Linggo, Pebrero 4, 2024

February 4, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Patnubay sa Misa

Buong pananalig tayong dumulog sa trono ng Banal na Awa at ilahad ang ating mga kahilingan sa Panginoon sa matibay na pag-asang diringgin niya tayo:

Panginoon, dinggin mo kami!

Para sa Inang Simbahang na patuloy na nagsasagawa ng mapagpagaling na misyon ni Kristo: Nawa’y tupdin niya ito nang may buong katapatan at kabukasang-palad. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at lahat ng katulong sa pangangaral ng Mabuting Balita: Nawa’y matamo nila ang bunga ng kanilang paglilingkod sa buhay ng kanilang kawan. Manalangin tayo!

Para sa mga doktor, nars, at lahat ng nagtataguyod sa kalusugan: Nawa’y makita nila si Hesus sa kanilang mga pasyente at gamutin nila ang mga ito nang buong ingat. Manalangin tayo!

Para sa mga maysakit at matatanda: Nawa’y matagpuan nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kasama sa pamayanan ang pagkalinga upang mapasan nila ang kani-kanilang krus nang ma- rangal at may pag-asa. Manalangin tayo!

Para sa mga kasapi sa ating pamayanan: Nawa’y matuto tayo kay Hesus kung paanong maging mahinahon sa lahat at puno ng sigla para sa pangangaral ng Mabuting Balita. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat: Nawa’y puspusin tayo ng Espiritu Santo ng paggalang sa kabanalan ng buhay ng tao, upang makatulong tayo sa lahat ng nagsisikap na ipagtaguyod ang kahalagahan nito. Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, tulungan Mo kaming tumulad kay Hesus, ang “Tao para sa Iba” na buong habag na nakikitungo sa mga nagtitiis ng ano mang pagdurusa. Matuto nawa kami sa kanyang maging malapit sa mga sawimpalad at para sa kanila’y maging mga kasangkapan ng Iyong mapagpagaling na pagmamahal. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman!

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 29, 2021 at 10:08 pm

PAGNINILAY: Binibigyang diin ng mga Pagbasa ngayon Linggo ang kahalagahan ng pagdurusa sa buhay pangKristiyano. Madalas naiinis o nagagalit tayo kapag tayo’y nagdudusa at naghihirap.

Ganito rin ang nangyari kay Job sa Unang Pagbasa nang siya’y nakikipagtalo kay Satanas dahil nawalan siya ng pag-aarian at pamilya. Sinabi niya na ang buhay ng bawat tao ay parang paghahasik ng mga ani sa trabaho. Parang hindi kailanma’y binibigyan ng pagkakataon nito na magpahinga dahil mas bumibigat pa ang mga problema sa buhay. Dito naramdaman ni Job sa kanyang karanasan ang paghahangad niya sa Diyos dahil kahit parang hindi nagpapakita ito, naniniwala ng matuwid na tao na nariyan ang presensya ng Panginoon. Kaya nga sa kanyang pagsasalaysay ng aklat na ito ay nagtiis siya habang nakamtan niya ang ginhawa ng Panginoon nang matapos na ang mga tukso ng Diyablo.

Nagpaggaling si Hesus ng maraming mga maysakit sa Ebanghelyo, isa na diyan ay ang biyenan nina San Pedro at San Andres. Pumasok siya sa bahay nila at hinawakan ang kamay ng maysakit, at iniwan ng lagnat ang biyenan ng dalawa. Ito’y sinundan pa ng maraming naghihiling na ipaggaling ni Kristo ang kanilang mga sakit at karamdaman, at ganun din ang hiling niya para sa iba pang mga bayan upang gawin ang nagkatulad. Sa kabila ng mga kababalaghan nito ni Hesus, ang kanyang sikreto ay ang lakas ng kanyang ministeryo. Madalas nakikita siya ng mga alagad na nananalangin tuwing madaling araw sa isang mataimtim na lugar. Napakahalaga ito sapagkat ang panalangin ay nagpapakita kung paanong nakikiisa ang Panginoon sa ating mga pagdurusa sa buhay. Ganun din na dahil tayo’y mga mortal na nilalang, tinitiis natin ang mga ito dahil nananalig tayo sa kanya na malampasan natin ang bawat paghihirap na ating nararanas. At mahalaga rin ay nakikiisa tayo sa mga pagdurusa ng ibang tao katulad ng malasakit na ipinakita ni Kristo. Ito yung ating partisipasyon sa pagbibigay-saksi sa Mabuting Balita.

Sabi nga ni San Pablo sa Ikalawng Pagbasa na ang pagpaparangal ng mensaheng ito ay may buong kalayaan at katapatan. Kailangan tayong maging mahina upang ang ibang tao ay magiging malakas. Hindi ito nangangahulugang magdusa hanggang mamatay, kundi nagkakaisa tayo sa bawat pagsubok at suliraning hinaharap ng sangkatauhan alang-alang kay Kristo nang ialay niya ang kanyang buhay sa Krus para tayo’y iligtas dahil tumalima siya sa kalooban ng Ama ukol sa ating kaligtasan.

Nawa’y tunay na makita natin ang kahalagahan ng pagdurusa sa buhay pangKristiyano mula sa ating mga narinig at pinagnilayan na mga Pagbasa ngayong Linggo.

Reply

mugmog February 2, 2024 at 11:54 am

Mark 1_29-39 Tagpo_Hesus
“Ano dati ang wala sa langit na meron sa lupa at syang naging dahilan upang magkakatawang tao ang Diyos Anak dito sa mundo?” Tanong po iyan ni San Alponso de Liguori. “Ano dati ang wala sa langit na meron sa lupa at syang naging dahilan upang magkakatawang tao ang Diyos Anak dito sa mundo?” Tao. Tao ang wala dati sa langit na meron sa lupa. At dahil nais ng Diyos na maligtas ang tao at makarating sa langit, Sya ay nagkatawang tao, tinubos Nya tayo sa kasalanan at kamatayang walang hanggan.
Tinagpo tayo ng Diyos sa ating abang kalagayan upang samahan nya tayo dito sa mundo at patungo sa Ama.
Tinagpo/patuloy tayong tatagpuin ni Hesus para tayo ay makarating sa langit.
Bakit ko po ito sinasabi sa inyo?
Sapagkat gusto ko pong gamiting lente ang salitang “tagpo”-“encounter” para pagnilayan ang Ebanghelyo.

Sa Ebanghelyo ngayon, narinig natin na sina Hesus ay nagtuloy sa bahay ni Andres at Simon. Doon ay natagpuan ni Hesus ang byanan ni Pedro na nasa mahirap na kalagayan. (mataas po kasi ang kanyang lagnat). Kaya, nilapitan ni Hesus ang byanan ni Pedro, hinawakan ang kanyang kamay, ibinangon at saka pinagaling.
At sa dulo ng Ebanghelyo, sinabi dito na pagkatapos magdasal ni Hesus ng madaling araw, sinabi nya kay Pedro, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga kalapit-bayan upang makapangaral doon.” Umalis si Hesus sa Capernaum upang puntahan naman ang iba’t-ibang bayan at magmisyon sa buong Galilea (hindi para mamasyal/roadtrip kundi) para tagpuin ang mga tao doon- ang mga taong iba’t-iba ang kalagayan sa buhay- mga taong may sakit/inaalihan ng demonyo/problemado!

Mga kapatid, ang misyon ni Hesus ay ang tagpuin tayo! Tinagpo tayo ni Hesus hindi lamang sa lugar kung saan tayo naroroon kundi kahit sa mahirap na kalagayan na ating hinaharap! (Ang byanan ni Pedro, tinagpo sya ni Hesus sa kanyang sakit at malubhang kalagayan, habang ito’y nakaratay sa higaan). Nakikipagtagpo si Hesus sa atin hindi lamang sa Simbahan bato, kundi sa pamamagitan din ng ating pamilya at ibang tao, ng pangyayari at sa mga desisyong ating ginagawa, sa ating sakit at kalusugan, sa ating kasiyahan at pagkaulila.
Patuloy tayong tatagpuin ni Hesus saan man tayo naroroon, anumaang sitwasyon ang ating pinagdaraanan. Bakit? Sapagkat tao ang dahilan ng kanyang pagmimisyong ginagawa. Tayo ang dahilan kung bakit ang Diyos Anak ay tumawid mula sa langit patungo dito sa lupa. Tayo ang dahilan ng kanyang pagparito!
Kaya naman, huwag kang mangangamba kung patong-patong man ang iyong problema! Sapagkat tatagpuin ka ni Hesus, sasamahan nya tayo sa bawat yugto ng ating buhay, saan mang sitwasyon, anuman ang ating kalagayan.
Sa pakikipagtagpong ito sa atin ni Hesus, mapagtanto nawa natin na mahalaga ka sa kanya, na mahalaga sa kanya ang ating saya gayundin ang ating problemang dinadala. Tinatagpo nya tayo anumang uri ng ating kalagayan sa buhay.
#tinatagpo ka ni Hesus. Amen.

Reply

may reyes February 3, 2024 at 3:48 am

Amen. yes. after my grievances, dito ko natagpuan si kristo Jesus, He prepared in my early stage in my life upang maging matatag s pagsubok at dalamhati ng buhay, and when it comes kasama ko si jesus na maluwag kong natanggap ang lahat at dito lalo kong minahal at naglingkod ke jesus s pamamagitan ng pakikipagkapuwa tao at paglilingkod sa mga gawain s patokya at bisita s aming pamayanan. amen.

Reply

Mel Mendoza February 3, 2024 at 11:06 am

Ang tema ng Ebanghelyo ay ang framework ng ministerial job ng ating Panginoong Hesus. Bahagi ng pagmimisyong ito ay ang pagpapagaling sa mga maysakit, mga inaalihan ng demonyo at ang sentro nito ang patuloy na pangangaral ni Hesus sa iba’t ibang lugar. Sa lahat ng mga pagmiministeryo ni Hesus bago pa sumilay ang araw at sa isang liblib na lugar ay sinisimulan na Niya ito ng panalangin. Ang lahat ng mga maaring mangyari sa loob ng araw ay itinataas na Niya ito at hinihingi na ang basbas ng Ama niyang nasa langit.

Ang hamon paano ba natin sinisimulan ang ating mga araw? Bago tayo maging aligaga sa ating mga araw binibigyan ba natin ng panahon ang manalangin at least ng pasasalamat sa isang panibagong araw at buhay na hindi man natin hiningi ay kusang ipinagkakaloob ito? Sa totoo lang kasi marami ang hindi na pinagkakalooban nito sa kanya kanyang dahilan. Panalangin ng paghingi ng basbas sa naka-plano ng gawin sa araw araw. Iba’t ibang panalangin bago pa man simulan ang ating mga pagka-aabalahan. Bilang susi ng komunikasyon natin sa Diyos ang panalangin ay dapat isagawa ito sa isang tahimik na lugar at taimtim na inuusal ang mga itinataas sa Diyos na mga paggabay at patnubay.

Ang isang punto sa Ebanghelyo na pwede bigyan diin sa pagpapagaling ni Hesus sa biyenan ni Simon ay agad ito na naglingkod at naging masugid na tagasunod ni Hesus. Karamihan sa mga pinagaling ni Hesus ay naglingkod at sumunod sa kanya ang may mga maysakit na ito ay kusang lumapit kanya at lahat ay pinagaling. Ang mensahe, sa lahat ng ating mga pangangailangan hindi lang ang may karamdaman kusa din natin ilapit at iluhog sa Panginoon. Ang tanong nalang paano ba natin ito maibabalik sa kanya. Ang ginawa ng biyenan ni Simon na naglingkod agad kay Hesus at sa Kanyang mga alagad ay isang magandang halimbawa na pwede gawin sa pagbabalik sa Diyos. Ang paglilingkod sa kapwa lalo higit sa mga nangangailangan na kung saan sa kanila nakikita ang hugis ng mukha ng Diyos ay matatawag na isang mataas na pamamaraan ng pagbabalik ng lahat ng kagandahang loob ng Diyos. At ito ang pinakamabuti na gawain ng isang kristiyanong Katoliko ang pag-ibig sa kapwa bilang pinaka-mahalagang bagong Kautusan.

Katulad nang sinabi ni Apostol San Pablo na hindi man siya alipin ninuman, ngunit napaalipin siya ng lahat dahil sa kanyang pangangaral, ang pangangaral na may kasamang gawa kumbaga “Do what you preach or walk the talk”. Sa paraang katulad na ginawa ni San Pablo ay maraming mahihikayat na magkaroon ng Kristiyanong pananampalataya. Ang lahat ng mga pagpapagal na may kinalaman sa mga ipinakita sa pagmiministeryo ni Hesus ay kalugod-lugod sa Diyos.
Isang magandang ehemplo ang ipinangaral at ipinakita ni Apostol San Pablo sa lahat ng mga komunidad na nagbuhat sa pinaka-masugid na taga-usig sa mga sumusunod kay Hesus pero pinagaling sa pagkabulag sa totoong pananampalataya Kristiyano at nagpanibago ng buhay ay naging Apostol na naging tagapagpahayag ng Mabuting Balita. Ito ang ninanais ni Hesus sa lahat ng mga lugar na pinupuntahan Niya ang makinig, magbagong buhay at sumunod sa kanya.

Ang Mabuting Balita ay isang paanyaya sa mga kristiyanong pananampalataya na maging palagiang instrumento ng pagpapagaling at paghilom, at pagpapanibagong buhay ng iba lalo na yung mga taong hindi naabot ng Mabuting Balita. Ang Ebanghelyo ay isa ding panawagan na laging idulog sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin ang lahat ng ating mga gawain, kailangan, at mga suliranin. Pray unceasingly! Amen!

Reply

RUEL ROMUALDO February 3, 2024 at 5:15 pm

Sa ebanghelyo ngayon, narito tayo sa bahagi ng buhay ni Hesus kung saan siya ay nagpagaling ng maraming may sakit at nagpalayas ng mga masasamang espiritu. Ngunit sa kabila ng kanyang mga ginagawa, alam natin na hindi siya nagtagal sa isang lugar. Bakit kaya?

Una sa lahat, itinuturo sa atin ng ebanghelyo na ang paglilingkod ni Hesus ay hindi limitado sa isang lugar o grupo lamang. Siya ay naglakbay at nagbigay ng kanyang pagmamahal at awa sa lahat ng naroroon. Ito’y paalala sa atin na tayo rin ay tinatawag na magbahagi ng ating mga biyaya at pagmamahal sa iba, hindi lang sa mga malapit sa atin kundi pati na rin sa mga nangangailangan sa malayong lugar.

Pangalawa, napapansin natin na kahit sa kanyang sobrang busyness, nag-ukit si Hesus ng oras para makipag-isa sa Ama. Hindi tayo dapat mawalan ng oras para sa panalangin at pakikipag-usap sa Diyos kahit gaano tayo kabusy sa ating mga gawain. Ito’y ang ating lakas at gabay para patuloy na magtagumpay sa hamon ng buhay.

Sa paglisan ni Hesus sa isang lugar papunta sa iba, natutunan natin ang halaga ng pagiging handa sa pagbabago at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang kanyang paglalakbay ay hindi lamang literal na paglipat ng pook kundi ang pagtanggap sa misyon na ibinigay sa kanya ng Ama.

Sa ating pag-aaral ng ebanghelyo ngayon, may itatanong tayo sa ating mga sarili: Paano natin magagampanan ang ating misyon sa buhay? Paano natin masusunod ang kalooban ng Diyos? At paano natin maipapakita ang pagmamahal at awa sa ibang tao, lalo na sa mga nangangailangan?

Sa tulong ng Diyos, nawa’y mahanap natin ang tamang sagot sa ating mga tanong, at maging inspirasyon tayo sa iba sa pamamagitan ng ating mga gawain at pagmamahal.

Reply

Rey Anthony I. Yatco February 4, 2024 at 4:29 am

MAGANDANG BALITA NGAYON – IKALIMANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

MARCOS 1, 29-39 Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Andres at Simon. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito’y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di’y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila.
Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo, at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman at nagpalayas siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya.

Madaling-araw pa’y bumangon na si Hesus at nagtungo sa ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at kanyang mga kasama. Nang siya ay matagpuan, sinabi nila, “Hinanap po kayo ng lahat.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makaparangal ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.” At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.

MAGNILAY: Hindi biro ang kumalinga sa mga maysakit dahil hindi lang ang kanilang karupukan ang iyong haharapin kundi ang sarili mo ring karupukan. Habang nakikilala mo ang sugat na pinagdadaanan ng mga nakaratay sa banig ng karamdaman nakikilala mo rin ang iyong sariling sugat. Ang hangad mong magbigay ng pag-asa sa kanila sa gitna ng kanilang pinagdadanan ay bumabalik din sa iyo. Magugulat ka pa na ikaw pala ang may mas higit na pangangailangang bigyan ng pag-asa. Matutuklasan mo na mas higit ang karamdamang taglay mo. Maaaring hindi pisikal pero nababakas ito sa iyong emosyonal at espiritwal na kalagayan. May mga pagkakataong kung sino ang nag-aaruga sa mga maysakit ang nauuwi sa mas matinding krisis sa kanilang puso’t kalooban. Sila ang hindi makatanggap ng sitwasyon ng karupukan at pagdurusa. Sila ang tunay na kailangan ng paghilom.

Si Hesus ang huwaran ng pagkalinga sa mga may karamdaman. Higit sa pisikal na kagalingan mas binigyan niya ng pansin ang kanilang espiritwal na kagalingan. Ang pagpapagaling niya ay nauuwi sa pagsisisi, pagpapatawad at pagbangon upang maging alagad at lingkod niya. Marahil hindi lahat ng kanyang kinalinga ay gumaling sa pisikal na paraan. Pero nakatitiyak tayong lahat sila ay gumaling sa kanilang karamdamang espiritwal at emosyonal. Tulad niya maging tagapaghatid nawa tayo ng kagalingang espiritwal sa mga maysakit na ating pinagsisilbihan. Maging daan at gabay tayo upang sa gitna ng kanilang karamdamang tinitiis makatagpo nila ang Panginoon at sa puso nila makipagkasundo sa kanya. Maging kasangkapan tayo upang muli silang makapanalangin na sa matagal na panahon marami sa kanila ang napabayaan ito.

Binigyan ni Hesus ng kahulugan at kabuluhan ang pagdurusa sa pamamagitan ng pagdanas nito. Siya mismo ay nagdusa. Siya ang Diyos na nagdusa. Sa kanyang pagdurusa pinakita niya kung hanggang saan ang kanyang pagmamahal sa atin. Sa kanyang pagdurusa dinamayan niya tayo na siyang nagpalakas ng ating loob. Nagdusa siya para tayo ay mabuhay. Sa kanyang pagdurusa nagkaroon ng bagong kahulugan ang sarili nating pagdurusa. Naging pagpapahayag ito ng lubos na pagmamahal. Walang pagmamahal ang hindi nagsakripisyo at nagdusa alang-alang sa minamahal. Ang krus ng paghihirap at pagdurusa ni Hesus ang pinakarurok ng kanyang pagmamahal. Sa krus pinagaling niya tayo sa malalang sakit ng pagkamakasarili at kasalanan.

Sa susunod na hihipuin natin ang isang maysakit ipadama nating nagdurusa rin tayo dahil sila’y nagdurusa. Hindi man natin maibigay sa kanila ang kagalingang pisikal nguni’t maaari tayong maging daan ng kanilang emosyonal at espiritwal na kagalingan. Ang maramdamang may karamay sila sa kanilang pagdurusa ay malaking daan upang matuklasan nila na may kahulugan at kabuluhan ang kanilang pagdurusa. Tayo ay maging mga kamay ni Hesus na hihipo sa kanilang karupukan. Tayo na marupok din ang higit na nakakaunawa ng karupukan ng iba. Ang ating pagdadamayan ang magbibigay-daan upang madama natin ang presenya ng Diyos na siyang liwanag sa gitna na dilim na nararanasan natin dahil sa marami nating pagdurusa.

MANALANGIN: Panginoon, hilumin mo ang mas malalang sakit ng aming puso’t kaluluwa.

GAWIN: Bisitahin at kumustahin kahit isang maysakit na malapit sa iyo.

Reply

Malou Castaneda February 4, 2024 at 6:26 pm

PAGNINILAY:
‘Hindi sapat ang pagiging abala. Ganoon din ang mga langgam. Ang tanong ay: Ano ang pinagkakaabalahan natin?’ Isang malalim na kasabihan na kailangan ng malalim na pagmuni-muni. Napakaraming bahagi ng ating buhay ang nauubos sa pagiging abala. Ang listahan ay hindi natatapos. Ang mga halimbawa ni Hesus, ay nagpapakita sa atin kung paano lapitan ang pagiging abala sa karunungan ng Diyos, ang pamumuhay sa paraang nagsisilbi. Ginawa ni Hesus ang Kanyang sarili na palaging handa. Para saan natin ginagawang handa ang ating sarili? Inaabot ba natin ang mga tunay na nangangailangan o nakasentro ba tayo sa pagiging handa lamang sa ating sarili? Huwaran din si Hesus para maging handa tayo at balansehin natin ang pagiging handa. Ang Kanyang malapit na kaugnayan sa Diyos ay nagpahintulot sa Kanya na magpatuloy. Nananatili ba tayong malapit sa pinagmumulan ng lahat ng pag-ibig sa ating pagiging abala? Kapag ginawa natin maging handa para sa iba at pinananatiling malapit ang Diyos maaari pa rin tayong maging abala, ngunit hindi tulad ng mga langgam, magiging abala tayo sa paggawa ng mahalaga, pagmamahal at paglilingkod sa ating Panginoon.

Panginoong Hesus, turuan Mo kaming maglingkod sa iba tulad ng iyong paglingkod sa amin. Amen.
***

Reply

RFL February 5, 2024 at 11:25 am

February 4, 2024

Job 7, 1-4. 6-7
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6
1 Corinto 9, 16-19. 22-23
Marcos 1, 29-39

Ang misyon ni Hesus: ipangaral ang Mabuting Balita ng Pagliligtas ng Panginoon.

Mga kapatid, hindi lingid sa ating kaalaman na si Hesus ay nagpapagaling, nagpapalayas ng demonyo, nagmultiply ng isda’t tinapay, naglakad sa tubig at kung anu-ano pang himala. Kaya naman mula noon magpahanggang ngayon, naniniwala tayo na isasakatuparan ni Hesus ang ating hinihiling sa Kanya sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Kanya. Merong gumaling sa cancer, merong nakabangon muli sa kahirapan, merong nakapasa sa board exam, at kahit sa simpleng araw-araw na pagkain ay tunay na naging tapat ang Panginoon sa atin. Ngunit beyond all these extraordinary miracles and provisions in our lives, ito ba ang numero unong misyon ni Hesus? At ang mga mirakulo ba na ito ang number 1 dahilan para tayo ay manampalataya sa Kanya? Bilang mga Kristiyano, hindi tayo dapat maligaw. Ang number 1 na misyon ni Hesus ay ang iligtas ang sanlibutan at ipangaral ito sa pamamagitan ng Kanyang sariling buhay.

Ang kaligtasan na ibinibigay ng Panginoon ay ang pinakamagandang biyaya na nareceive ng Creation mula noong una hanggang magpakailanman, para sa mga taong nananampalataya sa Kanya. Bakit? Dahil tayo’y nakakulong sa temptation ni Satan at worldly pleasures, dahil tayo’y bulag sa totoong nilalaman ng puso ng Diyos patungkol sa buhay, dahil sa mundong ito, nararanasan natin ang pang-aapi kahit pa maganda ang ating nagawa at naaapi din tayo ng walang pakundangan kung may mali tayong nagawa. Mahirap mamuhay sa mundo na ito kaya salamat sa Diyos dahil kay Kristo Hesus, sa pagpapahayag Niya ng Mabuting Balita na nagpapalaya sa atin mula sa pagkakakulong sa dikta ng mundong ito, na nagpapalinaw ng ating paningin upang makita kung ano ang mas tama at kalugod-lugod, at nagpapalaya sa atin mula sa walang pakundangang pang-aapi ng mundo. Salamat sa Mabuting Balita sa pag-asang Kanyang ibinibigay! Salamat sa Diyos at sa ating Panginoong Hesus na nagpapalaya at nagbibigay buhay!

Ang essence ng mission ni Hesus ay hindi naging lingid kay Job na namuhay ilang daan taon bago kay Hesus. [Spoiler alert!] Kung ating susuriin, kay Job na isang taong kalugud-lugod sa mata ng Diyos, nangyari ang pinakamasaklap na dadaanan ng tao sa isang iglap, nawala ang kabuhayan, nawala ang mga minamahal sa buhay, nagkasakit ng pagkalubha na pinandidirihan at hindi pa sya makatulog sa kati ng kanyang balat. Bukod pa doon, inalipusta na siya ng kanyang mismong asawa at instead na bigyan ng emotional support, hinimok na icurse ang kanyang Diyos at mamatay na lang. Bagamat masama ang loob ni Job, siya’y nagpakatotoo sa Diyos at inilahad, actually inireklamo, ang lahat ng kanyang nararamdaman, tinitiis at lungkot na nadarama. Bagamat masaklap ang nangyari sa kanya, patuloy pa rin siyang nagtiwala sa Diyos. Paano ko nalaman? Sapagkat ang Diyos pa rin ang kanyang nilapitan. Hindi siya lumapit sa pagpapatiwakal, hindi niya sinumpa ang Diyos, hindi siya lumayo sa Panginoon. Dahil dito siya’y kinalugdan ng Panginoon, nirestore ang kanyang pamilya, kayamanan at dinagdagan pa ito.

Ang essence ng mission ni Hesus ay hindi rin lingid kay San Pablo. Ginaya niya ang Panginoong Hesus sa pakikiisa sa mga mahihina—mahihina sa mata ng lipunan, at lumagay din siya sa yapak ng mahihina ang pananampalataya. Ayon sa biblical scholars, si Pablo ay galing sa isang prominenteng pamilya na may Roman origins, nakapag-aral under ng isang kilalang guro at maaaring isang Pariseo bago siya tawagin ni Hesus. Gayon na lamang ang kanyang kayang isantabi alang-alang kay Kristo at sa Mabuting Balita na kanyang nalaman thru divine revelation. Para sa mabuting balita, nakibagay siya sa lahat ng klase ng tao upang sila rin ay mailigtas. Ito ang misyon nating lahat: Maghasik ng binhi ng Mabuting Balita para sa ikauunlad ng kaharian ng Diyos. At ito ay maipapamalas natin sa pagsheshare tungkol sa kabutihan ng Diyos.

Kaya naman kailangan nating maging katulad ni Kristo sa anumang aspeto ng buhay, whether in being a parent, child, brother, friend or citizen. Nagmamahal, umiintindi, nagpapakumbaba, nagbibigay, nagpapatawad. Malaki ang hamon ng pagpapalaganap ng Salita ng Diyos sapagkat dito nakaatang pati na ang Krus ni Kristo. Hindi natin kailanman matutulungan ang ibang tao ukol sa kabutihan ng Diyos kung hindi natin ipapakita sa kanila na tayo din ay lumalakad ayon sa footsteps ng ating Panginoon. At kahabagan tayo nawa ng Panginoon, kung magkaroon ng time na tayo’y napariwara sa pag-akay sa mga tao at tayo pa mismo ang nagcause ng pagkawasak ng kanyang pananampalataya. Kaya naman, katulad ni Hesus na bilang tao ay magkaroon din tayo ng walang humpay na pananalangin upang maging matagumpay sa kanyang misyon. Ang misyong ito ay inooffer sa bawat Kristiyano Katoliko sapagkat sa ating buhay, may mga dumarating na pagsubok sa atin o sa kapwa natin at tayo ang minsa’y napapagsabihan ng problema o hinihingan ng advice. Kaya nawa, ilead natin ang bawat isa kay Hesus—ang nagpapagaan sa ating pasanin at nagbibigay kagalingan sa anumang sakit o pasakit na mayroon tayo. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: