Podcast: Download (Duration: 30:30 — 21.1MB)
Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon (B)
Marcos 11, 1-10
Isaias 50, 4-7
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24
D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.
Filipos 2, 6-11
Marcos 14, 1 – 15, 47
o kaya Marcos 15, 1-39
https://youtu.be/ReoVTICztes
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Palm Sunday of the Lord’s Passion (Red)
Alay Kapwa Sunday
MABUTING BALITA
Marcos 11, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Malapit na sina Hesus sa Jerusalem – nasa gulod ng Bundok ng mga Olibo at natatanaw na ang mga bayan ng Betfage at Betania. Pinauna ni Hesus ang dalawa sa mga alagad, at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok doo’y makikita ninyong nakatali ang isang bisirong asno na hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagin ninyo at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalag iyon, sabihin ninyong kailangan ito ng Panginoon, at ibabalik din agad dito.” Kaya’t lumakad na sila, at natagpuan nga nila ang asno sa tabi ng daan, nakatali sa may pintuan ng isang bahay. Nang kinakalag na nila ang hayop, tinanong sila ng ilan sa mga nakatayo roon, “Bakit ninyo kinakalag iyan?” Sumagot sila gaya ng bilin sa kanila ni Hesus, at hinayaan silang umalis. Dinala nila kay Hesus ang bisirong asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, ito’y sinakyan ni Hesus. Maraming naglatag ng kanilang mga balabal sa daan; ang iba nama’y pumutol ng madahong sanga ng kahoy at siyang inilatag sa daan. Ang mga tao sa unahan at hulihan niya’y sumisigaw ng: “Hosanna! Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Pagpalain nawa ang kaharian ng ating amang si David, na muling itinatatag! Purihin ang Panginoon!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 50, 4-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang Makapangyarihang Panginoon
ang nagturo sa akin ng sasabihin ko,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga’y
kanyang binubuksan ang aking pandinig.
Nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan niya ako ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.
Hindi ako tumutol
nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo
nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin
ang buhok ko’t balbas,
gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y
di ko pinapansin,
pagkat ang Makapangyarihang Panginoon
ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis
na sampaling parang bato
pagkat aking batid
na ang sarili ko’y di mapapahiya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24
D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.
Bawat taong makakita’y umiiling, nanunukso,
palibak na nagtatawa’t sinasabi ang ganito:
“Nagtiwala siya sa Diyos, ngunit hindi siya pansin,
kung talagang minamahal, bakit hindi intindihin?”
D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.
May pangkat ng mga buhong na sa aki’y pumaligid,
para akong nasa gitna niyong asong mababangis,
mga kamay ko at paa’y butas sa pakong matulis
ang buto ng katawan ko ay mabibilang sa masid.
D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.
Pinaghati-hati nila ang damit ko sa katawan,
ang hinubad na tunika’y dinaan sa sapalaran.
H’wag mo akong ulilahin, h’wag talikdan, Panginoon,
O aking Tagapagligtas, bilisan mo ang pagtulong.
D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.
Ang lahat ng ginawa mo’y ihahayag ko sa lahat,
sa gitna ng kapulunga’y pupurihin kitang ganap.
Purihin ang Panginoon ng lahat ng kanyang lingkod,
Siya’y inyong dakilain, kayong angkan ni Jacob;
ikaw bayan ng Israel ay sumamba at maglingkod.
D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.
IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 6-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Si Kristo Hesus, bagamat siya’y Diyos ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Filipos 2, 8-9
Masunuring Kristo Hesus
naghain ng buhay sa krus,
kaya’t dinakila ng D’yos
binigyan ng ngalang tampok
sa langit at sansinukob.
MABUTING BALITA
Marcos 14, 1 – 15, 47
Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Marcos
Dalawang araw na lamang at Pista na ng Paskuwa at ng Tinapay na Walang Labadura. Ang mga punong saserdote at ang mga eskriba ay naghahanap ng paraan upang lihim na maipadakip si Hesus at maipapatay. Sinabi nila, “Ngunit huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga tao.”
Noo’y nasa Betania si Hesus, sa bahay ni Simong ketongin. Samantalang siya’y kumakain, dumating ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng mamahaling pabango – ito’y dalisay na nardo. Binasag niya ang sisidlan at ang pabango’y ibinuhos sa ulo ni Hesus. Nagalit ang ilang naroroon, at sila’y nag-usap-usap, “Ano’t inaksiya ang pabango? Maipagbibili sana iyon nang higit pa sa tatlong daang denaryo, at maibibigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At sinisi nila ang babae. Ngunit sinabi ni Hesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Pabayaan ninyo siya! Mabuti ang ginawa niyang ito sa akin. Habang panaho’y kasama ninyo ang mga dukha, at anumang oras na inyong ibigin ay magagawan ninyo sila ng mabuti. Ngunit ako’y hindi ninyo kasama sa habang panahon. Ginawa niya ang kanyang makakaya – hindi pa ma’y binusan na niya ng pabango ang aking katawan bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. Sinasabi ko sa inyo: saanman ipangaral ang Mabuting Balita, mababanggit din naman ang ginawa niyang ito bilang pag-aalaala sa kanya.”
Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay pumunta sa mga punong saserdote upang ipagkanulo si Hesus. Natuwa sila nang marinig ang gayon at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo’y humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Hesus.
Unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Lebadura, araw ng pagpatay ng kordero para sa Paskuwa. Tinanong si Hesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?” Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. “Pumunta kayo sa bayan. May masasalubong kayong isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinatatanong po ng Guro kung saang silid siya maaaring kumain ng Hapunang Pampaskuwa, kasalo ng kanyang mga alagad.’ At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” Nagtungo sa bayan ang mga alagad at natagpuan nga nila roon ang lahat, gaya ng sinabi niya sa kanila. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.
Kinagabiha’y dumating si Hesus, kasama ang Labindalawa. Nang sila’y kumakain na, sinabi ni Hesus: ”Tandaan ninyo ito: isa sa inyo na kasalo ko’y magkakanulo sa akin.” Nanlumo ang mga alagad, at isa’t isa’y nagtanong sa kanya, “Ako po ba Panginoon?” Sumagot siya, “Isa sa inyo na kasalo ko sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok. Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat, ngunit sa aba ng taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong yaon ang hindi na ipinanganak.”
Samantalang sila’y kumakain, dumampot ng tinapay si Hesus, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad. “Kunin ninyo; ito ang aking katawan,” wika niya. Hinawakan niya ang kalis, at matapos magpasalamat ay ibinigay sa kanila; at uminom silang lahat. Sinabi niya, “Ito ang aking dugo ng tipan, ang dugong mabubuhos dahil sa marami. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom ng alak na mula sa ubas hanggang sa araw na inumin ko ang bagong alak sa kaharian ng Diyos.” Umawit sila ng isang imno, at pagkatapos nagtungo sa Bundok ng mga Olibo.
Sinabi ni Hesus sa kanila, “Ako’y iiwan ninyong lahat, sapagkat nasasaad sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol, at mangangalat ang mga tupa,’ Ngunit pagkatapos na ako’y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” Sumagot si Pedro, “Kahit na po iwan kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” “Tandaan mo,” sabi ni Hesus sa kanya, “sa gabi ring ito, bago tumilaok nang makalawa ang manok ay makaitlo mo akong itatatwa.” Subalit matigas na sinabi ni Pedro, “Kahit ako’y pataying kasama ninyo, hindi ko kayo itatatwa.” Gayon din ang sabi ng ibang alagad.
Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Dito muna kayo at mananalangin ako.” Ngunit isinama niya si Pedro, Santiago at Juan. At nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko’y tigib ng hapis at halos ikamatay ko! Maghintay kayo rito at magbantay.” Pagkalayo nang kaunti, siya’y nagpatirapa at nanalangin na kung maaari’y huwag nang dumating sa kanya ang oras ng paghihirap. “Ama, Ama ko!” wika niya, “mapangyayari mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang kalis na ito ng paghihirap. Gayunma’y huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.”
Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lang? Magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y nakahanda, ngunit ang laman ay mahina.”
Muling lumayo si Hesus at nanalangin, at ang dati niyang kahilingan ang siyang sinambit. Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad at naratnan na namang natutulog, sapagkat sila’y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang sasabihin sa kanya.
Sa ikatlong pagbabalik niya ay kanyang sinabi sa kanila, “Tulog pa ba kayo hanggang ngayon? Kayo ba’y namamahinga pa? Tama na! Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao’y ipagkakanulo sa masasama. Tayo na’t narito na ang magkakanulo sa akin!”
Nagsasalita pa si Hesus nang dumating si Judas, isa sa Labindalawa, na kasama ng maraming taong may mga dalang tabak at pamalo. Inutusan sila ng mga punong saserdote, ng mga eskriba at ng matatanda ng bayan. Ang taksil ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat: “Ang hagkan ko – iyon ang inyong hinahanap. Siya’y dakpin ninyo at dalhin, ngunit bantayang mabuti.”
Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Hesus, “Guro!” ang bati niya, sabay halik. At sinunggaban si Hesus ng mga tao at dinakip. Nagbunot ng tabak ang isa sa mga naroon, at tinaga ang alipin ng pinakapunong saserdote, at natigpas ang tainga niyon. At sinabi ni Hesus sa mga tao, “Tulisan ba ako at naparito kayong may mga dalang tabak at pamalo upang ako’y dakpin? Araw-araw ako’y nagtuturo sa templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan!” Nagsitakas ang mga alagad at iniwan siya.
Sinundan siya ng isang binatang walang damit sa katawan maliban sa balabal niyang kayong lino. Sinunggaban siya ng mga tao, ngunit iniwan niya ang kanyang balabal at tumakas na walang kadamit-damit.
At dinala nila si Hesus sa bahay ng pinakapunong saserdote; doo’y nagkatipon ang lahat ng punong saserdote, ang matatanda ng bayan, at ang mga eskriba. Si Pedro’y sumunod sa kanya, ngunit malayo ang agwat. Nagtuloy siya hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong saserdote, naupo sa tabi ng apoy at nagpainit na kasama ng mga bantay. Ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng maipararatang kay Hesus upang maipapatay siya, ngunit wala silang makuha. Maraming saksi ang nagsabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi nagkaisa ang kanilang mga patotoo.
May ilang sumaksi laban sa kanya at nagsabi ng ganitong kasinungalingan: “Narinig naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na di gawa ng tao.’” Gayunma’y hindi pa rin nagkaisa ang kanilang mga patotoo.
Tumindig ang pinakapunong saserdote sa harap ng kapulungan, at tinanong si Hesus, “Ano ang masasabi mo sa paratang nila sa iyo? Bakit di ka sumagot?” Ngunit hindi umimik si Hesus; hindi siya nagsalita gaputok man. Muli siyang tinanong ng pinakapunong saserdote: “Ikaw ba ang Mesiyas, ang Anak ng Kataastaasan?” “Ako nga,” sagot ni Hesus. “At makikita ninyo ang Anak ng Tao, na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan sa lahat. At makikita ninyong siya’y dumarating, nasa alapaap ng langit.” Winasak ng pinakapunong saserdote ang sariling kasuotan, at sinabi, “Hindi na natin kailangan ang mga saksi! Kayo na ang nakarinig ng kanyang kalapastanganan sa Diyos! Ano ang pasya ninyo?” Ang hatol nilang lahat ay kamatayan.
At niluran siya ng ilan, piniringan at pinagsusuntok, kasabay ng wikang “Hulaan mo nga, sino ang sumuntok sa iyo?” at pinagsasampal siya ng mga bantay.
Si Pedro nama’y naroon pa sa ibaba, sa patyo, nang dumating ang isa sa mga alila ng pinakapunong saserdote. Nakita ng babaing ito si Pedro na nagpapainit sa apoy, at kanyang pinagmasdang mabuti. “Kasama ka rin ng Hesus na iyang taga-Nazaret!” sabi niya. Ngunit tumanggi si Pedro. “Hindi ko nalalaman… hindi ko nauunawaan ang sinasabi mo,” sagot niya. At siya’y lumabas sa pasilyo at tumilaok ang manok. Nakita na naman siya roon ng alilang babae at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito’y isa sa kanila!” Ngunit itinatwa na naman ito ni Pedro. Makalipas ang ilang sandali’y sinabi na naman kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Talagang isa ka sa kanila. Taga-Galilea ka rin!” “Sumpain man ako ng langit, talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan!” sagot ni Pedro. Siyang namang pagtilaok ng manok. Naalaala ni Pedro ng sinabi sa kanya ni Hesus, “Bago tumilaok nang makalawa ang manok ay makaitlo mo akong itatatwa.” At siya’y nanangis.
Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong saserdote, ang matatanda ng bayan, ang mga eskriba, at ang iba pang bumubuo ng Sanedrin. Ipinagapos nila si Hesus, at dinala kay Pilato. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato. “Kayo na ang nagsasabi,” tugon naman ni Hesus. Nagharap ng maraming sumbong ang mga punong saserdote laban kay Hesus, kaya’t siya’y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang dami ng kanilang sumbong laban sa iyo.” Ngunit hindi na tumugon pa si Hesus, kaya’t nagtaka si Pilato.
Tuwing Pista ng Paskuwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo – sinuman ang hilingin sa kanya ng taong-bayan. Nakabilanggo noon ang isang lalaking nagngangalang Barrabas, kasama ng ibang naghimagsik at nakapatay nang nagdaang himagsikan. Lumapit ang mga tao at hiniling kay Pilato na isagawa na ang kanyang kinaugaliang pagpapalaya ng isang bilanggo. “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” tanong niya sa kanila. Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa mga punong saserdote na dalhin sa kanya si Hesus. Ngunit ang mga tao’y sinulsulan ng mga punong saserdote na si Barrabas ang hilinging palayain. “Kung gayon, ano ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” tanong uli ni Pilato. “Ipako sa krus!” sigaw ng mga tao. “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” ani Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Sa paghahangad ni Pilato na pagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barrabas. Si Hesus ay kanyang ipinahagupit at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.
Dinala ng mga kawal si Hesus sa pretoryo, ang tirahan ng gobernador, at kanilang tinipon ang buong batalyon. Sinuutan nila si Hesus ng isang balabal na purpura. Kumuha sila ng halamang matinik, ginawang korona at ipinutong sa kanya. At sila’y patuyang nagpugay at bumati sa kanya: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya’y pinaghahampas nila ng tambo sa ulo, pinaglulurhan, at palibak na niluhud-luhuran. At matapos kutyain, siya’y inalisan nila ng balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus.
Nasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene, ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. At kanilang dinala si Hesus sa lugar na kung tawagi’y Golgota – ibig sabihi’y “Pook ng Bungo.” Binigyan nila siya ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ininom. Ipinako siya sa krus, at nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang mga damit ang mapupunta sa bawat isa. Ikasiyam ng umaga nang ipako nila sa krus si Hesus. Sa itaas ng krus isinulat ang sakdal laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay niyang ipinako sa krus – isa sa kanan niya at isa sa kaliwa. Sa gayo’y natupad ang nasasaad sa Kasulatan: “Ibinilang siya sa mga salarin.”
Nilibak siya ng mga nagdaraan, na tatangu-tangong nagsabi, “Di ba ikaw ang gigiba ng templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Bumaba ka sa krus!” Kinutya rin siya ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at ang sabi sa isa’t isa: “Iniligtas niya ang iba, ngunit di mailigtas ang sarili! Makita lang nating bumaba sa krus ang Mesiyas na iyan na Hari ng Israel – maniniwala tayo sa kanya.” Inalipusta din siya ng mga nakapakong kasama niya.
At nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang mag-iikatlo ng hapon, si Hesus ay sumigaw, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi’y “Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” May tumakbo at kumuha ng espongha; ito’y binasa ng maasim na alak, at pagkatapos ay inilagay sa dulo ng isang tambo at ipinasipsip kay Hesus. Sabi niya, “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang ibaba siya.” Sumigaw nang malakas si Hesus at nalagutan ng hininga.
Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.
Biglang nawasak sa gitna ang tabing ng templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang isang kapitan ng mga kawal at kanyang nakita kung paano namatay si Hesus kaya’t sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!” Naroon din ang ilang babae at nakatanaw mula sa malayo; kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Mariang ina nina Santiagong bata, at Jose at Salome. Mula pa sa Galilea’y nagsisunod na sila at naglingkod kay Hesus. At naroon din ang iba pang babaing sumama kay Hesus sa Jerusalem.
Nang magtatakipsilim na, dumating si Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kagawad ng Sanedrin; siya’y naghihintay sa pagdating ng paghahari ng Diyos. Sapagkat araw noon ng Paghahanda, o bisperas ng Araw ng Pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus. Nagtaka si Pilato nang marinig niyang patay na si Hesus, kaya’t ipinatawag niya ang kapitan at tinanong kung ito’y totoo. Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Hesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. Bumili si Jose ng kayong lino. Nang maibaba na ang bangkay ay kanyang binalot sa kayong ito at inilagay sa isang libingang inuka sa tagiliran ng dalisdis na bato. Pagkatapos, iginulong ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. Nagmamasid naman si Maria Magdalena at si Mariang ina ni Jose, at nakita nila kung saan inilibing si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Marcos 15, 1-39
Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Marcos
Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong saserdote, ang matatanda ng bayan, ang mga eskriba, at ang iba pang bumubuo ng Sanedrin. Ipinagapos nila si Hesus, at dinala kay Pilato. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato. “Kayo na ang nagsasabi,” tugon naman ni Hesus. Nagharap ng maraming sumbong ang mga punong saserdote laban kay Hesus, kaya’t siya’y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang dami ng kanilang sumbong laban sa iyo.” Ngunit hindi na tumugon pa si Hesus, kaya’t nagtaka si Pilato.
Tuwing Pista ng Paskuwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo – sinuman ang hilingin sa kanya ng taong-bayan. Nakabilanggo noon ang isang lalaking nagngangalang Barrabas, kasama ng ibang naghimagsik at nakapatay nang nagdaang himagsikan. Lumapit ang mga tao at hiniling kay Pilato na isagawa na ang kanyang kinaugaliang pagpapalaya ng isang bilanggo. “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” tanong niya sa kanila. Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa mga punong saserdote na dalhin sa kanya si Hesus. Ngunit ang mga tao’y sinulsulan ng mga punong saserdote na si Barrabas ang hilinging palayain. “Kung gayon, ano ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” tanong uli ni Pilato. “Ipako sa krus!” sigaw ng mga tao. “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” ani Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Sa paghahangad ni Pilato na pagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barrabas. Si Hesus ay kanyang ipinahagupit at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.
Dinala ng mga kawal si Hesus sa pretoryo, ang tirahan ng gobernador, at kanilang tinipon ang buong batalyon. Sinuutan nila si Hesus ng isang balabal na purpura. Kumuha sila ng halamang matinik, ginawang korona at ipinutong sa kanya. At sila’y patuyang nagpugay at bumati sa kanya: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya’y pinaghahampas nila ng tambo sa ulo, pinaglulurhan, at palibak na niluhud-luhuran. At matapos kutyain, siya’y inalisan nila ng balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus.
Nasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene, ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. At kanilang dinala si Hesus sa lugar na kung tawagi’y Golgota – ibig sabihi’y “Pook ng Bungo.” Binigyan nila siya ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ininom. Ipinako siya sa krus, at nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang mga damit ang mapupunta sa bawat isa. Ikasiyam ng umaga nang ipako nila sa krus si Hesus. Sa itaas ng krus isinulat ang sakdal laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay niyang ipinako sa krus – isa sa kanan niya at isa sa kaliwa. Sa gayo’y natupad ang nasasaad sa Kasulatan: “Ibinilang siya sa mga salarin.”
