Podcast: Download (Duration: 7:01 — 5.0MB)
Kapistahan ni Apostol Santiago
2 Corinto 4, 7-15
Salmo 125, 1-2ab, 2kd-3. 4-5. 6
Ang nagtanim na
may luha ay aaning natutuwa.
Mateo 20, 20-28
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Feast of Saint James, Apostle (Red)
UNANG PABGASA
2 Corinto 4, 7-15
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay hamak — kung baga sa sisidlan ay palayok lamang — upang ipakilalang ang di malirip na kapangyarihan ay sa Diyos, at hindi amin. Ginigipit kami sa kabi-kabila ngunit di nagagapi. Kung minsa’y nag-aalinlangan kami ngunit di nawawalan ng pag-asa. Pinag-uusig kami ngunit di nawawalan ng kaibigan; naibubuwal ngunit di tuluyang nailulugmok. Lagi kong taglay sa aking katawan ang kamatayan ni Hesus upang sa pamamagitan ng katawan ko’y mahayag ang kanyang buhay. Kami’y laging nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Kristo upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay. Anupat habang ako’y dahan-dahang namamatay, nagkakaroon naman kayo ng buhay na walang hanggan.
Sinasabi sa Kasulatan, “Nagsasalita ako sapagkat ako’y sumasampalataya.” Bunga ng gayong diwa ng pananampalataya, nagsasalita rin ako sapagkat ako ma’y sumasampalataya. Sapagkat nalalaman kong ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Hesus ang siya ring bubuhay sa akin kasama niya, at magdadala sa inyo at sa akin sa kanyang piling. Ang lahat ng pagtitiis ko ay sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakatatanggap ng mga kaloob ng Diyos, lalo namang dumami ang magpapasalamat at magpupuri sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 125, 1-2ab, 2kd-3. 4-5. 6
Ang nagtanim na may luha
ay aaning natutuwa.
Nang lingapin tayo ng Diyos at sa Sion ay ibalik
ang nangyaring kasaysaya’y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit.
Ang nagtanim na may luha
ay aaning natutuwa.
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Ang ginawa ng Diyos nila ay dakila, anong rikit!”
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, kagalaka’y di kawasa!
Ang nagtanim na may luha
ay aaning natutuwa.
Kung paanong inuulan yaong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, kami, Poon, ay ibalik.
Silang mga nagbubukid na nagtanim na may luha,
bayaan mo na mag-aning masasaya’t natutuwa.
Ang nagtanim na may luha
ay aaning natutuwa.
Yaong mga nagsihayong dala’y binhi’t nananangis,
ay aawit na may galak, dala’y ani pagbalik!
Ang nagtanim na may luha
ay aaning natutuwa.
ALELUYA
Juan 15, 16
Aleluya! Aleluya!
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabubuting tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 20, 20-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit kay Hesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. May ibig siyang hilingin, kaya’t lumuhod siya sa harapan ni Hesus. “Ano ang ibig mo?” Tanong ni Hesus. Sumagot siya, “Sana’y ipagkaloob ninyo sa dalawa kong anak na ito ang karapatan na makaupong katabi ninyo sa inyong kaharian — isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Hesus sa kanila. “Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin ko?” “Opo,” tugon nila. Sinabi ni Hesus, “Ang hirap na babatahin ko’y batatahin nga ninyo. Ngunit wala sa akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga luklukang sinasabi ninyo’y para sa mga pinaghandaan ng aking Ama.”
Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya’t pinalapit sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang pinuno ng mga Hentil ay naghahari sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo, tulad ng Anak ng Tao na naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay upang matubos ang marami.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Hulyo 24, 2026
Linggo, Hulyo 26, 2026 »




{ 11 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ni Apostol Santiago, ang kapatid ni San Juan na isa sa mga anak ni Zebedeo. Kilala silang 2 bilang “Boanerges” o “mga anak ng kidlat” sapagkat kapag sila’y nagsasalita ay parang malakas ang epekto ng kanilang mensahe.
Ang ating Ebanghelyo ay nagpapakita kung gaano ninanais nila na itugon ni Hesus ang kanilang tugon. Ang kanilang ina [Santa Salome] ay lumapit kay Hesus at hiniling na kapag iniluwalhati na diya bilang Anak ng Diyos, ipaupo sina Santiago at Juan sa kanan at kaliwa niya. Ngunit alam ni Kristo na hindi gaanong madali ang hiniling nila, sapagkat ayon sa kanya ay kailangan nilang uminom sa kalis ng pagdurusa. At sa paggalit ng iba pang Apostol dahil sa kanilang hiling, tinipon sila ng Panginoon at ipinahayag tungkol sa pagkakamit ng kadakilaan.
Nais ipahiwatig sa atin ni Hesus na ang pagkakaroon ng maraming tagumpay ay kinakailangang magdusa hindi dahil tayo’y pinaparusa ng Diyos, kundi upang maging mas matatag pa ang pananampalataya natin sa kanya. At tungkol sa pagiging una at dakila, kinakailangan nating magpakumbaba at maglingkod gaya ng ginawa ni Hesus nang ialay niya ang kanyang buhay para sa kaligtasan ng karamihan.z
Kaya nga si Santiago ay ang kauna-unahang Apostol na pinatay noong ika-44 ng Taon ng Panginoon sa utos ni Haring Herodes Agripa I (Cf. Gawa 12:2). Bago pa man mangyari iyan, sinasabi na nagpunta siya sa Espanya upang ipagpatuloy ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ni Kristo.
Kaya’t sa ating buhay, nawa’y tayo’y maging mga tunay na Kristiyano sa pagbibigay-saksi sa Panginoon nang buong lakas, kababang-loob, at paglilingkod sa ating kapwa at sa ibang tao.
Pinupuri Ka Namin Panginoong Hesukristo…Amen!
Mahal na Panginoon,gabayan at bigyan mo nawa kami ng buhay ng tunay na Kristiyano na nagbibigay-saksi sa Panginoon nang buong lakas, kababang-loob, at paglilingkod sa ating kapwa at sa ibang tao.
Amen.
PAGNINILAY
Itinuro ni Hesus na ang tunay na kadakilaan ay dapat ipahayag sa pamamagitan ng isang malalim na pagpapakumbaba at isang kahandaang maglingkod. Ang paglilingkod ay ang daan tungo sa kadakilaan. Hindi ito tungkol sa sarili. Ito ay tungkol sa serbisyo. Sakripisyo, isang namamatay sa sarili. At si Hesus ang ating tunay na halimbawa. Hindi Siya naparito upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang Kanyang buhay bilang pantubos sa atin! Nawa’y tularan natin ang Kanyang halimbawa sa ating tahanan, pinagtatrabahuhan, simbahan, at komunidad. Hindi na magrereklamo sa ating responsibilidad. Wala ng galit sa mga hindi nagpapasalamat. Wala ng pait kung hindi napapansin. Wala ng awa sa sarili. Wala ng pagtataguyod ng sarili.
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming magkaroon ng mapagkumbaba at mapagmalasakit na saloobin sa lahat. Amen
***
Sa Mabuting Balita, pinaalalahanan ni Jesus ang inang humihingi ng karangalan para sa kanyang mga anak: bago ang korona at tagumpay, may sakripisyo muna. Madalas, nais natin ng ginhawa nang walang paghihirap, ngunit tulad ni Santiago na tapat na ininom ang kanyang kalis, tinatawag din tayong harapin ang ating sariling mga krus. Kahit mapait ang mga pagsubok sa buhay, kailangan lang nating manatiling tapat kay Hesus dahil Siya ang gagabay at maghahanda sa atin patungo sa kalangitan.
PAGNINILAY:
Mateo 20:20–28
Kapistahan ni Apostol Santiago
Sa Kapistahan ni San Santiago Apostol, ipinakikita ng Ebanghelyo na ang tunay na kadakilaan ay hindi nasusukat sa mataas na posisyon kundi sa lalim ng paglilingkod. Ninais ni Santiago at ng kanyang kapatid na si Juan ang marangal na lugar sa kaharian, ngunit itinuwid sila ni Hesus: ang landas ng Kanyang mga alagad ay hindi trono kundi krus, hindi kapangyarihan kundi sakripisyo. Ang dating naghahangad ng karangalan na si Santiago ay naging apostol na nag-alay ng buhay alang-alang kay Kristo. Ang tunay na lingkod ay hindi naghahanap ng unang upuan, kundi unang nagmamahal at naglilingkod.
Sa Ebanghelyo ni Marcos 3:17, tinawag ni Hesus sina Santiago at Juan na “Boanerges” o “Mga Anak ng Kidlat” dahil sa kanilang maalab at masigasig na pag-uugali. Minsan pa nga’y nais nilang magpababa ng apoy mula sa langit laban sa mga tumanggi kay Hesus (Lucas 9:54). Ngunit hinubog sila ni Kristo upang ang kanilang sigasig ay maging apoy ng pag-ibig at tapat na paglilingkod. Si San Santiago ang naging unang Apostol na martir, at si San Juan naman ang naging Apostol ng pag-ibig. Patunay ito na kayang baguhin ni Kristo ang ating puso upang maging tapat na lingkod Niya.
Ang pagiging dakila sa Kaharian ng Diyos ay bunga ng kababaang-loob at pag-aalay ng sarili. Ang pamumuno sa Simbahan ay isang bokasyon ng paglilingkod, ayon sa halimbawa ni Kristo na “naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod.”
Nawa’y ito rin ang maging paalala sa ating lahat na ang bawat ministeryo sa Simbahan ay hindi tungkol sa posisyon o pagkilala, kundi sa araw-araw na pagpapahubog kay Kristo upang ang ating buhay ang maging unang pangangaral ng Ebanghelyo.
PUSO NG EBANGHELYO:
Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat hindi sa taas ng ating katungkulan kundi sa lalim ng ating paglilingkod.
Itinuturo ng Simbahan na si Hesus ang huwaran ng bawat pinuno at lingkod. Ang bawat Kristiyano ay tinatawag na mamuno sa pamamagitan ng kababaang-loob, pag-ibig, at sakripisyo, hindi ng paghahari o pagmamataas.
PAGSASABUHAY:
Ngayong araw, humanap ng pagkakataong maglingkod nang hindi naghihintay ng papuri o pagkilala. Gawing tahimik na handog sa Diyos ang bawat kabutihang ginagawa.
HAMON NG EBANGHELYO:
Naglilingkod ba ako upang mapansin, o dahil mahal ko si Kristo at ang aking kapwa?
WORD OF THE DAY: “PAGLILINGKOD”
Ang paglilingkod ay kongkretong pagpapahayag ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Kapag tayo ay naglilingkod nang may kababaang-loob at walang hinihintay na kapalit, higit nating naipakikita ang mukha ni Kristo na naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod.
PANALANGIN:
Panginoong Hesus, turuan Mo akong tularan si San Santiago—matapang na sumunod, mapagkumbabang maglingkod, at tapat na mag-alay ng aking buhay para sa Iyo. Amen.
To God be the highest glory now and forever. Amen.
Tunuy nga n tayo ang pinagpapa ng ating PANGINOONG Hesus dahil tayo ay kanyang tinubos s ating mga kasalanan…..kaya ating paglikuran,pasasalamatan at paglingkuran ng buong puso ang ating PANGINOONG HESUS n walang hinhintay n kapalit….
Kapistahan ni Santiago anak ni zebedeo . Lumapit Ang ina nila upang hilingin para kanyang mga anak na kung maari bang umupo sa kanan at kaliwa Ang kanyang mga anak. Ngunit Anu sagot ni Hesus ito’y Hindi niya tungkulin at Sumunod na tanong kaya ba nilang umunum sa saro, kaya nila pero Ang payo ni Hesus Ang nais niya sa kaharian ng Diyos ay yung hanggad na maglingkod para sa lahat. Kababaan-loob na maging aliipin at iyon Ang pinaka dakila sa kaharian ng Diyos . Hindi lang maglingkod lng na magkaroon ng karangalan sa halip ay Ang kabaang loob na gustong maglingkod para Kay Kristo.
PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA ALLELUIA ALLELUIA!
Pagninilay:
Mapagpalang Kapistahan ni Apostol Santiago! Ngayong araw ay ipinagdiriwang natin si San Santiago, ang kapatid ni San Juan na disipulo ni Hesus. Sa ating Ebanghelyo, nakita natin na ang dalawang magkapatid ay nagnanais na maghari kasama si Hesus na hiniling ng kanilang ina. Sa mga panahong ito, mayroon pa ring kamunduhan ang kanilang pagkaunawa sa awtoridad sa halip na makita ang kahalagahan ng serbisyo. Naging dahilan ito upang magkaroon ng problema sa labindalawang disipulo sapagkat ninanais din ng iba na maghari at tila ba pakiramdam nila ay inuunahan sila ni San Juan at San Santiago. Bago magturo ang ating Panginoong Hesus, makikita natin ang kataga sa Ebanghelyo na nagsasabing, “Kaya’t pinalapit sila ni Hesus (…).” Pinapaalala sa atin ng ating Panginoon na sa panahon na walang kapayapaan sa ating puso dahil sa ating pagmamataas at sariling interes ay handa Siyang imbitahin tayo at palapitin sa Kanya, dahil sa Kanya lamang natin malalaman ang katotohanan at matatagpuan ang karunungan na kailangan sa pagseserbisyo at pagsasakripisyo. Sinabi sa kanila ng ating Panginoon na kung sino ang nais maging dakila ay dapat munang maglingkod.
Nais ni Hesukristo na malaman natin na kahit gaano natin ibaba ang ating sarili sa pagpapakumbaba at pagserbisyo sa ating kapwa, kahit sa ating mga kaaway, ay hindi tayo magiging mas mababa pa kaysa sa ating Panginoong Hesus na namatay sa Krus para sa atin at kahit sa Kanyang mga kaaway na bunga ng Kanyang pag-ibig. Kung pipiliin nating ibaba ang ating sarili kasama si Kristo, tayo rin ay iaangat sa kaluwalhatian ng Diyos sa Kaharian ng Langit. Marahil nagsimula ang Ebanghelyo sa pansariling interes ni Apostol Santiago, ngunit siya ay binago ng Diyos hanggang sa punto na siya ay naging martir matapos siyang ipapatay ni Haring Herodes (Mga Gawa 12:1-3). Kung papaanong ninanais ni San Santiago na maging una sa pamumuno sa mga tao, ang pagiging “una” niya ay hindi sa pagmamataas kundi sa pagseserbisyo dahil siya ang una sa labindalawang mga apostol na naging martir. Ayon sa Katekismo ng Simbahang Katolika, “Martyrdom is the supreme witness given to the truth of the faith: it means bearing witness even unto death” (CCC 2473). Ang isang martir ay nagiging saksi kay Kristo dahil sa pagpili niyang tanggapin ang kamatayan nang may tapang at pag-asa, habang ipinapakita niya sa kanyang gawa na siya ay naniniwala kay Kristong namatay at muling nabuhay.
Sa pamamagitan ng pagiging saksi sa ating pananampalataya ay naging kaisa ni San Santiago ang ating Panginoong Hesukristo na ipinako para sa ating kaligtasan. Dito ay naisabuhay ni Apostol Santiago ang kanyang sagot kay Hesus: “’Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin ko?’ ‘Opo,’ tugon nila.” Marahil hindi natin mararanasan ang uri ng pag-uusig na naranasan ni San Santiago, ngunit lahat tayo ay tinatawag ng Diyos na magpursige sa pagsasakripisyo at maging handa sa ating puso na maging martir sa tulong ng grasya ng Diyos kung ito ay magaganap sa ating buhay. Ngunit, paano tayo matututong magsakripisyo sa mabigat na bagay kung sa mga mas simple at mas madaling bagay ay hindi tayo handang magsakripisyo? Ang malalaking sakripisyo ay nagsisimula sa maliliit na sakripisyo tulad ng pagpipili na iwasan ang “convenience” at sa halip, mas piliin na bigyan ng oras ang panalangin. Gayundin, kung handa tayong magsakripisyo sa pamamagitan ng pagpunta sa Misa nang mas maaga pa sa takdang oras, nagkakaroon tayo ng mas maraming oras para sa ating Panginoon at sa kontemplasyon.
Ang tapang na mayroon ang mga martir ay nagmumula sa grasya mula sa sakripisyo ni Hesus sa krus, at dahil ang Banal na Eukaristiya sa Misa ay ang sakripisyo ni Hesus, dito tayo magkakaroon ng lakas na piliin ang Diyos kahit sa panahon ng pagdurusa at pag-uusig. Sa ating kahinaan, makakapagbigay-puri tayo sa Diyos kung tayo ay nananatiling mapagpakumbaba sa pag-amin sa ating Panginoon sa dasal sa mga pagkakataon na ang ating motibasyon sa buhay ay ang pagmamataas at pagnanais ng kapangyarihan, atensyon, o papuri ng iba. Ang pagbabago ay nagsisimula sa pagiging totoo natin sa sarili at sa pagkilala na ang tunay na lakas ay nagmumula kay Kristo at ang tunay na kasiyahan ay natatagpuan, hindi sa “convenience” sa mundo, kundi sa Kanyang pag-ibig. Sana ay makita natin ang kapangyarihan ng Diyos na kahit tayo ay nahihiya tuwing naaalala natin ang ating pagkakamali at kasalanan, ito ang oportunidad na ibinigay ni Hesus para, tulad ng sa mga disipulo, tayo ay palapitin Niya sa Kanya. Nawa’y magkaroon tayo ng inspirasyon mula sa sigasig ni San Santiago upang tayo ay mabago ng Diyos mula sa pagiging makasarili tungo sa isang dedikadong lingkod ni Kristo, at sa pamamagitan nito ay umani ng kagalakan ng buhay na walang hanggan. Amen. +
Pagninilay ni: CJTH
Pagbasa: Awit at Papuri Communications
Summary and Defense of Catholic Teachings:
https://www.catholic.com/tract/pillar-of-fire-pillar-of-truth
Ultimate Catholic Parents Guide:
https://youtube.com/watch?v=Ls6IcexZAls
Examination of Conscience and Guide to Sacrament of Confession:
https://mycatholic.life/catholic-prayers/examination-of-conscience/
Website on how to raise and guard children in their Catholic faith:
https://howtokeepyourkidscatholic.com/
Sa unang pagbasa, ipinahayag ni apostol Pablo ang dinanas niyang hirap at sakripisyo para maipalaganap ang ebanghelyo ng kaligtasan. Hindi niya inisip ang kanyang sarili lamang na kapakanan kundi naglingkod siya upang mabatid ng marami ang dakilang pagibig ng Dios sa pamamagitan ng alay na dugo ni Jesus sa kapatawaran ng lahat ng kasalanan ng sangkatauhan.
“Mga kapatid, kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay hamak — kung baga sa sisidlan ay palayok lamang — upang ipakilalang ang di malirip na kapangyarihan ay sa Diyos, at hindi amin. Ginigipit kami sa kabi-kabila ngunit di nagagapi. Kung minsa’y nag-aalinlangan kami ngunit di nawawalan ng pag-asa. Pinag-uusig kami ngunit di nawawalan ng kaibigan; naibubuwal ngunit di tuluyang nailulugmok. Lagi kong taglay sa aking katawan ang kamatayan ni Jesus upang sa pamamagitan ng katawan ko’y mahayag ang kanyang buhay. Kami’y laging nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Kristo upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay. Anupat habang ako’y dahan-dahang namamatay, nagkakaroon naman kayo ng buhay na walang hanggan.
Sinasabi sa Kasulatan, “Nagsasalita ako sapagkat ako’y sumasampalataya.” Bunga ng gayong diwa ng pananampalataya, nagsasalita rin ako sapagkat ako ma’y sumasampalataya. Sapagkat nalalaman kong ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Hesus ang siya ring bubuhay sa akin kasama niya, at magdadala sa inyo at sa akin sa kanyang piling. Ang lahat ng pagtitiis ko ay sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakatatanggap ng mga kaloob ng Diyos, lalo namang dumami ang magpapasalamat at magpupuri sa kanya.
Sa gospel reading, ipinahayag dito na inisip lamang ng asawa ni Zebedeo ang kapakanan ng dalawa niyang anak imbes na maglingkod para sa kaligtasan ng nakakarami.
“Noong panahong iyon, lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. May ibig siyang hilingin, kaya’t lumuhod siya sa harapan ni Jesus. “Ano ang ibig mo?” Tanong ni Jesus. Sumagot siya, “Sana’y ipagkaloob ninyo sa dalawa kong anak na ito ang karapatan na makaupong katabi ninyo sa inyong kaharian — isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Jesus sa kanila. “Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin ko?” “Opo,” tugon nila. Sinabi ni Hesus, “Ang hirap na babatahin ko’y batatahin nga ninyo. Ngunit wala sa akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga luklukang sinasabi ninyo’y para sa mga pinaghandaan ng aking Ama.” Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya’t pinalapit sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang pinuno ng mga Hentil ay naghahari sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo, tulad ng Anak ng Tao na naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay upang matubos ang marami.”
Kumusta naman tayo? Katulad ba tayo ni Pablo na inisip ang kaligtasan ng marami o tulad tayo ng asawa ni Zebedeo na inisip lamang ang kapakanan ng kapamilya imbes na maglingkod para sa kaligtasan ng nakakarami?