Podcast: Download (Duration: 5:29 — 5.4MB)
Ika-21 ng Disyembre
(Simbang Gabi)
Awit 2, 8-14
o kaya Sofonias 3, 14-18a
Salmo 32, 2-3. 11-12. 20-21
Panginoo’y papurihan
ng tapat n’yang sambayanan.
Lucas 1, 39-45
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
21st of December (Aguinaldo Mass) (White)
UNANG PAGBASA
Awit 2, 8-14
Pagbasa mula sa aklat ng Awit ni Solomon
Ang tinig ng aking mahal ay akin nang naririnig,
mga gulod, tinatahak upang ako’y makaniig.
Itong aking mangingibig ay katulad niyong usa,
mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla.
Sa tabi ng aming pader, naroroon lagi siya,
sumisilip sa bintana para ako ay makita.
Ang mahal ko ay nangusap at ganito ang tinuran:
“Sa akin ay sumama ka, halika na, aking mahal.
Lumipas na ang taglamig sa buong lupain
at ang tag-ulan ay natapos na rin.
Bulaklak sa kaparangan tingna’t namumukadkad na,
ito na nga ang panahon upang tayo ay magsaya,
sa bukid, ang mga ibo’y humuhuni, kumakanta.
Yaong mga bungang igos ay hinog nang para-para,
at ang mga punong ubas, sa bulaklak ay hitik na.
Tayo na nga aking mahal, sa akin ay sumama ka.
Ika’y parang kalapati, nagkukubli sa batuhan,
halika at ang ganda mo ay nais kong mapagmasdan,
at nang aking ding marinig ang tinig mong ginintuan.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Sofonias 3, 14-18a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Sofonias
Umawit ka nang malakas, Lungsod ng Sion;
sumigaw ka, Israel!
Magalak ka nang lubusan, Lungsod ng Jerusalem!
Ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis na ng Panginoon,
at itinapon niya ang inyong mga kaaway.
Nasa kalagitnaan mo ang Hari ng Israel, ang Panginoon;
wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
Sa araw na yaon ay sasabihin sa Jerusalem:
“Huwag kang matakot, Sion;
huwag manghina ang iyong loob.
Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos,
parang bayaning nagtagumpay;
makikigalak siya sa iyong katuwaan,
babaguhin ka ng kanyang pag-ibig;
at siya’y masayang aawit sa laki ng kagalakan,
gaya ng nagdiriwang sa pista.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 2-3. 11-12. 20-21
Panginoo’y papurihan
ng tapat n’yang sambayanan.
Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tutog ng alpang marilag!
Panginoo’y papurihan
ng tapat n’yang sambayanan.
Ngunit ang mga panukala ng Diyos,
ay mamamalagi’t walang pagkatapos.
Mapalad ang bansang Panginoo’y Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Panginoo’y papurihan
ng tapat n’yang sambayanan.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Dahilan sa kanya, kami’y natutuwa,
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala.
Panginoo’y papurihan
ng tapat n’yang sambayanan.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Emman’wel na hari namin
halina’t kami’y sagipin
at utos mo’y tutuparin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 1, 39-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Si Maria’y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Judea. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak niyang sinabi, “Bukod kang pinagpala sa babaing lahat at pinagpala naman ang iyong dinadalang anak! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Disyembre 20, 2023
Biyernes, Disyembre 22, 2023 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Ebanghelyo para sa Ikaanim na pagnonobena para sa Pasko ay tungkol sa Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang pinsan na si Elisabet, ang asawa ni Zacarias. Matapos marinig ni Maria sa Ebanghelyo kahapon na buntis na ang kanyang pinsan, agad siyang umalis ng Nazaret at pumunta sa kabuluran ng Judea, at ang pangalan ng nayon ay Ein Karem. At makikita sa eksenang ito ang pagbati ng dalawang babae at ang dinadala ni Elisabet na si San Juan Bautista ay nagalak sapagkat nakita niya sa dinadala ni Maria si Hesus na Tagapagligtas. Sa galak na iyon, nagpasalamat si Elisabet at pinagpala si Maria dahil sa pagtupad nito sa kalooban ng Diyos.
Ayon sa mga dalubhasa sa Teolohiya, ang Pagdalaw ni Maria kay Elisabet sa Ein Karem ay katulad sa pagmasdan ni Haring David sa Kaban ng Tipan. Katulad ng pagtalon ni Haring David nang makita niya ang kaban, si San Juan Bautista na nasa sinapupunan ni Elisabet ay tumalon sa pagmasdan niya kay Hesukristo sa loob ng sinapupunan ng Birheng Maria. At katulad ng pagpapala ni David sa Diyos na ang kaban ay dumalaw sa kanya, si Elisabet din ay nagpahayag ng pagpapala kay Maria dahil dinalaw siya ng Ina ng Panginoon. Kaya nga ang Mahal na Birheng Maria ay itinuturing na “Kaban ng Bagong Tipan” sapagkat ang dinadala niya sa kanyang sinapupunan ay ang katuparan ng Kautusan, ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesukristo. At makikita natin ang paglalarawan ni San Lucas sa 2 babae na tinanggap ang mensahe ng Panginoong Diyos: ang isa ay gumawa ng kabutihan (Maria), at ang isa ay nagpasalamat (Elisabet).
Ngayong darating na ang Pasko, nawa’y kilalanin natin ang pagdalaw ng Diyos sa ating buhay at katulad nina Birheng Maria at Elisabet, tanggapin natin ang kanyang dakilang kalooban at presensiya nang buong pananampalataya at pasasalamat.
Kanino ka kinikilig? Anong sitwasyon ka napapatalon sa tuwa? Ano ang nagpaptawa sayo? Sqan mo nararamdaman ang tunay na kaligayahan?
Sa ating ebanghelyo ngayon ay binisita ni Maria ang pinsang si Elizabeth, pagkabati ay nagagalaw ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth. Ang sanggol na isisilang ni Elizabeth ay si San Juan.
Tularan natin si ang mag inang ito sa ebanghelyo. Magalak tayo at magpuri sa Diyos sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob sa atin. Hindi lamang sa mga materyal na bagay at mga tagumpay, Magalak at magpsalamat din tayo mgsimula sa maliliit na bagay. Ang pagising tuwing umaga, ang pagkakaroon ng matitirhan, ng damit, ng pagkain sa hapag kainan, ng tubig sa inyong gripo, hindi nasalant ng bagyo o iba pang sakuna, ang biniyayaan ka ng anak sapagkat hindi lahat ay nagkakaroon, ang iyong trabaho, ang mga kaibigan, buhay pa ang mga magulang, hindi tinamaan ng covid, at maraming marami pang iba. Ipagpasalamat mo ang lahat ng ito, araw araw, magpuri ka, tumalon sa tuwa katulad ni San Juan, At suklian si Hesus sa pamamagitan ng pagmamahal at pakikiramay sa iyong kapwa.
PAGNINILAY:
Hindi lang inabot ni Mama Mary ang kanyang pinsang si Elizabeth, lalo pa, dinala niya sa kanya ang pinakamalaking pagpapala kailanman: si Hesus. Ang liwanag ni Kristo ay dumating kay Elizabeth sa pamamagitan ni Maria. Parehong babae ang nagalak! Dinala ni Maria ang Diyos kay Elizabeth sa kanyang puso at sa kanyang sinapupunan. Bawat isa sa atin ay tagapagdala ni Hesus. Dapat natin, tulad ni Maria, kargahin Siya at ibahagi ang mabuting balita ng Kanyang kapanganakan. Dinadala natin ang Diyos sa lahat ng ating nakakasalamuha, at lahat ng ating nakakasalamuha ay nagdadala ng Diyos sa atin. Habang papalapit ang Pasko, nawa’y maging malaya tayo sa pagiging maramot at makasarili. Sa halip, nawa’y punuin tayo ng Diyos ng pananabik at kabutihang-loob ng puso. Tulad ni Inang Maria, nawa’y lumabas din tayo ng may mapagmahal na paglilingkod sa iba at maranasan ang pag-ibig ng Diyos na lumulukso sa atin at sa mga nakakasalamuha natin.
Mama Mary, tulungan mo kaming tumugon sa tawag ng Diyos ng may pananampalataya at pagtitiwala tulad ng ginawa mo. Amen.
***
Pagninilay ni Jess C. Gregorio sa Mabuting Balita:
Lahat tayo, tulad ni Maria, ay dala si Hesus saan man tayo bumisita at pumunta. Ang ating Ina sa Langit ay napupuno ng grasya na madaling sinangayunan ng pinsan niyang si Elizabeth. Bagama’t hindi pa nila nakikita ang kani-kaniyang sanggol ay nararamdaman naman nila ang kaligayahang dala nila sa kanilang sinapupunan. Si Maria ang naging daan para sa sangkatauhan para naman dalhin si Hesus sa ating puso na pagkatapos ng pagtutubos sa atin ay nanahan. Katulad ni Elizabeth na kanyang pinuntahan, may mga kapatid tayo na maaari nating makapiling para makakuha ng affirmation sa ating kinalalagyan. At tulad ni Maria, tayo naman ang magigiging daan para malaman ng iba ang kaligtasan. At tulad ni Hesukristo, magagawa natin ang imposible kung ating yayakapin at iaalay naman ang ating buhay sa krus nating taglay. Pinabatid sa atin sa Kasulatan ang proseso ng isang Kristiyano. Nababasa natin ang mapa ng buhay at ang ating pagdadaanan. Marami lang sa atin ang mahilig sa short cut at ayaw ang natural na dinadaanan. Kaya kapalaran ay malungkot, mapait, at puno ng katanungan. Tulad ng aral ng Mabuting Balita sa araw na ito, tanggapin natin ang mga pinagdadaanang katulad ng kay Maria. Sa mga paglibak ng mga marites, pagtalikod ng nga ayaw maniwala, pagbibingi-bingihan ng mga nakakakita, at pananakit ng puso at damdamin ng mga naiinis sa gawi ng Panginoon na hindi pangkaraniwan, puntahan natin at kumuha ng lakas sa mga Elizabeth sa atin. At pagkatapos nuon, gayahin ang ginawa ni Kristo, ang ibigay ang buhay natin sa kanila at wikain ng may buong pagmamahal, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” Ito ang proseso ng pagtutubos. Ito rin ang pinili nating Buhay Kristiyano. Ang makaisa ni Kristo. Sa ating pagpanaw, ang mga butong hinasik ay magiging punong hitik sa bunga at katayuan. Tulad ng karanasan ni Maria, itinuro ng Ama ang tiyak na ating pagdadaanan.