Linggo, Enero 24, 2021

January 24, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa

Tayo ay nagagalak sa pagpapahayag ni Hesus ng Paghahari ng Diyos. Dinggin natin ang kanyang panawagang magsisi at sumampalataya. Ang ating sasambitin ay:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Para sa mga namumuno sa Simbahan, upang maging masugid silang alagad ng Paghahari ng Diyos at magsaboy ng liwanag at ligaya sa balat ng lupa, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa lahat ng mga Kristiyano sa ating bansa, upang sa taong ito ng paggunita sa pagpupunla ng Pananampalatayang Kristiyano sa ating kapuluan ay talagang magsisi sila at sumampalataya sa Mabuting Balita, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga namumuno sa ating bansa, upang maitaguyod nila nang buong tapang ang paglaban sa dilim at lungkot na dala ng COVID-19 pandemic at nang makabuo sila ng isang matatag na lipunang Pilipino, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga taong nagtalaga ng sarili sa pagpapalaganap ng Paghahari ng Diyos, upang makatagpo sila ng mga taong may mabuting kalooban at bukas ang puso sa pahatid ng Poong Maykapal, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating lahat na nagkakatipon sa pagdiriwang na ito, upang lumakas ang ating pananabik na mapaghari ang Diyos sa lahat ng sulok ng ating bayan at ng buong daigdig, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating lahat ngayong ipinagdiriwang natin ang Pambansang Linggo ng Bibliya, upang ituring natin itong hamon na basahin ang Salita ng Diyos araw-araw, pakinggan ang Kanyang mensahe, at isabuhay ito, manalangin tayo sa Panginoon!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Ama naming mapagpala, isinugo Mo ang Iyong Anak bilang aming Mesiyas na magdadala ng liwanag at ligaya sa aming daigdig. Puspusin Mo kami ng Banal na Espiritu at nang kami’y maging masigasig na alagad ng Iyong Anak na si Hesukristong aming Panginoon!

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez January 20, 2021 at 10:35 pm

Pagninilay: Matapos ang pagdiriwang ng mga kapistahan nitong mga nakalipas na araw na Linggo, tayo ngayon ay nagsisimula na sa mga Linggo sa Karaniwang Panahon, ang pinakamahaba sa lahat ng mga panahon sa Liturhikong Kalendaryo ng Simbahan. Dito wala tayong inaalala na espesyal na pagdiriwang ukol sa talambuhay ni Kristo, kundi ang kanyang ordinaryong pamumuhay, subalit ito’y ekstraordinaryo sapagkat ito ay ang kanyang Pampublikong Ministeryo. Sa bawat pangangaral at kababalaghan ng ating Panginoon, mayroong grasyang binibigay ang Diyos sa atin upang tayo ay mas maengayong sumunod sa kanya.

Ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapahiwatig ng unang ministeryo ni Hesus sa Galilea. Dito ipinahayag niya na ang Paghahari ng Diyos ay pumarito na, at ang paanyaya ay pagbabalik-loob mula sa mga kasalanan at pagsasampalataya sa Mabuting Balita. Makikita natin ang Paghahari ng Diyos na kapiling natin kapag lumalago ito sa pamamagitan ng pag-ibig, katarungan, at kapayapaan. At upang ipahayag ang mga values na ito, tayo’y tinatawag ni Hesus katulad ng mga unang 4 na alagad na maging mga “mamalakaya ng tao”.

Madalas ito ay ginagawa ng SImbahan sa pamumuhay ng mga pastol at pastor sa pagpaparangal ng Mabuting Balita at pakikiisa sa mga pangangailangan ng mga tao sa bawat komunidad/parokya. Tayo rin ay inaanyayahang tumugon sa tawag ni Kristo na ipahayag ang Mabuting Balita sa ibang tao at maging mga saksi para sa kanya sa paggawa ng katuwiran at kabutihan sa ibang tao. Ngayong nasa makabagong panahon tayo, may mga epektibong paraan upang ipalaganap ang Kaharian ng Diyos sa lahat. Kahit ang plataporma ng social media ay maaring gamitin upang ipalaganap ang mga tamang impormasyon tungkol sa mga nangyayari sa paligid natin, at hindi ipagkalat ang mga pekeng balita upang makapagpanakit at makapanira ng ibang tao.

Nawa’y alalahanin natin na ang Paghahari ng Panginoon ay patuloy na lalaganap kung tayo’y tutugon sa misyon ng “Evangelization” upang dumaloy ang pagmamahal, kapayapaan, at katarungan sa isa’t isa.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: