Linggo, Oktubre 17, 2021

October 17, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Bilang pagtugon at pagsunod sa paalala ni Hesus ukol sa tunay na halaga ng kanyang misyon, iparating natin sa Kanya ang ating mga abang hiling at sabihin natin:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Para sa Simbahang Iyong Katawang Mistiko: Nawa siya ay sumunod sa turo mong buhay kababaang-loob at paglilingkod. Manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa Santo Papa, lahat ng mga lider-espirituwal: Nawa magsikap sila sa pagtataguyod ng synodalidad bilang awtentikong paraan ng paggabay sa sambayanan. Manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga makapangyarihan sa lipunan sa iba’t ibang antas: Nawa maalala nilang lagi na naihalal sila upang maglingkod sa taumbayan at itaguyod ang kabutihan ng lahat. Manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga kultura ng lahat ng bayan sa mundo: Nawa pagyamanin nila anumang mabuti at kapuri-puri sa kanila at itakwil lahat ng nakasasama sa ating pagkatao. Manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa atin, sa ating pamilya at mga pamayanan: Nawa lagi nating itaguyod ang dalisay na pagpapahalagang makadaragdag sa paglikha ng sibilisasyon ng pag-ibig at buhay. Manalangin tayo sa Panginoon!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo sa Panginoon!

Panginoong Hesus, aming guro at huwaran, bigyan mo kami ng malinaw na pananaw at katatagang sundan ang iyong halimbawa ng paglilingkod sa aming kapwa at bigyang-papuri ang Diyos Ama sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ikaw na nabubuhay at nangangalaga magpasawalang hanggan.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 12, 2021 at 4:24 pm

PAGNINILAY: Itinuturo sa ating liturhiya ngayong Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon kung paano natin tatanggapin ang pananampalataya sa Diyos bilang kanyang mga anak at mga kapatid sa isa’t isa. Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paghiling ng magkapatid at mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan kung pwde silang makaupo sa kanan at kaliwa ni Kristo kapag siya’y iluluwalhati na. N’ung tinanong sila ni Hesus kung iinom sila mula sa kalis ng paghihirap at mabibinyag ba sila ng binyag na kanyang ginampanan, ang tugon nila ay isang Oo. Kaya nakita ni Hesus ang kanilang kakayahang gawin ang dalawang bagay na iyon, subalit ang kanilang hinihiling ay hindi basta-basta lang ibibigay sa kanila, kundi para sa mga taong inihanda ang mga pwestong iyon. At nang marinig ng ibang Sampung Apostol, sila’y nagalit sa dalawang magkapatid. Kaya tinipon silang lahat ni Hesus at sinabi na ang mga matataas na pinuno ng mundo ay nagpapamalas ng kanilang awtoridad, ngunit hindi ito ang pamantayan ni Hesus. Kaya sinabi niya sa kanyang mga Apostol na ang sinumang nagnanais na maging una ay magiging huli, at ang sinumang nagnanais na maging dakila ay dapat maging lingkod. At bilang isang huwaran, si Hesus na Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi maglingkod, at ialay ang buhay upang mailigtas ang lahat.

Kaya si Hesus ang Lingkod ng Diyos na Nagdurusa ayon sa Unang Pagbasa mula kay Propetang Isaias. Dahil sa kanyang pagdurusa, ang Lingkod na ito ay inialay ang kanyang buhay ayon sa dakilang kalooban ng Diyos upang mailigtas ang bayan mula sa pagkakasala. Kaya nga si Hesus bagamat siya ay Diyos ay nagpakababa ng kalooban at naging masunurin sa kalooban ng Ama kahit hanggang sa kanyang kamatayan sa Krus. Kaya nga sinasabi sa Ikalawang Pagbasa mula sa Sulat sa mga Hebreo na si Hesukristo ay naging katulad natin maliban sa pagkakasala. Dahil sa kanyang inialay na buhay na naging pinakaganap na handog ng kaligtasan, siya ay ang dakilang saserdote na namamagitan sa atin patungo sa Ama. At ang ating kaligayahang kakamtan ay buhay na walang hanggan.

Kaya habang tayo’y namumuhay sa daigdig na ito, nawa’y patatagin natin ang ating pananampalataya sa Panginoon kahit sa mga panahon ng pagsubok na ating tinitiis araw-araw. At nawa’y maging huwaran natin si Hesus sa pagpapakumbaba at paglilingkod, ngunit hindi palaging pinaglilingkuran ni pinag-uutusan din ang iba.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño October 17, 2021 at 10:13 am

Ano ang hamon ng ebanghelyo sa atin ngayon?
Natural sa tao ang maghangad na sumikat, tumaas ang posisyon, maging politiko, may kapangyarihan, boss o tintingala sa lipunan. Hindi masama ang mangarap na marating ang mga luklulan na yan pero dapat alam mo ang tamang pag uugali kapag nandyan ka na, pag uugali na turo mismo ni Hesus. Ano ito? Ang maging lingkod sa halip na paglingkuran, ang manatiling mababa kahit p mataas na ang naibigay sayong posisyon, ang wag maging sakim, wag maging abusado, wag maliitin ang mas mababa sa iyo, tingnan ang lahat ng pantay pantay at huwag na huwag iisiping ikaw ay naka-aangat sa iba.
Laging isaisip ang bilin ni Hesus…
1. Ang nagpapakababa ay itinataas, ang nagmamataas ay ibinaba
2. Ang nauuna ay mahuhuli at ang nahuhuli ay mauuna.
Mapagpalang Linggo sa ating lahat!

Reply

maricris Lucagbo October 17, 2021 at 6:19 pm

Salamat po ?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: