Sabado, Nobyembre 5, 2022

November 5, 2022

Sabado ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Filipos 4, 10-19
Salmo 111, 1-2. 5-6. 8a at 9

Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.

Lucas 16, 9-15


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday of the Thirty-first Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)

UNANG PAGBASA
Filipos 4, 10-19

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid, anong laki ng aking kagalakan sa Panginoon sapagkat minsan ko pang nadama ang inyong pagmamalasakit sa akin, pagkaraan ng mahabang panahon. Alam kong hindi ninyo ako nalilimutan. Kaya lang, wala kayong pagkakataong matulungan ako. Sinasabi ko ito hindi dahil sa kayo’y hinahanapan ko ng tulong. Natutuhan ko nang masiyahan anuman ang aking kalagayan. Naranasan ko ang maghikahos. Naranasan ko rin ang managana. Natutuhan ko nang harapin ang anumang katayuan: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan. Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo.

Gayunman, ikinagagalak ko ang ginawa ninyong pagtulong sa akin. Alam naman ninyong kayong mga taga-Filipos lamang ang nakahati ko sa hirap at ginhawa nang umalis ako sa Macedonia at nagsisimula pa lamang sa pangangaral ng Mabuting Balita. Nang ako’y nasa Tesalonica na, makailang ulit ding pinadalhan ninyo ako ng tulong. Hindi sa hangad kong laging tumanggap ng mga kaloob; ang nais ko’y sumagana ang pakinabang na tatanggapin ninyo. Narito ngayon ang katibayan ng labis-labis na kaloob ninyo sa akin. Higit pa sa aking pangangailangan ang tulong ninyo sa akin na dala ni Epafrodito. Ang mga ito ay masasamyong handog sa Diyos, mga haing kalugud-lugod at kaaya-aya sa kanya. At buhat sa kayamanan niyang hindi mauubos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Kristo Hesus.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 5-6. 8a at 9

Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.

o kaya: Aleluya.

Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila,
pati mga angkan ay pinagpapala.

Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.

Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.

Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.

Wala siyang takot hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas.
Buong karangalan siyang itataas.

Mapalad s’ya na may takot
sa Diyos na magandang-loob.

ALELUYA
2 Corinto 8, 9

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo’y managana
sa bigay n’yang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 16, 9-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kaya’t sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ng sanlibutang ito. Maubos man ito’y may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya rin sa malaking bagay. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga kayamanan ng sanlibutang ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?

“Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”

Narinig ito ng mga Pariseo at nilibak nila si Hesus, sapagkat sakim sila sa salapi. Kaya’t sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagpapanggap na mga matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit nasasaliksik ng Diyos ang inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 10, 2018 at 6:18 am

Mula kay Fr. Rey Anthony Yatco:
MAGANDANG BALITA NGAYON – SABADO NG IKA-31 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

LUKAS 16:9-15 Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kaya’t sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ng sanlibutang ito. Maubos man ito’y may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya rin sa malaking bagay. Kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng sanlibutang ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?

Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”

MAGNILAY: Ang pera ay parehong kaibigan at kaaway, biyaya at sumpa, mabuti at masama, kakampi at kalaban. Kung hindi ka alipin ng pera magagamit mo ito upang makagawa ng maraming mabuting bagay. Liligaya ka at makokontento sa buhay. Pero kung alipin ka ng pera sisirain nito ang buhay mo. Maninira ka rin ng buhay ng may buhay. Hindi ka makokontento kailanman. Mauubusan ka ng kaibigan. Makagagawa ka ng kasamaang kailanman di mo naisip na magagawa mo. Mamamatay ka sa kasakiman.

MANALANGIN: Panginoon, iligtas mo ako sa panganib ng pera.

GAWIN: Paglingkuran mo ang Diyos lamang.

Reply

Melba G. De Asis November 10, 2018 at 9:23 am

Naranasan ko na rin ang managana at ang kasalatan, salamat Panginoon dahil sa panahon ng paghihirap namin ay andyan Ka at di mo kami pinababayaan.

Sinasabing mahirap maglingkod sa dalawang Panginoon. Ito’y nangyayari kung sa kabila ng kasaganaan ay mahirap sa ating kalooban ang tumulong . O kaya’y inillalaan nating lahat ang ating oras sa paghahanapbuhay para kumita ng pera pero hindi naman natin ito ginagamit para makagawa ng mabuting bagay na ikalulugod ng Diyos.

Panginoon nawa’y higit kong hangarin ang magkapagbigay kaysa bigyan, at makaunawa sa dinaranas ng taong nangangailangan. Patawarin mo po ako sa panahong hindi ako nakatulong sa aking kapwa na humihinginsa akin ng tulong. Angblahat ng ito’y hinihilingbko sa Pangalan ni Jesus. Amen.

Reply

Reynald Perez November 6, 2020 at 11:58 pm

Pagninilay: Ang Ebanghelyo ngayon ay kadugtong ng Ebanghelyo kahapon, na kung saan ikinuwento ni Hesus ang Talinghaga tungkol sa Tusong Katiwala. Ngayon naman ay binibigay ni Kristo ang aral ng parabula tungkol sa pag-uugali ng tao kapag ang usapan ay tungkol sa pera o yaman. Alam natin na ang tao ngayon ay kinakailangan ng pera at iba pang ari-arian para mabuhay sa panahong ito, lalung-lalo na ang mga taong may pamilyang inaalagaan at inaahon mula sa kahirapan. Kaya alam ni Hesus na hindi masama na maging mayamaan o humangad sa pera kung ito ay gagamitin sa makabuluhang paraan. Pero ang babala ng Panginoon sa atin ay huwag natin hayaan na mabulag o maging masyadong atat tayo sa mga bagay na ito na lilipas din. Ito ay nagbibigay pagkakataon upang makilala natin ang Diyos at ang kanyang mga pagpapala sa atin araw-araw. Sinasabi ni Kristo na walang tao ang makakapaglingkod sa dalawang panginoon; bagkus, kamumuhian niya ang isa, at tatanggapin naman ang tunay. Kaya ang ating buhay ay hindi dapat palaging umiikot sa makamundong bagay, kundi sa mga makalangit na pagpapalang kaloob sa atin ng Panginoon.

Mga kapatid, ito ay isang magandang mensahe ni Hesus para sa atin ukol sa ating tunay na hantungan sa buhay: ang kalangitan. Hindi niya minamasama kung tayo ay may hangarin na yumaman pa para iahon natin ang ating sarili at ang ating mga pamilya mula sa kasalukuyang kalagayang ating nararanasan. Kundi ang nais lamang ni Kristo ay huwag nating kaligtaan ang mga tunay na biyaya na mula sa Panginoong Diyos. At ang pinakamagandang kaloob niya sa atin ay ang buhay natin, at ang kaganapan nito ay ipinangako niyang makakamit natin sa buhay na walang hanggan kapag tayo ay naging tapat sa kanya at isabuhay ang kanyang mga utos na may pagmamahal sa kanya at sa kapwa.

Reply

Bless November 7, 2020 at 8:04 pm

Panginoon, turuan mo po kaming magbigay ng nararapat sa Iyo. ?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: