Huwebes, Disyembre 17, 2020

December 17, 2020

PANALANGIN NG BAYAN
Archdiocesan Liturgical Commission-Manila
Disyembre 17

Magpasalamat tayo sa Amang nasa langit
at patuloy nating isuko sa kanya ang ating kinabukasan sa harap ng mga pagsubok at pagbabago sa ating buhay. Buong pagtitiwala tayong manalangin:

Panginoon, kupkupin mo ang iyong bayan.

Upang puspusang manghikayat ang Simbahan sa lahat ng tao para magsisi sa kanilang mga kasalanan
at magbalik-loob sa Diyos. Manalangin tayo sa Panginoon.

Upang ang mga pamilyang nag-aalitan ay makadama ng ligayang dulot ng pagkakasundo at pagkakaisa ngayong panahon ng Adbiyento. Manalangin tayo sa Panginoon.

Upang matagpuan ng mga pamilya ang awa bilang instrumento ng kanilang pananampalataya sa pagsagot sa kanilang mga suliranin. Manalangin tayo sa Panginoon.

Upang ang aming pagdiriwang ng Misa de Gallo ay mailapit kami sa aming pamayanan at parokya upang sama-sama kaming lumago sa pag-ibig sa Diyos at kapwa. Manalangin tayo sa Panginoon.

Tahimik nating idalangin ang ating mga sariling kahilingin. (Sandaling katahimikan) Manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, niloob mong isilang ng Birheng Maria ang iyong Anak na si Hesus. Nawa’y masundan namin ang kababaangloob ni Kristo na siyang naghatid ng kaligtasan at kapatawaran sa aming mga kasalanan.
Ikaw na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
SIMBANG GABI
Ikalawang Araw

Hangad nating lumakas ang ating pananampalatayang Kristiyano sa pagsisiyam na ito para sa Pasko. Puno ng pananabik ating sambitin:

Diyos ng kaayusan, dinggin Mo ang aming panalangin!

Para sa mga namumuno sa Simbahan, upang sa gitna ng kanilang mga kakulangan at kahinaan ay maihanda nila nang buong sigasig ang mga tao para sa pagdiriwang ng Pagsilang ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa lahat ng mga suma-sampalataya kay Kristo, upang sa taong ito ng Misyon sa mga Bansa ay makita nila sa lahat ng gusot sa kasaysayan ng Simbahan ang magandang balak ng Diyos para sa pagkakaisa ng lahat, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga namumuno sa ating bansa, upang sa harap ng mga patong-patong na suliranin ng ating lipunan, lalo na ang mga pahirap na dinala ng COVID-19 pandemic, ay makaya pa rin nilang itaguyod ang kapakanan ng tanan, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga taong naguguluhan sa dami ng kanilang pinagdaraanan sa buhay, upang mamalas pa rin nila ang ganda ng balak ng Diyos para sa kanila at sa mga mahal nila sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating lahat na nagkakatipon sa pagsisiyam na ito para sa Pasko, upang sa kabila ng ating mga pagkakamali ay masigasig pa rin nating maisabuhay ang Pananampalatayang Kristiyanong ating minana sa ating mga ninuno, manalangin tayo sa Panginoon!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Ama naming puspos ng karunungan at kabutihan, binalak Mo ang aming kaligtasan sa simula’t simula pa ng aming kasaysayan. Ibuhos Mo sa amin ang handog ng Iyong Espiritu Santo upang maging matatag kami sa Pananampalatayang Kristiyanong dinala sa aming kapuluan halos 500 taon na ang nakalilipas at maging mga tunay kaming alagad ng Iyong Anak na si Hesukristong aming Panginoon.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez December 13, 2020 at 5:52 pm

Pagninilay: Tayo ngayon ay nakapasok sa ikalawang bahagi ng Panahon ng Adbiyento mula ika-17 hanggang 24 ng Disyembre, kung saan pagninilayan natin ang mga pangyayari tungo sa katuparan ng ating kaligtasan sa Pagkatawang-tao ng ating Panginoong Hesukristo, na siyang ipagdiwang natin ngayong Pasko.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang simula ng panunulat ng Ebanghelistang si San Mateo. Ang pokus ng manunulat ng Ebanghelyo ay ang pagkatao ng ating Panginoong Hesus bilang katuparan ng mga propesiya sa Lumang Tipan. At makikita natin sa pagbasang ito ang isang talaan ng mga lahing pinagmulan ni Hesus. Ito yung ang kanyang mga ninuno mula sa 42 henerasyon (Abraham-Jose at Maria). At makikita sa talaang ito ang napakadaming ninuno ng ating Panginoon, kahit sila’y kilala o ‘di kilala.

Subalit makikita rin natin na mayroon silang kahinahan nang sila’y namumuhay. Si Abraham dati ay tilang nagsinungaling sa faraon sa Egipto nang sabihin niya na si Sara ang kanyang kapatid, na sa totoo ay ang kanyang asawa. Sa Jacob naman ay tilang nanloko ng kanyang panganay na kapatid na si Esau dahil ipinagbigay sa kanya ang karapatang pagiging “mapagpala”. Si Haring David naman ay nagnais na mapasakanya si Batseba, kaya’t hinayaan niyang mapatay si Urias sa harap ng labanan upang angkinin ang asawa nito. At si Haring Solomon ay kilala sa pagkakaroon ng 300 asawa at 700 na babae, at sila pa’y mga pagano na hindi naniniwala sa Diyos ng Israel.

Marami pang ibang kahinaan ang mga ninuno ni Hesus. Subalit mayroon ngang kasabihan: “Gumuguhit ang Diyos ng mga matuwid na landas mula sa mga baluktot na daan.” Sa kabila ng naging kahinaan nila, pinili pa rin sila ng Ama upang paglingkuran siya at ipaalala sa kanyang sambayanan ang kanyang dakilang presensiya. At sa pagtupad ng kanyang planong pangkaligtasan, isinugo ng Ama ang kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo, bagamat Diyos ay naging Tao at ipinangnak ng Mahal na Birheng Maria lalang ng Espiritu Santo.

Ang maari nating kuning aral mula sa Ebanghelyo ay ang katuwiran ng Diyos sa gitna ng mga kahinaan sa buhay. Lalung-lalo na sa buhay-pamilya, maraming pagsubok ang dinadaan ng pamilya, maski sa bawat iisang miyembro. Aminin man natin, wala pong perkpektong pamilya. Ngunit kahit walang perpektong pamilya ay bawat isa sa atin at bawat indibidwal ng mga grupo ay ginagawa ng Diyos bilang ganap ng kanyang pagmamahal. At ito yung ating ipagdiriwang sa darating na Kapaskuhan kung paanong dumating ang ating Panginoong Hesukristo sa ating katauhan nang hindi kailanman siya’y nagkasala upang iako at iugnay ang ating mga sarili patungo sa Ama nating Diyos.

Kaya nawa atin pong kilalanin ang Diyos sa bawat pagkakataon at katulad ng sinasabi sa Salmo na bagamat tayo’y nagkakasala at nagkukulang, tayo’y patuloy pa rin na mabuhay nang marangal upang sumagana pa kailanmanang ating buhay.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: