Podcast: Download (Duration: 6:16 — 8.1MB)
Biyernes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Sharbel Makhluf, Pari
Jeremias 3, 14-17
Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13
Pumapatnubay na Diyos
ang Pastol na kumukupkop.
Mateo 13, 18-23
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Friday of the Sixteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Sharbel Makhluf, Priest (White)
UNANG PAGBASA
Jeremias 3, 14-17
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
“Magbalik kayo sa akin, kayong mga nagtaksil, pagkat ako ang inyong Panginoon,” wika ng Panginoon. “Kukuha ako sa inyo ng isa sa bawat bayan at dalawa sa bawat angkan at ibabalik ko kayo sa Bundok ng Sion. Bibigyan ko kayo ng mga pinunong tatalima sa akin, at pamamahalaan nila kayo nang buong katalinuhan at pagkaunawa. At kung dumami na kayo sa lupaing iyon, hindi na pag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa Kaban ng Tipan ng Panginoon. Hindi na nila ito kakailanganin ni iisipin o gugunitain. At hindi na rin sila gagawa ng ibang kaban. Pag sumapit na ang panahong iyon, ang Jerusalem ay tatawaging Luklukan ng Panginoon. Lahat ng bansa’y magkakatipon doon upang parangalan ako. Hindi na nila gagawin ang balang maibigan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13
Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.
Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ng Poon,
at ipahayag ninyo sa malalayong lupain:
“Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel,
ngunit sila’y muli kong titipunin at aalagaan,
gaya ng pagbabantay ng isang pastol sa kanyang mga tupa.”
Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.
Sapagkat tinubos ng Poon si Jacob, at pinalaya sa kapangyarihan ng kaaway na lubhang makapangyarihan at malakas.
Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa patungo sa Bundok ng Sion,
tigib ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ng Poon.
Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.
Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga
makikigalak pati mga binata’t matatanda;
ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa,
papalitan ko ng kagalakan ang kanilang kalungkutan.
Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.
ALELUYA
Lucas 8, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang Salitang mula sa D’yos
kapag isinasaloob
ay mamumunga nang lubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 18-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Pakinggan nga ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. Ang mga nakikinig ng Salita tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi nakauunawa nito ay katulad ng mga binhing nahasik sa tabi ng daan. Dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanilang puso. Inilalarawan ng binhing nahasik sa kabatuhan ang nakikinig ng Salita at masayang tumatanggap nito kaagad. Ngunit hindi ito tumitimo sa puso nila kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng mga kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Inilalarawan naman ng naghasik sa dawagan ang nakikinig ng Salita, ngunit naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, at naging maibigin sa mga kayamanan anupat ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang puso, kaya’t hindi makapamunga. At inilalarawan ng naghasik sa matabang lupa ang mga nakikinig ng Salita at nakauunawa nito. Sila’y namumunga: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Hulyo 23, 2026
Sabado, Hulyo 25, 2026 »




{ 10 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ipinapaalala sa atin ni Hesus ngayon ang aral ng Parabula ng Manghahasik. Ito ay isang realidad tungkol sa reaksyon ng bawat indibiduwal kung paano siya tutugon sa salita ng Diyos, sumisimbolo sa mga binhing itinanim ng Manghahasik na si Kristo.
Ang mga binhing itinanim sa tabi ng daan ay sumasagisag sa mga taong nakikinig sa salita ng Panginoon, ngunit wala talagang balak makinig dahil hindi masyadong nauunawaan ito. Mayroong realidad na may mga taong ayaw paniwalaan na may Diyos na maawaain at mahabagin, Ang mga binhing itinanim naman sa bato ay sumasagisag sa mga taong nakikinig sa salita at masayang tinatanggap ito, ngunit kapag dumating ang mga kapighatian at pagsubok, biglang liliit ang pananampalataya. Minsan sa buhay natin ay marami tayong mga problemang nais nating masolusyonan, pero minsan inaakala nating hindi natin kailangan ng Diyos upang tulungan at gabayan tayo.
Ang mga binhing itinanim naman sa dawagan ay sumasagisag sa mga taong nakikinig sa salita ngunit hindi kayang panindigan ito sapagkat maraming mga ari-arian ang nagpapasaya sa kanila. Inaakala ng karamihang tao na kapag sinabi ni Hesus na ibenta ang lahat ng kayamanan ay literal na ibenta ang lahat. Minsan kailangan nating unawain ang kahulugan ng pagiging “espiritually poor” na sa kabila ng lahat ng ating inabot na tagumpay ay dapat may kababang-loob pa rin tayo na gumawa ng kabutihan sa ibang tao, lalung-lalo na sa mga nangangailangan. At sa huli, ang mga binhing itinanim sa matabang lupa ay siyang tunay mga taong nakikinig sa salita at isinasabuhay ito, nang sa ganyon sila’y makapagmunga ng 30, 60, at higit sa 100 binhi.
Sa ating buhay pang-Kristiyano, kailangan nating magmunga nang masagana sa ating pagsasabuhay ng pananampalataya. Kung tayo’y magiging mga binhi sa matabang lupa, kailangan nating dinggin ang salita ng Diyos at ipagmasdan ang mga aral nito sa ating araw-araw na pamumuhay sa paggawa ng tama at mabuti. Kung tayo’y pinagpapala niya araw-araw, nawa’y tayo rin ay maging mga saksi niya sa pagpapahayag ng kanyang mga mensahe ng pag-ibig, kagalakan, at kapayapaan, na siyang bumubuo sa Mabuting Balita tungkol sa kanyang Paghahari.
PAGNINILAY
Ang pagiging hindi nakasentro sa sarili, mapagmalasakit na pinuno ay isang mahirap na hamon. Maraming mga pinuno ang maaaring magsimulang magsikap na maging isang nagmamalasakit na gabay para sa mga pinaglilingkuran nila. Kadalasan, gayunpaman, sila ay natutukso na gamitin ang kanilang kapangyarihan at impluwensya para sa kanilang sariling pakinabang o para sa isang piling grupo ng kanilang mga tagasunod, sa halip na magtrabaho para sa lahat ng kanilang pinamumunuan. Nakita nating lahat kung paano tinira ng kapangyarihan ang maraming pinuno. Dapat nating ipagdasal ang lahat na nasa mga tungkulin ng pamumuno (maging ito ay pamayanan, pampulitika, organisasyon, o espirituwal), na humihiling sa Diyos na udyukan sila na gawin ang mabuti at tamang bagay para sa mga nasa ilalim ng kanilang pamumuno. At kapag binigyan tayo ng mga posisyon ng pamumuno, dapat nating hangarin na gawin ang nais ng Diyos na gawin natin para sa ikabubuti ng lahat ng kinauukulan. Nawa’y maging isang mapagmalasakit na pastol sa tuwing tayo ay tinatawag na akayin ang iba sa Mabuting Pastol.
Panginoong Hesus, ihanda Mo ang aming puso upang ang Iyong mga salita ay mag-ugat at lumago. Amen.
***
MAGANDANG BALITA NGAYON – BIYERNES NG IKA-16 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON / Paggunita kina San Joaquin at Santa Ana, mga magulang ng Mahal na Birheng Maria
MATEO 13, 18-23 Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Pakinggan nga ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. Ang mga nakikinig ng Salita tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi nakauunawa nito ay katulad ng mga binhing nahasik sa tabi ng daan. Dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanilang puso. Inilalarawan ng binhing nahasik sa kabatuhan ang nakikinig ng Salita at masayang tumatanggap nito kaagad. Ngunit hindi ito tumitimo sa puso nila kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng mga kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Inilalarawan naman ng naghasik sa dawagan ang nakikinig ng Salita, ngunit naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, at naging maibigin sa mga kayamanan anupat ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang puso, kaya’t hindi makapamunga. At inilalarawan ng naghasik sa matabang lupa ang mga nakikinig ng Salita at nakauunawa nito. Sila’y namumunga: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”
MAGNILAY: Ano nga ba ang ibig sabihin na maging mabuting lupa? Anong katangian ang taglay nito upang tumubo at mamunga ang binhi ng salita ng Diyos?
Una, pagpapakumbaba. Ito ang susi upang makapasok ang Panginoon sa mga puso natin. Ang mapagmataas ay kandado ang puso. Punong-puno ito ng sarili kaya’t walang lugar ang Panginoon. Ang nagpapakababa ang siyang nagbubukas ng puso sa Panginoon.
Ikalawa, masunurin. Bunga ng pagpapakumbaba ang pagiging masunurin. Ang mapagpakumbaba ay sinasantabi ang sariling gusto sa gusto ng Panginoon sa kanya. Marunong siyang makinig at pagkatapos makinig hinahayaan niya ang salita ng Diyos na hubugin ang kanyang buong pagkatao ayon sa kalooban ng Diyos. Pagkatapos ay mamumuhay siyang sumusunod sa bawat kagustuhan ng Panginoon.
Ikatlo, mapagmahal. Pag-ibig ang pinakabunga ng pagpapakumbaba at pagkamasunurin. Pagmamahal sa puso ang dahilan kaya’t namumunga tayo ng kabutihan at kabanalan. Pag-ibig ang patunay na ang Panginoon ang laman ng puso natin at siyang namayayani sa buhay natin.
Sina San Joaquin at Sta. Ana ang mga larawan ng mabuting lupa. Buong buhay nila naihasik sa kanilang mga puso ang salita ng Diyos. Naging mapagpakumbaba at masunurin sila sa kalooban ng Diyos. Ang pinakamahalagang bunga ng kanilang matinding pag-ibig sa Diyos ay naging mga magulang sila ng magiging Ina ng Manunubos – ang Mahal na Birheng Maria.
MANALANGIN: Panginoon, gawin mong mabuting lupa ang aming mga puso upang maging punlaan ng iyong salita.
GAWIN: Tularan ang kababaang-loob, pagkamasunurin at pagmamahal nina San Joaquin at Sta. Ana.
Ama Naming Dios Akoy Nananalig At Isinusuko Ko Ang Lahat Sa Akin Sa Ngalan Ni Hesukristo…Amen!
PAGNINILAY:
Mateo 13:18–23
Ang Ebanghelyo ngayon ay hindi lamang tungkol sa isang manghahasik at iba’t ibang uri ng lupa. Ito ay salamin ng kalagayan ng ating puso. Ang tunay na tanong ni Hesus ay hindi, “Ano ang binhi?” sapagkat iisa lamang ang binhi—ang Salita ng Diyos. Ang tanong ay: “Anong uri ng lupa ang aking puso?”
Ang Manghahasik ay walang sawang naghahasik. Hindi Siya namimili ng tatanggap. Ang biyaya ng Diyos ay ipinagkakaloob sa lahat. Ngunit ang bunga ay nakasalalay sa pagtanggap ng tao na inilalarawan ng Ebanghelyo sa apat na uri ng lupa.
May kalagayan ng pusong katulad ng binhing inihasik sa tabi ng daan na sumasagisag sa taong nakikinig ngunit hindi inuunawa ang Salita. Dahil dito, madaling naagaw ng masama ang Salita bago pa ito makapangugat.
May pusong na maihahambing na katulad ng mabatong lupa—masaya sa simula ngunit kulang sa lalim kaya hindi nakapamunga. Nang dumating ang pagsubok, ang dating sigasig ay napapalitan ng panghihina.
May pusong katulad ng dawagan, sumasagisag sa pusong kinakain ng makamundong alalahanin—nakikinig nga ngunit nalulunod sa pag-aalala, paghahangad ng kayamanan, at maraming abala. Unti-unting nasasakal ang Salita hanggang hindi na ito namunga.
Ngunit mayroon ding pusong katulad ng matabang lupa—mapagpakumbaba, bukas, matiyaga, at handang magbago. Ang ganitong puso ang nagiging tahanan ng Salita ng Diyos. Dito nagsisimulang mamunga ang kabanalan, pag-ibig, kapayapaan, paglilingkod, at katapatan.
Ang pagiging mabuting lupa ay hindi likas na katangian kundi bunga ng araw-araw na pakikipagtulungan sa biyaya ng Diyos. Tulad ng isang magsasaka na nag-aararo, nag-aalis ng damo, at nagdidilig ng lupa, kailangan din nating linisin ang ating puso sa pamamagitan ng panalangin, Sakramento ng Kumpisal, Banal na Eukaristiya, at patuloy na pagsasabuhay ng Salita ng Diyos.
Itinuturo ng Katesismo ng Simbahang Katolika na ang Salita ng Diyos ay buhay at mabisa; ito ang nagbibigay-buhay at nagbabago sa tao kapag ito’y tinanggap nang may pananampalataya at isinabuhay (cf. CCC 131–133). Hindi sapat ang pakikinig lamang; ang Salita ay dapat maging buhay sa ating mga gawa.
Ito rin ang diwa ng patuloy na panawagan ng Simbahan sa makabagong ebanghelisasyon: ang bawat Kristiyano ay hindi lamang tagapakinig kundi alagad-misyonero na namumunga sa pamamagitan ng pagmamahal, paglilingkod, at pagbabahagi ng Mabuting Balita.
Pagsasabuhay
Ngayong araw, itanong natin sa ating sarili:
-Ano ang mga “damo” na sumasakal sa Salita ng Diyos sa aking puso?
-May mga “batong” kailangan bang alisin—mga sama ng loob, pagmamataas, o kakulangan sa pagtitiwala?
-Ano ang maaari kong gawin upang maging mas matabang lupa ang aking puso araw-araw?
Hindi hinihingi ni Hesus ang perpektong puso. Ang hinihingi Niya ay pusong handang linangin upang ang Kanyang Salita ay mamunga nang sagana.
Word of the Day: “PAGPAPAMUNGA”
Ito ang pinakatampok na mensahe ng Ebanghelyo. Hindi sapat na marinig lamang ang Salita ng Diyos; ito ay dapat maunawaan, tanggapin, isabuhay, at mamunga sa ating buhay.
Ang binhi ay iisa lamang—ang Salita ng Diyos. Ngunit ang bunga ay nagkakaiba ayon sa kalagayan ng puso ng tumatanggap. Ang matabang lupa ay larawan ng pusong bukas sa biyaya ng Diyos, kaya ito ay namumunga nang sagana: tatlumpu, animnapu, at sandaan.
Hamon ng Ebanghelyo:
Ang sukatan ng ating pananampalataya ay hindi kung gaano karami ang ating naririnig na Salita ng Diyos, kundi kung gaano ito namumunga sa ating buhay.
Panalangin:
Panginoong Hesus, Ikaw ang banal na Manghahasik ng Salita ng Buhay. Alisin Mo ang anumang hadlang sa aking puso upang ang Iyong Salita ay malalim na mag-ugat sa aking buhay. Linisin Mo ako sa mga pag-aalinlangan, pagkamakasarili, at labis na pagkapit sa mga bagay ng mundo. Gawin Mong matabang lupa ang aking puso upang mamunga ako ng pag-ibig, kababaang-loob, katapatan, at kabanalan para sa Iyong kaluwalhatian. Nawa’y ang aking buong buhay ay maging buhay na patotoo ng Iyong Mabuting Balita.
Amen.
To God be the highest glory now and forever. Amen.
Ang Talinghaga ng Manghahasik na ang paglago ng Salita ng Diyos (binhi) ay nakasalalay sa kahandaan ng ating puso (lupa). Inilalarawan nito ang apat na uri ng pagtugon ng tao:
Una, Tabing-daan: Nakikinig ngunit hindi inuunawa, kaya madaling nakawin ng kasamaan ang Salita.
Pangalawa,Kabatuhan: Mababaw at nadadala lamang ng emosyon; mabilis sumuko kapag may pagsubok.
Pangatlo,Dawagan: Sinasakal ang pananampalataya ng materyalismo at mga makamundong alalahanin.
Pangapat, Matabang Lupa: Nakikinig, umuunawa, at isinasabuhay ang Salita ng Diyos kaya’t namumunga ito ng biyaya.
Hinahamon tayo ng ebanghelyo na suriin kung anong uri tayo ng lupa ngayon. Hindi sapat ang makinig lamang o sumimba; kailangan nating palalimin ang ating pananampalataya at huwag magpakasakal sa mga abala ng mundo. Ang tunay na sukatan ng pagiging “matabang lupa” ay ang pamumunga ng pagmamahal at paggawa ng mabuti sa kapwa. Sa huli, nasa atin ang pagpapasya kung paano natin tatanggapin at aalagaan ang Salitang inihahasik sa atin araw-araw.
Salamat po Panginoong Hesus Kristo!
PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!
Sa unang pagbasa, binibigyan ng pagasa ang Israel na ipapanumbalik sa pagsusugo kay Jesus sa ikalawa kung saan ay maghahari siya mula sa Jerusalem (bundok ng Sion) sa lahat ng bansa sa lupa. Hindi na hahanapin pa ang presensiya ng Dios sa kaban ng tipan sapagkat ito ay anino ni Jesus . Ang kaban ng tipan ay si Jesus mismo.
“Magbalik kayo sa akin, kayong mga nagtaksil, pagkat ako ang inyong Panginoon,” wika ng Panginoon. “Kukuha ako sa inyo ng isa sa bawat bayan at dalawa sa bawat angkan at ibabalik ko kayo sa Bundok ng Sion. Bibigyan ko kayo ng mga pinunong tatalima sa akin, at pamamahalaan nila kayo nang buong katalinuhan at pagkaunawa. At kung dumami na kayo sa lupaing iyon, hindi na pag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa Kaban ng Tipan ng Panginoon. Hindi na nila ito kakailanganin ni iisipin o gugunitain. At hindi na rin sila gagawa ng ibang kaban. Pag sumapit na ang panahong iyon, ang Jerusalem ay tatawaging Luklukan ng Panginoon. Lahat ng bansa’y magkakatipon doon upang parangalan ako. Hindi na nila gagawin ang balang maibigan.”
Sa gospel reading ay ipinahayag ni Jesus ang apat na uri ng puso na hinahasikan ng binhi of salita ng Dios . Ang mga “backsliders” sa pananampalataya kay Jesus ay tulad ng mga pusong nasa tabi ng daan (naapak-apan kaya matigas ang lupa gaya ng napatigas ng sari-saring turo), batuhan at dawagan/tinikan. Ang mga hindi na mabubunot pa ang pananampalataya at kaligtasan ay yaong nasa matabang lupa.
Lucas 8:11-15
“Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos. Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas. Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya’t pagdating ng pagsubok, sila’y tumitiwalag. Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga. Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila’y namumunga dahil sa pagtitiyaga.”
Kumusta naman tayo? Tulad ba tayo ng Israel na “backsliders” (nawawala ang kaligtasan) o nasa matabang lupa (redeemed forever ?