Huwebes, Marso 28, 2024

March 28, 2024

Huwebes Santo

Pagmimisang may Pagbabasbas ng Langis

Isaias 61, 1-3a. 6a. 8b-9
Salmo 88, 21-22. 25 at 27

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Pahayag 1, 5-8
Lucas 4, 16-21


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Chrism Mass (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 61, 1-3a. 6a. 8b-9

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Pinuspos ako ng Panginoon
ng kanyang Espiritu.
Hinirang niya ako
upang ang magandang balita’y
dalhin sa mahihirap,
pagalingin ang sugat ng puso,
palayain ang mga bihag at bilanggo.
Sinugo n’ya ako,
upang ibalitang ngayo’y panahon nang
iligtas ng Panginoon ang mga tao na hinirang niya,
at upang lupigin lahat ang mga kaaway;
ako ay sinugo upang aliwin ang nangungulila,
upang ang tumatangis
na mga taga-Sion ay paligayahin.
Sa halip ng lungkot,
awit ng pagpuri yaong aawitin;
upang ang langis ng kagalakan
ay ihatid sa tanan;
ang Diyos na Panginoon
iingatan sila at kakalingain.
Ngunit kayo nama’y
siyang maglilingkod sa Diyos na Panginoon,
kayo ay gagawin niyang saserdote.
Ang kayamanan ng ibang bansa’y
inyong makakamtan,
aariin ninyong may galak sa buhay.
Ang sabi ng Panginoon:
“Ako’y namumuhi sa pagkakasala at pang-aalipin,
gawang katarungan ang mahal sa akin.
Gagantimapalaan ko ang mga taong tapat sa akin,
walang hanggang tipan ang aking gagawin.
Itong lahi nila
ay makikilala sa lahat ng bansa,
pati anak nila’y
makikilala rin sa gitna ng madla;
sila’y kikilanling anak ng Panginoon saanman makita,
at tatawaging bayang pinagpala, hinirang ng Panginoon.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 21-22. 25 at 27

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Ang piniling lingkod na ito’y si David,
aking pinahiran ng banal na langis.
Kaya’t palagi ko siyang aakbayan
at siya’y lalakas sa aking patnubay.

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Ang pagtatapat ko’t pag-ibig na wagas,
ay iuukol ko’t aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
tagapagsanggalang niya’t Manunubos.

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

IKALAWANG PAGBASA
Pahayag 1, 5-8

Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag

Sumainyo ang pagpapala at kapayapaan mula kay Hesukristo, ang tapat na saksi, ang unang nabuhay sa mga patay, at Hari ng mga hari sa lupa.

Iniibig niya tayo, at sa kanyang pagkamatay ay pinalaya niya tayo mula sa ating mga kasalanan. Ginawa niya tayong isang liping maharlika upang maglingkod sa Diyos at kanyang Ama bilang mga saserdote. Kay Hesukristo ang kapurihan at kapangyarihan magpakailanman! Amen. Pakatandaan ninyo! Darating siyang nasa mga alapaap, makikita ng lahat, pati ng umulos sa kanyang tagiliran; dahil sa kanya, iiyak ang lahat ng lipi sa lupa. Magkakagayon nga. Amen.

“Ako ang Alpha at ang Omega,” wika ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, Diyos sa kasalukuyan, sa nakaraan, at siyang darating.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Isaias 61, 1 (Lucas 4, 18)

Espiritu ng Poong D’yos
sa akin ay lumulukob.
Ako’y sugo niyang lingkod
nang sa dukha’y maidulot
ang balita ng pagtubos

MABUTING BALITA
Lucas 4, 16-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, umuwi si Hesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:

“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
At sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”

Binalumbon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez April 8, 2022 at 2:48 pm

PAGNINILAY: Ang Huwebes Santo ay ang katapusan ng Kuwaresma at ang simula ng Banal na Triduo. Sa araw na ito, ginugunita natin hindi lang ang pagtatag ni Hesus ng Sakramento ng Eukaristiya, kundi pati na rin ang Sakramento ng Banal na Orden. Kung binigay ni Kristo sa atin ang kanyang Katawan at Dugo sa Huling Hapunan, ipinamana rin niya ang mga taong isasariwa ang paggunitang ito, at iyan ang mga kaparian. Kaya sa Misa ng Krisma, inaalala ng lahat ng mga Pari ng bawat Diyosesis ang kanilang mga pangakong isinumpa nila sa Diyos noong sila’y inordenahan. At gayundin ay ang binasbasan ng Obispo ang mga langis upang ibigay sa bawat parokya na gagamitin sa paghihirang ng mga bagong binyagan at kumpilan at ang paggaling sa mga maysakit. Makikita natin sa mga pagbasa kung paanong tunay nga ang ating Panginoong Hesukristo ay tunay na hinirang ng Diyos Ama upang tuparin ang misyon ng kaligtasan. Sa katunayan, ang salitang “Mesiyas” at “Kristo” ay nangangahulugang “Ang Hinirang ng Diyos”.

Ang Unang Pagbasa ay ang gawain at misyon ng Lingkod upang ipadala ang Mabuting Balita sa mga mahihirap, magpalaya ng bilanggo, hilumin ang mga maysakit, at magpahayag ng isang taon ng grasya ng Panginoon. At ang Ebanghelyo ay ang patotoo ni Hesus sa harap ng kanyang mga kababayan na siya ang tumutupad sa propesiyang iyon. Dahil sa kagandahang-loob na ipinamalas ni Kristo hanggang sa kanyang pag-aalay ng buhay sa Krus, siya’y dinakila ng Ama upang pagharian ang sansinukob. Kaya ang Ikalawang Pagbasa ay nagpapaalala sa atin na minahal tayo ng Panginoon kaya namatay siya sa Krus at muling nabuhay. Binigyan niya tayo ng bagong buhay upang maging mga matapat na anak ng Kataas-taasan. At balang araw, siya ay babalik upang itupad ang pangako ng buhay na walang hanggan.

Kaya kailangan natin gawing makabuluhan ang buhay natin at ang relasyon natin sa kapwa. Gawin po natin ang tama at matuwid hindi lang ngayong Semana Santa, kundi pati na rin sa pang-araw-araw na buhay. At nawa’y isama po natin sa ating panalangin ang lahat ng mga kaparian at relihiyoso upang mas maging matapat sila sa pagtawag sa kanila ng paglilingkod sa Diyos at sa sambayanan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: