Lunes, Disyembre 11, 2023

December 11, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Lunes

Taglay ang ganap na pagtitiwala ng mga kaibigan ng lalaking paralitiko, manalangin tayo para sa paggaling at pagkabuo ng lahat ng tao sa mundo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pagalingin mo kami.

Ang Simbahan ng Diyos nawa’y patuloy na kumilos upang matupad ang mapanligtas na misyon ni Kristo sa pamamagitan ng pagpapatawad ng mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y laging handang magpatawad sa iba dahil sa pagkaunawang tungkulin ito ng lahat ng sumusunod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong wari’y bilanggo ng kanilang pagkamakasalanan nawa’y makatagpo ng tunay na kagalingang espiritwal, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at may kapansanan nawa’y makatagpo ng ginhawa at pag-asa kay Jesus na nagdusa para sa aming lahat, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa na ay mapatawad nawa sa kanilang mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, pinasasalamatan ka namin dahil sa pagpapatawad sa amin ng iyong Anak. Nawa, kami rin ay makapagpatawad sa lahat ng taong nagkasala sa amin. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 5, 2021 at 5:49 am

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay isang magandang pagpapahayag ni Isaias tungkol sa kasaganaan ng mundo dahil sa kabutihang dulot ng pagdating ni Hesus bilang ipinangakong Mesiyas ng Diyos. Napakaganda ang larawan ng kasaganaan sa kalikasan dahil sa darating ang pag-asang dala ni Kristo para sa lahat. Ito ay naglalarawan sa kabutihan ng Panginoon na ipapakita niya ang kanyang awa at pagmamahal sa isa’t isa.

Kaya ang Ebanghelyo ay ang kwento ng pagpapagaling ni Hesus sa isang paralitiko. Siya ay binuhat ng 4 na magkakaibigan at nagbutas sa bubong ng bahay upang mababa ang kanilang kaibigang nakahandusay sa higaan. At dito’y sinabi ni Hesus sa lalaki na pinatawad na ang mga kasalanang ito. Subalit siya’y pinag-usapan ng mga pariseo at eskriba na nilalapastangan nito ang Diyos. At nabatid nga ni Hesus ang kanilang mga kaisipan at ipinakita ang kanyang kapangyarihan ng pagpapatawad ng mga kasalanan. At inutos ni Hesus ang paralitiko na tumindig, pulutin ang higaan, at lumakad, at ganyan nga ang nangyari. Kaya namangha ang mga tao sa isang dakilang kababalaghang kanilang nasaksihan.

Makikita natin dito na ang Diyos ay patuloy na magiging mabuti, lalung-lalo na sa mga nangangailangan. At ito rin ay ang hamon sa ating lalung-lalo na ngayong Panahon ng Adbiyento ang pagiging mga masaganang ani na ang bunga ay ang kabutihan, pagmamahal, at marami pang ibang pagpapahalaga. Tularan natin ang 4 na magpakaibigan na nawa’y idala natin ang ibang tao patungo sa Panginoong Diyos.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño December 6, 2021 at 9:45 am

Ang Unang Pagbasa ay punonh puno ng magagandang bagay na mangyayari, kaunlaran, kapayapann at tunay na kaligayan. Ngunit ito aya para sa mga taong nagsisi na at hindi na muling bumalik sa maling gawain. Kaya’t kapatid habang may panahon ka pa ay umpisahang magsisi at humingi ng kapatawaran at talikuran na ang dating buhay na liko liko at baku bako.

Ang ating ebanghelyo ngayon ay pagpapagaling na nman ni Hesus ng taong maysakit ng dahil sa kanilang pananalig. Kapatid, kapag tayo ay nanalangin at meron pa din tayong pangamba at alinlangan ay hindi lubos ang ating pananampalataya sa Diyos. Kailangan na kapag tayo ay hihiling o dadalangin sa Diyos nararapat na ibigay na natin sa kanya ang buong tiwala, manalig tayo na si Hesus ang makapangyarihan sa lahat at walang bagay na hindi sya magagawa, walang imposible sa Kanya. At habang tayo’y naghihintay sa pagdinig ng ating mga kahilingan ay sundin naman natin ang kalooban nya.

Ikalawang linggo ng Adviento, ipagpatuloy lamang natin ang paghahanda sa pamamagitan ng paglilinis ng ating mga sarili. Masarap ang gumawa ng kabutihan, may prace of mind ka, makakatulog ng mahimbing at maligaya ang pamumuhay na may relasyon sa Diyos.

Reply

Rosalinda m jubilado December 5, 2022 at 11:29 am

Tunay ngang ang siya lamang may malalim na relasyon sa ating Holy Trinity, may buhay na lumalakad sa kabanalan ay siyang makararanas ng kapayapaan- kapayapaang anumang pagsubok sa.buhay na ating sinusuong ay naandon ang mahigpit, malalim na ugnayan sa ating Diyos na siyang kumikilos sa atin. At ang mga binanggit sa ating pagbasa ayon kay Isaias ang siyang mararanasan ng tunay na sumusunod o tagasunod ng ating Diyos. Alam nating the closer and the deeper our relationship to God is the bigger the tests ang ating mararanasan kung kayat napakahalaga ang regalo/grasya sa atin ng Panginoon ang KAPAYAPAAN.AndJOY. na siyang binabanggit ni Propeta Isaias.

Sa ating Ebangelyo ay ipinapakita sa atin na ang ating mga karamdaman, mga mabibigat na suliranin na ating pinagdadaanan ay bunga ng ating mga pagsuway sa kalooban ng ating Diyos kung kayat sabi ng Panginoon sa paralitiko ay pinatatawad na siya sa kanyang mga kasalanan. pansinin natin sa Ebangelyo ngayon -na ang ating malalim na pananampalataya ay tiyak makakatanggap tayo ng kagalingan physical at spiritual. Our unwavering faith is the KEY na mapasaatin ang salvation and healing.sa lahat ng aspeto ng ating buhay. To God be all the Glory for giving us the gift of the Holy Spirit.

Reply

Jess C. Gregorio December 10, 2023 at 10:02 pm

Pagninilay ni Jess C. Gregorio:

Halintulad sa kamatayan bilang parusa sa unang pagsuway, ang kasalanan ay karaniwang sanhi ng mga kasakitan sa pangangatawan o isipan. Ang pagwawalang bahala sa mga Salita ng Diyos ay naglalayo sa atin sa ating tunay na kaanyuan dahilan sa natural na sagot ni Hesus sa mga nangangailangan ng kagalingan, “Kaibigan, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” Ang ibang kasakitan ay hinayaan ng Langit upang mabatid ng lahat ang kapangyarihan ng Diyos sa oras ng pagpapagaling. Pansinin na ito ay malimit sa mga lugar na higit ang walang pananalig, mahinang paniniwala, at may halong pagdududa. Sa mga pagkakataong ito sasabihin ni Hesus, “Iniuutos ko: tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” Ang mga Salita ng Diyos sa araw na ito ay nagpapahiwatig ng karaniwang sitwasyon ng pananampalataya ng bayan kung saan ang tao ay tahasang sumasang ayon sa galaw ng Diyos o di kaya ay tinatalo ng kawalan ng pananalig at walang pagtitiwala na kung saan nagtuturo si Hesus, kung saan naroon din ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na mula sa mga bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem.

Reply

Malou Castaneda December 11, 2023 at 4:43 pm

PAGNINILAY
Ang paralitiko ay hindi pinabayaan ng kanyang mga kaibigan. Dahil sa tapat na pagmamahal ng mga kaibigan sa paralitiko at sa kanilang pananampalataya kay Hesus, hindi sila basta-basta sumuko, hindi sila pinanghinaan ng loob sa paglapit ng paralitiko kay Hesus. Kahit anong sakripisyo o balakid ay kanilang kinaya. Kapag totoong nagmamahalan tayo at kapag malalim ang ating pananampalataya sa Diyos, kahit ano pa ang unos, kakayanin natin ito at malalampasan natin. Huwag tayong maging mapagmataas o mayabang. Maaaring dumating ang panahon sa ating buhay na tayo ay magiging mahina, mahirap, o may sakit. Kakailanganin natin ang tulong ng ating mga kapitbahay, kaibigan o mahal sa buhay. Pagnilayan natin iyong mga tao, kamag-anak, kaibigan na hindi tayo iniwan sa mga kabiguan natin sa buhay. Sila ang tumulong at umaangat sa atin sa mga panahong tayo ay mahina at nangangailangan. Ipagdasal at pasalamatan natin sila sa sa kapaskuhan na ito.

Panginoong Hesus, pagalingin mo kami sa anumang bagay na humahadlang sa aming pagsulong bilang Kristiyano. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: