Miyerkules, Marso 27, 2024

March 27, 2024

Miyerkules Santo

Isaias 50, 4-9a
Salmo 68, 8-10. 21bkd-22. 31 at 33-34

Poon, ako’y iyong dinggin
sa panahong ‘yong ibigin.

Mateo 26, 14-25


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Wednesday of Holy Week (Violet)

UNANG PAGBASA
Isaias 50, 4-9a

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang Makapangyarihang Panginoon
ang nagturo sa akin ng sasabihin ko,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga’y
nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan niya ako ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.
Hindi ako tumutol
nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo
nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin
ang buhok ko’t balbas,
gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y
di ko pinapansin,
pagkat ang Makapangyarihang Panginoon
ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis
pagkat aking batid
na ang sarili ko’y di mapapahiya.
Ang Diyos ay malapit
at siya ang magpapatunay na wala akong sala.
May mangangahas bang maghabla sa akin?
Magharap kami sa hukuman,
at ilahad ang kanyang bintang.
Ang Panginoon mismo ang magtatanggol sa akin.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 68, 8-10. 21bkd-22. 31 at 33-34

Poon, ako’y iyong dinggin
sa panahong ‘yong ibigin.

“Dahilan sa iyo, ako’y inaglahi,
napahiyang lubos sa pagkaunsiyami.
Sa mga kapatid parang ako’y iba,
kasambahay ko na’y di ako kilala.
Ang pagmamahal ko sa banal mong templo,
matinding-matindi sa kalooban ko;
sa akin bumagsak, paghamak sa iyo.

Poon, ako’y iyong dinggin
sa panahong ‘yong ibigin.

Kaya naman ako’y wala nang magawa;
ang inasahan kong habag ay nawala,
ni walang umaliw sa buhay kong aba.
Sa halip na pagkain, nang ako’y magutom,
ang dulot sa aki’y mabagsik na lason.
Suka at di tubig ang ipinainom.

Poon, ako’y iyong dinggin
sa panahong ‘yong ibigin.

Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
dadakilain ko’t pasasalamatan.
Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo’y di nalilimutan.

Poon, ako’y iyong dinggin
sa panahong ‘yong ibigin.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA

Nagpupuri kami sa ‘yo,
Hari naming Hesukristo,
ang pagdamay mo sa tao
ay talagang patotoo
na kami’y minamahal mo.

o kaya:

Nagpupuri kami sa ‘yo,
Hari naming Hesukristo,
masunurin kang Kordero,
sa katubusan ng tao
hain sa krus ang buhay mo.

MABUTING BALITA
Mateo 26, 14-25

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong saserdote. “Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Hesus?” tanong niya. Noon din ay binilangan nila siya ng tatlumpung salaping pilak. Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Hesus.

Dumating ang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura. Lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?” Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lunsod at hanapin ninyo ang taong ito. Sabihin sa kanyang ganito ang ipinasasabi ng Guro: ‘Malapit na ang aking oras. Ako at ang mga alagad ko’y sa bahay mo kakain ng Hapunang Pampaskuwa.’” Sinunod ng mga alagad ang utos ni Hesus, at inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.

Nang gabing yaon, dumulog sa hapag si Hesus, kasama ang labindalawang alagad. Samantalang sila’y kumakain, nangusap si Hesus, “Sinasabi ko: isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.” Nanlumo ang mga alagad, at isa’t isa’y nagtanong sa kanya, “Ako po ba, Panginoon?” Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat, ngunit sa aba ng magkakanulo sa kanya! Mabuti pang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” Si Judas, na magkakanulo sa kanya, ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Hesus, “Ikaw na ang nagsabi.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Melba G. De Asis April 17, 2019 at 6:06 am

Kadalasan sa buhay ng tao ang kanyang kaibigan pa ang siyang nagkakanulo sa kanya. Ito ang nangyari sa Panginoon, isa sa mga apostoles niys na si J udas Iscariote ang nagkalulo sa Kanys dahil lang sa kaunting salapi na ibibigay sa kanya. Bibihira sa tao ang magkaroon ng tapat na kaibigan at madalas ang kaibigan pa ang nagiging mortal na kaaway ng isang tao. Pangonoon nawa’y hanggang sa huling sandali ako ay maging isang tapat na kaibigan. Amen

Reply

Reynald Perez April 8, 2022 at 2:36 pm

PAGNINILAY: Ngayong Miyerkules Santo, ito’y popular na tinatawag bilang “Spy Wednesday” sapagkat inaala nitong araw na ito ang pagbubunyag ni Hesus sa kanyang traydor. Ito yung narinig natin sa Ebanghelyo noong si Hudas Escariote ay pumunta sa mga punong saserdote, matatanda ng bayan, eskriba, at Pariseo upang tanungin magkano ang ibibigay nila sa kanya kapag ibinigay niya si Hesus sa kanila. At nagkasunduan sila na pagbayaran siya ng 30 pilak. At hindi nagtagal noong si Hesus ay nasa Huling Hapunan kasama ang kanyang mga Apostol, nabagabag siya nang aminin niya sa lahat na mayroon isa sa kanila ang magkakanulo sa kanya. Labis nagtaka ang 11, at paisa-isang nagtatanong kung sila ba ang gagawa ng ganyang klaseng kasalanan. Tinukoy ni Hesus na ang taong iyon ay sabay na sumasawsaw sa mangkok kasama niya. Kaya lahat ay nagulat nang malaman nilang si Hudas pala ang traydor sa kanilang kasamahan. Agad umalis si Hudas kasama ang pera para bigyan ng pagkakataong hulihin ng mga pinuno at mga kawal nito si Hesus.

Marahil maraming taong nagtataka kung ano nga ba ang layunin ni Hudas Escariote kung bakit niyang ipinagkanulo ang Panginoon. At higit pa diyan, magtataka rin tayo kung bakit imbes na humingi siya ng tawad kay Kristo dahil inamin niyang nagkamali siya kaya itinapon pabalik ang pera sa Sanhedrin, ay nagpakamatay siya sa pamamagitan ng pagbibitay sa sarili. At marami nang mga eksperto sa Bibliya, teologo, at pati na rin mga patristikong ama ng ating Simbahan ay nagsulat ng kanilang mga pagninilay tungkol sa apostol na ito. At marahil may mga taong nais ipagtanggol si Hudas na kahit mali ang ginawa niya, hindi pa raw dapat natin husgahan ang kanyang pagkatao sapagkat siya’y nagsisi naman sa huli, kaya ang Diyos na ang may awa at hatol sa kanya. Anupamang bagay na iyon tungkol sa kanya na nais nating palalimin bilang mga Kristiyano, hindi pa rin mawawalay sa katotohanang ipinagkanulo ni Hudas Escariote si Hesus gamit ang 30 pilak. At ang aksyong ito ni Hudas ay nagbigay-daan sa mga pagkasunud-sunod na sinapit ng ating Panginoong Hesukristo ukol sa kanyang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus. Subalit nangyari ang mga bagay na ito bilang katuparan sa kalooban ng Diyos Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Narinig natin sa Unang Pagbasa ang Ikatlong orakulo ni Isaias tungkol sa Lingkod na Panginoon, na kahit siya’y pinagtaksilan, pinaglurhan, pinag-insultuhan, at pinagtawanan, si Kristo ay naging masunurin pa rin sa kalooban ng Ama. Alam ni Hesus na kahit siya’y sumigaw mula sa Krus na “Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan”, alam niya na may isang mabuting mangyayari kapalit ng kanyang pagdurusa. At iyon ay ang biyaya ng kaligtasan na kahit tayo’y nagkasala sa Panginoon, hindi niya tayo sinuko. Bagkus inalay niya ang kanyang buhay dahil sa tatlong bagay:
1. Upang makita natin ang kalagayan ng kasalanan at kung paano itong pinuputol ang ating relasyon sa kanya, na hindi dapat tayo’y mamuhay sa kasalanan.
2. Upang tayo ay magkaroon pa ng bagong pagkakataon na baguhin ang ating sarili at sumikap na gumawa pa ng katuwiran at kabutihan sa kapwa, alinsunod sa mga utos at atas niya.
3. Upang mapahalagaan natin ang kahulugan ng pagdurusa, na hindi dapat palaging iniisip na “kanyang parusa sa atin”, kundi upang mas maging matatag pa ang ating pananampalataya at pagsisikap sa kanya, na balang araw malalampasan natin ang bawat pagsubok.

Reply

Malou Castaneda March 26, 2024 at 10:28 pm

PAGNINILAY:
Lahat tayo ay nakaranas ng pagtataksil sa iba’t ibang panahon sa ating buhay at sa iba’t ibang grado. Ang ilang mga pagtataksil ay maliit at sa gayon, maaaring mas madali silang mapatawad. Ang ibang mga pagtataksil ay nagpapabago ng buhay. Maaaring iba na ang landas ng ating buhay pagkatapos ng pagtataksil. Malamang din na ang karanasang ito ay maaaring maging napakahirap para sa atin na magtiwalang muli sa sinumang tao. Naiintindihan ng ating Panginoong Hesus ang pagtataksil. Siya ay ipinagkanulo ng isa sa Kanyang mga pinakamalapit, pinagkakatiwalaang kaibigan at tagasunod, si Judas. Ang kanyang pagtataksil ay maaring labis na nakasakit kay Hesus. May mga pagkakataon ba sa ating buhay na pinagtaksilan rin natin si Hesus? Patatawarin tayo ni Hesus! Ngunit mapapatawad ba natin ang ating sarili? Si Hesus ay hindi tumitigil sa pagmamahal sa atin, anuman ang ating gawin! Patuloy tayong inaanyayahan ni Hesus na lumapit sa Kanya! Makibahagi nawa tayo sa Sakramento ng Kumpisal para sa mga paraan na pinagkaila natin ang ating Panginoon sa pamamagitan ng ating mga salita o gawa.

Panginoon, bigyan Mo kami ng biyaya na maging tapat sa Iyo habang pinapasan namin ang aming krus at sumusunod sa Iyo. Amen.
***

Reply

Jess C. Gregorio March 27, 2024 at 9:45 am

PAGNINILAY SA MABUTING BALITA ni Jess C. Gregorio:

Karaniwang may hinihiling na kapalit na kayamanan, puwesto sa lipunan, katanyagan, o kahit anu pa man na pansariling kapakanan ang mga nagkakanulo ng mga tao o ng sikreto nilang nalalaman. Ito ang tatak ng kalaban na ang pakay ay makinabang sa pamanaraan ng mundo na walang pakialam sa mga masasaktan o mamatay basta sila ay malalagayan. Ang iba ay higanti sa kinapopootan sa dahilang hindi sumang-ayon sa kanilang gusto, plano, at kaalaman. Na pindot ika nga pride na pinagkakaingatan. Hindi matanggap ang anumang plano, kahit na Diyos ang nag utos, pilit pa rin gagamitin impluwensiya at puwesto sa mga taong katulad niya. Ito ang ginawa ni Hudas. Lahat tayo ay may katauhang tulad niya. Mapusok. Makasarili. Makamundo. At nagpapatianod sa kagustuhan ng demonyo. Pinili natin. Ginusto. Kaya sa huli ang sasabihin lang ni Kristo sa mga katanungan nating, “Guro, ako ba?” ay malutong na patungkol na, “Ikaw na ang nagsabi.” Ang sino man sa atin ang nagsasabing hindi tayo si Hudas ngunit nakikita naman na hindi sumusunod sa mga Salita Niya ay sinungaling. Ang sumusuway sa lahat ng mabuting gawi at patuloy nabubulid sa kasalanan habang sumasamba na akala mo ay santo-santita sa simbahan ay huwad at Hudas na naturingan. Nakikihalo at naging apostoles pero may balak pa lang manira at magkanulo ng Kristong nagtuturo. Kaplastikan at ang gusto ay maging banal sa mata lang ng tao. Lalong-lalo na tayo na sadyang lumayo at tumalikod sa pinaniniwalaan, nahumaling sa ating kakayahan at talino, na para bagang hindi na tayo maigugupo. Wala tayong lakas. Wala tayong talino. Paglalaruan tayo ng kalaban, tatawanan, at lilibakin, saan tayo pupunta pagdating ng panahon na hindi na natin kaya? Walang iba kundi sa Kanya! Sa kabila ng ating kahibangan at kayabangan, si Hudas ay hindi pinagalitan, may pagkakataon pa sana kung hindi siya lumisan, o kung nagawa man dahil plano ng Panginoon, ay nagbalik loob at hindi isinabit ang sarili sa puno ng kamatayan. Huli na, hindi niya narinig sinabi ni Hesus sa krus, “Ama, patawarin nyo sila at hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” Ang pagliligtas ay para sa lahat kahit sino ka man. Banal o makasalanan, matanda o bata, may ngipin o wala, bakla o tomboy, maputi o maitim, pandak o matangkad, o kahit ano pa man, basta taong kinatha, lahat ay minahal at inalayan ng Buhay ng Maykapal para maisalba sa kasalanan. May pag asa pa sana si Hudas kung hindi niya kinitil ang buhay niya. Kahit sa bungad ng kamatayan ay may pride ang mga taong itiniwalag ang Diyos ng tuluyan. Magbalik loob tayo. Mangumpisal at ilahad ng husto ang ating mga kasalanan. Patatawarin tayo ni Hesus. Makisama sa mga Misa at mangumunyon ng makasama natin Siya. At makipagkuwentuhan kay Kristo sa Adoration Chapel na parang kaibigan lang, umiyak at tumawa sa piling niya, bakit pa aasa sa tao at mundo kung anduon naman Siya.

Reply

Rex Barbosa March 27, 2024 at 12:21 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Mateo 26, 14-25

PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo

Ipinapaalala sa atin ang pagtataksil at panlilinlang na naranasan natin sa ating buhay. Ngunit masayang malaman na ang Diyos ay laging nating kasama at ililigtas tayo mula sa mga ganitong sitwasyon.

Binibigyan tayo ng Diyos ng kapayapaan sa gitna ng ating mga paghihirap at pagdurusa. Kayat maging matatag lagi sa ating pananampalataya upang matanggap natin ang kanyang biyaya.

Mga kapatid may mga pagkakataon sa buhay na ipinagkanulo rin natin si Hesus. Ngunit hinding hindi Siya titigil mahalin at anyayahan tayong lumapit sa kanya anuman ang gawin natin!

Sa mga ganitong pag kakataon nagbalik loob ka ba sa Kanya?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: