Huwebes, Abril 1, 2021

April 1, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
HUWEBES SANTO
MISA NG HAPUNAN NG PANGINOON

Patnubay sa Misa

Sa Huling Hapunan, ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Hesus ang hindi malilimot na halimbawa ng kababaang-loob at malasakit sa lahat ng mananampalataya sa pagtatatag ng Sakramento ng Pagpapari at ng Eukaristiya. Ipanalangin nating maging mabunga ang mga biyayang ito, habang sinasabi:

Panginoon, gawin Mo kaming mga taong Eukaristiko!

Para sa buong Simbahan, ang pamayanan ng mga disipulo ni Kristo: Mangibabaw nawa sa kanya ang pagmamahalan, pakumbabang paglilingkod, at bukaspalad na pagbibigay. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at ibang mga pinuno ng Simbahan: Tularan nawa nila ang kababaang-loob ni Hesus sa pagtupad sa kanilang tungkulin sa sambayanan ng mga sumasampalataya. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng paring gumugunita sa kanilang paglilingkod bilang pari sa araw na ito: Ang kanila nawang buong buhay ay maging isang paglilingkod na puspos ng kababaang-loob at pagmamahal sa sambayanan, tulad ng kay Kristo. Manalangin tayo!

Para sa mga parokya: Sila nawa ay maging tunay na sambayanang Eukaristiko na nagpapakita ng katangi-tanging pagmamahal sa mga nagdurusa. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng natitipon dito upang ipagdiwang ang sakramento ng pag-ibig ni Kristo: Pangalagaan nawa natin sa ating pang-araw-araw na buhay ang pagkakaisa at pagmamahal na ating pinasisigla sa Hapag ng Panginoon. Manalangin tayo!

Taimtim nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumahimik sandali.) Manalangin tayo!

Diyos Ama, ibinigay Mo sa amin si Hesus, ang Tinapay ng Buhay at Walang Hanggang Punong Saserdote. Nawa ang aming buhay ay laging maging salamin ng kanyang buhay, hanggang sumapit ang oras ng pakikibahagi sa Walang Hanggang Piging sa langit, magpasawalang hanggan.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 16, 2021 at 12:29 pm

PAGNINILAY: Pagkatapos ng 40 araw ng Kuwaresma, sinisimulan natin ngayon ang pinakaruruok ng Taong Panliturhiya ng Simbahan: ang Banal na Triduo. Ito’y nagsisimula sa gabi ng Huwebes Santo sa Pagmimisa sa Takipsilim ng Paghahapunan ng Panginoon. Ang Huwebes Santo ay ang pinakamatandang kapistahang ipinagdiriwang ng ating Simbahan ng maraming taong nakalipas. Dito ay inaalala natin ang pagkakatag ni Kristo sa Sakramento ng Eukaristiya noong siya’y nasa Huling Hapunan kasama ang 12 Apostol. Ang Eukaristiya ay ang ating patuloy na pagsasalo sa ginawa niya noong siya’y nagpakasakit, namatay, at muling nabuhay.

Ang Eukaristiya ay ang bagong saluhan ng Paskuwa. Ang Unang Pagbasa ay ang utos ng Panginoong Diyos kay Moises na alalahanin ng sambayanang Israel ang kanilang paglilikas mula sa Egipto sa pamamagitan ng Pista ng Paskuwa. Dito inilaan ang mga paghahanda katulad ng pagpipinutra ng mga poste ng kanilang pinutuan gamit ang dugo ng mga kordero. Ito’y tanda na darating ang anghel ng Paskuwa upang sila’y iligtas at matikman ng mga Egipcio pati na si Faraon ang kapangyarihan ni Yawe. Kaya tuwing ika-14 ng Abril, ipinagdiriwang ng mga Hudyo ang Pista ng Paskuwa alang-ala sa kanilang paglilikas mula sa pagkaalipin ng mga mabagsik na bansa katulad ng Egipto. Ngunit sa mga nagdaang taon, ang bagong kordero ng Paskuwa ay ang ating Panginoong Hesukristo na siyang gumanap sa walang hanggang handog upang iligtas tayo sa pagkaalipin ng kasalanan. At ito’y nangyari sa pamamagitan ng kanyang Misteryong Paskwal.

Kaya maganda ang paalala ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang bawat Misa na ating pinagsasaluhan, ito ay ang paggunita sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Kaya ang gabi na ibiniyaya niya sa atin ang Eukaristiya, ipinagkaloob din niya sa atin ang mga Pari na magiging katuwaan niya upang ikonsagrahin ang tinapay at alak na maging tunay na kanyang Katawan at Dugo. At sabi nga ni Pablo na tuwing tayo’y nakikisalo sa 2 sangkap na iyan, ipinahahayag natin na si Kristo’y tunay ngang namatay at muling nabuhay, at hinahangad natin balang araw ang kanyang muling pagbabalik sa wakas ng panahon.

Ang Eukaristiya ay isang hamon ng pag-ibig katulad ng ipinamalas ng Diyos nang ibigay niya ang kanyang Bugtong na Anak. Makikita natin sa Misa ng gabi ng Huwebes Santo ang paghuhugas ng paa ng 12 taong kumakatawan sa 12 Apostol (mas maaari kung sila’y mga kalalakihan). Ito’y tanda ng Ebanghelyong binasa na hinugasan ni Hesus ang paa ng 12 Apostol bilang paalala na ang kanyang pagka-Mesiyas ay nakasentro sa pagmamahal at paglilingkod. Iniatas niya sa mga alagad na katulad ng ginagawa niya, sila rin ay maglingkod sa isa’t isa at sa kanilang kapwa. Ang dakilang pagtubos ni Kristo ay tanda ng kanyang paglilingkod sa atin katulad ng sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat” (kabanata 10, bersikulo 45).

Minahal tayo ng Ama katulad ng pagmamahal ng Anak sa atin kaya inialay niya ang kanyang buhay sa Krus, kaya ang hamon at atas sa atin ay magmahalan tayo. At sa paghuhugas ng paa, ang pagmamahal ay nakikita sa ating pagpapakumbaba at paglilingkod sa isa’t isa. May kaibahan ang pagiging “pinuno” sa pagiging “boss”. Kapag sinabi nating “boss”, siya ang may karapatang mag-utos at maghari sa isang grupo. Subalit kapag sinabi nating “pinuno”, siya ang namumuno sa grupo at higit diyan ay isang gabay at alalay ng bawat miyembro. Iyan ang naging halimbawa ni Hesus kaya siya’y Hari ng Sansinukob.

Kaya tayo’y dumadalo ng Misa upang paalalahanin sa atin na tayo’y magkapatid sa iisang Panginoon. At ngayong Semana Santa, isabuhay natin ang diwa ng Misteryong Paskwal sa pagsunod sa halimbawa ni Hesuskristo na magpakumbaba at maglingkod bilang pagmamalas ng ating pagmamahal sa bawat isa.

Reply

Sherwin D. Yanoria April 1, 2021 at 7:13 am

Ang Panginoong Hesus ang tunay na Guro. Hindi Siya basta nangangaral subalit isinasabuhay Niya. Kung ano ang Kanyang iniuutos ay Siya muna ang tumutupad. Katulad na lamang ng paghuhugas ng paa ng mga apostoles. Ang magandang makita ng mga tao ay ang pag-iibigan at ang pagpapakumbaba. Malimit bigyan ng diin ng Panginoon ang mahalin ang kapwa. At isa sa pinaka mahirap niyang utos ay mahalin ang kaaway. Bawat isang tao ay importante kay Hesus. Kaya nga kaakibat dito ang pagpapakumbaba upang matutong magmahal. Nawa’y matutong magmahal ang mga taong nasaktan ng kanilang kapwa.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: