Miyerkules, Disyembre 23, 2020

December 23, 2020

PANALANGIN NG BAYAN
Archdiocesan Liturgical Commission-Manila
Disyembre 23

Pinangalanang “Juan” ang anak ni Zacarias na nangangahulugang “Mapagpala ang Diyos.” Manalangin tayo na may matibay na pananalig sa pagpapala ng Diyos:

Panginoon, ipadama mo ang iyong kagandahang-loob.

Maipakita nawa ng mga pinuno ng Simbahanat ng pamahalaan ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang tapat na paglilingkod sa bayan. Manalangin tayo sa Panginoon.

Pahalagahan nawa namin ang aming pagiging Kristiyano, at isabuhay ang mga pangakong nakapaloob sa binyag na aming tinanggap sa Simbahan. Manalangin tayo sa Panginoon.

Sa diwa ng Kamahal-mahalang puso ni Hesus at Kalinislinisang puso ni Maria, matuto nawang magdamayan ang mga pamayanan upang kami’y lumago sa kapayapaan at kagalakan. Manalangin tayo sa Panginoon.

Matuto nawa kaming lumingap sa mga nakatatanda, mga maysakit, mga nangungulila, at mga biktima ng kalamidad. Manalangin tayo sa Panginoon.

Biyayaan nawa kami ng Panginoon ng isang masaganang ani, iadya kami sa mga bagyo at kalamidad
alang-alang sa kapakanan ng aming pamilya at aming kapwa. Manalangin tayo sa Panginoon.

Tahimik nating idalangin ang ating mga sariling kahilingin.(Sandaling katahimikan) Manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoon, tunghayan mo ang iyong bayan. Magsikap nawa kaming sundin ang iyong kalooban. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristong Anak mo kasama ng Espiritu Santo, iisang Diyos, ngayon at magpakailanman. Amen.

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
SIMBANG GABI
Ikawalong Araw

Hangad nating matugunan ng Diyos ang ating mga pangangailangan sa buhay. Puno ng pasasalamat para sa Kanyang kabaitan ay ating sambitin:

Diyos na tapat at mapagbigay, dinggin Mo ang aming panalangin!

Para sa mga namumuno sa Simbahan, upang mapangunahan nila ang Bayan ng Diyos sa pagtitiwala sa Kanyang katapatan sa Kanyang mga pangako, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga namumuno sa ating bansa, upang mag-ibayo ang kanilang tiwala sa Diyos sa harap ng mga hirap na dulot ng COVID-19 pandemic at matulungan ang ating mga mamamayang makaahon, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga taong tumulong sa kanilang mga kapatid na nangangailangan sa panahong ito ng COVID-19 pandemic, upang puspusin sila ng Diyos ng ligaya at katiwasayan sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga taong nanghihina ang tiwala sa kabaitan ng Poong Maykapal, upang maramdaman nila ang mahiwagang paggalaw ng Diyos sa kanilang buhay at sa gitna ng kanilang mga suliranin, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating lahat na nagkakatipon sa pagdiriwang na ito, upang matuto tayong pahalagahan at pagyamanin ang mga biyayang natatanggap natin sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Ama naming puno ng pang-unawa sa aming mga pangangailangan, isugo Mo sa amin ang Iyong Banal na Espiritu upang mag-ibayo ang aming tiwala sa Iyong mga pangako at magpasalamat kami sa Iyo tuwina, lalo na sa handog ng pananampalatayang Kristiyanong dinala Mo sa aming kapuluan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng Iyong Anak na si Hesukristong aming Panginoon. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez December 22, 2020 at 4:11 pm

Pagninilay: Tayo ngayon ay palapit na sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng ating Panginoon. Ito ay isang tanda na matutupad na ang pangako ng Diyos sa pagdiriwang ng pagdating ng kanyang presensiya sa atin bilang tao, kahit hindi siya kailanma’y nagkasala. Binigay ng Diyos ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesus upang ipamalas sa atin ang daan tungo sa tunay kaligayahan at tamang pamamaraan ng ating buhay.

Ayon kay Propeta Malakias sa Unang Pagbasa, na ikalawa sa mga pinakahuling propeta sa Lumang Tipan, isisugo ng Panginoong Diyos ang kanyang mensahero upang ibalita sa mga tao ang kanyang pagdating sa pamamagitan ng isang tipan na muli’t muling iuukit. Ang pagdating ng Panginoon ay inilalarawan ni Malakias na parang isang taong dumadalisay ng ginto at apoy, at sinasabing dadalisayin niya ang mga punong saserdote at taumbayan ng Israel. At sa huling bahagi ng propesiya, ipinahayag ng Diyos na darating si Elias upang ituwid ang puso ng mga anak ng Diyos patungo sa katapatan na ipinamalas ng kanilang mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Israel (Jacob). Itong nakikilabot na propesiya ni Malakias ay patungo sa pagdating ng Panginoong Hesus, ang Anak ng Diyos Ama, upang ituro niya sa atin kung paano dapat mamuhay ayon sa dakilang kalooban. At ang mensahero niya ay ang Tagapanguna niya, ang kanyang pinsan na si San Juan Bautista.

Narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ang pagsilang ni San Juan Bautista, na siyang ginugunita ng Simbahan tuwing ika-24 ng Hunyo (6 na buwan bago ang Disyembre 25, Pasko ng Pagsilang ng Panginoon). Matatandaan natin na ang paglilihi kay Juan ay ibinilita ni San Gabriel Arkanghel kay Zacarias siyam na buwan bagong mangyari nito, ngunit hindi siya naniwala dahil nakatuon lamang sa kanyang katandaan at ganun din ang katandaan ni Elisabet, kaya’t ginawa siyang pipi at bingi. Ngayong naganap na ang pangyayaring ito, isang kultura sa kanilang kamag-anak na ipangalan ang bagong sanggol walong araw pagkatapos ang pagsilang nito ayon sa nakagawiang pangalan ng kanilang angkan. Nais nilang tawagin “Zacarias” ang sanggol na katulad ng pangalan ng ama nito. Subalit sinabi ni Elisabet na ang pangalan ng bata ay Juan. Dahil hindi sila naniwala, nagdemanda sila ng mga tanda kay Zacarias kung ano ang ipapangalan nito sa bata. At isinulat niya sa isang tableta “Juan ang kanyang pangalan” dahil ito ang pangalang ibinigay ng Diyos sa kanilang sanggol, kaya ang kanyang tainga ay nakarinig at ang labi’y biglang nagsalita muli ng pagpupuri sa Panginoon. Kaya namangha ang mga kasamahan nina Zacarias at Elisabet sa isang napakagandang pangyayari sa dalawang magulang, kahit sila’y matanda na. At sinabi nila na ang Panginoong Diyos ay nasa piling ng sanggol na si San Juan Bautista.

Ang pangalang “Juan” ay galing sa wikang Hebreo ‘Yohanan,’ na may kahulugang “Ang Diyos ay mapagpala”. At sinasabi nga ng marami “Ang iyong pangalan ay ang iyong pagkakakilanlan”. Kaya nga si San Juan Bautista ay tanda ng pagpapala ng Diyos sa mga magulang nitong si San Zacarias at Sta. Isabel matapos ang habangpanahon na paghihintay at minsan na nga’y kawalang pag-asa. Si Juan rin ay tanda ng pagpapala ng Diyos bilang isang nakatakdang mangaral sa disyerto sa Ilog Jordan ukol sa pagdating ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbibinyag at pangangaral ukol sa pagsisisi, pagbabalik-loob, at paggawa ng kabutihan.

Ganun din ang pangalang “Hesus” na nangangahulugang “Ang Diyos ay nagliligtas” sapagkat si Hesus ay ang biyaya ng Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan mula sa pagkakasala. Ngayong Pasko, habang kinikilala natin si Kristo at ipinaghahandaan natin ang ating puso para sa kanyang pagsilang, magpasalamat tayo sa Diyos sa biyaya ng buhay na ibinigay niya sa atin. Nawa katulad ni Hesus at ni Juan, tayo rin ay maging biyaya sa ibang tao.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: