Sabado, Marso 16, 2024

March 16, 2024

Sabado sa Ika-4 na Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Jeremias 11, 18-20
Salmo 7, 2-3. 9bk-10. 11-12

Panginoon, aking Diyos,
pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.

Juan 7, 40-53


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday of the Fourth Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Jeremias 11, 18-20

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Ipinabatid sa akin ng Panginoon ang masamang balak laban sa akin ng mga kaaway ko. Ako’y parang maamong tupang dinadala sa patayan at hindi ko nalalamang may masamang balak pala sila sa akin. Wika nila, “Putulin natin ang puno habang malusog; patayin natin siya nang wala nang makaalaala pa sa kanya.”

At dumalangin si Jeremias, “Panginoon, ikaw ay hukom na makatarungan. Nababatid mo ang isipan at damdamin ng bawat tao. Ikaw ang maghiganti sa mga taong ito; ipinauubaya ko po sa iyo ang aking gawain.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 7, 2-3. 9bk-10. 11-12

Panginoon, aking Diyos,
pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.

Panginoon, aking Diyos, sa iyo ko natagpuan
yaong aking minimithi at hangad na kaligtasan;
iligtas mo sana ako, sa pag-usig ng kaaway,
tinutugis nila ako, hindi sila naglulubay.
Kapag ako ay inabot, sila’y leon ang katulad,
tatangayin nila ako, sa malayo itatakas;
at kung ito ang mangyari, pihong walang magliligtas,
dudurugin nila ako, luluraying walang habag.

Panginoon, aking Diyos,
pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.

Humatol ka sa panig ko yamang ako’y di masama.
Pigilin ang di matuwid sa kanilang mga gawa,
yaon namang mabubuti ay bigyan ng gantimpala;
yamang ikaw, Panginoon, ay ang Diyos na dakila,
at sa iyo ay di lingid ang laman ng puso’t diwa.

Panginoon, aking Diyos,
pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.

Ikaw rin po, Panginoon, ang sa aki’y nag-iingat,
ang lahat ng masunurin sa iyo ay naliligtas;
ikaw ang Diyos na matuwid, isang Hukom na matapat,
laging handang magparusa sa sinumang gawa’y linsad.

Panginoon, aking Diyos,
pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Lucas 8, 15

Mapalad ang nag-iingat
sa kanyang pusong matapat
ng Salitang nagbubuhat
sa Poong D’yos ng liwanag,
sa t’yaga’y aaning ganap.

MABUTING BALITA
Juan 7, 40-53

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, marami sa mga nakarinig kay Hesus ang nagsabi, “Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin!” “Ito nga ang Mesias!” sabi ng iba. Ngunit sumagot naman ang iba pa, “Maaari bang magmula sa Galilea ang Mesias? Hindi ba sinabi ng Kasulatan na magmumula ang Mesias sa lipi ni David, at sa Betlehem na bayan ni David ipanganganak?” Magkakaiba ang palagay ng mga tao tungkol sa kanya. Ibig ng ilan na dakpin siya, ngunit wala namang nangahas humuli sa kanya.

Ang mga kawal na bantay sa templo ay nagbalik sa mga punong saserdote at sa mga Pariseo. “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?” tanong nila sa mga bantay. Sumagot sila, “Wala pa pong nagsalita nang gaya niya!” “Kayo man ba’y nalinlang din?” Tanong ng mga Pariseo. “Mayroon bang pinuno o Pariseong naniwala sa kanya? Wala! Mga tao lamang na walang nalalaman sa Kautusan ang naniniwala sa kanya – mga sinumpa!” Isa sa mga naroon ay si Nicodemo, na nagsadya kay Hesus noong una. Tinanong niya sila, “Labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa, hindi ba?” Sumagot sila, “Ikaw ba’y taga-Galilea rin? Magsaliksik ka’t makikita mo na walang propetang magmumula sa Galilea.”

At umuwi na ang bawat isa.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 27, 2022 at 3:07 pm

PAGNINILAY: Patuloy tayong naglalakbay sa daan ng Kuwaresma tungo sa paggunita sa Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus ni Hesus sa darating na mga Mahal na Araw, at ang masayang pagdiriwang ng kanyang Muling Pagkabuhay sa ikalawang Pasko (Easter) na higit pang dakila kaysa sa unang Pasko (Christmas) na isa ring magalak na pangyayari sa ating kasaysayan ng kaligtasan.

Ang Unang Pagbasa ay ang pahayag ni Jeremias ukol sa mga taong bumabanta sa kanya. Dahil sa kanyang mga pahayag na ang taongbayan ay tumalikod sa kasalanan, magsisi, at magbalik-loob sa Panginoong Diyos. Kaya’t alam ni Jeremias na siya’y pinag-uusig ng mga prinsipe, saserdote, at hari ng Juda, at may parang balak na patayin siya. Ngunit ipinasya ng propeta sa Diyos ang anumang hukom ang ibibigay sa mga makasalanang tao. Ito ay isang tanda na sa kabila ng paghihirap na dinadanas niya bilang tagapaghatid ng mensahe ng Panginoon, patuloy na magiging tapat si Jeremias sa Diyos bilang katuparan sa kanyang tungkulin na ipahayag ang mensahe ng Kataas-taasan. Ang katauhan ni Jeremias ay sumasalamin kay Hesus, na kahit sa kanyang pangangaral at paggawa ng mga tanda ay pagbabantaan at pagplaplanuhan ng mga pinuno ng mga Hudyo na patayin.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang patuloy na pagmamangha ng tao kay Hesus, hanggang sa punto na nagtataka sila kung saan siya nagmumula. At hati-hati ang kuru-kuro ng mga tao kung si Hesus ba ay isang propeta lamang na galing sa Diyos o kaya siya nga ba ang itinutukoy sa Mesiyas. Makikita natin na habang pinagtatalunan ito ng mga tao, ang mga pinuno naman ng mga Hudyo ay wala talagang planong maniwala sa anumang sinasabi at ipinapahayag ni Hesus. Kaya patung-patong na balak ang ginagawa nila upang alisin siya sa utak at pamumuhay ng karaniwang Hudyo. Subalit inirekomenda ni Nicodemo na pakinggan muna ang tao bago magpasya ng hatol laban sa kanya. Alam natin na si Nicodemo ay isa sa mga taong nakatagpo ni Hesus noong isang gabi, at ‘di lingid sa kanyang mga kasamahan na siya’y patungo na sa pagiging isa sa mga tagasunod ni Hesus. Kaya makikita natin na pagkatapos ibinaba si Hesus mula sa krus, si Nicodemo ang magpapahirang ng mira sa katawan ni Hesus, na inilibing ni Jose ng Arimatea (isa ring miyembro ng Sanedrin at palihim din na tagasunod ni Kristo).

Makikita natin sa ating buhay na may mga bagay na hindi natin mapaliwanag. Kaya minsan nagkakaroon ng pagtatalo, hindi pagkakaunawa, o kaya hanggang sa punto ng mga alitan. Subalit inaanyayahan tayo ngayong Kuwaresma na magkasundo at magkaayos. At sa pagiging kaisa sa bawat isa, makilala natin na tayo’y pinag-iisa ni Hesus, ang Panginoon ng ating buhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 2, 2022 at 11:06 am

Katulad sa kwento sa ebanghelyo ngayon, iba iba ang pagkakaunawa ng mga tao sa kasulatan, kaya nga nahahati ang mga tao sa mga
reihiyon at paniniwala. May mga pagtatalo at debate pang nagaganap sa telebisyon sa mgakaibang mga relihiyon ng dahilan lamang na iba iba ang pagkakaintindi sa nasusulat.

Ang mga nasususulat ay may kahulugang literal, mayroon namang malalim, mayroon ding mga talinghaga. Hindi na ito mahalaga lung ano ang tunay na ibig sabihin lalo na’t iba iba ang pakahulugan ng tao, pagmumulan lamang ito ng pagtatalo. Ang mahalaga ay manampalataya tayo na may Diyos, at sundin natin ang sampung utos. Napakagaling mo man sa pagpapaliwanag ng kasulatan kung hindi mo nman minamahal ang iyong kapwa ay matatawag ka lamang na mapag imbabaw. Kabisado mo man ang maraming berso sa bibliya ay walang silbi kung wala kang malasakit sa iyong kapwa.

Ang Kwaresma ay paanyaya sa atin na tumakbo tayo patungo kay Hesus. Magsisi tayo at magbago.

Reply

Malou Castaneda March 15, 2024 at 10:53 pm

PAGNINILAY
Ang mga masasamang tao ay hindi natatakot sa mabubuting tao dahil ang mabubuting tao ay sumusunod sa mga tuntunin. Sinisira ng kasamaan ang sarili. Ang masasama ay walang kaibigan, dahil ang pakikipagkaibigan ay nangangailangan ng pagtitiwala at pagpapatawad. Ang masasamang tao ang pinakamalungkot na tao sa mundo.

Tuwing kuwaresma ay dinarasal natin ang Daan ng Krus. Kada hakbang ay sinusunod natin ang landas na ibinigay at pinili ng Panginoon. Ang bawat istasyon ng Krus ay isang maliwanag na paalala na ang mga bagay ay hindi palaging napupunta ayon sa plano; upang ang masasamang tao ay makapangibabaw; na maging ang Panginoon ng lahat ng araw ay nagkaroon ng napakasamang araw. Ngunit ito rin ay nagpapaalala sa atin na ang pag-ibig ay higit na makapangyarihan kaysa sa kasamaan; na maaaring pagpalain ng Diyos ang lahat ng bagay; na ang Kanyang kalooban ay laging mananalo at ang Diyos ay laging may huling salita – PALAGI! Ang Diyos ang ating kanlungan, dinaragdagan Niya ang ating lakas upang matugunan ang ating pasanin.

Panginoon Diyos, patnubayan Mo kami ng Iyong biyaya at awa. Amen.
***

Reply

RFL March 16, 2024 at 7:07 am

“Mayroon bang pinuno o Pariseong naniwala sa kanya? Wala! Mga tao lamang na walang nalalaman sa Kautusan ang naniniwala sa kanya – mga sinumpa!”

My friends, let us be careful of religious pride. Ang relihiyon po ay isa sa mga makinarya upang manourish tayo bilang mga anak ng Diyos, at magkaroon ng fellowship sa bawat isa nang may pagpapasalamat sa Diyos. Ngunit ang ibase sa ating relihiyon ang kaligtasan, ibase sa ating sariling karunungan at ibase sa ating sariling paglilingkod ang kaligtasan, ay isang prank lang. The higher the level of our religious pride is, the more we will fail to seek Jesus, the more we’ll fail on knowing Him deeply.

Kitang kita natin madalas example ni Hesus sa kanyang mga parables ay tungkol sa mga Pariseo eskriba at pari. Madalas nating masaksihan sa Ebanghelyo ang pagcorrect ni Hesus sa mga tradition ng Jewish religious leaders. Ang mga lingkod ng simbahan ang may mas mataas na tungkulin at challenge na hindi lamunin ng religious pride.

At all times, kailangan natin ng grasya ng Panginoon. At all times, kailangan natin ng presensya ng Panginoon sa ating buhay. Kaya at all times, kailangan natin ng kababaang loob upang tunay nating makita si Kristo beyond religion.

Nawa ay makita at makilala natin ang Panginoong Hesus kung sino at ano siya sa ating buhay…Amen.

Reply

Jess C. Gregorio March 16, 2024 at 7:38 am

PAGNINILAY SA MABUTING BALITA ni Jess C. Gregorio:

Masarap makabasa o makadinig ng Salita ng Diyos. May Kurot. May Kiliti. Bagamat minsan ay mahapdi lalong lalo na kung ang Katotohanan ay nabatid nating tayo ang tinutukoy, mga kasalanan natin ang sinasambit. Di baga ganito rin ang naramdaman ng mga totoo at sinungaling sa panahon ni Kristo sa Herusalem? Napagmasdan ng iba na may kakaibang bisa ang kanyang pananalita, magaan, may saya, may pag asa, sila ay nabibiyayaan. Sa mga nasasaktan sa kadahilanang ang gusto lang nila ang pinalalandakan, talino at lakas ng sarili ang namamayani, kagustuhan ng Ama ay isinantabi para ang ambisyong taliwas sa pamantayan ng langit ang mauna, papuri at puna ng mundo ang pinanghawakan, gamit ang Pangalan ng Diyos sa templong pinagsisilbihan, pinabigat ang proseso sa mga tao, lumikom ng puwesto at kayamanan para sa sariling plano, sila ay naiskandalo at nais pumatay ng taong nagkakalat ng totoo. Ganito ang labanang espiritwal. Dahil sa pride nating lahat inuuna natin ang ating sarili at binibigyang halaga ang mga bagay higit sa nais ng Diyos para sa ating buhay. Hindi na kumukurot at nangingiliti ang kanyang Salita. Bagkus ito ay naging punyal na itinurok natin sa ating sarili dala ng ating mga kasalanan. Lahat ng bagay ay sasabihin natin, gagawa ng intriga, maghahasik ng kasinungalingan, sisirain ang totoo maisalba lang ang katauhang makamundo. Wala duon ang kasiyahan. Wala duon ang kapangyarihan. Balang araw kung bawiin na ang lahat ng ibinigay sa atin, mababatid nating tayo ay hubad at ang pinaniniwalaang magaling ay di pala talaga atin. Ang mga ito ay pinagkaloob lamang at ating inangkin, rason kung bakit tayo nagkaroon ng spiritual pride at nagmagaling. Magbalik loob. Mangumpisal, mangumunyon, at makipag usap sa Panginoon sa Adoration Chapel. Sa ganitong paraan hindi mawawala ang Buhay, Landas at Katotohanan sa atin.

Reply

Rex Barbosa March 16, 2024 at 2:11 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 7, 40-53

PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo

PAGSASALIKSIK ANG GABAY SA TAMANG PANANAMPALATAYA.

Ang Ebanghelyong nababasa natin ngayon ay patungkol
sa pagta tatalu-talo ng mga Judio sa pagiging Mesiyas ni Hesus.

Simula pa nuon hanggang ngayon ganyan pa rin ang pinagtatalunan.
Kulang pa rin sa pagsasaliksik ang tao.
Kung mayruon man ay walang Gabay ng Banal na Espirito Santo.

“Magsaliksik ka’t mababatid mo”.

Bagamat nilibot Niya ang Galilea at iba pang lugar upang mangaral,
hindi isang Galilean ang Panginoon.
Si Hesus ay isang Nasareno na isinilang sa Betlehem.
Itinuturing na galing sa Lipi ni David dahil Siya’y inaruga ni San Jose
AT Siya’y Anak ng Ama dahil nilukuban si Maria,
na Kanyang Ina ng Banal na Espiritu Santo.

Ang Kanyang pagtupad at pagsunod sa kalooban ng Ama
ay tanda ng Pagmamahal ng Panginoon sa atin.
Dalangin ko na nawa’y makita at maramdaman natin ito.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: