Podcast: Download (Duration: 8:29 — 10.2MB)
Martes Santo
Isaias 49, 1-6
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Juan 13, 21-33. 36-38
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Tuesday of Holy Week (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 49, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Makinig kayong mga taong
naninirahan sa malalayong lugar,
pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang
at hinirang niya ako para siya’y paglingkuran,
mga salita ko’y ginawa niyang
sintalas ng tabak,
Siya ang sa aki’y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na palaso
na anumang oras ay handang itudla.
Sinabi niya sa akin,
“Israel, ikaw ay lingkod ko,
sa pamamagitan mo
ako’y dadakilain ng mga tao.”
Ngunit ang tugon ko,
“Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay
gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”
Gayunma’y itinitiwala ko sa Panginoon
ang aking kalagayan,
na ako’y gagantimpalaan sa aking nakayanan.
Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng Panginoon,
pinili niya ako para maging lingkod niya
upang tipunin ang nangalat na mga Israelita,
at sila’y ibalik sa bayang Israel.
Binigyan ako ng Panginoon ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat
ang aking karangalan.
Sinabi ng Panginoon sa akin:
“Israel na aking lingkod,
may mas mahalaga pa akong ipagagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik
sa mga Israelitang nalabi
ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa
upang lahat sa daigdig ay maligtas.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
h’wag mo akong pabayaang mapahiya at malupig;
tulungan mo ako ngayon yamang ikaw ay matuwid.
Ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Ikaw nawa ang muog ko at ligtas na kakanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako’y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo’y may tiwala na;
sa simula at mula pa wala akong inasahang
mag-iingat sa sarili, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Poon, pupurihin araw-araw.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan:
sapul pa sa pagkabata ako’y iyong tinuruan,
hanggang ngayo’y sinasambit ang gawa mong hinangaan.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Nagpupuri kami sa ‘yo,
Hari naming Hesukristo,
masunurin kang Kordero,
sa katubusan ng tao
hain sa krus ang buhay mo.
MABUTING BALITA
Juan 13, 21-33. 36-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, habang nakahilig kasama ng kanyang mga alagad, nagugulumihanang sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: ako’y ipagkakanulo ng isa sa inyo.” Nagkatinginan ang mga alagad; hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy.
Ang alagad na minamahal ni Hesus ay nakahilig na kalapit niya. Kinalabit siya ni Simon Pedro at sinabi, “Itanong mo kung sino ang tinutukoy niya.” Kaya humilig siya sa dibdib ni Hesus at itinanong: “Panginoon, sino po ba ang tinutukoy ninyo?” Sumagot si Hesus, “Ang ipagsawsaw ko ng tinapay, siya na nga.” At nang maisawsaw ang tinapay, ibinigay niya ito kay Judas na anak ni Simon Iscariote. Nang matanggap na ni Judas ang tinapay, si Satanas ay pumasok sa kanya. Sinabi ni Hesus, “Gawin mo na ang gagawin mo!” Ngunit isa man sa mga kasalo niya ay walang nakaalam kung bakit niya sinabi ito. Sapagkat si Judas ang nag-iingat ng kanilang salapi, inakala nilang pinabibili siya ni Hesus ng kakailanganin sa pista o kaya’y pinapaglilimos sa mga dukha. Nang makain na ni Judas ang tinapay, siya’y umalis. Gabi na noon.
Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Hesus, “Ngayo’y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao; at mahahayag din ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan niya. At kung mahayag na ang karangalan ng Diyos, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at gagawin niya ito agad. Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako; ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko sa mga Judio, ‘Hindi kayo makapupunta sa paroroonan ko.’”
“Saan po kayo pupunta, Panginoon?” tanong ni Simon Pedro. Sumagot si Hesus, “Sa paroroonan ko’y hindi ka makasusunod ngayon, ngunit susunod ka pagkatapos.” “Bakit po hindi ako makasusunod sa inyo ngayon?” tanong ni Pedro. “Buhay ko ma’y iaalay ko dahil sa inyo.” Sumagot si Hesus, “Iaalay mo ang iyong buhay dahil sa akin? Tandaan mo: bago tumilaok ang manok, makaitlo mo akong itatatwa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Marso 25, 2024
Miyerkules, Marso 27, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ngayong Mahal na Araw, tayong lahat ay pumapasok sa Misteryo ng Pagtubos ni Kristo: ang kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Ito ay ang mga huling sandali sa buhay ng ating Panginoon noong ipinahayag niya ang dapat matupad alinsunod sa dakilang kalooban ng Diyos Ama para sa ating kaligtasan. Subalit makikita natin na ang mga huling sandali ng buhay ni Hesus ay mga pain sa kanyang pagkatao, kabilang na rito ay ang kahinaan ng 2 sa kanyang mga Apostol: sina Hudas Iscariote at San Pedro.
Narinig natin sa Ebanghelyo kung paanong hinuha ng Panginoon sa Labindalawa na isa sa kanila ang magkakanulo sa kanya, at sila’y nagulat at nagtatanong-tanong sa sarili at sa isa’t isa. Pati nga si San Juan ay sumandal sa dibdib ni Hesus upang itanong kung sino. Matapos isawsaw ni Hesus ang tinapay sa alak at binigay kay Hudas, iniutos niya na bilisan nito ang gawaing iyon. Kaya agad umalis si Hudas at pumunta kay Caifas upang humingi ng mga guwardiyang mag-aaresto sa kanyang Panginoon. At alam naman natin na ipinagkanulo niya si Kristo sa halaga ng 30 piraso ng pilak. Subalit noong nalaman niya na si Hesus ay hinatulan ng Sanhedrin na kamatayan, siya’y bumalik at itinapon ang mga salapi bilang pagsisisi sa kanyang ginawang pagkakanulo. Kaya lang sa huli ay nagpakamatay siya.
Isinalaysay rin ng Ebanghelyo na hinuha ni Hesus ang pagkakaila sa kanya ni San Pedro nang tatlong beses bago tumilaok ang manok. Ito ay ang pagsubok ng katatagan ni Pedro kung siya’y tutupad sa kanyang pahayag na hindi siya babagsak. Subalit ang nangyari ay matapos madakip ang Panginoon at idinala sa konseho, tatlong beses na itinanggi ni Pedro sa mga nagtatanong na kilala niya si Kristo, at ang tilaok ng manok ay tanda na ganun nga ang pangyayari. Pero sa huli ay pinatawad ni Hesus na muling nabuhay si San Pedro sa pamamagitan ng tatlong beses ng pagpapahayag ng Apostol ng kanyang pagmamahal sa Panginoon, at inatasan siyang maging unang pastol ng kawang bumubuo sa Simbahan.
Ang binibigyang-pansin dito ay ang kahinaan nating mga tao na alam nating hindi tayo’y perpekto. Mayroon tayong kanya-kanyang pagkakasala at pagkukulang sa buhay. Subalit ngayong Mahal na Araw, tandaan po natin na mas malaki at higit pa ang grasya at pag-ibig ng Ama sa ating lahat. Kaya si Isaias sa Unang Pagbasa ay nagsasabi sa atin na tayo’y kinaawaan at ginawang mabuti ng Lingkod ng Diyos na si Hesukristo upang tayo’y mas maging matapat pa sa kanya. Kahit siya pa nga ay nasaktan noong ang ating mga kasalanan ay ipinako sa kanyang Krus, nanaig pa rin ang kanyang awa na mahalin tayo katulad ng pagmamahal sa kanya ng Ama, upang ang Diyos ay mahalin natin nang may buong puso, kaluluwa, at pag-iisip, at mahalin din natin ang ating kapwa gaya ng ating sarili.
PAGNINILAY
Kung sakaling isipin natin na tayo ay labis na nabahiran ng ating mga kasalanan, na maaari nating isipin kung maaari pa bang mahalin tayo ng Diyos. Hindi man tayo magsisi gaya ni Hudas, mahal pa rin tayo ng Diyos ng buong puso. Kaya’t maaari tayong magkaroon ng pagtitiwala na malaman na, anuman ang mangyari, palagi tayong tatanggapin ng Diyos sa Kanyang mapagmahal na mga bisig, dahil kahit na hindi tayo handang ialay ang ating buhay para kay Hesus, inialay na Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Maaari sana tayong makipagkasundo sa isang taong nasaktan natin o nanakit sa atin.
Panginoon Hesus, patawarin Mo kami sa maraming paraan ng pagtataksil namin sa Iyong pag-ibig. Amen.
***
PAGNINILAY SA MABUTING BALITA Jess C. Gregorio:
Lahat tayo ay makasalanan. Walang hindi nagkasala. Hindi natin kaya ang kapangyarihan ng kalaban. Mas malakas siya kaysa sa atin. Ang ating kamunduhan ay nagpaparaya. Nakahiga tayo sa sarap at karangyaan. Kung wala naman ay pinapangarap at sa unang pagkakataong mahandugan ay hahamakin ang lahat masunod lang ang layaw at ambisyon kahit na ang paraan ay kasalanan. Ako, ikaw, tayong lahat ay may katauhan ni Hudas. Ipinagkakanulo natin Siya kapalit ng pansamantalang kaligayahan. Nagtatago sa dilim baka masilayan, madumi nating buhay na minsan ay ating mismong kinasusuklaman. Kinakayan-kayannan tayo ng kalaban dahil sa ating kahinaan. Buti na lang may Diyos tayong hindi tayo iiwanan. Sakripisyong buhay ni Kristo ang nagsalba sa atin, ito ang susi para mapagtagumpayan, lahat ng pagsubok at malinis sa ating kasalanan. Kailangan magpakumbaba at aminin, kahihiyan ay lunukin, tanggapin na tayo ay salat at mahina, humingi ng tawad sa lahat ng nagawang masama. Ipinagkanulo natin si Kristo. Iyan ang totoo. Nagagawa kahit ng mga santo. Matapang na sumasambit na susunod at kakapit, sa huli ay matatauhan na lahat ay pawang mga palalo pag tilaok ng manok ng ikatlo. Mahirap man at mabigat, lahat ay pinadali na ni Kristo. Ang Espiritu ay isinugo, magkasala man, mga alagad binigyan ng kapangyarihang magpatawad, si Hesus ang nasa kanila kung iaabsolve ka na. Kapatawaran ay maibibigay, malilinis tayo ng lubusan, at dahil Templo na tayo ng Banal na Espiritu, kapangyarihan ay madaling manumbalik, Siya ang namumuhay sa atin. Matukso man at magkasala muli, makulit na kalaban pilit tayong pinapatid, sa palagiang pangungumpisal ay babasbasan tayo ng paulit-ulit. Ito ang ginawa ni Hesus para sa atin, pamamaraan niya ay ating mahalin. Huwag ipagwalang bahala, ating kaluluwa araw-araw ay nanganganib, pag binawi ang buhay at tayo ay madumi, kung wala na ang Banal na Espiritu nanahan sa atin, anumang dasal at hiling na tayo ay patawarin, wala ng silbi dahil sa tigas ng ulo natin. Naghihintay si Hesus sa mga kumpisalan. Humangos at pumaroon habang kaya pa natin.
PAGNINILAY
Kung sakaling isipin natin na tayo ay labis na nabahiran ng ating mga kasalanan, na maaari nating isipin kung maaari pa bang mahalin tayo ng Diyos. Hindi man tayo magsisi gaya ni Hudas, mahal pa rin tayo ng Diyos ng buong puso. Kaya’t maaari tayong magkaroon ng pagtitiwala na malaman na, anuman ang mangyari, palagi tayong tatanggapin ng Diyos sa Kanyang mapagmahal na mga bisig, dahil kahit na hindi tayo handang ialay ang ating buhay para kay Hesus, inialay na Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Maaari sana tayong makipagkasundo sa isang taong nasaktan natin o nanakit sa atin.
PRAYER: Panginoon Hesus, patawarin Mo kami sa paraan ng pagtataksil namin sa Iyong pag-ibig. Amen.
Two pictures of betrayal. One led to eternal damnation, the other led to repentance and glorification. One is Judas, the other is Peter.
The ones who betrayed Jesus, are the ones closest to Him. Ang sakit di ba? Itinuring ni Hesus si Judas bilang kaibigan, kapatid, kasama Niya araw-araw sa kanyang ministry, at may mga times pa nga na si Judas mismo ay nakapgpapagaling ng maysakit at nakapagpapalayas ng mga demonyo noong Jesus sent out the 12 disciples (not explicitly illustrated but implied because Judas is one of the 12 disicples).
Imagine this, nagsisimba tayo araw-araw, maaaring ikaw ay pari o madre o kaya naman ay nagsisilbi sa church bilang lector, mother butler, katekista, at thru us, ay nabbless ang ibang tao sa ating mga pagtuturo, pagbibigay, pagsuporta both physically, financially or emotionally. Ngunit dumarating pa rin ang time, na sa palagay ko’y araw-araw din naman, na tayo’y natutukso at nadadala rin sa tukso, at pagkagayon ay tuluyang nagkakasala, maliit man o malaki.
Alam ni Hesus na minsan o madalas ipagpapalit natin Siya sa kasalanan, over what satisfies us in this world, over our convenience in this world, over our priorities in this world. Ngunit tayo’y hinahayaan Niyang gawin ang gusto nating gawin. Bakit? Kase ayaw Niyang parang robot lang ang mga tagasunod Niya. Gusto Niyang out of our own will and power, ay sumunod at maniwala tayo sa Kanya, until the end, even in adversaries, kahit na nalugmok tayo sa kasalanan, kahit na nalugmok tayo sa hirap ng loob dulot ng kasalanang ating ginawa. Yes, as long as we live, we are invited to turn back to Him always.
Fast forward sa ginawa ni Hudas at Pedro. Ang reaction ni Hudas sa ginawa niyang pagtataksil? Pagpapakamatay. Nanaig ang ego niya at hindi naniwalang kaya siyang patawarin ng Panginoon. Hindi siya naniwalang kaya siyang iligtas ng Panginoon. Ngunit kabaligtaran nito ang ginawa ni Pedro na itinanggi ang Panginoon. Si Pedro ang maicoconsider na nasa inner circle ni Hesus kasama ni Juan at Santiago. Marahil ay puno ng pagsisisi at hiya ang kanyang nararamdaman matapos niyang marealize na itinatwa niya si Hesus. Ang lakas pa naman ng loob niya para sabihing never niya Siyang itatatwa, ngunit nadala din siya ng sitwasyon at takot. Nagkasala din siya at napahiya. Isang bagay na obvious kase di niya sinaksihan ang pagdurusa at pagkapako ni Hesus. Ngunit ang resulta ng pagtatwa ni Pedro ay hindi nagend up in vain. Sa halip, dahil sa matinding pagsisisi sa kanyang puso, nireinstate siya ni Hesus. Kung paanong tatlong beses na itinatwa ni Pedro ni Hesus, tatlong beses din niyang sinabing mahal niya si Hesus. Thanks be to God! Sapagkat ang pagsisisi sa kasalanan ay nagdudulot ng kapatawaran sa pangalan ni Hesus na ating Panginoon.
Kapatid, kung may kasalanan tayo sa ating kapwa, kung may kasalanan tayo sa Diyos, magsisi tayo at talikdan ito. God will always welcome you into His kingdom, into His embrace. Huwag panaigin ang thought na walang kapatawaran ang ating ginawa sapagkat sa Diyos ay laging may kapatawaran. Kung hindi ka man pinapatawad pa ng taong nagawan mo ng kasalanan, patuloy kang manalig at manalangin.
Ang evaluation ng ating faith at pagsunod kay Hesus ay nalalaman lang natin base sa kung anong ginawa natin kung dumating ang tukso, o kung tayo ma’y nagkasala dahil nadala tayo sa sitwasyon, kung ano ang reaction natin sa ating nagawang pagkakasala. Tayo ba’y puno ng ego, o tayo ba’y puno ng pagsisisi?