Sabado, Pebrero 17, 2024

February 17, 2024

Paggunita sa Pitong Tagapagtatag ng Orden ng mga Lingkod ng Mahal na Birheng Maria

Roma 8, 26-30
Salmo 33, 2-3, 4-5. 6-7. 8-9. 10-11

Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.

o kaya
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Mateo 19, 27-29

Memorial of the Seven Holy Founders of the Servite Order, Holy Men

UNANG PAGBASA
Roma 8, 26-30

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya’t ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita. At nauunawaan ng Diyos na nakasasaliksik sa puso ng tao, ang ibig sabihin ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu’y lumuluhog para sa mga banal, ayon sa kalooban ng Diyos

Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti. Sapagkat sa mula’t mula pa’y alam na ng Diyos kung sino ang sa kanya; ang mga ito’y itinalaga niyang maging tulad ng kanyang Anak, at sa gayun, naging panganay natin siya. At ang mga itinalaga niya noong una pa ay kanyang tinawag. Ang mga tinawag niya ay kanya ring pinawalang-sala, at ang kanyang mga pinawalang-sala ay kanya namang binigyan ng karangalan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3, 4-5. 6-7. 8-9. 10-11

Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.

o kaya
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!

Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.

o kaya
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.

Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.

o kaya
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
Sila’y iniligtas sa hirap at dusa.

Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.

o kaya
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’t nagligtas
ay maituturing na taong mapalad.

Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.

o kaya
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Matakot sa Poon, kayo, kanyang bayan,
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
Kahit mga leon ay nagugutom din,
sila’y nagkukulang sa hustong pagkain;
ngunit ang sinumang ang Poon susundin,
sa anumang bagay hindi kukulangin.

Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.

o kaya
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 5, 3

Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.

MABUTING BALITA
Mateo 19, 27-29

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Pedro, “Tingnan po ninyo: iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?” Sinabi sa kanila ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: kapag nakaluklok na ang Anak ng Tao sa kanyang maringal na trono sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay luluklok din sa labindalawang trono upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel. At ang sinumang magtiis na iwan ang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap ng makasandaang ibayo, at pagkakalooban ng buhay na walang hanggan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

Leave a Comment



Previous post:

Next post: