Linggo, Disyembre 24, 2023

December 24, 2023

Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B)

2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16
Salmo 88, 2-3. 4-5. 27 at 29

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Roma 16, 25-27
Lucas 1, 26-38


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Fourth Sunday of Advent (Violet)

UNANG PAGBASA
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel

Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang bahay. Sa tulong ng Panginoon, hindi na siya ginambala ng kanyang mga kaaway. Tinawag niya si Natan at sinabi, “Nakikita mong nakatira ako sa tahanang sedro, ngunit ang Kaban ng Tipan ay sa tolda lamang.” Sumagot si Natan, “Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat ang Panginoon ay sumasaiyo.”

Ngunit nang gabing iyo’y sinabi ng Panginoon kay Natan, “Ganito ang sabihin mo kay David: ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? Inalis kita sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. Kasama mo ako saanmang dako at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko patitirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon: wala nang aalipin sa kanila tulad noong una, buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong Panginoon ay nagsasabi sa iyo: Patatatagin ko ang iyong sambahayan. Pagkamatay mo, isa sa iyong mga anak ang ipapalit ko sa iyo. Patatatagin ko ang kanyang kaharian. Kikilanlin ko siyang anak at ako nama’y magiging ama niya. Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.’”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 4-5. 27 at 29

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Pag-ibig mo, Poon, na di magmamaliw
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin,
Yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Sabi mo, Poon, ikaw ay may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa sa lahi mo’y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.”

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Ang aking pangako sa kanya’y iiral
at mananatili sa kanya ang tipan.

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 16, 25-27

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid:

Purihin ang Diyos na makapagpapatibay sa inyo sa pamamagitan ng Mabuting Balita tungkol kay Hesukristo na ipinangangaral ko sa inyo. Ang Mabuting Balitang iyan ay isang hiwaga na nalihim sa loob ng mahabang panahon, at sa utos ng walang hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa mga Hentil upang sila’y manalig at tumalima kay Kristo. Ang lahat ng iyan ay ayon sa mga sulat ng mga propeta.

Sa iisang Diyos, ang marunong sa lahat – sa kanya iukol ang papuri magpakailanman sa pamamagitan ni Hesukristo! Amen.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lucas 1, 38

Aleluya! Aleluya!
Narito ang lingkod ng D’yos
maganap nawa nang lubos
ang salita mong kaloob.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon: ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”

“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”

Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 16, 2020 at 10:49 am

Pagninilay: Ang Ikaapat na Linggo ng Adbiyento ay isang masayang pananabik dahil tayo ay talagang nalalapit na sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng ating Panginoong Hesukristo. At ang Linggo ring ito ay bahagi ng tinatawag na “Late Advent Weekdays”, na kung saan ang mga Pagbasa, lalung-lalo na ang mga Ebanghelyo, ay mas nagpapahayag tungkol sa Unang Pagdating ng Panginoon.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang sikat na kwento tungkol sa Pagbabalita ni San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Birheng Maria (“Annunciation”). Sinasabi ng ilang eksperto ng Bibliya na maaring si Maria ay nasa edad 12-15, at sinasabi rin ng ilan na siya’y nananalangin. Makikita natin dito ang pagtupad ng propesiya ni Isaias [kb. 7, br. 14] na si Maria ay ang dalagang maglilihi sa batang sanggol na Emanuel. At mula sa pagbati ng anghel na siya ay “napupuno ng grasya”, makikita natin ang kanyang kalinis-linisang paglilihi, na minarapat na Diyos sa siya’y ipaglihing walang bahid na kasalanan upang magkaroon ng nararapat na tahanan para sa Pagsilang ng Mesiyas. Bagamat nabagabag si Maria tungkol sa kanyang paglilihi kay Hesus, sinabi ni San Gabriel na walang imposible para sa Diyos, kaya ganun din ang pagpapala ng Diyos kay Sta. Isabel na pinsan ng dalaga. At sa huli, tumalima ang Mahal na Birhen sa kalooban ng Diyos sa pagpahayag ng kanyang “fiat” (mangyari nawa sa akin). Makikita dito ang kanyang pananampalataya, kababaang-loob, at pagkamasunurin na tuparin ang kalooban ng Ama para sa katuparan ng kaligtasan ng sangkatauhan na dala ng Panginoong Hesukristo.

Mga kapatid, ilang tulog na lang, at Pasko na. Bagamat may mga bagay na hindi natin magagawa ngayong Kapaskuhan dahil sa mga ‘di kanais-nais na sitwasyon na ating hinaharap, gagawa at gagawa pa rin ang Panginoon ng kabutihan at pagpapala upang masaya nating ipagdiwang ang taung-taong selebrasyon ng Pagkakatawang-tao niya sa pamamagitan ng kanyang Anak. At siguro ang hamon sa atin ay tularan ang ating Mahal na Inang si Maria na sa kabila ng lahat ng nangyayari sa ating buhay, maganda man o pangit, patuloy tayong magtiwala na walang imposible para sa Panginoon. At tayo rinay patuloy na tumalima sa kanyang kalooban, at maging instrumento rin ng pagpapahayag ng kanyang pagmamahal sa atin.

Reply

Bro. NSP December 19, 2023 at 7:00 pm

GOOD NEWS

Ilang araw nalang at magtatapos na ang taong 2023. Marahil ay sumasaging muli sa ating mga isipan ang mga lungkot, pagkabigo, pagbangon, at kagalakang ating pinagdaanan. Marahil ay may ilang mga natanggap sa trabaho, napromote sa trabaho, gumaling ang sakit, naiayos ang pamilya, napaganda ang buhay, nakapagpatayo ng bahay, pumasa sa board exam, nagkaroon ng kasintahan, o nakatanggap ng maagang bonus at 13th month pay! Hindi ba’t ang lahat ng ito ay pawang mga MAGANDANG BALITA?

Sa ebanghelyo natin ngayong ikaapat na linggo sa panahon ng adbiyento, si Maria ay tumanggap rin ng magandang balita ng sabihin sa kanya ng anghel Gabriel na “MATUWA KA! IKAW AY KALUGOD-LUGOD SA DIYOS.” Hindi naman lahat ng tao ay nalulugod, natutuwa at sumasang-ayon sa atin subalit sobrang nakakataba ng puso kung malaman nating tayo’y isa pala sa kinalulugdan ng Diyos. At kapag nalugod sa atin, siguradong bibigyan nya tayo ng isang napakalaking MISYON.

Sa paglalakbay sa mundong ito, unti-unti nating nakikita ang mga misyon na ipinagkakaloob at pinagkakatiwala sa atin ng Diyos. Walang misyon ang madaling gawain, sundin at isakatuparan lalo na kung ang ating misyon ay maging kabahagi ni Kristo sa pagpapasan ng Krus ng pasakit sa mundong ito. Ang lahat ng hirap at sakit na mararanasan ni Maria sa misyong maging Ina ng Manunubos ay batid ng anghel kung kaya pinayapa niya ang loob ni Maria at sinabing “HUWAG KANG MATAKOT, MARIA, SAPAGKAT KINALULUGDAN KA NG DIYOS.”

Dalawang beses na binanggit ng anghel kung gaano lubos na si Maria’y naging kalugod-lugod sa paningin ng Diyos. Sana’y pagsumikapan rin nawa nating maging kalugod-lugod sa paningin ng Diyos. Marami mang sinasabi ang mga tao sa mga kabutihang iyong ginagawa, magpatuloy ka lang! Hindi ka man kalugod-lugod sa mga taong walang ginawa kundi manira at manakit ng damdamin ng kapwa, magpatuloy ka! Hindi ka man pinaniniwalaan at sinusuportahan ng ilan, magpatuloy ka pa rin kung mabuti ang iyong hangarin!

Hindi man laging mabuting balita ang natanggap natin sa taon na ito, sana’y matuto pa rin tayong ngumiti habang hinihintay ang GOOD NEWS mula sa Diyos.

Bilang hamon at pangwakas, nawa’y lagi nating tanggapin ng may kapakumbabaan ang mga misyong sa atin ay nakaatang. Tularan natin si Maria na hindi tumangging maging Ina ng Manunubos at tulad niya ay masambit rin natin…

“AKO’Y ALIPIN NG PANGINOON. MANGYARI SA AKIN ANG IYONG SINABI.”

(Pagninilay sa ika-4 na Linggo sa Panahon ng Adbiyento | Taon B – Lucas 1, 26-38 )

Reply

Joshua S. Valdoz December 23, 2023 at 6:19 pm

salamat,.panginoon!

Reply

Malou Castaneda December 24, 2023 at 3:20 pm

PAGNINILAY
Ngayong huling Linggo bago ang Pasko, itinuon ng Liturhiya ang ating pansin sa pangunahing tauhan ng yugto ng Adbiyento, ang Birheng Maria, sapagkat walang sinumang mas naghanda para sa pagsilang ni Hesus ng mas masinsinan at malapit sa kanya. Sa harap ng lahat ng kanyang mga alalahanin, inilagay niya ang kanyang buhay sa mga kamay ng Diyos. Si Maria ay tinanggap ang lukso ng pananampalataya sa pagtanggap sa mensahe ng anghel. Sa ating buhay din ay may mga pagbabagong punto kung saan maaari tayong makaranas ng isang paanyaya na yakapin ang isang bagay na mahirap sa halip na iwaksi ito. Isang bagay na makasisira sa ating pangarap para sa ating sarili o para sa ating mga mahal sa buhay. Si Maria ang pinakamataas na halimbawa ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Buo at responsableng tinanggap niya ang salita ng Diyos. Ang pangunahing kahulugan ng bawat araw ng ating buhay ay ang sabihing kasama niya, “Narito ako, ang lingkod ng Panginoon; mangyari nawa sa akin ang ayon sa iyong salita.” Tulad ni Maria, nawa’y lubos tayong magtiwala sa Diyos.

Mahal na Ina, ipanalangin mo na lagi kaming mamuhay kasama ng iyong Anak na si Hesus. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: