Martes, Disyembre 22, 2020

December 22, 2020

PANALANGIN NG BAYAN
Archdiocesan Liturgical Commission-Manila
Disyembre 22

Tinutupad ng Ama ang pangako niyang pagliligtas sa atin. Dumalangin tayo sa Diyos sa diwa ng pasasalamat at kagalakang bumubukal sa puso ni Maria. Sa bawat kahilingan, itutugon natin:

Gabayan mo kami, Panginoon.

Maramdaman nawa ng tanan ang habag ng Diyos na isinugo ang Bugtong na Anakupang tayo’y mailigtas sa ating pagkamakasarili at suliranin ng buhay. Manalangin tayo sa Panginoon.

Maglingkod nawa ng tapat ang mga pinuno ng pamahalaan at supilin ang kabuktutan gaya ng pandarambong, pagbutas sa kaban ng bayan, at pagmamalabis sa kapangyarihan. Manalangin tayo sa Panginoon.

Huwag nawang panghinaan ng loob ang mga lumilingap at nagtataguyod sa mga maliliit at mga mahihina. Manalangin tayo sa Panginoon.

Magbalik-loob nawa sa Diyos ang mga mapagmataas at matuto silang matakot at gumalang sa Diyos. Manalangin tayo sa Panginoon.

Maisabuhay nawa namin at magsilbing inspirasyon ang awit ni Maria na lumilingap
sa mga dukhang umaasa sa Panginoon. Manalangin tayo sa Panginoon.

Tahimik nating idalangin ang ating mga sariling kahilingin. (Sandaling katahimikan) Manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, palakasin mo kami sa harap ng mga pagsubok at aliwin mo kami sa aming kalungkutan. Gabayan mo kami sa aming pagbabagong-buhay habang nagsisikap kaming manatiling tapat sa iyo, sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
SIMBANG GABI
Ikapitong Araw

Hangad nating maging mabubuting anak ng Diyos na marunong tumanaw sa Kanya ng utang na loob. Tulungan sana tayo ng Diyos na magpasalamat hindi lamang sa salita kundi lalo na sa ating buhay. Ang ating sasambitin ay:

Diyos na mapagpala, dinggin Mo ang aming panalangin!

Para sa mga namumuno sa Simbahan, upang maging mapagpakumbaba sila sa biyayang kanilang tinanggap na mangalaga sa Bayan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga namumuno sa ating bansa, upang magawa nilang umangat ang buhay ng ating mga kababayan at maging masaya ang kanilang hinaharap, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating mga kababayang tumatanaw ng utang na loob sa Diyos para sa Pananampalatayang Kristiyanong ating minana sa ating mga ninuno, upang ang kanilang pasasalamat ay maipamalas nila sa pagsasabuhay nito, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga taong tumigas na ang puso at hindi na tumatanaw ng utang na loob sa Diyos para sa mga biyayang kanilang tinatanggap sa buhay, upang makita nilang ang lahat ng magandang nangyayari sa kanila ay dahil sa awa ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating lahat na nagkakatipon sa pagdiriwang na ito, upang maging masigasig tayo sa ating pasasalamat sa Diyos at maipakita ito sa pagsasabuhay ng Pananampalatayang Kristiyanong dinala sa ating kapuluan may limang dantaon na ang nakalilipas, manalangin tayo sa Panginoon!

Alalahanin natin ang iba pang dapat nating ipagpasalamat sa Panginoon. (Manahimik sandali.) Magpasalamat tayo!

Ama naming pinagmumulan ng lahat ng biyaya, isugo Mo sa amin ang Iyong Banal na Espiritu upang pukawin niya ang aming mga puso sa tunay na pagtanaw sa Iyo ng utang na loob, lalo na para sa hindi mapapantayang biyaya ng pagsilang ng Iyong Anak na si Hesukristong aming Panginoon. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez December 19, 2020 at 12:43 pm

Pagninilay: Habang tayo ay papalapit sa pagdiriwang ng Pagsilang ng ating Panginoon, lubos tayong nagagalak at nagpapasalamat sa handog ng kaligtasang ibinigay sa atin ng Diyos kahit tayo ay nagkasala at nagkulang. Ang dalawang pagbasa ay naghahayag ng 2 magkasingkatulad na awit ng 2 tauhan, sina Ana na ina ni propetang Samuel at Birheng Maria na Ina ni Hesukristo.

Ang awit ng papuri ni Ana ay pagpupugay sa kadakilaan ng Diyos sapagkat siya’y pinagpala ng anak matapos ang ilang taon na baog siya. Akala dati ni Eli na siya’y lasing, ngunit ang punong pari ay namangha nang siya’y nagkaanak sa isang batang lalaki na balang araw itatalaga bilang propeta ng Diyos. Kaya iniwan ni Ana si Samuel sa Templo sa mabuting pangangalaga ni Eli. At umawit siya ng panalanging ito bilang pagkalugod ng Diyos sa katulad niya sa abang antas sa buhay.

Ang Ebanghelyo ay ang kasunod na pangyayari matapos dalawin ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang pinsan na si Elisabet. Katulad ng Ana, nagbigkas din si Maria ng isang tanyag ng awit na kinakanta ng Simbahan tuwing paglubog ng araw, at iyan ay ang Magnificat. Ang Magnificat ay isang awit ng papuri at pasasalamat sa kadakilaan at kabutihang-loob ng Panginoong Diyos lalung-lalo na sa mga kinikilala bilang mga “abang tao”. Ito yung nakita ng ating Mahal na Ina nang kailan lamang ay malaman niya mula kay San Gabriel na siya’y pinili ng Diyos upang maging Ina ng ating Tagapagligtas. Ang Magnificat ay hindi ibig sabihin na ang mga matataas at mayayaman ay walang kahalagahan, sapagkat alam ng Panginoon na sila rin ay nagsimula sa mga simpleng pamumuhay bago pa man nila nagkamit ang kanilang mga tagumpay.

Ang nais lang ipunto dito sa awit ay sa kabila ng mga pangarap at tagumpay ng tao, hindi dapat kailanma’y mawala sa atin ang pagpapakumbaba mula sa ating mga puso. At ang mga bagay na mayroon tayo ngayon ay nagsisilbi sa atin na mayroon tayong Diyos na nagkaloob sa atin, kaya’t dapat magkaroon po tayo ng mga pusong nagpapasalamat sa kanyang mga biyaya. Kahit may mga bagay na hindi natin nagkamit ayon sa ating kagustuhan, ang mas mahalaga ay may dakilang plano ang Panginoon para sa ating lahat. Katulad nina Ana at Maria, natunghayan nila ang plano ng Diyos hindi lang para sa kanila, kundi para matupad ang planong pangkaligtasan ng sangkatauhan. Si Samuel na anak ni Ana ay kilala bilang isa sa mga matapat na propeta at ang pinakahuling hukom ng Israel na humirang kina Saul at David bilang mga hari. Ang mahalaga sa kanya ay ang pagsunod sa Diyos na higit pa sa mga handog na sinusunog. At si Hesus naman na anak ni Maria, na Bugtong na Anak ng Diyos, ay palaging pinupunto sa kanyang misyon ang pagsunod sa utos at kalooban ng kanyang Ama. Kaya iyan ang ipinakita niya sa atin hanggang sa kanyang Pagkamatay sa Krus upang tayo’y iligtas at bigyan ng bagong buhay para maging mga anak ng Ama.

Kaya ngayong papalapit na ang Pasko, nawa’y magkaroon tayo ng kababaang-loob sa pagtanggap sa Panginoon sa ating mga buhay, at katulad nina Ana at Maria ay magpasalamat palagi sa nakapagandang plano ng Diyos hindi lang para sa atin, kundi para na rin sa ikabubuti ng lahat.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: