Miyerkules, Disyembre 30, 2020

December 30, 2020

in Tagalog Mass Readings

Play

Ika-6 na Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang

1 Juan 2, 12-17
Salmo 95, 7-8a. 8b-9. 10

Magalak ang kalangitan, at daigdig ay magdiwang.

Lucas 2, 36-40

The Sixth Day in the Octave of Christmas (White)

UNANG PAGBASA
1 Juan 2, 12-17

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan

Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat ipinatawad na ang inyong mga kasalanan, alang-alang kay Kristo. Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa’y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat tinalo ninyo ang Masama. Sinulatan ko kayo, mga anak, sapagkat nakikilala ninyo ang Ama. Sinulatan ko kayo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa’y siya na. Sinulatan ko kayo, mga kabataan, sapagkat malalakas kayo; nananatili sa inyo ang salita ng Diyos, at tinalo ninyo siya, ang Masama.

Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay sa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama. Sapagkat ang lahat ng nasa sanlibutan – ang nakapupukaw sa masamang pita ng laman, ang mga nakatutukso sa paningin, at ang karangyaan sa buhay – ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan. Mapaparam ang sanlibutan at lahat ng kinahuhumalingan nito; ngunit ang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 7-8a. 8b-9. 10

Magalak ang kalangitan, at daigdig ay magdiwang.

Panginoon ay purihin ng lahat sa sandaigdigan!
Purihin ang lakas niya at ang kanyang kabanalan!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal.

Magalak ang kalangitan, at daigdig ay magdiwang.

Dumulog sa kanyang templo’t maghandog ng mga alay.
Kung Panginoo’y dumating, sa likas n’yang kabanalan,
humarap na nanginginig ang lahat sa daigdigan.

Magalak ang kalangitan, at daigdig ay magdiwang.

“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”

Magalak ang kalangitan, at daigdig ay magdiwang.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Banal na araw sumikat:
halina’t sumambang lahat
sa nanaog na Liwanag!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 2, 36-40

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, naroon sa templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya’y mabalo. At ngayon, walumpu’t apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.

Nang maisagawa ng mga magulang ni Hesus ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret, Galilea. Ang batang si Hesus ay lumaking malakas, marunong at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 9 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Magno November 4, 2020 at 6:24 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez December 29, 2020 at 9:25 pm

Pagninilay: Patuloy pa rin tayo sa masayang pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng ating Panginoon. Ngayong ikaanim na araw sa Oktaba ng Kapaskuhan, narinig natin ang kwento ng propetang babae na si Ana. Katulad ni Simeon sa Ebanghelyo kahapon, siya rin ay nasa katandaan, subalit ipinangakong makikita niya ang tanda ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagdating ng Mesiyas. Kaya nang masilayan niya ang kagalakan ni Simeon na hawak ang sanggol nina Birheng Maria at San Jose, siya ay nagpasalamat sa Diyos at nagpahayag sa lahat ng nasa templo tungkol sa pagdating ng katubusan para sa bayang Israel. Makikita natin ang grasya ng Panginoon kahit sa mga taong may edad na, na siya’y patuloy na magiging tapat sa kanyang mga pangako. Ganun din sa buong Israel na habang-panahong nanabik sa pagdating ng isang Tagapagligtas, upang si Hesus ay tuparin ang planong pangkaligtasan ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay.

Sa huling bahagi ng Ebanghelyo pagkatapos ng pagtatagpo nina Simeon at Ana sa Sanggol na Mesiyas, at ganun na rin ang nakatakdang gawain nina Maria at Jose na ayon sa Kautusan, umuwi ang mga magulang ni Hesus sa Nazareth. At dito rin sinabi na ang sanggol ay lumaki bilang bata na puno ng grasya at karunungan. At alam natin bumalik sila ulit sa templo nang si Hesus ay 12 taon, at bumalik muli sa Nazaret, na mas napuno siya ng grasya at karunungan. Ang tawag dito ng mga iskolar ng Bibliya ay “Nakatagong Panahon” ng ating Panginoong Hesukristo. Wala man nakasulat kung anong nangyari kay Hesus bago ang kanyang Pampublikong Ministeryo, ngunit alam natin na siya’y tumanda nang may karunungan bilang pagsunod sa kalooban ng Diyos Ama at pagiging ulirang anak sa lupa kina Birheng Maria at San Jose.

Mga kapatid, ang Pasko ay isang pagdiriwang ng pagsasaatin ng Diyos bilang Emanuel sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesukristo, na totoong tao at totoong Diyos. Ito ay isang kwento ng katapatan ng Panginoon sa kabila ng mga tila nga ba’y imposibilidad ng buhay. Kahit sa mga ‘di tanyag na tao o pangyayari gumagalaw ang Diyos sa mga ordinaryong pagkakataon. Kaya ang ating inaasahang pamumuhay ay mahalin ang Diyos at ang mga bagay na kanyang bigay, katulad ng ipinapangaral sa atin ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa. Katulad ng pagmamahal at pagtataguyod ng pamilya sa isa’t isa, tayo rin ay tinatawag na palaging maging tapat sa ating Panginoon, na nagtitiwala sa kanya, at ‘di palaging humahangad ng mga makamundong bagay.

Reply

Edward C Ramirez December 30, 2020 at 5:30 am

Salamat sa diyos

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Francisco Azupardo December 30, 2020 at 8:34 am

Salamat sa Diyos. Amen. Aleluya.

Reply

Marilyn December 30, 2020 at 3:21 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo

Reply

Guendolyn chiong December 30, 2020 at 5:37 pm

Salamat po sa lahat ng biyaya ng inyong pinagkaloob.

Reply

Dong December 30, 2020 at 10:26 pm

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo nazareno Salamat Amen

Reply

Celine loveko December 30, 2020 at 11:40 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!

Reply

PATRICK CU January 3, 2021 at 2:07 am

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: