Linggo, Marso 17, 2024

March 17, 2024

Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (B)

Jeremias 31, 31-34
Salmo 50, 3-4. 12-13. 14-15

D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Hebreo 5, 7-9
Juan 12, 20-33


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Fifth Sunday of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Jeremias 31, 31-34

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Sinasabi ng Panginoon, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong pakikipagtipan sa Israel at sa Juda. Ito’y di gaya ng tipang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagamat sumira sila sa kasunduan namin, nagtiyaga ako sa kanila. Ganito ang gagawin kong tipan sa Israel: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko sa kanilang mga puso. Ako’y magiging kanilang Diyos at sila ang magiging bayan ko. Hindi na nila kailangang turuan ang isa’t isa upang makilala ang Panginoon; lahat sila, dakila’t hamak ay makakilala sa akin, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang maling gawain at hindi ko na gugunitain pa ang kanilang kasalanan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 12-13. 14-15

D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumihan
at ipatawad mo yaring kasalanan!

D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.

D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.

D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 5, 7-9

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid:

Noong si Hesus ay namumuhay rito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya dahil sa lubusan siyang nagpakumbaba. Bagamat siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang maganap na niya ito, siya’y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng sumusunod sa kanya.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 12, 26

Ang sinumang naglilingkod
upang sa aki’y sumunod
ay tunay na itatampok
sa kaligayahang lubos
ng mahal na Anak kong D’yos.

MABUTING BALITA
Juan 12, 20-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon: Kabilang ang ilang Griego sa mga pumunta sa pista upang sumamba. Lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida, Galilea, at nakiusap, “Ginoo, ibig po naming makita si Hesus.” Sinabi ito ni Felipe kay Andres, at silang dalawa’y lumapit kay Hesus at ipinaalam ang kahilingan ng mga iyon. Sinabi ni Hesus, “Dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao. Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami. Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan. Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”

“Ngayon, ako’y nababagabag. Sasabihin ko ba, ‘Ama, iligtas mo ako sa kahirapang daranasin ko?’ Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito — upang danasin ang kahirapang ito. Ama, parangalan mo ang iyong pangalan.” Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Pinarangalan ko na ito, at muli kong pararangalan.” Narinig ito ng mga taong naroon at ang sabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!” Sinabi ni Hesus. “Ipinarinig ang tinig na ito dahil sa inyo, hindi dahil sa akin. Panahon na upang hatulan ang sanlibutan. Itataboy ngayon sa labas ang pinuno ng sanlibutang ito. At kung ako’y maitaas na, ilalapit ko sa akin ang lahat ng tao.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano siya mamamatay.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 10 comments… read them below or add one }

fr efren T arela March 15, 2021 at 5:31 pm

Nang likhain ng Diyos ang tao ayon sa kanyang banal na larawan, tumubo sa lupa na parang isang halaman ang kanyang walang hanggang pagmamahal para sa sanlibutan. kayat ang bawat nillalang sa lupa ay maaring makapasok sa banal tahanan ng Diyos at maging bahagi rin ng mga pinagpala. sa katunayan isa sa mga talinhaga ni Hesus ay ganito ang sinasabi. ‘tapat at mabuting alipin halika at makibahagi ka sa aking kaharian.”.

sa kabila ng mga pagkakamali ng tao, sa kanyang pagsuway sa kalooban ng Ama, naroon parin ang wagas na pagmamahal ng Diyos sa kanya..
dahil dito, kailaingang ibalik ng tao ang kanyang pagigiung larawan ng kabanalan ng Dioys.na lung saan hinihingi ang kanyang katapan at sa pagusnod sa kalooban ng poong maykapal.

Tanging ang katapatan lamang ng tao ang siyang magdasdala sa kanya upang siyay makauwin na sa tahanan ng Diyos ama.

kaya nga siunabi ni Hesus.. sa bahay nmg aking ama ay mariming silid.

Ang panahon ng kwaresma ay panahon ng pagkilala sa tunay na kalagayan na patutunguhan ng tao na maggaganap pagdating ng takdang panahon.

igawad nawa ng Diyos sa lahat ng tao ang kaligtasan kasama ang mga nagkamali ngunit nagsisi sa kanilang nagawang kasalanan.
amen.
.

Reply

Sherwin D. Yanoria March 21, 2021 at 7:54 am

Sino ba naman ang may gusto ng paghihirap? Sa mundong ating kinagagalawan ngayon, maraming yumayaman at naghihirap. Kadalasan ay nagsusumikap upang hindi maging mahirap o maging dukha. Ngunit hindi lahat ay isinilang na may kaya. Si Hesus kahit Siya ay Anak ng Diyos ay dumanas ng hirap. Ang paghihirap na dapat ay sa mga tao, ay inangkin niya upang tayo ay maligtas. Kailangan nating sumunod sa ating Panginoong Diyos, walang reklamo sa buhay na nararanasan. Iaalay natin sa Kanya ang bawat hirap na ating nararanasan.

Reply

Reynald Perez March 9, 2024 at 3:29 am

PAGNINILAY: Ang Ika-5 Linggo ng Kuwaresma ay ang huling linggo bago sumapit ang Mahal na Araw. Ito ang pagsisimula ng tinatawag na “Passiontide” bilang pag-alalang tayo’y malapit nang gunitain ang mga huling sandali na kung saan naisakatuparan na ang kalooban ng Diyos Ama sa pamamagitan ng Misteryong Paskwal ni Kristo: ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Kaya kung papansin po natin, ang mga imahe at krusipiyo ay tinatakpan ng lilang tela. Ayon sa Juan 8:58-59, si Hesus kasama ang kanyang mga Apostol ay nagtago mula sa tangkang pambabato sa kanya ng mga Hudyo. Hindi dahil takot siya, kundi ito’y paghahanda ng oras ng kalooban ng Diyos. Kaya ngayong Kuwaresma at Semana Santa, kung si Kristo ay nakatago, ganun rin ang kanyang mga lingkod, upang matunghayan natin ang kanyang kaluwalhatian sa Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Hinula ni Propet Jeremias sa Unang Pagbasa ang ikatlong exodo na magaganap sa pag-uukit muli ng Panginoong Diyos ng Bagong Tipan, upang makilala na tao na siya ang Diyos nila at sila ang bayan niya. Itong paglilikas na ito ay higit pa sa paglikas sa mga Israelita mula sa Egipto at nang panahon iyon, ang inaasahang paglilikas sa mga Hudyo mula sa Babilonia. Natupad ang propesiyang ito ni Jeremias sa pagdating ng Anak ng Diyos na si Hesus sa pagganap ng bagong exodo sa pagliligtas ng sangkatauhan mula sa kasalanan. At ito ang bagong tipan na iniukit ng Diyos Ama na ipinagtibay naman ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang Dugong ibinuhos para sa kaligtasan ng tanan.

Ipinahayag ng manunulat ng Sulat sa mga Hebro sa Ikalawang Pagbasa ang pagiging masunurin ni Hesus bilang Anak ng Diyos, na bagamat siya ay may likas rin ng pagka-Diyos, nagpakababa siya at namuhay ayon sa kalakaran ng tao nang hindi kailanma’y nagkasala. Ang kanyang pagiging masunurin ay umabot hanggang sa kanyang pagdurusa at pagkamatay sa Banal na Krus, na nagdulot naman ng kaluwalhatian ng kanyang Muling Pagkabuhay bilang paghahanda sa pangako ng pagkabuhay sa kadakilaan ng kalangitan.

Kaya’t ipinahayag ni Hesus sa Ebanghelyo ang kanyang darating na Pagpapasakit at Pagkamatay sa Krus. At nabagabag siya na alam niyang mararanasan nito, subalit buong katapangan siyang sumigaw sa Diyos Ama na bigyang karangalan ang dakilang pangalan. Kaya’t biglang kumulog ang isang tinig na nagsasabing naiparangal na ang pangalang ito at patuloy na ibibigay ng parangal. Makikita rito ang katapatan ni Hesus na gawin ang kalooban ng Ama, kahit sa punto na pagdaanan niya ang Misteryo ng Pagtubos sa Sangkatauhan na alam niya kailangan niyang magdusa. Ito’y inihalintulad niya sa larawan ng butil ng trigong kailangang mahulog sa lupa upang tumubo muli itong trigo na ito at muling mamumunga. Itong kabalintunahan ni Hesus ay isang paalala na kahit masakit at mahirap, ang pagdurusa ay isang paraan upang makamtan ang kaginahawaan at kaligayahan. Ganun din sa buhay na lahat tayo’y balang araw mamamatay upang makamtan natin ang buhay na walang hanggan sa kalangitan.

Mga kapatid, ang nalalapit nating paggunita sa Misteryong Paskwal ng ating Panginoong Hesukristo ngayong Semana Santa ay isang proseso sa buhay natin na ang mga taimtim na paggunitang ito ay katulad din ng buhay natin bilang mga Kristiyano. Katulad ni Hesus, tayo rin ay dumadanas ng iba’t ibang paghihirap at pinagdaraanang unos. Ngunit hindi ito’y nangangahulugang walang kwenta ang buhay sapagkat ang pagdurusa ay daan tungo sa kaginahawaan. Kaya ang Pagpapasakit at Pagkamatay sa Krus ni Hesus ay humantong sa kanyang Muling Pagkabuhay. Ganun din ang ating buhay na kailangan nating maransan ang mga Kuwaresma at ang Semana Santa upang makamtan natin ang Pasko ng Pagkabuhay. Sabi nga ni San Francisco ng Assisi bilang pagwawakas sa kanyang panalangin: “Nasa pagkamatay ang pagsilang sa buhay na walang hanggan.”

Reply

Jess C. Gregorio March 16, 2024 at 9:27 pm

PAGNINILAY SA MABUTING BALITA ni Jess C. Gregorio:

Ang katumbas ng pagsuway ay kamatayan. Ito ang naitadhana ng orihinal na pagkakasala. Kung gaano kahina ni Adan at Eba nuon sa Garden of Eden, at gaano kalakas ng anghel na nagbabantay sa pintuan ng paraiso at hindi na kaya muling buksan ng tao, siya namang lakas ng kapangyarihan ng pagkamatay ni Kristo. Hindi lamang ibinalik niya sa orihinal na anyo ang kanyang pagka-Diyos ng muling nabuhay kundi bitbit pa ang lahat ng kakuluwa ng mga taong banal. Hindi lamang nuon kundi magpahanggang panahon. Sabi sa Kasulatan, “O death where is your sting? O grave where is your victory?” Lahat tayo ay naisalba na! Naging Templo ng Banal na Espiritu ang bawat isa. Magkakaroon lang ulit ng kapangyarihan ang kamatayan sa atin kung muli nating ititiwalag Siya. Mawawala ang Buhay kung may puwang sa atin ang mundong makasalanan. Mapagpanggap na glorya puno ng saya lahat maglalaho pag wala na tayong hininga. Mangungusap at kakausapin ng mga taong Kanya ang Ama sa Espiritung taglay, maiintindihan, maliwanag na gabay, na sa iba ay puro ingay. Ang ating pagpupuri at pagsamba ay Kanyang lalapitan. Hindi na natin siya kailangan hanapin tulad ng mga Griego, kanyang pagdurusa at kamatayan nagbukas muli ng nakapinid na pintuan. Naalis lahat ng balakid makabalik lang tayo sa langit. Ito ang parangal na naipangako, kung susundin si Kristo sa kanyang mga itinuturo. Nangingibabaw ba Siya sa atin? Simple lang makamtan ang lahat ng ito: mangumpisal, mangumunyon, at makipag usap kay Kristo sa Adoration Chapel. Gawin nyo muna ito at ang lahat ng ating isip, galaw, at gawain ay kakasihan ng biyaya at katapatan, walang kahalong kaplastikan, pagkat ang Diyos lang ang gumagawa at hindi ang ating mahinang katauhan.

Reply

Liborio Ervito Sobrevinas March 16, 2024 at 9:46 pm

Muli nating suriin ang ating mga sarili. Kailan tayo susunod sa Diyos? Bakit hinahadlangan ng ating mga makasariling pangarap? Mabilis sabihin na opo Panginoon nakahanda kami. Pero ang tumalima ay maraming hadlang para makamit ito. Malapit na ang araw na kukunin na ako/tayo ng ating Panginoon. Hanggang kailan ako magtatago sa sarili kong interes at hindi sa kanyang kalooban? Hanggang kailan ako maniniwala na narito siya? Hanggang kailan ako magdududa na narito siya at kapiling natin sa banal na Misa? Mahirap maunawaan ng makitid nating isipan, puso at ng ating mga gawa ang tunay na pagsunod. Panginoon ngayun ay nakasunod ang iyong anak sa kalooban mo. Nawa’y pagkalooban mo rin kami ng pagsunod na ginawa ni Kristo. Si Kristo ang tularan at huwaran na tumalima ng walang alinlangan sa pagsunod sa kalooban ng Ama. Naway maging kaisa mo kami sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa lahat ng bansa. Amen.

Reply

Malou Castaneda March 16, 2024 at 11:28 pm

PAGNINILAY
Nakulong tayo sa ating mga kasalanan at hindi tayo makakalaya. Nais ng Panginoon na alisin ang bato na nagpapanatili sa atin sa ating bilangguan. Tunay, maaari tayong magtiwala na palalayain tayo ng Panginoon mula sa ating pagkabihag kung handa tayong bumitaw at payagan Siya. Ngunit ano ang batong ito na pumipigil sa atin na payagan si Hesus na makapasok sa ating buhay? Madalas tayong nabigo ngunit sa awa ng Diyos, bubuhayin Niya tayong muli sa Kanyang napakagandang plano. Patayin natin ang kasalanan.

Panginoong Hesus, itaas Mo kami sa bagong buhay sa Iyo.
Amen.
***

Reply

Joshua S. Valdoz March 17, 2024 at 10:33 am

PAGNINILAY: Nang likhain ng Diyos ang tao ayon sa kanyang banal na larawan, tumubo sa lupa na parang isang halaman ang kanyang walang hanggang pagmamahal para sa sanlibutan. kayat ang bawat nillalang sa lupa ay maaring makapasok sa banal tahanan ng Diyos at maging bahagi rin ng mga pinagpala. sa katunayan isa sa mga talinhaga ni Hesus ay ganito ang sinasabi. ‘tapat at mabuting alipin halika at makibahagi ka sa aking kaharian.”.

sa kabila ng mga pagkakamali ng tao, sa kanyang pagsuway sa kalooban ng Ama, naroon parin ang wagas na pagmamahal ng Diyos sa kanya..
dahil dito, kailaingang ibalik ng tao ang kanyang pagigiung larawan ng kabanalan ng Dioys.na lung saan hinihingi ang kanyang katapan at sa pagusnod sa kalooban ng poong maykapal.

Tanging ang katapatan lamang ng tao ang siyang magdasdala sa kanya upang siyay makauwin na sa tahanan ng Diyos ama.

kaya nga siunabi ni Hesus.. sa bahay nmg aking ama ay mariming silid.

Ang panahon ng kwaresma ay panahon ng pagkilala sa tunay na kalagayan na patutunguhan ng tao na maggaganap pagdating ng takdang panahon.

PRAYER: Igawad nawa ng Diyos sa lahat ng tao ang kaligtasan kasama ang mga nagkamali ngunit nagsisi sa kanilang nagawang kasalanan.
amen.

Reply

Rex Barbosa March 17, 2024 at 2:58 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 12, 20-33

PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo

Ipinapakita sa atin ng Ebanghelyo na sa bawat kamatayan,
may buhay – ito ang malaking mensahe ng Kuwaresma
ang Pasko ng Pagkabuhay.

Sinasabi ni Hesus ang hirap ng pagsunod sa landas niya
ngunit ang manampalataya at sumunod ay makararating
sa Kanyang pangakong buhay na walang hanggan.

Kailangang mamatay ang ating buhay makasalanan
upang mabuhay sa kanyang piling.

Handa na ba tayong mamatay sa ating sarili para kay Hesus?

Reply

RFL March 17, 2024 at 9:57 pm

Ang buod ng ating mga pagbasa: Mahal tayo ng Diyos.

Dahil sa pag-ibig na ito, tiniis Niya ang lahat ng hirap, pagsubok at pagkamatay. Ang pag-ibig na ito ang tumalo at nagtaboy sa kaaway. At ang gumawa nito lahat ay ang isang dakilang tao na si Hesus. Siya rin ang Diyos na lumikha ng lahat. Si Hesus ay fully God and fully human. Nangyari ito upang magawa ng Diyos ang covenant between Himself and man. Ginawa ito thru Jesus Christ, the man, upang matupad perfectly ang kanyang tipan sa tao. Si HesuKristo ang ating representative bilang tao sa tipan—the one who perfectly executed the covenant with God.

Kung may utang na loob man tayo sa mga tao, higit ang utang na loob natin sa Panginoong Hesus. Higit na dapat siyang laging pasalamatan at sundin. Higit na dapat Siya ang maging bukambibig natin sa bawat kwento ng ating tagumpay at buhay. Bakit ko ito nasasabi? Siguro ay dahil sa aking mga pakikipagusap sa tao, napapansin ko na mas tinitingala nila ang kanilang sarili o ang ibang tao kaysa sa pagtingala nila sa Panginoon. Ang posisyon ko ay ito: Utang natin sa Diyos ang lahat ng biyayang nakakamtan natin gaya ng araw-araw na paggising, araw-araw na pagkain, mga tagumpay, magandang pamilya, kumikitang negosyo, pagpasa sa exam, paggaling sa sakit, pagsilang ng sanggol, etc. Bakit natin inihihiwalay ang mga ito sa ating buhay espiritual? Bakit sa loob ng simbahan ay mabuti tayo pero paglabas ay walanghiya na? Hindi ba’t ang ang kaluluwa at laman ay parehong nasa iisang tao lang? Bakit tayo yuko ng yuko sa mga diyus-diyosang nilikha ng ating mga sarili at ng kasalanan? Pagkapoot sa ibang tao, pagdadamot, unforgiveness, pangangalunya, pagmamataas, pagiging makasarili, paglalasing, pagddroga, etc. Habang ating ginagawa ang kasalanan ay ito rin ang niyuyukuan at dinidiyos natin! Hindi ito ang purpose natin sa mundo. Kilalanin natin si Hesu-Kristo!

Mga kapatid, mahal na mahal tayo ng Diyos! Siya ang namatay para sa atin. Tiniis lahat ng hirap at kamatayan upang tayo ay palayain mula sa ating mga pagkakasala. Utang natin ang lahat ng biyaya sa mundong ito at sa susunod. Utang natin sa Diyos ang ating buhay at ang buhay na walang hanggan. Siya mismo ang butong namatay upang mamunga ng marami.

Nawa, katulad ng mga Hentil na gustong makita si Hesus ay sikapin din nating kilalanin at makipagkita sa Panginoon. Nawa na katulad ni Hesus, mamunga sa ating pamumuhay ang Salita at pag-ibig na itinanim sa atin ni Hesu Kristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng Simbahan. Amen.

Reply

Malou Castaneda March 17, 2024 at 10:27 pm

PAGNINILAY
Maaari tayong maging mapanuri, mapanghusga at mas mataas. Tingnan natin ang ating puso at malalaman natin ang ating sariling pangangailangan para sa kapatawaran. Lahat tayo ay nagkasala. Ang tanging nais ni Hesus ay isang nagsisisi at tapat na puso. Kung handa tayong magsisi sa ating mga kasalanan, kailangan nating lumapit kay Hesus. Kailangan nating maging malinis at hingin ang Kanyang tulong upang madaig ang ating mga kasalanan. Dapat din nating patawarin ang mga nakagawa sa atin ng mali, dahil tayo mismo ay makasalanan. Dapat din nating iwasan ang pagsasagawa ng dobleng pamantayan; awa sa atin at parusa sa iba. Mabilis ba tayong manghusga ng kamalian ng iba? Nawa’y tulungan tayo ng Diyos na iwanan ang ilan sa ating mga hinihingi para sa katarungan sa pabor ng awa bilang ating pag-aalay ng pagsisisi.

Panginoong Hesus, patawarin Mo kami at tulungan Mo kaming magpatawad. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: