Podcast: Download (Duration: 6:58 — 5.0MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Miyerkules
Habang naghahanda tayo para sa Pentekostes, nalalaman natin na kahit nabubuhay tayo sa mundo, hindi tayo nabibilang sa mundo. Tinatawagan tayo ng katotohanang ito upang manalangin para sa lahat ng tao kaisa ni Kristo na hindi nagnanais na may maligaw ng landas.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, italaga mo kami sa iyo.
Ang lahat ng Kristiyano nawa’y sumampalataya sa pag-ibig ng Diyos at makatagpo ng pagkakaisa sa nag-iisang Pastol, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglilingkod sa bayan nawa’y maging saksi sa katotohanan ng kanilang pananampalataya lalo na sa paggamit ng kanilang kapangyarihan at sa pagtupad ng kanilang mga pananagutan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyanong tapat sa pananampalataya nawa’y magsikap na maging banal sa kanilang araw-araw na pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, mga nangungulila, mga may kapansanan, at maysakit nawa’y magtiwala sa Diyos na nagpapalakas sa kanila sa pamamagitan ng init ng kanyang presensya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y mabuhay nang walang hanggan kasama ng Diyos ng pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.
Butihing Ama, habang iniibig namin ang isa’t isa, nabubuhay ka sa amin at nagiging ganap ang iyong pag-ibig na nasa amin. Tanggapin mo ang aming mga panalangin sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Martes, Mayo 18, 2021
Huwebes, Mayo 20, 2021 »
{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Habang tayo’y lumalapit sa Dakilang Kapistahan ng Pentekostes, na siya namang katapusan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang tumatak na salita sa ating Ebanghelyo ngayon ay “pagtatalaga” (“consecration” sa Wikang Ingles”). Kadalasan naririnig natin ang salitang “pagtatalaga” o “consecration” sa mga gawain ng Simbahan. Sa mga panalangin, mayroong pagtatalagang ginaganap sa karangalan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus at ng Kalinis-linisang Puso ni Maria. Sa Misa, itong tinatawag nating Konsagrasyon ay ang pinakamahalagang bahagi sa liturhiya, na kung saan ang tinapay at alak na itinataas ng Pari ay nagiging tunay na Katawan at Dugo ni Kristo [sacramental presence]. Kaya makikita natin ang kahalagahan ng pagtatalaga ay upang ilapit natin ang ating sarili patungo sa Diyos sa pamamagitan ng mga banal na misteryo na ipinagdiriwang ng Simbahan at sa pamamagitan din ng mga panalangin ng ating Inang si Maria.
Ang ating Ebanghelyo ay ang panalangin ni Hesus sa Ama para sa kanyang mga alagad. N’ung panahong iyon, malapit nang maihayag ang kaluwalhatian nito sa pamamagitan ng Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Kaya ipinapanalangin ni Hesus sa Diyos nawa’y ingatan ang kanyang mga hinirang at italaga sila sa katotohanang dala ng salita ng buhay. Tayo ay itinatalaga niya sa Ama upang mas mapalapit tayo sa Diyos na patuloy na nagmamahal sa atin. Kung paano sinusugo ng Diyos Ama ang Diyos Anak, ganun rin tayo isinusugo upang magbunga ng magagandang ani mula sa ating kabuhayan at pananampalataya. Ito yung misyon na kailangan nating tuparin bilang miyembro ng Sambayanan ng Diyos.
At ito rin ang paalala ni San Pablo sa mga namumuno sa Efeso na ingatan nila ang Simbahan ng Diyos na tinubos sa pamamagitan ng Dugo ni Kristo. At ang Simbahang ito na kinabibilangan natin ay tunay ngang itinayo ni Hesus upang hindi manaig man ang anumang kapangyarihan ng kadiliman. At kahit may nais ang-angkin na ang kanyang relihiyon ay tunay, samantala ang iba ay mali, hindi pa rin matitinag ang pangako ng Diyos sa kanyang mga tunay na hinirang. Kung palagi natin siyang nakikilala sa pamamagitan ng pagninilay ng Salita at pagdalo sa Misa, nawa’y italaga natin ang ating mga puso’t isipan sa kanya upang manindigan tayo sa katotohanang patuloy niyang ipinapahayag sa atin.
Ano ba ang nagawa nating pagpapahalaga sa salita ng Diyos? Nagbabasa ba tayo nito, o palamuti lamang ito sa altar ng bahay? Ang ating Panginoong Hesukristo ay papunta na sa Kanyang Ama. Sinikap Niyang isabuhay ang nilalaman nito at tinupad din Niya kahit na ang pinaka masakit na kabanata nito tulad ng kanyang paghihirap at kamatayan sa krus. Ang salita ng Diyos ay totoo at buhay. Nagsisilbi itong gabay at paala-ala sa kalooban ng Diyos. Kaya nga nawa’y magbigay tayo ng panahon sa pagbasa at pgninilay tungkol dito.
Ang ebanghelyo ngayon ay nakasentro sa pananalangin ni Hesus sa Ama para sa ating kapakanan. Taimtim nyang ipinagdasal tayong maiiwan nya dito sa lupa bago sya umakyat sa langit.
Si Hesus ay naging isang halimbawa na dapat nating tularan sapagkat sya mismong bugtong na anak ay nagdarasal para sa atin.
Ang lahat ng iyong dalangin ay batid na ng Diyos bago ka pa magdasal, kaya’t hindi mo na kailangan itong pakahabaan. Ang dapat mong gawin magdasal ng taimtim ng walang nakakakita o wag pakitang tao, lumuhod, pumikit, yumuko at hingin ang espirito santo. Pagkatapos magdasal ay ipanatag ang loob, magtiwala na ang dasal mo ay dininig na ni Hesus. Habang iniintay ang biyaya ay gumawa ng kabutihan at sundin ang loob nya.