Linggo, Agosto 8, 2021

August 8, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Patnubay sa Misa

Tuwinang dakila ang kalinga at malasakit ng Diyos sa atin. Nananalig na Siya ay kasama natin sa ating paglalakbay sa buhay, upang samahan, ingatan, at palakasin tayo, manalangin tayo:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Para sa Simbahang manlalakbay na bayan ng Diyos sa lupa: Nawa sa harap ng pagtatakwil at pag-uusig, huwag siyang panghinaan ng loob kundi manalig sa tulong ng Diyos. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, ating obispo, at lahat ng pinunong relihiyoso: Nawa sila’y maging tulad ng anghel na sugo ng Panginoon para palakasin at pasiglahin ang propetang si Elias. Manalangin tayo!

Para sa mga pinunong panlipunan at pampamahalaan: Nawa lingapin nila’t itaguyod ang kapakanan ng mga tao, lalo na ang mahihina o napagsasamantalahan. Manalangin tayo!

Para sa mga itinatakwil at pinag-uusig dahil sa kanilang katapatan sa Ebanghelyo: Nawa manindigan sila sa kanilang pananampalataya at lubos na magtiwala sa tulong ng Panginoon. Manalangin tayo!

Para sa ating komunidad at mga pamilya: Nawa sa pagtalima sa mga pangaral ni San Pablo, isantabi natin ang samaan ng loob at matuto tayong magpakabait, magpatawad, at mahabag sa isa’t isa gaya ng turo sa atin ni Hesus. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, salamat sa Iyong patuloy na pagiging kasama namin sa kabila ng aming mga pagkukulang at di pagiging tapat. Maipahayag nawa ang aming tapat na pagkilala sa Iyong pagmamahal sa amin sa pamamagitan ng kabaitan sa isa’ t isa, habag, at pagpapatawad. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Magno June 13, 2021 at 8:10 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald David Perez July 22, 2021 at 3:59 pm

PAGNINILAY: Sa Linggong ito, patuloy natin pinagninilayan ang mga Kasabihan ng ating Panginoong Hesukristo tungkol sa kanyang sarili bilang Tinapay ng Buhay, Batay sa Ikaanim na Kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan (Juan 6). Noong nakaraang dalawang Linggo (Juan 6:1-15), narinig natin kung paanong pinadami ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda para pakainin ang limang libong tao. Kaya gusto nila na gawin siyang hari para sa kapakanan ng mga kababalaghan lamang. Kaya umalis si Hesus sa bundok habang sumakay ang mga Apostol sa bangka papuntang Capernaum. Sumunod siya sa ruta sa pamamagitan ng paglalakad sa tubig.

Noong nakaraang Linggo (Juan 6:24-35), narinig natin kung paanong hinanap ng mga tao si Hesus at ang kanyang mga Apostol, kaya sumakay sila sa mga bangka. Nang nakita nila sila, lumapit sila sa kanya, at humingi ng isa pang kababalaghan para maniwala sila sa kanya. Kaya sinabi ng Panginoon na bibigyan niya sila ng pagkain na nagbibigay buhay na walang hanggan, at yun pala, idinikelara niya ang kanyang sarili bilang Tinapay ng Buhay. Ngayong Linggong ito, sa ating Ebanghelyo (Juan 6:41-51), narinig natin ang reaksyon ng mga tao pagkatapos ang mga salitang ito ng Panginoon. Sila’y nagduda, nagbulungan, at naghamunan ng taimtim dahil hindi nila matanggap na si Hesus ang Anak ng Diyos. Kaya patuloy na ipinahiwatig niya sa kanila kung bakit siya’y naparito sa lupa. Dahil tayo’y nagdiriwang sa susunod na Linggo ng Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit, ang sumunod na nangyari ay ang paghihikayat ni Hesus sa mga tao na makibahagi sa kanyang Katawan at Dugo sa sakramento at espirituwal na paraan upang sila’y mabuhay para sa buhay na walang hanggan.

Sa ating Unang Pagbasa (1 Hari 19:4-8), nakita natin ang isang nagdudurusang Propeta Elias. Naglayas siya sa Israel sapagkat tinangkang siyang patayin dahil sa pagtumba ng rebulto ni Baal, ang diyus-diyusan nina Haring Ahab at Reynang Jesebel. Dahil sa kanyang pagiging matuwid sa kalooban ng Diyos na si Yahweh (YHWH), isinugo ang isang anghel para pakainin at painumin siya nang dalawang beses. Pagkatapos, naging masigla ang karamdaman ng propeta, at pumunta sa bundok ng Panginoon, ang Horeb o mas kilala ng Sinai. Ang pangyayaring ito ay nagbigyan-daan kay Hesus dahil siya ay isang pagkain, ngunit hindi lang isang ordinaryong pagkain, kundi siya ang pagkaing nagbibigay buhay na walang hanggan. Si Kristo ay isang Diyos, ngunit bumaba sa langit bilang tao mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria para turuan tayo ang daan papunta sa Ama, at ialay ang kanyang buhay para sa ating kaligtasan.

Tuwing ipinagdiriwang natin ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya, inaalala natin ang kanyang dakilang pagtubos sa sangkatauhan dahil siya mismo ang nag-utos na ipagdiwang ito noong siya ay nasa Huling Hapunan kasama ang mga Apostol. Tuwing tinatanggap natin siya sa Banal na Komunyon, nais niya tayong palusugin dahil gusto niyang manahan sa ating mga puso’t isipang handang tumanggap sa kanya. Hindi lang sapat na ang kanyang presensiya ay nasa atin na. Kailangan natin isabuhay ang kanyang turo at gawain bilang pagpaparangal sa Mabuting Balita sa pamamagitan ng mga mabubuting gawain sa isa’t isa at sa ating mga kapwa. Kapag ginawa natin ang mga ito, sa huli ng ating buhay, makakamtan natin ang buhay na walang hanggan sa kalangitan. Higit sa lahat, dito nakabatay ang ating paniniwala sa kanya bilang Anak ng Diyos.

Sa ating paglakbay sa daang ito, nawa’y isabuhay natin ang diwa ng Banal na Misa, ang ating Panginoong Hesukristo na nag-alay ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan.

Reply

Alberto Calderon Jr. August 8, 2021 at 7:22 am

Ang tinapay ay nagbigay lakas , kay Elias , syang sugong likas . Ang Diyos syang dumakila, at patuloy si Elias sa kanyang paglakad, sa misyong sa Diyos tayo at dapat. Ano pat si Hesus ang syang bakas,ng umaga syang kumislap, o Hesus larawan ng tinapay, ikaw ang Syang lakas, upang kaluluway iligtas na wagas.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño August 8, 2021 at 9:43 am

Ngayong panahon ng pandemya, marami sa ating mga kababayan ang naghahanap ng ayuda o mga pagkaing bigay ng gobyerno. Inaabanangan, hinahanap kung saan meron nag uunahan, nagtutulakan at pinipilahan. Nawa’y ganito rin tayo sa Salita ng Diyos, Wala man misa ngayon ay napakaraming paraan upang makakain tayo ng salita ng Diyos, may mga live mass sa facebok at youtube, pwede mo ring isearch lang sa internet ang mga pagbasa katulad at kung walang internet at ay ang pagbabasa ng mismong bibliya. Sana’y ganundin tayo kasigasig katulad ng paghahanap ng materyal na pagkain. Matuto tayo sa mga aral ng Ama at manalig at tayo hindi na magugutom o mauuhaw.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: