naman ay kinuha ang kanyang ginastos na mamahaling pabango, at binuhos ito sa mga paa ni Hesus. At umamoy ng halimuyak ng pabango sa buong bahay. Subalit nakita natin kung paanong tinuligsa ni Hudas Escariote ang ginawa ni Maria. Pilit na binibigay-katwiran na ang perang ginamit sa pagbili ng pabango ay dapat ibinigay na lamang sa mga mahihirap. Subalit binanggit dito ni San Juan na sinabi ito ni Hudas dahil siya’y isang magnanakaw, at malakas ang pagkupit niya sa mga salapi. Kaya sinagot siya ni Hesus na hayaan ang anumang ginagawa ni Maria bilang paghahanda sa paglilibing sa Hari ng sanlibutan. Ayon kina San Mateo at San Marcos, ang sinabi ni Hesus ay ang kwento ng ginawa ni Maria ay magiging alaala sa mabubuting gawaing iyon kung saan ipapahayag ang Mabuting Balita. Ang utang na loob ni Maria ay isang paraan ng pagtanggap sa Panginoon ng kanyang buhay. Ngunit ang pagtanggi ni Hudas sa ginawa ni Maria ay isang paraan na may hinanakit siya kay Hesus. Siguro ang tingin ni Hudas ay dapat si Hesus ay Mesiyas para sa mga mangangaral, mayayaman, at makapangyarihan, kaya siguro binanggit niya ang mga dukha na dapat bigyan ng pera imbes na gastusin sa pambili ng mamahaling pabango.
Maraming beses sa buhay natin na kapiling natin ang Diyos bagamat ‘di natin siya nakikita. Subalit sa mga panahon ng pagdurusa at pagsubok, minsan may mga taong sinusumbatan ang Diyos dahil tingin nila’y hinayaan niyang mangyari ang mga bagay na ito. Ngayong Semana Santa, nawa’y ito’y maging pagkakataon na kilalanin pa natin ang Panginoon sa ating buhay sa kabila ng ating mga pinagdadaanan sa buhay, lalung-lalo itong malaking pagsubok na nararanasan ng buong daigdig.
Nawa’y matuto tayo sa kanyang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus na maging matiyaga nang may mabuting hangarin sa kapwa upang makamit natin ang kaginhawaan ng kanyang Muling Pagkabuhay.
Ano aral aral at hamon sa atin ni Hesus sa ebanghelyo ngayon?
Ang pagtanaw ng utang na loob at pagsukli sa kabutihan ng Diyos sa atin.
Ngayon Semana Santa ay samnatalahin natin ang panahong ito upang suklian ang kabutihang loob sa atin ni Hesus. Sa lahat ng ating mga biyaya buong taon, ang mga pagkain at inumin natin sa hapag, ang pagkakaligtas natin sa anumang sakuna, disgrasya, pandemya at sa tiyak na kamatayan, ang huo oa din ang pamilya, ang pananatili matin sa ating hanapbuhay at higit sa lahat ay buhay pa tayo. Gawin nating pasasalamat at pagtanaw ng utang na loob ang pagpapakabuti ngayong Semana Santa, pagpapakabuti na atin nmang itutuloy pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Hesus.
Lunes Santo. Umpisahan mo sa pagsisi sa mga nagawang kasalanan at kabalastugan sa buhay, ihingi ng kpatwaran ang mga kasuklam suklam na gawain at huli ay sikapin ng matalikuran ang kasamaan.
PAGNINILAY SA MABUTING BALITA ni Jess C. Gregorio:
Karaniwang ang mga magnanakaw ang mga matulungin at mabait kuno. Nagpapakita sila ng pagpanig sa mga tila nagsasayang ng kayamanan para lumaki ang parteng kanilang inaasahan. Kaya kailangan natin si Hesus upang malaman, mailagay ang dapat pagbigyan ng ating mahahalagang bagay, kung hindi ito ay mapupunta lang sa kamay ng mga gahaman. Kung gumagawa ng tama ay asahang mapansin at kutyain, iyan ang gawa ng mundo sa mga binuhay, kung hindi hihinto at mabubuking ang kanilang pagkasakim, asahan na ikaw ay papatayin. Matalas ang kanilang paningin at malakas ang kanilang pandinig, matindi ang pang amoy, matalim ang dila kung may mawawala sa kanilang planong nakawin, pati Diyos tataluhin. Hindi natin mapapansin at wala tayong lakas salingin kung wala ang Espiritu na magtuturo sa atin sa kanilang maling gawain. Sa panahon ngayon maraming sumasamba sa tao sa katiting na barya o ayuda, bakit hindi na lang natin unahin maintindihan ang mga gawi at pamamaraan ng Diyos nang sa gayun ang lahat ng yaman Niya ay mapas atin. Huwag natin kainggitan ang kapangyarihan, katanyagan, at kayamanan ng mga magnanakaw, tinatamasang kasaganaan ay may sumpang kasama, sila ang gumawa at hindi ang langit, lungkot at kasakitang matindi idinudulot ng kanilang panginoon na mainggitin, hindi lang natin napapansin. Sa kanilang malaking ngiti at posturang maganda, tingnan nyo may ngiwi sa labi at lungkot sa mata. Sa huli, katulad ni Hudas, kanilang ibibitin ang sarili sa puno at ang kanilang kayamanang ninakaw ay maiiwang nakakalat sa ilalim. Walang gustong kumuha kundi ay mahahawa sa isang sumpa na kanilang ginawa. Sapat na sa atin si Hesus sa kanyang mga biyaya. Huwag mag alala at lahat ay magiging maganda, kahit masaktan at kapusin tayo ay liligaya. Sa paligid natin ay ang mga hindi nakikita, mga anghel ng langit inilalayo at binabara, mga demonyong nais magsamantala. Sa puso natin ay ang Banal na Espiritu, mismong si Kristo at ang Ama, makikita natin ang lahat ng totoo at makakaiwas sa mga palalo. Gumawa ng mabuti ay magiging madali. Kalusugan at kagandahan hindi tayo iiwan. Tumanda man at magka idad panahon ng kabataan parating makikita sa atin. Madaling lapitan, masarap kausapin, sunusunog tayo ng mga puso kung si Hesus ang mangungusap sa atin. Gusto ba natin ang mga ito? Madali lang gawin, mangumpisal, mangumunyon, si Hesus ay kausapin sa Adoration Chapel ng mga simbahan natin. Hindi na kailangan ng filter o app para gumanda at maging kaayaya, puro kasinungalingan lang ito, kung ang Diyos ay nasa atin, lahat ay magiging totoo at nakakahalina. Tayo ay Kanya at Siya ay sa atin. Nagkaroon ka ng oras, napansin, at nabasa itong nga patungkol sa Kanya. Hindi coincidence lamang, kinakalabit ka niya. Kung hindi ay dinedma mo lang ito at pinawalang bahala. Hindi ka aabot sa pagtatapos ng mga kataga. Kung may naramdaman kang kirot sa puso mo ngayon, hala tinatawag ka ni Hesus na magbalik loob na sa Kanya. Huwag sayangin habang may oras pa. Ang panahon ay naguudyok na magtika at magpakababa, magnilay at makibahagi, makita at madama ang pagpapakasakit ni Kristo para sa atin. Wala Siya sa beach o sa mga lugar pasyalan, naroon Siya sa Kanyang Simbahan.
Do not delay your worship to Jesus! Ang buhay natin ay hindi sigurado kung hanggang kailan, kaya hanggang maaari ay huwag natin isantabi, ipostpone, ipagpalit sa anumang bagay, ang nararapat na pagsamba, pagpapasalamat, pagpupuri at pagsunod sa ating Panginoon. Gaya sa ating Ebanghelyo, ang kapatid ni Lazaro na si Maria ay hindi nagpatumpik-tumpik ng pasasalamat at pagsamba sa Panginoon, marahil ay dahil sa lubos na pasasalamat at pagibig niya kay Hesus dahil sa pagbuhay Niyang muli sa kapatid niyang si Lazaro.
Bukod dito, ginamit pa niya ang pure nard in an alabaster jar na nagkakakalaga ng 300 denarii. Ang isang denaryo ay nagkakahalaga ng isang araw na sweldo ng isang karaniwang manggagawa. If we’ll do the math, 300 denarii ay katumbas ng 300 days na sweldo. Higit pa sa isang taon na pagttrabaho ang halaga ng pure nard na ibinuhos ni Maria sa paanan ni Hesus. Second learning, give your best to God.
Ang alay ni Maria na pasasalamat at paglaan ng pure nard ay kinasiya ng Panginoon, bagay na hanggang ngayon ay pinaguusapan pa rin natin ang tagpong ito.
But wait there’s more. Sa bawat istorya maging sa ating buhay, ay may mga kontrabida o sabihin na nating challenges kahit na mabuti pa ang ginagawa mo. May nasasabi pa rin ang ibang tao kahit mabuti ang ating ginagawa katulad ng ginawa ni Judas Iscariote, isa sa 12 apostles of the Lord, isa sa mga kasama ni Hesus sa kanyang ministry, isa sa mga kaibigan at tinuring na kapatid ni Hesus. Pinansin niya na ang halaga ng pure nard ay makakapagpakain sa mga dukha. Ngunit kilala natin Si Judas bilang betrayer ni Hesus, alam natin na madali siyang matukso sa pera. Na kaya lamang niya sinabi ito ay para makakupit sa pera na maaaring makuha kapalit ang pure nard. Third lesson, huwag magpakaalipin sa pera kapalit ng pagsamba sa Diyos. Ibigay sa Diyos ang lahat sa atin sapagkat mula sa Kanya ang lahat ng mayroon tayo ngayon, buhay mo man, kakayahan, kapangyarihan o kayamanan (KKK).
At nawa na kahit tayo man ay may KKK, huwag tayong maging katulad ng mga saserdote (o mga pari ng panahong iyon) na puno ng inggit dahil marami nang umaaanib, nananalig kay Hesus, at ang gusto nila ay kung ano ang interpretation nila ng Kautusan ay iyon lamang ang tama. Galit sila kay Hesus sapagkat binulag sila ng kanilang KKK, idagdag mo pa na sila lang ang tama, at sila lang daw ang tagapamagitan ng Diyos. Dahil ayaw nilang makita ang righteousness na mayroon kay Kristo, ayaw nilang makita na may ibang tamang interpretation ang Kasulatan, nanatili sila sa kadiliman. Ayaw nilang may mas magaling pa sa kanila at nakakagawa pa ng himala.
Tayo’y lumapit kay Hesus at manatili sa Kanyang liwanag. Nang sa gayon, katulad ni Maria ay lagi nating ibigay ang ating best sa Panginoon at patuloy na magpasalamat at magpuri sa kanyang pangalan at sa kanyang gawa. Amen.
PAGNINILAY: Ano aral aral at hamon sa atin ni Hesus sa ebanghelyo ngayon?
Ang pagtanaw ng utang na loob at pagsukli sa kabutihan ng Diyos sa atin.
Ngayon Semana Santa ay samnatalahin natin ang panahong ito upang suklian ang kabutihang loob sa atin ni Hesus. Sa lahat ng ating mga biyaya buong taon, ang mga pagkain at inumin natin sa hapag, ang pagkakaligtas natin sa anumang sakuna, disgrasya, pandemya at sa tiyak na kamatayan, ang huo oa din ang pamilya, ang pananatili matin sa ating hanapbuhay at higit sa lahat ay buhay pa tayo. Gawin nating pasasalamat at pagtanaw ng utang na loob ang pagpapakabuti ngayong Semana Santa, pagpapakabuti na atin nmang itutuloy pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Hesus.
Lunes Santo. Umpisahan mo sa pagsisi sa mga nagawang kasalanan at kabalastugan sa buhay, ihingi ng kapatwaran ang mga kasuklam suklam na gawain at huli ay sikapin ng matalikuran ang kasamaan.
PAGNINILAY
Tayo ay palaging marangya at mapagbigay sa mga taong mahal natin. Hindi natin talaga iniisip ang problema at abala kapag umaabot tayo sa taong mahal natin. Gusto nating palaging ipadama sa ating minamahal na mahal at komportable sila. Hindi natin binibilang ang gastos dahil ang puso lang ang nakakaalam na pagmamahal lang ang mahalaga. Hindi natin masabi ang ‘Hindi’ sa ating mga mahal sa buhay kahit alam natin minsan na hindi maganda ang palayawin sila. Ngunit ang pag-ibig ay ganyan. Ginagamit natin ang puso kaysa sa ulo! Hindi ba ito ang paraan ng pagmamahal ng Diyos sa atin? Ang Kanyang paraan ng pagbibigay ng katarungan sa mga makasalanan at masasamang tao ay ang patawarin tayo at iligtas tayo; hindi para parusahan tayo!
Ang linggong ito ay isang magandang panahon para huminto at pag-isipan kung paano dumating si Hesus upang maglingkod sa halip na paglingkuran, at ibigay ang Kanyang buhay para sa atin at alalahanin din ang mga modelo para sa atin ng mapagmahal na aksyon ni Hesus sa paglilingkod. Dapat din nating sundin si Hesus sa daan ng pag-ibig. Makikita ba sa atin ang ating debosyon sa Panginoon lalo na sa ating paglilingkod sa mahihirap? Nawa’y gamitin natin ang ating puso sa pagmamahal at hindi ang ating ulo para maramdaman natin ang puso ng Diyos.
Panginoong Hesus, hayaan ang aming buhay na maging isang matamis na halimuyak upang maakit ang iba sa Iyo. Amen.
***
*Hiling ko pong isama ninyo ako sa inyong mga panalangin ngayon araw na ito (pati na rin ang mga kasama kong nagdiriwang) sa aking ika-75 na kaarawan. Salamat po at God bless.
***