Sabado, Hunyo 19, 2021

June 19, 2021

Sabado ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

2 Corinto 12, 1-10
Salmo 33, 8-9. 10-11. 12-13

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Mateo 6, 24-34


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday of the Eleventh Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Romuald, Abbot (White)
or Optional Memorial of Blessed Virgin on Saturday (White)

UNANG PAGBASA
2 Corinto 12, 1-10

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, kailangan kong magmapuri, bagamat wala akong mapapala sa paggawa nito. Ang sasabihin ko naman ngayo’y ang mga pangitain at mga pahayag mula sa Panginoon. May kilala akong isang Kristiyano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakalilipas. Hindi ko lang matiyak kung yao’y pangitain o tunay na pangyayari — ang Diyos lamang ang nakaaalam. Inuulit ko: siya’y dinala sa Paraiso, at hindi ko nga matiyak kung ito’y pangitain o tunay na pangyayari. Ang Diyos lamang ang nakaaalam. Nakarinig siya roon ng mga bagay na di kayang ilarawan ng salita at di dapat bigkasin ninuman. Ipagmamapuri ko ang taong iyon, ngunit hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan. At kung ako’y magmapuri man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit nagpipigil ako sapagkat ayaw kong humigit sa nakikita at naririnig ang pagpapalagay ninuman sa akin.

Ngunit para hindi ko ipagyabang ang kamangha-manghang pahayag ng Diyos sa akin, ako’y binigyan ng isang kapansanan sa katawan na nagsisilbing pamalo ni Satanas upang huwag akong magpalalo. Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit ganito ang kanyang sagot, “Ang tulong ko’y sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.” Kaya’t buong galak na ipagmamapuri ko ang aking kahinaan upang palakasin ako ng kapangyarihan ni Kristo. Dahil kay Kristo, walang halaga sa akin kung ako ma’y mahina, kutyain, pahirapan, usigin, at magtiis. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 8-9. 10-11. 12-13

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’t naligtas
ay maituturing na taong mapalad.

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Matakot sa Poon, kayo, kanyang bayan,
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay
kahit mga leon ay nagugutom din,
sila’y nagkukulang sa hustong pagkain;
ngunit ang sinumang ang Poon susundin,
sa anumang bagay hindi kukulangin.

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Lapit, ako’y dinggin mga kaibigan
at kayo ngayo’y aking tuturuan
na ang Diyos ay dapat nating katakutan.
Ang buhay masaya at mahabang buhay,
di ba ninyo gustong inyong maranasan?

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

ALELUYA
2 Corinto 8, 9

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo’y managana
sa bigay n’yang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 6, 24-34

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.

“Kaya’t sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabagabag tungkol sa pagkain at inumin na kailangan ninyo upang mabuhay, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. Hindi ba’t ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain, at ang katawan kaysa pananamit? Masdan ninyo ang mga ibon: hindi sila naghahasik ni nag-aani o kaya’y nagtitipon sa bangan. Gayunman, pinakakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi ba’t higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? Sino sa inyo ang makapagpapahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?

“At bakit kayo nababagabag tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagpapagal ni humahabi man. Ngunit ito ang sasabihin ko sa inyo: maging si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng isa sa mga bulaklak na ito, bagamat napakariringal ang mga damit niya. Kung ang mga damo sa kabukiran, na buhay ngayon at kinabukasa’y iginagatong sa kalan, ay dinaramtan ng Diyos, kayo pa kaya? Kay liit ng pananalig ninyo sa kanya! Kaya’t huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakanin, iinumin, o daramtin. Sapagkat ang mga bagay na ito ang kinahuhumalingan ng mga taong wala pang pananalig sa Diyos. Alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya ang lahat ng kailangan ninyo. Kaya, huwag ninyong ikabahala ang para sa araw ng bukas; saka na ninyo harapin kapag ito’y dumating. Sapat na sa bawat araw ang kanyang mga suliranin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 17, 2021 at 1:34 am

PAGNINILAY: Sa gitna ng maraming bagay na nagiging bahagi sa buhay ng tao, hindi nating maiwasang maranas ang paghihirap. Halos lahat ng tao’y gustong yumaman at umunlad para sa kinabukasan ng isa at ng mga malalapit sa kanya. Araw-araw tayong nag-aaral at nagtratrabaho, at parang walang pahinga ang ating pinagdadaanan. Kaya humahanap tayo ng mga solusyon upang tayo’y guminhawa laban sa mga abala ng buhay.

Sa ating pagtutok sa Ebanghelyo ni San Mateo tungkol sa Pangangaral sa Bundok, ipinahayag ni Hesus sa atin tungkol sa buhay ng tao na hindi lang nagtitiwala at nakasalalay sa mga bagay na makalupa lamang, kundi pati na rin sa mga biyayang mula sa Amang Diyos. Alam niya kung ano ang pangangailangan ng tao bawat sandali, pero ipinapaalala niya sa atin na huwag maging masyadong balisa at abala. Dalawa ang paalala ni Kristo sa atin:

(1) Hindi maaring paglingkuran mo ang Diyos at ang pera. Ito’y hinding nangunguhulugan na masama ang maging mayaman, sapagkat ang pera ay nagbibigay-halaga sa pagdadalos ng bayad para sa ating pangagailangan sa buhay (bahay, damit, pagkain, inumin, edukasyon, trabaho, atbp.). Pero kapag masyado tayong gipit sa kayamanan, ginagamit ito para sa pansariling interes, at wala tayong tiwala sa Diyos, diyan masasabing sinasamba na natin ang bagay na ito.

(2) Hangarin ang Kaharian ng Diyos at ang mga mabubuti niyang gawa. Ang Kaharian ng Diyos ay ang Mabuting Balita, at ito’y nagpapatuloy na ipahayag sa ating lahat upang tayo’y maging saksi nito sa pamamagitan ng ating mga ordinaryong buhay. Kapag tayo’y gumagawa ng mabubuti sa ating kapwa nang may kababang-loob, inaalala at nakikibahagi tayo sa mga dakilang gawain ng Panginoon. Kaya kung gusto nating umunlad, huwag nating kalimutang tulungan ang ibang tao, lalung-lalo na yung mga mahihirap, niyuyurakan, pinagbabalewalahan, at mga nasa laylayan ng lipunan.

Mga kapatid, hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Alam niya kung ano ang pinagdadaanan natin at yung mga makakapuno sa ating mga pangangailangan. Pero dapat mabatid natin ang kanyang presensya sa ating mga buhay. At sinasabi niya sa atin na manalig at magtiwala sa kanya nang may pagtitiyaga sa bawat karaniwang gawain araw-araw mula umaga hanggang gabi. Higit sa lahat, ang pagtitiwala sa kanya ay isinasabuhay sa pamamagitan ng pagtutulong, paghahangad, at paggagawa ng mabuti sa ating mga kapwa.

Reply

Sherwin D. Yanoria June 19, 2021 at 7:28 am

Nababagabag ka ba? Napakaraming suliranin sa mundo. Lahat ng ito ay kailangang harapin, maliit man o malaki. Hindi tayo mabubuhay kung wala ang mga ito. Ang suliranin din ang nakakapagpatatag ng ating pagkatao. Maging ang ating Panginoong Hesus ay sinubok din. Gayon din ang mga apostol. Lalo ka ng susubukin kung ikaw ay sumusunod sa kalooban ng Diyos. Kaya iaalay natin ang ating problema sa Diyos, ang ating paghihirap at mga pagtitiis. Hindi tayo bibigyan ng pagsubok ng Diyos na di natin kayang lutasin. Manalig tayo sa Diyos.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño June 19, 2021 at 8:31 am

Hango sa aking sariling karanasan, kapag ako ay namomroblema sa pera lalong dumarating ang bayarin o gastusin na hindi inaasahan, when it rains, it pours ika nga. Pero kapag ako nagdasal at ibinigay ko na ang buong tiwala ko sa Ama at tinanggal ko ang pagkabalisa, may milagrong dumarating na hindi ko rin inaasahan. Ang sikreto pala mga kapatid sa buhay natin dito sa lupa ay asamin mo na pagharian ka ng Ama at sikapin masunod ang kalooban nya, pagkatapos ay wala ka ng dapat ipag- worry, ang Diyos sa langit na mismo ang bahala sayo. Parang sinasabi nyang “talikuran mo ang masamang gawain, tapos relax ka lang, Ako ng bahala sayo”. Di ka mawawalan, di ka mauuhaw o magugutom at may pasobra pa para ipangtulong mo nman sa ibang nangangailangan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: