Podcast: Download (Duration: 10:42 — 12.2MB)
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon
Exodo 12, 1-8. 11-14
Salmo 115, 12-13. 15-16bk. 17-18
Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.
1 Corinto 11, 23-26
Juan 13, 1-15
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Thursday of the Lord’s Supper (White)
UNANG PAGBASA
Exodo 12, 1-8. 11-14
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon: Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Mula ngayon, ang buwang ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong pamayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat puno ng sambahayan ay pipili ng isang kordero o bisirong kambing para sa kanyang pamilya. Kung maliit ang pamilya at hindi makauubos ng isang buong kordero, magsasalo sila ng kalapit na pamilya, na hindi rin makauubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang kordero ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. Kailangang ang kordero ay lalaki, isang taong gulang, walang pinsala o kapintasan. Kung walang tupa ay kahit kambing. Aalagaan itong mabuti hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang kordero. Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa mga hamba at sombrero ng pintuan ng bahay na kakainan ng kordero. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaning kasama ng tinapay na walang lebadura at ng mapapait na gulay. Ganito naman ang magiging ayos ninyo sa pagkain nito: nakabigkis, nakasandalyas at may tangang tungkod; dalidali ang inyong pagkain nito. Ito ang Paskuwa ng Panginoon.
“Sa gabing yaon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao o hayop man. At parurusahan ko ang lahat ng diyus-diyusan sa Egipto. Ako ang Panginoon. Lalampasan ko ang lahat ng bahay na makita kong may pahid na dugo, at walang pinsalang mangyayari sa inyo sa pagpaparusa ko sa buong Egipto. Ang dugo ang siyang magiging palatandaan na Israelita ang nakatira sa bahay na iyon. Ang araw na ito’y ipagdiriwang ninyo magpakailanman bilang pista ng Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 12-13. 15-16bk. 17-18
Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.
Sa Diyos ko’t Panginoon, ano’ng aking ihahandog
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.
Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos
yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.
Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.
Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.
Sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 11, 23-26
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo: ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Gayon din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi, “Ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo sa pag-alala sa akin.” Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 13, 34
Ang bagong utos ko’y ito:
mag-ibigan sana kayo
katulad ng ginawa ko
na pagmamahal sa inyo,
ang sabi ni Hesukristo.
MABUTING BALITA
Juan 13, 1-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Bisperas na ng Paskuwa. Alam ni Hesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.
Naghahapunan si Hesus at ang mga alagad. Naisilid na ng diyablo sa isip ni Judas, anak ni Simon Iscariote, ang pagkakanulo kay Hesus. Alam ni Hesus na ibinigay na sa kanya ng Ama ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya’y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya’t nang sila’y naghahapunan, tumindig si Hesus, naghubad ng kanyang panlabas na kasuotan, at nagbigkis ng tuwalya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. “Panginoon,” sabi niya, “diyata’t kayo pa ang maghuhugas ng aking mga paa?” Sumagot si Hesus, “Hindi mo nauunawan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.” Sinabi sa kanya ni Pedro. “Hinding-hindi ko po pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa.” “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin,” tugon ni Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro, “Panginoon, hindi lamang po ang mga paa ko, kundi pati ang aking kamay at ulo!” Ani Hesus, “Maliban sa kanyang mga paa, hindi na kailangang hugasan pa ang naligo na, sapagkat malinis na ang kanyang buong katawan. At malinis na kayo, ngunit hindi lahat.” Sapagkat alam ni Hesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya sinabi niyang malinis na sila, ngunit hindi lahat.
Nang mahugasan na ni Hesus ang kanilang mga paa, siya’y nagsuot ng damit at nagbalik sa hapag. “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?” tanong niya sa kanila. “Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong mahugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Marso 28, 2024
Biyernes, Marso 29, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Pagkatapos ng 40 araw ng Kuwaresma, sinisimulan natin ngayon ang pinakaruruok ng Taong Panliturhiya ng Simbahan: ang Banal na Triduo. Ito’y nagsisimula sa gabi ng Huwebes Santo sa Pagmimisa sa Takipsilim ng Paghahapunan ng Panginoon. Ang Huwebes Santo ay ang pinakamatandang kapistahang ipinagdiriwang ng ating Simbahan ng maraming taong nakalipas. Dito ay inaalala natin ang pagkakatag ni Kristo sa Sakramento ng Eukaristiya noong siya’y nasa Huling Hapunan kasama ang 12 Apostol. Ang Eukaristiya ay ang ating patuloy na pagsasalo sa ginawa niya noong siya’y nagpakasakit, namatay, at muling nabuhay.
Ang Eukaristiya ay ang bagong saluhan ng Paskuwa. Ang Unang Pagbasa ay ang utos ng Panginoong Diyos kay Moises na alalahanin ng sambayanang Israel ang kanilang paglilikas mula sa Egipto sa pamamagitan ng Pista ng Paskuwa. Dito inilaan ang mga paghahanda katulad ng pagpipinutra ng mga poste ng kanilang pinutuan gamit ang dugo ng mga kordero. Ito’y tanda na darating ang anghel ng Paskuwa upang sila’y iligtas at matikman ng mga Egipcio pati na si Faraon ang kapangyarihan ni Yawe. Kaya tuwing ika-14 ng Abril, ipinagdiriwang ng mga Hudyo ang Pista ng Paskuwa alang-ala sa kanilang paglilikas mula sa pagkaalipin ng mga mabagsik na bansa katulad ng Egipto. Ngunit sa mga nagdaang taon, ang bagong kordero ng Paskuwa ay ang ating Panginoong Hesukristo na siyang gumanap sa walang hanggang handog upang iligtas tayo sa pagkaalipin ng kasalanan. At ito’y nangyari sa pamamagitan ng kanyang Misteryong Paskwal.
Kaya maganda ang paalala ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang bawat Misa na ating pinagsasaluhan, ito ay ang paggunita sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Kaya ang gabi na ibiniyaya niya sa atin ang Eukaristiya, ipinagkaloob din niya sa atin ang mga Pari na magiging katuwaan niya upang ikonsagrahin ang tinapay at alak na maging tunay na kanyang Katawan at Dugo. At sabi nga ni Pablo na tuwing tayo’y nakikisalo sa 2 sangkap na iyan, ipinahahayag natin na si Kristo’y tunay ngang namatay at muling nabuhay, at hinahangad natin balang araw ang kanyang muling pagbabalik sa wakas ng panahon.
Ang Eukaristiya ay isang hamon ng pag-ibig katulad ng ipinamalas ng Diyos nang ibigay niya ang kanyang Bugtong na Anak. Makikita natin sa Misa ng gabi ng Huwebes Santo ang paghuhugas ng paa ng 12 taong kumakatawan sa 12 Apostol (mas maaari kung sila’y mga kalalakihan). Ito’y tanda ng Ebanghelyong binasa na hinugasan ni Hesus ang paa ng 12 Apostol bilang paalala na ang kanyang pagka-Mesiyas ay nakasentro sa pagmamahal at paglilingkod. Iniatas niya sa mga alagad na katulad ng ginagawa niya, sila rin ay maglingkod sa isa’t isa at sa kanilang kapwa. Ang dakilang pagtubos ni Kristo ay tanda ng kanyang paglilingkod sa atin katulad ng sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat” (kabanata 10, bersikulo 45).
Minahal tayo ng Ama katulad ng pagmamahal ng Anak sa atin kaya inialay niya ang kanyang buhay sa Krus, kaya ang hamon at atas sa atin ay magmahalan tayo. At sa paghuhugas ng paa, ang pagmamahal ay nakikita sa ating pagpapakumbaba at paglilingkod sa isa’t isa. May kaibahan ang pagiging “pinuno” sa pagiging “boss”. Kapag sinabi nating “boss”, siya ang may karapatang mag-utos at maghari sa isang grupo. Subalit kapag sinabi nating “pinuno”, siya ang namumuno sa grupo at higit diyan ay isang gabay at alalay ng bawat miyembro. Iyan ang naging halimbawa ni Hesus kaya siya’y Hari ng Sansinukob.
Kaya tayo’y dumadalo ng Misa upang paalalahanin sa atin na tayo’y magkapatid sa iisang Panginoon. At ngayong Semana Santa, isabuhay natin ang diwa ng Misteryong Paskwal sa pagsunod sa halimbawa ni Hesuskristo na magpakumbaba at maglingkod bilang pagmamalas ng ating pagmamahal sa bawat isa.
PAGNINILAY
Jesus Tells us to be HUMBLE.
“Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin,”
A TRUE mark of a Christian Believer is Humbleness.
PAGNINILAY
Ang Huwebes Santo ay tungkol sa pag-ibig at pagkakawanggawa, kung saan si Hesus ang tunay na sagisag ng mga ito. Ang puso ng pagkakawanggawa ay pagpapatawad. Isa sa pinakamahirap na gawain ng pagkakawanggawa ay ang pagpapatawad sa mga nakasakit sa atin at ang pakikipagkasundo sa kanila. Madaling pinatawad tayo ni Hesus sa ating mga kasalanan at pagkukulang. Gayon din ang dapat nating gawin, maghain ng kapatawaran sa mga nagtaksil sa atin, lalo na dahil sa kahinaan, upang magkaroon ng pagkakasundo at kagalingan. Marami sa atin ang katulad ni Pedro, hindi kayang tanggapin o kilalanin ang ating mga kahinaan. Kung tayo ay nagsisisi, makatitiyak tayo ng walang pasubaling pagpapatawad sa atin ng Diyos. Ang Diyos ay hindi sumusuko sa atin kahit gaano tayo nagkasala. Hindi siya sumuko kay Hudas o Pedro. Sa pagtanggap ng kapatawaran ng Diyos ng walang pasubali, tinatawag din tayong magpatawad sa iba. Maaari na ba tayong magbigay ng kapatawaran sa mga nagkasala sa atin? Nawa’y maalala natin ang magbigay ng isang maliit na aksyon ng pag-ibig habang ipinagdiriwang natin ang dakilang regalo ng pag-ibig na si Hesus noon at ngayon!
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming tularan ang Iyong halimbawa ng mapagmahal na paglilingkod. Amen.
***
PAGNINILAY SA MABUTING BALITA ni Jess C. Gregorio:
Ang Diyos ay naging tao upang maging ehemplo. Manguna upang sundin. Hindi kaya ng tao kaya nagbahagi mismo ng Kanyang kapangyarihan. Isang pagpapakasakit at pagkamatay para maibahagi ang pagmamahal na hindi kayang gayahin kung wala ang Espiritu sa ating puso’t damdamin. Ang Huling Hapunan ay may kakaibang turo na pang matagalan. Pang habang panahon. Ginawa ni Hesus ang dapat tularan. Na ang lahat ng sumusunod sa Kanya ay dapat maging tagapagsilbi kung gusto manguna. Magkaroon ng kababaang loob kahit nagtatamasa ng kakaibang kapangyarihan. Magmahal na walang kapalit, hugasan ang madumi na hindi umaangal, maging alila ng mga pinangungunahan. Nauunawaan ba natin ang tanong Niya? Malalaman natin kung tayo ay kasama Niya sa bawat Banal na Misa. Kung malayo tayo paano tayo matututo? Kung ayaw na natin siyang makita, paano natin maiintindihan ang Buhay? Kaya ba natin mag isa? Baka tayo paglaruan ng kalaban. Sa Huling Hapunan, Katawan at Dugo ni Kristo sa atin ay ibinigay, ang ating pag asa at kalinawagan. Ang sinumang hindi kumain ng Kanyang Laman at uminom ng Kanyang Dugong umagos sa sanglibutan ay mawawalan ng bahagi sa kaligtasan. Siya ang lahat sa Banal na Misa. Hindi ang pari. Hindi ang marites nating kapitbahay. Hindi ang nanay na maingay o ang tatay na makulit umakay. Ang lahat ng tao ay si Kristo kasama na tayo. Lahat ng totoo ay sasambulat at ating mararamdaman, lumapit lang tayo. Wala ng mas mainam pa gawin maliban sa pakikisama sa isang tunay na nagmamahal sa atin. Kahit malimutan andiyan lang siya naghihintay sa atin. Hinihintay tayo sa Huling Hapunan para mahugasan mga paa nating naitapak sa putikan. Halina at magsama-sama, sa araw na ito katagpuin si Hesus sa Banal na Misa, masdan nating mabuti at tularan Siya sa kanyang paghuhugas ng mga mabaho at naputikang mga paa.
PAGNINILAY
Jesus Tells us to be HUMBLE.
“Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin,”
A TRUE mark of a Christian Believer is Humbleness.