Nilibak siya ng mga nagdaraan, na tatangu-tangong nagsabi, “Di ba ikaw ang gigiba ng templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Bumaba ka sa krus!” Kinutya rin siya ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at ang sabi sa isa’t isa: “Iniligtas niya ang iba, ngunit di mailigtas ang sarili! Makita lang nating bumaba sa krus ang Mesiyas na iyan na Hari ng Israel – maniniwala tayo sa kanya.” Inalipusta din siya ng mga nakapakong kasama niya.
At nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang mag-iikatlo ng hapon, si Hesus ay sumigaw, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi’y “Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” May tumakbo at kumuha ng espongha; ito’y binasa ng maasim na alak, at pagkatapos ay inilagay sa dulo ng isang tambo at ipinasipsip kay Hesus. Sabi niya, “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang ibaba siya.” Sumigaw nang malakas si Hesus at nalagutan ng hininga.
Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.
Biglang nawasak sa gitna ang tabing ng templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang isang kapitan ng mga kawal at kanyang nakita kung paano namatay si Hesus kaya’t sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Marso 23, 2024
Lunes, Marso 25, 2024 »
{ 7 comments… read them below or add one }
Naganap na. Walang maikukumpara sa pagmamahal ng Diyos sa Tao. Maging ang Kanyang kaisa-isang bugtong na Anak ay ibinigay pa rin sa Tao. Ngunit ang mga tao, ano ba ang ibinibigay na handog? Napakadaling sabihing magbabago na at tatalikod sa mga kasalanan. Subalit, ito’y nananatili sa salita lamang. Madaling sabihin ngunit napakahirap gawin. Ang ating Panginoong Hesus ay punong-punong pag-ibig. Kitang-kita sa kanyang pagpapakumbaba, na bumaba bilang isang tao kahit Siya ay Anak ng Diyos. Kaya nga pasanin ang ating krus sa buhay, at iaalay bilang pasasalamat sa pagtubos ng ating mga kasalanan.
PAGNINILAY: Ngayong araw na ito, sinisimulan natin ang pinakasagrado at pinakadakilang panahon sa Kalendaryong panliturhiya ng Simbahan at sa buong Kristyanismo, ang Semana Santa (Mahal na Araw). Tinatawag itong Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon sapagkat ginugunita natin ang maringal na pagpasok ng ating Panginoong Hesukristo sa Banal na Lungsod na Jerusalem upang tuparin ang kalooban ng Diyos Ama sa pamamagitan ng kanyang Misteryong Paskwal (Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay). Hindi siya pumasok na parang mandirigma na magpapatalsik sa mga Romano, kundi pumasok siya nang napakasimple, sakay sa isang asno, ayon na din sa propesiya ni Zacarias (Cf. kabanatang 9, bersikulong 9). Kaya nga yung mismong simbolo ng palaspas ay nangangahulugang pagkamartir, at yung nga kapag isang santong may hawak na palaspas katulad ni San Pedro Calungsod, ibig sabihin siya’y martir na naging saksi sa pananampalataya at sa Mabuting Balita.
Higit pa dun, si Hesus ay ang Hari ng mga martir sapagkat siya’y isang dakilang saksi ng Diyos Ama, at nagpakababa siya upang makipamuhay sa ating piling, palakasin ng loob ang mga mahihina, dakilain ang mga mababang-loob, at ibilin sa atin na magmahal at maglingkod tayo sa bawat isa at bawat tao, at lalo nang inialay niya ang kanyang buhay sa Krus upang tuparin ang plano ng ating kaligtasan mula sa pagsusuway at pagkakasala ng tao. Kahit nga mismong mga madla na sumigaw ng “Osana!” ay karamihan sila rin ang sumigaw ng “Ipako siya sa krus!” Naramdaman ni Kristo yung paghihirap na siya’y pinaduraan, pinasampalan, pinahagupitan, pinagtawanan, pinagbintangan, tinalikuran ng mga dating humanga sa kanya, at ipinako sa Krus. Sa totoo nga natakot siya kaya ipinagdasal niya sa Ama sa Halamanan ng Getsemani na ipalipas ang kalis ng kanyang pagdurusa, gayunpaman alam niyang mismo ang kalooban ng Diyos ang dapat masundan, at hindi sa kanya. At dahil sa pagiging mababang-loob at masunurin ng Panginoong Hesus, siya’y muling nabuhay bilang tandang nagtagumpay ang Diyos na tayo’y mailigtas. Nang maiparangal ito ng mga Apostol, dumami ang naniwala sa puso’t isipan mula noon hanggang sa kasalakuyan at patuloy na sumasampalatayang tunay nga si Kristo ang dakilang biyaya ng Diyos sa buhay ng bawat tao, at tanging sa Diyos lamang tayo’y magkakamit na tunay na kaligayahan. Kaya nga pumasok ang Panginoon sa Banal na Lungsod upang ipahayag sa atin sa huling pagkakataon ang Mabuting Balita, at maitatag niya ang paghahari ng Diyos na puno ng pagmamahalan, pagpapatawad, at pagiging matapat sa kanyang kalooban.
Mga kapatid, ang Maringal na Pagpasok ni Hesus sa Jerusalem ay tunay ngang matagumpay sapagkat malaya siyang sumailalim sa kalooban ng Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Marami nga ang sumampalataya, pero hindi masyado nating itong isinasabuhay. Ang mundo ngayon ay nakapokus sa mga bagay-pangsekularismo, na kung saan humahangad siya ng kapangyarihan, kayamanan, matataas na posisyon sa lipunan, atbp. Minsan sa masyado nating pagdedepende at paghahangad sa mga bagay na makalupa lamang ay nawawala sa ating puso’t isipan ang Panginoon. At kapag hindi natin ito’y nakamtan at hindi ayon sa ating pagnanais, madalas tinatanong natin ang Diyos kung bakit niyang hinayaang iyan. Hindi naman tayo’y perpekto, kaya hindi nating maiwasan na magkasala at mag-isip para sa pansariling interes. Tunay nga ang sinabi ni San Francisco ng Asisi: “Nor did demons crucify him; it is you who have crucified him and crucify him still, when you delight in your vices and sins.”
Sa kabila ng lahat na ito, ipinamalas ng ating Panginoong Hesukristo na yung nakamtan nating kaligtasang mula sa Diyos Ama ay dapat din mismo tayo’y makibahagi, katulad ng pakikibahagi niya sa mga pagdurusa ng mundo sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus. Ibinilin niya sa atin na tayo’y maglingkod at magmahalan sa isa’t isa, tulad ng ginawa niya.
Nawa’y maging makabuluhan ang ating pagdiriwang ng Semana Santa bilang paggunita sa kanyang sakripisyo sa pamamagitan ng panalangin, pagsasakripisyo, at paggawa ng mabuti sa ating kapwa, alang-alang sa ginawa niya, mas lalo na sa dakilang kalooban ng Diyos Ama.
Patawad po Panginoon?
Patawad po Panginoon!
PAGNINILAY
Ang Pasyon ng Panginoon ay isang totoong kwento. Ito rin ang ating kwento. Sa buong buhay natin ay ginampanan natin ang iba’t ibang papel. Tayo ay naging isang taksil na nagtaksil sa isang kaibigan, isang sundalo na tinatrato ang iba sa pamamagitan ng panunuya at masasakit na salita, isang taong naghugas ng kamay ng responsibilidad, at isang taong nag-aakalang kilala niya ang kanyang sarili. Ang layunin ng pagiging isang Kristiyano ay ang walang ibang tularan kundi ang Anak ng Diyos, ang ating Panginoon, si Hesu-Kristo. Hilingin natin sa Panginoon na bigyan tayo ng lakas na maging higit na katulad ni Hesus sa paraan ng ating pagsasalita at pakikitungo sa iba, anuman ang halaga nito, at tanggapin ang walang hanggang gantimpala ng buhay na walang hanggan.
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming maging tapat sa Iyo habang pinapasan namin ang aming krus. Amen.
***
PAGNINILAY SA MABUTING BALITA ni Jess C. Gregorio:
Parating may mensahe ang Diyos sa mga sumusunod na pangyayari sa plano Niya para sa atin. Pinauuna Niya tayo at binibigyan ng bilin kung ano ang gagawin. Dalawa-dalawa ang inuutusan kung ating mapapansin. Patunay na ang Presensiya ng Diyos ay wala sa isa kundi sa dalawa o mas higit pa. Karaniwan kasing nagmamataas ang isa at may kababaang loob pag dalawa. Maaring iyan rin ang pahiwatig kung bakit kailangan sumunod kahit hindi batid kung ano ang gagawin. Ang Kanyang utos at Salita ay sapat na paniwalaan. Nakataling asno na hindi kanila, kinalag at kinuha, para gamitin niya. Siyempre magtatanong ang may ari. Tumalima at nagparaya ng marinig mga Salita na binanggit na pinasasabi niya. Simple. May kapangyarihan na nangyayari sa mga utos ni Hesus. Maipahayag lang ng tama at sa paraang sinabi Niya, kahit hindi kakilala basta ginusto ng Diyos, ipinauubaya nila. Sa isang napakalaki at mahalagang pasyon sa buhay ng Panginoon, ang pagpasok sa Herusalem, marami pa ring maliliit na bagay ang di napapansin na kung ating pagninilayan ay mahalaga rin. Isang Hari na nakasakay sa asno, nakasulat at binabanggit ng mga propeta, hinulaang mangyayari sa Mesiyas na darating. Ang tema ay kababaang loob, pati mga pari ng templo sa kanilang kataasan ng pag iisip, tumatawa lang at nagsasabing tumahimik, mga sigaw ng marami ng Hosana sa Anak ni David, ang tanong ni Kristo, “Ano ang magagawa nyo?” Ito ang naitadhana kung pipigilin ay magkakagulo. Kababaang loob sa mga ginusto ng Diyos, mag pati alon at huwag pigilan, huwag dagdagan. Sa dahilang kung sobra sa ginusto ng langit o pinigilan, walang mabuting mangyayari, atin lang itinulak o hinarangan. At ang mga ito ay mistulang ginusto ng tao at hindi ng Diyos na totoo. Marami pa tayong matutuhan sa mga susunod na mga Mahal na Araw hanggang sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Huwag lang natin sundan mga nangyari para sa ating kaalaman. Wala itong saysay kung nasa isip lamang. Gaya-gaya puto maya wala naman kahihinatnan. Ang maganda ay magnilay ng mabuti at isabuhay mga yapak at gawi, turo, at pangaral ni Hesus na ating Diyos. Imbitahan ang Banal na Espiritu nang mabuksan ang ating mga mata sa pagkilatis ng Salita na ating isasabuhay. Totoong nangyayari mga binabasa natin hindi lamang nuon kundi magpa hanggang ngayon. Lahat ay magiging malinaw kung magbabawas tayo ng kasalanan. Sa kumpisalan ito ang paraan. At kung malinis na ang ating sarili, tanggapin natin si Hesus sa pangungumunyon sa mga Misang pinakinggan. Nang sa gayun makita at marinig natin siyang tunay kahit anong oras, kahit anong araw, sa Adoration Chapel na para lang nakikipag usap sa isang kakilala. Hindi baga ito ang nais niya sa maraming Mahal na Araw na dumaan sa ating buhay? Ang maka usap ka at makasama na para lang magkaibigan.
Naganap na. Walang maikukumpara sa pagmamahal ng Diyos sa Tao. Maging ang Kanyang kaisa-isang bugtong na Anak ay ibinigay pa rin sa Tao. Ngunit ang mga tao, ano ba ang ibinibigay na handog? Napakadaling sabihing magbabago na at tatalikod sa mga kasalanan. Subalit, ito’y nananatili sa salita lamang. Madaling sabihin ngunit napakahirap gawin. Ang ating Panginoong Hesus ay punong-punong pag-ibig. Kitang-kita sa kanyang pagpapakumbaba, na bumaba bilang isang tao kahit Siya ay Anak ng Diyos. Kaya nga pasanin ang ating krus sa buhay, at iaalay bilang pasasalamat sa pagtubos ng ating mga kasalanan.