Martes, Abril 6, 2021

April 6, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Martes

Sa pamamagitan ng Ebanghelyo, nagpapahayag sa atin si Kristo sa kanyang mga makapangyarihang salitang walang hanggan at mga gawang nakapagpapagaling. Sa pamamagitan niya, buong pagtitiwala tayong manalangin sa Ama.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng Panginoong muling nabuhay, iwaksi mo ang aming mga takot.

Ang Simbahan nawa’y patuloy na magturo ng katotohanan ni Kristo at labanan ang mga kasamaan ng ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namumuno sa mundo nawa’y magtaguyod ng pagiging matuwid sa kanilang mga pamahalaan at maging masigasig sa pagsupog ng kasamaan sa mga pamayanang pinangakuan nilang paglingkuran, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat na natitipon dito nawa’y manatiling tapat sa ating mga pangako sa Binyag, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y magkaroon ng kagalingan sa panghihina ng kanilang katawan at kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makabahagi sa maluwalhating Muling Pagkabuhay ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

O Diyos, sa pamamagitan ng Kamatayan ng iyong Anak, ibinigay mo sa amin ang pag-asa sa buhay na walang hanggan. Loobin mo na sa pamamagitan ng kanyang Muling Pagkabuhay ay matamo namin ang buhay na aming inaasam. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 4, 2021 at 1:50 pm

PAGNINILAY: Patuloy nating sinasariwa ang pag-asa at kagalakan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Ngayong Oktaba ng Paskuwa, pinagninilayan natin ang mga pangyayari matapos si Kristo ay muling nabuhay.

Ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapatuloy sa Ebanghelyo noong Linggo. Kung maaalala natin na matapos matagpuan nina Simon Pedro at Juan ang mga telang nakalatag sa puntod, sila’y nagsiuiwan habang si Maria Magdalena ay natira sa libingan na nananangis. Nang makita niya ang anghel na nagtatanong sa kanyang pagtangis, sinabi niya na kinuha ang katawan ng Panginoon. At bigla sa isang idlip ay nagpakita si Hesus sa kanya na akala ni Maria na ito ay ang hardinero. Kaya iniutos niya na ipakita sa kanya ang katawan ng Panginoon upang kunin at alagaan niya ito. At sa pagtawag ni Hesus kay “Maria”, dito nakilala na ni Maria Magdalena ang kanyang “Raboni” o “Guro”. Subalit pinahayo siya ng Panginoon na ipahayag sa mga Apostol na aakyat siya patungo sa Diyos Ama. At ganun nga ang ginawa niya nang ibalita niyang muling nabuhay ang Panginoon.

Kaya nakita natin sa Unang Pagbasa kung paanong ipinahayag ng mga Apostol sa harap ng madla na si Hesukristo’y namatay at nabuhay para ang sangkatauhan ay malingap mula sa kasalanan. At tinanong ang mga tao kung paano sila’y maliligtas at magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Tugon ni San Pedro na sila’y magsisi at mapabinyag sa ngalan ni Hesus. Dahil sa kanilang katatagan sa pagpapangaral at pagbibigay-saksi sa Mabuting Balita, 3,000 tao ang napabilang sa Ang Daan (sa Antioquia sila’y unang tinawag na mga “Kristiyano).

Kaya sa ating pananampalataya, ang Muling Pagkabuhay ni Kristo ang pinakabatayan ng ating pananalig sa kanya. Si Kristo ay nagpakasakit at namatay sa Krus upang tayo’y lingapin mula sa kasalanan, at siya’y muling nabuhay upang tayo’y gawin niyang panibagong nilalang na mas maging matatag sa dakilang kalooban ng Diyos Ama. At bilang mga saksi niya, nawa’y tularan natin sina Santa Maria Magdalena, San Pedro, at ang mga Apostol sa pagpapahayag na si Kristo ay buhay sa ating puso’t isipan sa pananahan ng kanyang presensiya sa atin sa pamamagitan ng mga mabuti at matuwid na gawain.

Reply

Sherwin D. Yanoria April 6, 2021 at 5:58 am

Ano ang gagawin mo pagnakita mo ang ating Panginoong Hesus? Sa ating kasalukuyang buhay, maraming naghahanap kay Hesus. Lalo’t higit sa panahon ng kagipitan at kawalan. Alam ng Diyos ang sitwasyon ng ating buhay. Nakayanan niya ang mga pagsubok sa kanya maging ang tukso mula sa Demonyo. Kaya paano natin haharapin ang ating buhay kasama ng ating Panginoong Hesus? Ang ginawa ng ating Panginoon ay nagpaka tatag, hinarap ang pagsubok ng may pananalig sa Kanyang Ama. Kaya nga manalig tayo sa Kanya, kay Hesus na Anak ng Diyos ang muling nabuhay, Hindi Niya tayo pababayaan.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 6, 2021 at 9:04 am

Kapag tayo ay bagong ligo ay nagiging malinis tayo at ayaw nating magdumi. Ganun din ang muling pagkabuhay ni Hesus. Nang sya ay nagpakasakit at namatay sa krus, tayo ay isinalba nya sa ating mga kasalanan. Pagkatapos mabuhay muli ni Hesus tayo ay maituturing na malinis, kaya’t mga kapatid samanatalahin natin ito na ituloy tuloy na ang paggawa ng mabuti. Iwasan ang inggit, ang magalit, ang paninirang puri. Kung kaya tumulong, tumulong tayo. Wala ng sasarap pa sa pagkakaron ng relasyon sa Diyos, meron kang peace of mind. Mahalin mo ang yong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili at ang Diyos na ang bahala sa iyo. Manalig ka lamang.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: