Huwebes, Abril 27, 2023

April 27, 2023

Huwebes sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 8, 26-40
Salmo 65, 8-9. 16-17. 20

Sangkalupaang nilalang
galak sa Poo’y isigaw.

Juan 6, 44-51


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thursday of the Third Week of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 8, 26-40

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, si Felipe ay inutusan ng isang anghel ng Panginoon, “Pumunta ka agad sa timog sa daang patungong Gaza, mula sa Jerusalem.” Ito’y ilang. Kaya’t naparoon si Felipe. Samantala, dumating naman ang isang Etiopeng eunuko. Siya ang tagapamahala sa lahat ng kayamanan ng Candace o reyna ng Etiopia. Nagpunta siya sa Jerusalem at sumamba sa Diyos. Siya’y pauwi na noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” sabi ng Espiritu kay Felipe. Patakbong lumapit si Felipe, at narinig niyang binabasa ng eunuko ang aklat ni Propeta Isaias. Kaya’t tinanong niya ang eunuko, “Nauunawaan po ba ninyo ang inyong binabasa?” “Paano kong mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” sagot nito. At si Felipe’y inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa tabi niya. Ito ang bahagi ng kasulatang binabasa niya:

“Kung paanong walang imik ang tupa na dinadala sa patayan
o ang kordero sa harapan ng manggugupit,
gayun din naman, hindi siya nagbuka ng kanyang bibig.
Siya’y hinamak at pinagkaitan ng katarungan.
Walang maitatala tungkol sa kanyang mga inapo
sapagkat kinitil dito sa lupa ang kanyang buhay.”

“Sabihin mo nga sa akin,” wika ng eunuko kay Felipe, “Sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?” Buhat sa kasulatang ito’y isinalaysay ni Felipe ang Mabuting Balita tungkol kay Hesus. Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. “May tubig dito!” sabi ng eunuko. “Ako ba’y hindi pa maaaring binyagan?” Sinabi sa kanya ni Felipe, “Maaari, kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot siya, “Sumasampalataya ako na si Hesukristo ang Anak ng Diyos.” Pinatigil ng eunuko ang karwahe; lumusong silang dalawa sa tubig at bininyagan siya ni Felipe. Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe’y kinuha ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng eunuko na nagpatuloy naman sa kanyang paglalakbay na tuwang-tuwa. Namalayan na lamang ni Felipe na siya’y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol kay Hesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating ang Cesarea.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 65, 8-9. 16-17. 20

Sangkalupaang nilalang
galak sa Poo’y isigaw.

o kaya: Aleluya.

Ang lahat ng bansa’y magpuri sa Diyos,
inyong iparinig papuring malugod.
Iningatan niya tayong pawang buhay,
di tayo bumagsak, di n’ya binayaan!

Sangkalupaang nilalang
galak sa Poo’y isigaw.

Lapit at makinig, ang nagpaparangal
sa Diyos, at sa inyo’y aking isasaysay
ang kanyang ginawang mga kabutihan.
No’ng ako’y balisa, ako ay dumaing,
dumaing sa Diyos na dapat purihin;
handa kong purihin ng mga awitin.

Sangkalupaang nilalang
galak sa Poo’y isigaw.

Purihin ang Diyos! Siya’y papurihan,
yamang ang daing ko’y kanyang pinakinggan,
at ang pag-ibig n’ya ay aking kinamtan.

Sangkalupaang nilalang
galak sa Poo’y isigaw.

ALELUYA
Juan 6, 51

Aleluya! Aleluya!
Pagkaing dulot ay buhay
si Hesus na Poong mahal,
buhay natin s’ya kailanman.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 6, 44-51

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong mga panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Walang makalalapit sa akin malibang dalhin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lalapit sa akin. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; yaong nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama.

“Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila’y nasa ilang, gayunma’y namatay sila. Ngunit ang sinumang kumain ng pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez April 25, 2020 at 6:10 pm

Pagninilay: Patuloy nating pinagninilayan ang mga kasabihan ni Hesus tungkol sa kanyang sarili bilang Tinapay na nagbibigay-buhay. Ang mga taong pinakain ng pinaraming 5 tinapay at 2 isda ay namangha sa kababalaghan, kaya naglayag sila sa dagat sa Capernaum saka natagpuan ang Panginoon. Ipinaalala sa kanila ng Panginoon na sikapin nila ang pagkaing nagbibigay-buhay. At saka nila’y ikinuwento sa kanya tungkol sa pag-uulan ng manna mula sa langit. Nang sabihin ni Hesus na ibibigay ng Ama ang tinapay na nagbibigay-buhay, sila’y humiling na ibigay ito sa kanila. At dito idineklara ni Hesus na siya ang Tinapay na Buhay na sinumang lumalapit sa kanya ay hindi magugutom, at sinumang naniniwala sa kanya ay hindi mauuhaw. At ang kanyang misyon ay nagmula sa Ama na makilala siya ng mga tao at sumampalataya upang magkaroon ng buhay na walang hanggan, at sila’y bubuhayin sa huling araw. Subalit ngayon ay parang matindi ang reaksyon ng mga tao na hindi nila tanggap ang mga diskurso ng Panginoon. Patuloy na ipinakilala ni Hesus ang kanyang sarili bilang Tinapay na nagbibigay-buhay, at sinumang kumakain ito ay mabubuhay ng walang hanggan. Karaniwang pangyayari ang sinapit ng mga Israelita nang kainin nila ang manna, subalit sila rin ay pumanaw. Ang mga pisikal na pagkain sapagkat nagpapabusog ay hindi senyales na panghabang-buhay sa daigdig na ito. Subalit si Hesus na siyang walang hanggang Tinapay ay tanging Daan upang lahat ay magkamit ng buhay na walang hanggan, at ang tinapay na kanyang ibinibigay ay ang Laman na katawan niya mismong. Bago pa man siya’y nabayubay sa Krus, noong sila’y nasa Huling Hapunan, ipinagkaloob ni Kristo sa atin ang kanyang Katawan at Dugo upang maging sakramental na tanda na kapiling niya tayo tuwing tayo’y dadalo sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Kung tinatanggap natin siya bilang Salitang nagkatawang-tao at ang kanyang Katawan sa Banal na Komunyon, tayo rin ay inaanyayahang maging “Eucharistic” para sa ibang tao. Nawa’y tayo rin ay magbigay-buhay para sa iba upang bigyan rin nila ng halaga ang biyaya ng buhay na galing sa Panginoong Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: