Sabado, Disyembre 23, 2023

December 23, 2023

Ika-23 ng Disyembre
(Simbang Gabi)

Malakias 3, 1-4. 23-24
Salmo 24, 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14

Itaas n’yo ang paningin,
kaligtasa’y dumarating.

Lucas 1, 57-66


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

23rd of December (Aguinaldo Mass) (White)

UNANG PAGBASA
Malakias 3, 1-4. 23-24

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias

Narito ang pahayag ng Makapangyarihang Panginoon, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan.”

Ngunit sino ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makahaharap pag siya’y napakita na? Siya’y parang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon. Darating siya para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Sa gayon, magiging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon, at ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa kanya, tulad ng dati. Ngunit bago dumating ang nakahihindik na araw ng Panginoon, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Muling magkakalapit ang loob ng mga ama’t mga anak. Kung hindi’y mapipilitan akong pumariyan at wasakin ang inyong bayan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14

Itaas n’yo ang paningin,
kaligtasa’y dumarating.

Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan.

Itaas n’yo ang paningin,
kaligtasa’y dumarating.

Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga sarili’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.

Itaas n’yo ang paningin,
kaligtasa’y dumarating.

Tapat ang pag-ibig, siya’ng umaakay
sa tumatalima sa utos at tipan.
Sa tumatalima, siya’y kaibigan,
at tagapagturo ng banal na tipan.

Itaas n’yo ang paningin,
kaligtasa’y dumarating.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Hari’t batong panulukang
Saligan ng Sambayanan,
halina’t kami’y idangal.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 1, 57-66

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagluwal siya ng isang sanggol na lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya’y pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.

Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya – gaya ng kanyang ama – ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi! Juan ang ipangangalan sa kanya.” “Subalit wala isa man sa iyong mga kamag-anak ang may ganyang pangalan,” wika nila. Kaya’t hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: “Juan ang kanyang pangalan.” At namangha silang lahat. Pagdaka’y nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng kanilang kapit-bahay, anupat naging usap-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga bagay na ito. Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 19, 2021 at 6:36 pm

PAGNINILAY: Tayo ngayon ay palapit na sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng ating Panginoon. Ito ay isang tanda na matutupad na ang pangako ng Diyos sa pagdiriwang ng pagdating ng kanyang presensiya sa atin bilang tao, kahit hindi siya kailanma’y nagkasala. Binigay ng Diyos ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesus upang ipamalas sa atin ang daan tungo sa tunay kaligayahan at tamang pamamaraan ng ating buhay.

Ayon kay Propeta Malakias sa Unang Pagbasa, na ikalawa sa mga pinakahuling propeta sa Lumang Tipan, isisugo ng Panginoong Diyos ang kanyang mensahero upang ibalita sa mga tao ang kanyang pagdating sa pamamagitan ng isang tipan na muli’t muling iuukit. Ang pagdating ng Panginoon ay inilalarawan ni Malakias na parang isang taong dumadalisay ng ginto at apoy, at sinasabing dadalisayin niya ang mga punong saserdote at taumbayan ng Israel. At sa huling bahagi ng propesiya, ipinahayag ng Diyos na darating si Elias upang ituwid ang puso ng mga anak ng Diyos patungo sa katapatan na ipinamalas ng kanilang mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Israel (Jacob). Itong nakikilabot na propesiya ni Malakias ay patungo sa pagdating ng Panginoong Hesus, ang Anak ng Diyos Ama, upang ituro niya sa atin kung paano dapat mamuhay ayon sa dakilang kalooban. At ang mensahero niya ay ang Tagapanguna niya, ang kanyang pinsan na si San Juan Bautista.

Narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ang pagsilang ni San Juan Bautista, na siyang ginugunita ng Simbahan tuwing ika-24 ng Hunyo (6 na buwan bago ang Disyembre 25, Pasko ng Pagsilang ng Panginoon). Matatandaan natin na ang paglilihi kay Juan ay ibinilita ni San Gabriel Arkanghel kay Zacarias siyam na buwan bagong mangyari nito, ngunit hindi siya naniwala dahil nakatuon lamang sa kanyang katandaan at ganun din ang katandaan ni Elisabet, kaya’t ginawa siyang pipi at bingi. Ngayong naganap na ang pangyayaring ito, isang kultura sa kanilang kamag-anak na ipangalan ang bagong sanggol walong araw pagkatapos ang pagsilang nito ayon sa nakagawiang pangalan ng kanilang angkan. Nais nilang tawagin “Zacarias” ang sanggol na katulad ng pangalan ng ama nito. Subalit sinabi ni Elisabet na ang pangalan ng bata ay Juan. Dahil hindi sila naniwala, nagdemanda sila ng mga tanda kay Zacarias kung ano ang ipapangalan nito sa bata. At isinulat niya sa isang tableta “Juan ang kanyang pangalan” dahil ito ang pangalang ibinigay ng Diyos sa kanilang sanggol, kaya ang kanyang tainga ay nakarinig at ang labi’y biglang nagsalita muli ng pagpupuri sa Panginoon. Kaya namangha ang mga kasamahan nina Zacarias at Elisabet sa isang napakagandang pangyayari sa dalawang magulang, kahit sila’y matanda na. At sinabi nila na ang Panginoong Diyos ay nasa piling ng sanggol na si San Juan Bautista.

Ang pangalang “Juan” ay galing sa wikang Hebreo ‘Yohanan,’ na may kahulugang “Ang Diyos ay mapagpala”. At sinasabi nga ng marami “Ang iyong pangalan ay ang iyong pagkakakilanlan”. Kaya nga si San Juan Bautista ay tanda ng pagpapala ng Diyos sa mga magulang nitong si San Zacarias at Sta. Isabel matapos ang habangpanahon na paghihintay at minsan na nga’y kawalang pag-asa. Si Juan rin ay tanda ng pagpapala ng Diyos bilang isang nakatakdang mangaral sa disyerto sa Ilog Jordan ukol sa pagdating ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbibinyag at pangangaral ukol sa pagsisisi, pagbabalik-loob, at paggawa ng kabutihan.

Ganun din ang pangalang “Hesus” na nangangahulugang “Ang Diyos ay nagliligtas” sapagkat si Hesus ay ang biyaya ng Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan mula sa pagkakasala. Ngayong Pasko, habang kinikilala natin si Kristo at ipinaghahandaan natin ang ating puso para sa kanyang pagsilang, magpasalamat tayo sa Diyos sa biyaya ng buhay na ibinigay niya sa atin. Nawa katulad ni Hesus at ni Juan, tayo rin ay maging biyaya sa ibang tao.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño December 23, 2021 at 9:11 am

Ang hamon at aral ng Ebanghelyo ngayon ay; “walang hindi mapangyayari ang Diyos” at ang pagpaplain ang mga taong masunurin sa kautusan ng Diyos.

Tularan natin ang mag asawang Zacarias at Elizabeth sa pagiging masunurin sa Panginoon at may matibay na pananampalataya.
Marami na ang nagpatotoo at isa ako dito, give and take lang ang buhay, sundin mo ang kalooban ng Diyos at sya na ang bahala sa lahat ng iyong panganga-ilangan, kadalasan ay higit pa sa iyong hinihiling. Huwag tayong magpaka abala sa mga makamundong bagay katulad ng mga materyal at pita ng laman. Huwag din natin problemahin ang maraming bagay bagkus ay ipagdasal natin ang lahat mg bagay bagay. Kapag tayo ay nanalangin o humiling sa Panginoon, tanggalin mo na ang pangamba at umasa ka na sa kanya na diringgin ang iyong mga dasal, pero katulad nga ng sabi ko nararapat na gumawa tayo ng kabutihan o sundin ang kalooban nya habang hinihintay ang kasagutan sa ating mga dalangin.

Huwag mo ding iisiping wala ka ng pag-asa, alalahanin mo palagi ang Mabuting Balitang ito ngayon, Si Elizabeth ay bukod sa matanda na ay baog pa subalit nagdalang tao pa din dahil niloob ng Diyos. Ang matandang kasabihan na “Habang nabubuhay ka pa ay may Pag-asa” ay totoo kung ikaw lamang ay mananalig at sasampalataya sa kapangyarihan ng Diyos.

Dalawang araw mula ngayon ay sasapit na ang iniintay na pagdiriwang ng kapanganakan ng Poong Hesus. Naihanda mo ba iyong sarili, ang liko likong daan, ang bako bako lansangan? Kung oo ay magaling at kung hindi nman ay hindi pa huli ang lahat, Hinihintay lamang tayo ni Hesus na lumapit sa kanya, magsisi at humingi ng kapatawaran, at sikaping matalikuran ang pagawa nh pinagbabawal nya at sabay sabay nating salubungin ang kapaskuhan ng may malinis na puso at konsensya.

Merry Christmas ?

Reply

Joshua S. Valdoz December 22, 2023 at 8:46 pm

salamat panginoon, at Maligayang Pasko sa lahat, amen!

Reply

Jesus C. Gregorio December 23, 2023 at 5:46 am

Pagninilay ni Jess C. Gregorio sa Mabuting Balita:

Pag pasko nakikigalak tayo sa lahat. Everybody happy kasi mabait lahat. Naminigay. Nakangiti. Maraming pagkain. Sama-sama. Merry ang Krismas. Hilung-talilong ang marami. Masaya. Marami rin tayong katanungan at mga bekenemen sa buhay tulad ng mga taong nakapaligid sa sanggol na Juan. Sa ating pinaniniwalaan. Sa ating pananampalataya. Paano kaya? Ano kaya? Sino kaya? Baka naman. Baka kaya. At iba pang mga uri ng baka sa ating mapaglarong isipan. Napapagtanungan din naman natin ang mga mapalad gaya ni Elizabeth pero ayaw nating maniwala. Likas sa atin ang mapaghinala. Kaya kahit na pipe si Zacarias pinipilit natin na masagot ang katanungan natin. Sagot ng pipe? Talaga! At ang unang kataga sa sinabi niya ay ang sagot sa ating katanungan. Tapos ay ang natural na ginagawi ng mga kinalulugdan, ang magpapuri sa Diyos. At tayo ay namangha. OMG! May himala! Somalosep! Natakot pero namangha. Anong resulta? Nagmarites tayo. Pinag usapan ngunit may pangamba. Hanggang sa dulo tamang hinala! At nagtapos ang kuwento ng mas marami pang katanungan. Di ba tayo iyun? Kung pintor ang Ama ay kanyang naisalarawan ng totoo at maliwanag ang kuwentong buhay na kanyang kinatha. Ang tanong! (Echo nong, nong, nong,…) Bakit kaya hindi na lang tayo maniwala?

Reply

Malou Castaneda December 23, 2023 at 12:59 pm

PAGNINILAY:
Malapit ng matapos ang ating paghihintay. Ang ating pokus ngayon ay ang paghahanda, isang napakahalagang bahagi ng ating buhay. Kailangan nating taos-puso at tapat na maghanda para sa anumang sa tingin natin ay kapaki-pakinabang. Kapag naibahagi natin sa iba ang kahalagahan ng pagdiriwang na ito, ginugol natin ang mas maraming oras sa espirituwal na paghahanda para sa pagdating ng ating Panginoong Hesus tulad ng paghahanda natin sa ating bahay at mga regalo para sa Pasko, talagang maaari na nating ipagdiwang at kantahin ang mga papuri sa Diyos sa loob ng dalawang araw. Mas pinagtutuunan natin ng pansin ang tunay na kahulugan ng Pasko, hindi lamang para sa pagsasalu-salo kundi pagsasaya sa Presensiya ng Diyos-na ginawang -tao at ang presensyang ibinabahagi natin sa ating mga mahal sa buhay. Ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan na gampanan ang ating bahagi sa pagpapanumbalik ng ating mga pamilya, patatagin ang ating mga relasyon, at alisin ang mga hadlang sa kapayapaan at pagkakasundo upang mapadali ang mapagmahal na pagbisita ng ating Panginoon sa gitna natin.

O Hesus, Emmanuel, samahan Mo kami sa buong buhay namin. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: