Sabado, Hunyo 19, 2021

June 19, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-11 Lingo sa Karaniwang Panahon
Sabado

Tinatawag tayo ng Ebanghelyo na maging tapat sa ating paglilingkod sa Diyos. Ang ating mga panalangin sa Ama nawa’y nagpapahayag ng uri ng ating pagtitiwala at pagmamahal.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, ipinauubaya namin ang aming mga alalalahanin sa iyo.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y masigasig na italaga ang kanilang mga sarili sa pagpapalaganap ng paghahari ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga dukha at nangangailangan nawa’y makadama ng ating pagkalinga at pag-aaruga, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y mamuhay sa ganap na pagsunod sa kalooban ng Diyos at hindi magambala ang ating mga isip sa mga bagay na hindi naman dapat na ipag-alala, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y maranasan ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal ng mga nagmamalasakit sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao nawa’y makibahagi sa pagwawagi ni Kristo laban sa kamatayan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, kami ay nananalig sa iyo. Huwag nawa naming ituon ang aming puso sa mga bagay ng mundong ito kundi sa iyong mapagmahal na pagpapala. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 17, 2021 at 1:34 am

PAGNINILAY: Sa gitna ng maraming bagay na nagiging bahagi sa buhay ng tao, hindi nating maiwasang maranas ang paghihirap. Halos lahat ng tao’y gustong yumaman at umunlad para sa kinabukasan ng isa at ng mga malalapit sa kanya. Araw-araw tayong nag-aaral at nagtratrabaho, at parang walang pahinga ang ating pinagdadaanan. Kaya humahanap tayo ng mga solusyon upang tayo’y guminhawa laban sa mga abala ng buhay.

Sa ating pagtutok sa Ebanghelyo ni San Mateo tungkol sa Pangangaral sa Bundok, ipinahayag ni Hesus sa atin tungkol sa buhay ng tao na hindi lang nagtitiwala at nakasalalay sa mga bagay na makalupa lamang, kundi pati na rin sa mga biyayang mula sa Amang Diyos. Alam niya kung ano ang pangangailangan ng tao bawat sandali, pero ipinapaalala niya sa atin na huwag maging masyadong balisa at abala. Dalawa ang paalala ni Kristo sa atin:

(1) Hindi maaring paglingkuran mo ang Diyos at ang pera. Ito’y hinding nangunguhulugan na masama ang maging mayaman, sapagkat ang pera ay nagbibigay-halaga sa pagdadalos ng bayad para sa ating pangagailangan sa buhay (bahay, damit, pagkain, inumin, edukasyon, trabaho, atbp.). Pero kapag masyado tayong gipit sa kayamanan, ginagamit ito para sa pansariling interes, at wala tayong tiwala sa Diyos, diyan masasabing sinasamba na natin ang bagay na ito.

(2) Hangarin ang Kaharian ng Diyos at ang mga mabubuti niyang gawa. Ang Kaharian ng Diyos ay ang Mabuting Balita, at ito’y nagpapatuloy na ipahayag sa ating lahat upang tayo’y maging saksi nito sa pamamagitan ng ating mga ordinaryong buhay. Kapag tayo’y gumagawa ng mabubuti sa ating kapwa nang may kababang-loob, inaalala at nakikibahagi tayo sa mga dakilang gawain ng Panginoon. Kaya kung gusto nating umunlad, huwag nating kalimutang tulungan ang ibang tao, lalung-lalo na yung mga mahihirap, niyuyurakan, pinagbabalewalahan, at mga nasa laylayan ng lipunan.

Mga kapatid, hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Alam niya kung ano ang pinagdadaanan natin at yung mga makakapuno sa ating mga pangangailangan. Pero dapat mabatid natin ang kanyang presensya sa ating mga buhay. At sinasabi niya sa atin na manalig at magtiwala sa kanya nang may pagtitiyaga sa bawat karaniwang gawain araw-araw mula umaga hanggang gabi. Higit sa lahat, ang pagtitiwala sa kanya ay isinasabuhay sa pamamagitan ng pagtutulong, paghahangad, at paggagawa ng mabuti sa ating mga kapwa.

Reply

Sherwin D. Yanoria June 19, 2021 at 7:28 am

Nababagabag ka ba? Napakaraming suliranin sa mundo. Lahat ng ito ay kailangang harapin, maliit man o malaki. Hindi tayo mabubuhay kung wala ang mga ito. Ang suliranin din ang nakakapagpatatag ng ating pagkatao. Maging ang ating Panginoong Hesus ay sinubok din. Gayon din ang mga apostol. Lalo ka ng susubukin kung ikaw ay sumusunod sa kalooban ng Diyos. Kaya iaalay natin ang ating problema sa Diyos, ang ating paghihirap at mga pagtitiis. Hindi tayo bibigyan ng pagsubok ng Diyos na di natin kayang lutasin. Manalig tayo sa Diyos.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño June 19, 2021 at 8:31 am

Hango sa aking sariling karanasan, kapag ako ay namomroblema sa pera lalong dumarating ang bayarin o gastusin na hindi inaasahan, when it rains, it pours ika nga. Pero kapag ako nagdasal at ibinigay ko na ang buong tiwala ko sa Ama at tinanggal ko ang pagkabalisa, may milagrong dumarating na hindi ko rin inaasahan. Ang sikreto pala mga kapatid sa buhay natin dito sa lupa ay asamin mo na pagharian ka ng Ama at sikapin masunod ang kalooban nya, pagkatapos ay wala ka ng dapat ipag- worry, ang Diyos sa langit na mismo ang bahala sayo. Parang sinasabi nyang “talikuran mo ang masamang gawain, tapos relax ka lang, Ako ng bahala sayo”. Di ka mawawalan, di ka mauuhaw o magugutom at may pasobra pa para ipangtulong mo nman sa ibang nangangailangan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: