Linggo, Disyembre 24, 2023

December 24, 2023

Dakilang Kaspistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
(Pagmimisa sa Bisperas)

Isaias 62, 1-5
Salmo 88, 4-5. 16-17. 27 at 29

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Mga Gawa 13, 16-17. 22-25
Mateo 1, 1-25
o kaya Mateo 1, 18-25


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Vigil of the Nativity of the Lord (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 62, 1-5

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Jerusalem.
Hindi ako tutugon hangga’t hindi siya naililigtas,
hangga’t ang tagumpay niya
ay hindi nagliliwanag
na tulad ng sulo sa gabi.
Ang lahat ng bansa’y
pawang makikita ang iyong tagumpay,
at mamamalas ng lahat ng hari ang iyong kadakilaan.
Ika’y tatawagi’t
bibigyan ng Panginoon ng bagong pangalan.
Ikaw ay magiging magandang korona
sa kamay ng Diyos,
korona ng Panginoong nakalulugod.
Hindi ka na tatawaging “Itinakwil,”
Ni ang lungsod mo’y hindi rin tatawaging
“Asawang Pinabayaan.”
Ang itatawag na sa iyo’y “Kinalugdan ng Diyos,”
At ang lupain mo’y tatawaging “Maligayang Asawa,”
pagkat ang Diyos ay nalugod sa iyo,
at sa lupain mo,
siya ay magiging tulad ng asawa.
At ikaw Israel
ay ituturing niyang kasintahan,
ang manlilikha mo’y pakakasal sa iyo,
kung gaano kaligaya ang kasintahang lalaki
sa araw ng kanyang kasal,
gayun magagalak sa iyo ang Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 4-5. 16-17. 27 at 29

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Sabi mo, Panginoon, ika’y may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa sa lahi mo’y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.”

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Mapalad ang taong sa ‘yo’y sumasamba,
sa pagsamba nila’y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo’y namumuhay sila.
Sa buong maghapon, ika’y pinupuri,
ang katarungan mo’y siyang sinasabi.

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Ang aking pangako sa kanya’y iiral
at mananatili sa kanya ang tipan.

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

IKALAWANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 16-17. 22-25

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong dumating si Pablo sa Antioquia ng Pisidia, tumayo siya sa sinagoga at sinenyasan silang tumahimik.

“Mga Israelita at mga taong may takot sa Diyos – makinig kayo! Ang Diyos ng ating bansang Israel ang humirang sa ating mga ninuno. Sila’y ginawa niyang isang malaking bansa samantalang naninirahan sa lupain ng Egipto, inilabas doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan. At nang alisin ng Diyos si Saulo, inihalili si David upang maghari sa kanila. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya. ‘Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking handang tumupad sa lahat ng iniuutos ko.’ Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob ng Diyos sa Israel si Hesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas. Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha’t talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag. Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya’y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit tagaalis ng panyapak.’”

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Bukas ninyo makikita
maghahari’y Poong sinta,
patatawarin ang sala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 1, 1-25

Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Ito ang lahi ni Hesukristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.

Si Abraham ang ama ni Isaac; si Isaac ang ama ni Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Naging anak naman ni Juda kay Tamar sina Fares at Zara. Si Fares ang ama ni Esrom at si Esrom ang ama ni Aram. Si Aram ang ama ni Aminadab; si Aminadab ang ama ni Naason na ama naman ni Salmon. Naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz, at naging anak naman ni Booz kay Ruth si Obed. Si Obed ang ama ni Jesse na ama ni Haring David.

Naging anak ni David si Solomon sa dating asawa ni Urias. Si Solomon naman ang ama ni Roboam. Si Roboam ang ama ni Abias, at si Abias ang ama ni Asa. Si Asa ang ama ni Josafat, at si Josafat ang ama ni Joram na siya namang ama ni Ozias. Itong si Ozias ay ama ni Jotam na ama ni Acaz, at si Acaz ang ama ni Ezequias. Si Ezequias ang ama ni Manases, at si Manases ang ama ni Amos na ama naman ni Josias. Si Josias ang ama ni Jeconias at ang kanyang mga kapatid. Panahon noon ng pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia.

Matapos ang pagkakatapon sa Babilonia, naging anak ni Jeconias si Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud na ama ni Eliaquim, at si Eliaquim ang ama ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadoc na ama ni Aquim; itong si Aquim ang ama ni Eliud. Si Eluid ang ama ni Eleazar; si Eleazar ang ama ni Matan na ama ni Jacob. At si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo.

Samaktwid, labing-apat ang salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia, at labing-apat din mula sa pagkakatapon sa Babilonia hanggang kay Kristo.

Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”

Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:

“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
At tatawagin itong “Emmanuel,”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.

Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinangalanan nga niyang Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya: Maikling Pagbasa
Mateo 1, 18-25

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”

Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:

“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
At tatawagin itong “Emmanuel,”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.

Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinangalanan niyang Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 19, 2021 at 6:37 pm

PAGNINILAY: Ngayong gabing ito ay isang masayang pananabik sapagkat tayo’y naghihintay sa pagdiriwang ng ating kaligtasan. Ang Diyos Ama ay gumawa ng magandang plano upang iligtas tayo mula sa kasamaang dulot ng kasalanan. Sa kaganapan ng panahon ay isinugo niya ang kanyang Anak na ang ating Panginoong Hesukristo. Si Hesus ay nagkatawang-tao hindi lang upang maranas ang ating katauhan maliban sa pagkakasala, kundi ipakita sa atin na mayroong Panginoon na kapiling natin. Kaya nga si Hesus ay totoong Diyos sapagkat siya ang Emmanuel, ang Diyos na kapiling natin. Siya ay isinilang upang tayo’y magkaroon muli ng buhay bilang mga anak ng Diyos. At ngayong Pasko, tayo’y inaanyayahan na tanggapin siya sa ating mga puso, sundin ang dakilang kalooban ng Ama, at kilalanin ang kanyang mukhang nahahayag sa ibang tao lalung-lalo sa ating mga pamilya.

Maligayang Pasko po sa inyong lahat.

Reply

Joshua S. Valdoz December 23, 2023 at 6:28 pm

PAGNINILAY: Ngayong gabing ito ay isang masayang pananabik sapagkat tayo’y naghihintay sa pagdiriwang ng ating kaligtasan. Ang Diyos Ama ay gumawa ng magandang plano upang iligtas tayo mula sa kasamaang dulot ng kasalanan. Sa kaganapan ng panahon ay isinugo niya ang kanyang Anak na ang ating Panginoong Hesukristo. Si Hesus ay nagkatawang-tao hindi lang upang maranas ang ating katauhan maliban sa pagkakasala, kundi ipakita sa atin na mayroong Panginoon na kapiling natin. Kaya nga si Hesus ay totoong Diyos sapagkat siya ang Emmanuel, ang Diyos na kapiling natin. Siya ay isinilang upang tayo’y magkaroon muli ng buhay bilang mga anak ng Diyos. At ngayong Pasko, tayo’y inaanyayahan na tanggapin siya sa ating mga puso, sundin ang dakilang kalooban ng Ama, at kilalanin ang kanyang mukhang nahahayag sa ibang tao lalung-lalo sa ating mga pamilya.

Maligayang Pasko po sa inyong lahat

Reply

Jess C. Gregorio December 24, 2023 at 1:50 am

Pagninilay ni Jess C. Gregorio sa Mabuting Balita:

Isa sa pinaka gamit na kataga sa kasaysayan ng pananampalatayang hudyo o kristiyano ay “takot.” Fear. Pansinin na kada pakikipagtalastasan ng Diyos sa tao, o mensaheng dala ng isang anghel, pansinin ang bukad na pananalita na, “huwag ka matakot!” Para bagang ang bawat maling hakbang o desisyon natin ay pawang dala ng ating takot. Ang takot ay karaniwang dala ng kamangmangan. Ang walang kasiguraduhan na nagbibigay ng pagdududa kung ano ang kahihinatnan. At dahil parating may dalawang maaring mangyari, ang magtagumpay o mabigo, mabuhay o mamatay, maging masaya o malungkot, maging payapa o tuliro, ang makasama o iwanan, maging sobra o kulang, tayo ay natatakot magkamali. Karaniwang sagot sa takot ay ang pagkakaloob ng Banal na Espiritu na nagbibigay karunungan. Pero pati ito ay sadyang kinatatakutan. Sapagkat hindi nararamdaman ng karamihan, ang mga iba ay natatakot na tayo ay sinasaniban ng isang puwersa ng kadiliman. Lahat ay umiikot sa takot. Paano malalaman na ang isang takot ay mali o tama? Madali lamang. Ang walang saysay na takot ay yung walang mabuting patutunguhan. Karaniwang makasarili at hindi pangkalahatan. Ang takot na mananatiling takot sa atin na kahit na ipinagdasal ay mananatiling kinatatakutan ay isang takot na gawa lang natin at walang katotohanan. Ang takot na nagpapa alab ng ating puso at damdamin, nadarama ang presensiya ng Panginoon, nag uumapaw na kaligayahan, ay ang takot na di natin dapat kinatatakutan. Nangungusap ang Panginoon sa atin at sinasabi na huwag tayo matakot. Ito ay ang naging pakiramdam ng dalawang takot na alagad ni Kristo na umalis sa Herusalem patungo sa Emmaus na nagsabi, “Hindi baga tila bumabaga ang ating puso habang siya ay nagsasalita?” Walang makakapagsabing ibang tao kung ang nararamdaman nating takot ay sa Diyos o sa demonyo kundi ang Banal na Espiritung nasa atin na nagbibigay ng tamang damdamin. Ang sinumang magpapalago ng takot ninuman sa mga di pangkaraniwang kilos ng Diyos sa kanyang bayan ay sasalingin niya at sasabihan ng, “Get behind me, Satan!” Kahit na siya ay si Pedro na naturingan. Pansinin ang takot ni Herodes na wala ang Panginoon para magsabi ng huwag ka matakot. Maraming sanggol ang namatay sa isang takot na mawalan ng kapangyarihan. Ihambing ito sa takot ni Maria, ni Jose, ni Zacarias, ng Tatlong Mago, at ng mga pastol na may kaukulang mensahe ng mga anghel na huwag matakot, naisalba ang kasangkatauhan. Ang magsasabi sa atin ngayon na huwag tayo matakot ay ang Banal na Espiritu na ginawa tayong Templo. Sa mga kinalulugdan ng Diyos ito ay sadyang mararamdaman. Nakakalungkot man pero sa kawalan ng pananalig maski ang regalo ng Espiritu ay kinatatakutan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: