Podcast: Download (Duration: 5:55 — 4.3MB)
Paggunita sa Dakilang Papa San Leon, pantas ng Simbahan
Roma 15, 14-21
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Lucas 16, 1-8
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of St. Leo the Great, Pope and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Roma 15, 14-21
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo’y puspos ng kabutihan, may sapat na kaalaman, at marunong magpaalalahanan. Gayunman, sa sulat na ito’y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kaloob ng Diyos sa akin na maging lingkod ni Kristo Hesus bilang saserdote sa mga Hentil. Ipinangangaral ko sa kanila ang Mabuting Balita ng Diyos upang sila’y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, yamang pinabanal ng Espiritu Santo. Kaya’t bilang lingkod ni Kristo Hesus may katwiran akong ipagmapuri ang aking nagawa para sa Diyos. Sapagkat ang pinangangahasan ko lamang banggitin ay ang ginawa ni Kristo upang maakit ang mga Hentil sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, sa tulong ng mga tanda at kababalaghan, at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kaya’t sa lahat ng lupain, mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico ay ipinangaral ko ang Mabuting Balita tungkol kay Kristo. Ang hangad ko’y ipangaral ito sa mga dakong hindi pa kilala si Kristo, upang hindi ako mangaral sa napangaralan na ng iba. Ganito ang sinasabi ng kasulatan,
“Makakikilala ang hindi pa nakababalita tungkol sa kanya. Makauunawa ang hindi pa nakaririnig tungkol sa kanya.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
ALELUYA
1 Juan 2, 5
Aleluya! Aleluya!
Lubos na magtatamasa
ng pag-ibig ng D’yos Ama
ang sumunod sa Anak n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 16, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “May isang mayaman na may isang katiwala. Isinumbong sa kanya na nilulustay nito ang kanyang ari-arian. Kaya’t ipinatawag niya at tinatanong: ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa inyo? Isulit mo sa akin ng buo ang pangangasiwa mo sa aking ari-arian pagkat mula ngayon ay hindi na ikaw ang katiwala ko.’ Nawika ng katiwala sa sarili, ‘Aalisin na ako ng aking panginoon sa pangangasiwa. Ano ang gagawin ko? Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. A, alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa, may tatanggap din sa akin sa kanilang tahanan.’ Isa-isa niya ngayong tinawag ang mga may utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una, ‘Gaano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito, ‘Sandaang tapayang langis po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka’t gawin mong limampu,’ sabi ng katiwala. At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Sandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ wika niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ Pinuri ng panginoon ang magdarayang katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Nobyembre 9, 2023
Sabado, Nobyembre 11, 2023 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagkwento ni Hesus ng Talinghaga tungkol sa Tusong Katiwala. Dahil sa kanyang paglulustay ng ari-arian ng may-ari, pinasisante ng amo ang katiwalang ito. Kaya nag-isip siya kung ano ang kanyang dapat gawin bago pa man siya umalis sa trabaho. Kaya nagpasya siya na lutasin ang mga taong may utang sa kanya mayamang amo. At dahil sa kasipagan at katiyagaan ng katiwalang ito, pinuri siya ng kanyang amo dahil sa pagiging matalino kahit sinayang niya noon ang ari-arian. At sinabi ni Hesus na mas mahusay ang mga taong makasanlibutan sa kanilang henerasyon kaysa sa mga taong maka-Diyos.
Ang konteksto ng talinghagang uto ay ang pagpresenta ni Hesus tungkol sa gawi ng Palestina ukol sa pagkakatiwala ng mga amo sa mga ahente ang kanyang ari-arian. At dito pinupunto rin ni Kristo ang maling sistema ng pag-uutang sa mataas na presyong interes. Parang ipinapahiwatig niya sa atin na hindi lang natin kailangan magkaroon ng katalinuhan, kundi pati rin ng karunungan, ukol sa mga bagay ng mundo. Ang ating buhay na hiram sa Diyos ay sa kanya rin ibabalik na puno ng pagmamahal na ipinamalas sa kanya at sa kapwa. Kaya ang pagiging katiwala ay isang panawagan upang gawing makabuluhan ang ating pamumuhay sa mundong ito. Ipasya natin ang ating buhay sa Panginoon sa pamamagitan ng pagiging tapat sa kanyang salita at pagsasabuhay nito sa ating araw-araw na pamumuhay.
Pinuri ng Panginoon ang karunungan ng katiwala na gumawa ng pandaraya sa kasulatan ng utang. Tandaan natin na ang pinuri ng Panginoon ay ang karunungan at hindi ang pandarayang ginawa. Ano nman ang aral at hamon sa atin ng talinghagang ito sa aring ebanghelyo ngayon?
Tularan natin ang katiwalang ito sa pagiging marunong at matalino sa paggawa ng paraan. Gamitin natin ang talino o talentong ibinigay sa atin ng Panginoon upang makapagpabuti ng buhay ng iba at hindi lang ng ating sarili, gamitin natin amg talinong ito upang mapaglabanan ang mga tukso ng demonyo, umisip at gumawa tayo ng mga paraan upang makaiwas sa mga kasalanan, gamitin natin ang karunungang ito upang masunod natin ang kalooban ng Diyos. Ang hamon ay ito, ang lahat ng ating kagalingan, mga nalalaman, mga natamong biyaya at kalakasan ng katawan ay gamitin na sa pagtulong sa kapwa, sa pagapaplaganap mg Mabuting Balita, sa pagiging namamagitan sa mga magkakagalit, sa pagsisislbi sa simbahan, sa pagdamay sa mga may mabugat na karamdaman, nabilanggo at namatayan. At huwag na huwag mong gagamitin ang karunungang ibinigay sayo sa kabalastugan, paninira mg ibang tao, pananakit, pagmamamataas, pangmamaliit ng ibang tao lalo na ang may kapansanan, pagyayabang at higit sa lahat ay panlalamang sa iyong kapwa.
Pagninilay ni Jess C. Gregorio:
May mga paraan. May mga bagay tayong puwede magawa bago mahuli ang lahat at mawala na ng tuluyan ang grasyang dumadaloy. Ang mag isip ng kaligtasan ay nasa ating katauhan bagama’t patuloy tayong nagiging tuso kahit sa mga huling sandali. Likas sa ating pagkatao ang mabuti kahit gaano tayo kalubog sa kamunduhan at kasamaan. Hindi natin alam na ang makasariling kaligtasang na ating ina asam-asam ay grasya namang tinatamasa ng mga ating pinatatawad at nakakatulong sa iba. Kaya lingid sa ating pansin nakakagawa tayo ng mabuti at patuloy na nagiging parte ng pang kabuuang kabutihan. Kaya lahat ay nagbibigay glorya sa Panginoon kahit na ang nakikita nating kasamaan. Ito ang imahen ng Maykapal na gumagalaw sa atin. Ang hininga ng Buhay. Hindi pinupuri ng Diyos ang maling ginagawa. Hinahangaan niya ang natitirang talino na iginawad sa tao na gumagalaw kahit sa isang magnanakaw at tampalasan. Nalulungkot lang siya sa mga nilikha niya na kanyang biniyayaan ng higit pa sa talino, kayamanan, at kapangyarihan upang gumawa ng mas malaking kabutihan ngunit nag kukulang ng katusuhang ipinamamalas ng mga makanundong tao sa pag dedepensa ng kanilang kasalanan. Naiisip ko ang karamihan ng ating mga propesyonal na manananggol na pinaninindigan ang kasinungalingan at ipagtanggol ang mga taong may pera at kapangyarihan sa kanilang nagawang kabuktutan at kasalanan, mapag ikutan ng rason ang hustisya, at mapawalang sala ang kanilang kliyente para maipagpatuloy nila ang maling ginagawa sa kadahilanang mas tuso ang kanilang abugado at mas matalino kaysa sa matuwid at maka diyos na mga abugadong katunggali. Malungkot na realidad ng espiritwal na laban. Kung matutuhan lang ng lahat ng maka diyos paano hingin ang buong kapangyarihan ng Banal na Espiritu at gamitin ito, hindi kailanman mananalo ang makamundong katusuhan sa kapangyarihan na ibinibigay ng langit sa lahat ng naniniwala at nananalig.
Ang kwento sa “Talinghaga ng Tusong Katiwala” ay isang representasyon ng mga katalinuhang makamundo na walang bigat at saysay sa pagiging matalino na kapara ng limang matatalinong dalaga sa Talinghaga ng Sampung Dalaga na kung saan ginamit ng mga ito ang tamang paghahanda sa pagdating ng lalaking ikakasal- si Kristo. Sa Ebanghelyo ngayon ang nais iparating ng kwento sa talinghaga na itunuon ang katalinuhan sa maka-langit na gawain. Panatilihin na gumawa ng kabutihan. Sa anumang bagay na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos maliit man ito o malaki tayong lahat ay magsusulit sa nagkaloob sa atin sa araw ng Paghuhusga na paulit-ulit din naman na ipinangangaral sa Aklat ng Banal na Kasulatan katulad ng sinasabi ni San Mateo na “Lahat ay magsisialis ang gumawa ng masama ay mapupunta sa kaparusahang walang hanggan, subalit ang gumawa ng mabuti ay aalis patungo sa buhay na walang hanggan”.
Ang Mabuting Balita ay paalala na patuloy na isapuso’t isipan ang itinuturo ni Kristo Hesus upang kung matapos man ang ating buhay dito sa lupa at tawagin ng Panginoon upang magsulit masasabi nating na naisagawa na ang pagmimisyon na ipinagkatiwala ng Diyos sa lalong ikaluluwalhati ng kanyang Banal na Pangalan. Amen!