Podcast: Download (Duration: 6:27 — 4.6MB)
Biyernes sa Ika-4 na Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Karunungan 2, 1a. 12-22
Salmo 33, 17-18. 19-20. 21 at 23
Sa D’yos hindi mabibigo
ang mga nasisiphayo.
Juan 7, 1-2. 10. 25-30
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Friday of the Fourth Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Karunungan 2, 1a. 12-22
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan
Sinabi ng masasama:
“Tambangan natin ang taong matuwid,
pagkat hadlang sila sa ating mga balak;
ipinamumukha nila sa atin ang pagsuway sa kautusan,
at sinasabing tayo’y nagkasala laban sa ating kaugalian.
Ipinamamarali nilang nakikilala nila ang Diyos,
at sinasabing sila’y anak ng Panginoon.
Sila ang nagbibigay sa atin ng mga problema.
Makita lang natin sila’y balisa na tayo,
pagkat kaiba ang gawain nila’t pamumuhay.
Ang palagay nila sa atin ay mababang-mababa,
at nandidiri sila sa ating gawain;
sinasabi nilang kaligayahan ang wakas ng matuwid,
at ipinagmamagaling na sila’y anak ng Diyos.
Tingnan natin kung ang salita nila’y magkakatotoo,
kung ano ang mangyayari sa kanila pagkamatay nila.
Kung ang mga matuwid ay anak nga ng Diyos
sila ay tutulungan niya at ililigtas sa mga kaaway.
Subukin natin silang dustain at pahirapan,
upang malaman natin kung hanggang saan ang kanilang kagandahang-asal,
at kung hanggang kailan sila makatatagal.
Subukin nating ibingit sila sa kamatayan,
yamang ang sabi nila ay iingatan sila ng Diyos.”
Iyon ang usapan ng masasama, ngunit sila’y nagkakamali,
pagkat binubulag sila ng kanilang kasamaan.
Hindi nila natalos ang lihim na panukala ng Diyos,
hindi sila umasa sa gantimpala ng kabanalan,
hindi naisip ang magandang wakas ng malinis na pamumuhay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 17-18. 19-20. 21 at 23
Sa D’yos hindi mabibigo
ang mga nasisiphayo.
Nililipol ng Diyos yaong masasama
hanggang sa mapawi sa isip ng madla.
Agad dinirinig daing ng matuwid
inililigtas sila sa mga panganib.
Sa D’yos hindi mabibigo
ang mga nasisiphayo.
Tumutulong siya sa nasisiphayo
ang walang pag-asa’y hindi binibigo.
Ang taong matuwid, masuliranin man,
sa tulong Poon, agad maiibsan.
Sa D’yos hindi mabibigo
ang mga nasisiphayo.
Kukupkupin siya nang lubus-lubusan,
kahit isang buto’y hindi magagalaw.
Mga lingkod niya’y kanyang ililigtas,
sa napakukupkop, siyang mag-iingat!
Sa D’yos hindi mabibigo
ang mga nasisiphayo.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 4b
Ang tao ay nabubuhay
hindi lamang sa tinapay
kundi sa Salitang mahal
mula sa bibig na banal
ng Ama nating Maykapal.
MABUTING BALITA
Juan 7, 1-2. 10. 25-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, nilibot ni Hesus ang Galilea; iniwasan niya ang Judea, sapagkat ibig siyang patayin ng mga Judio roon. Nalalapit na ang Pista ng mga Tolda, isang pista ng mga Judio. Pagkaalis ng kanyang mga kapatid, si Hesus ma’y pumunta rin sa pista, ngunit hindi hayagan. Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong gusto nilang patayin? Hayan! Lantaran siyang nagsasalita, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya! Baka naman nakilala ng mga pinuno na siya nga ang Mesiyas! Walang makaaalam kung saan magmumula ang Mesiyas pagparito niya, ngunit alam naman natin kung saan nagmula ang taong ito!”
Kaya’t nang nasa templo si Hesus at nagtuturo, malakas niyang sinabi, “Ako ba’y nakikilala ninyo? Alam ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ang naparito sa ganang akin lamang. Ang Totoo ang siyang nagsugo sa akin, ngunit hindi ninyo siya nakikilala. Nakikilala ko siya, sapagkat ako’y mula sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.” Tinangka nilang dakpin siya; ngunit walang nangahas, sapagkat hindi pa niya oras.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Marso 14, 2024
Sabado, Marso 16, 2024 »
{ 8 comments… read them below or add one }
Ang Diyos Ama ang nagsugo sa Diyos Anak, ito ang ipinapabatid sa atin ng Poong Hesukristo. Nawa’y masunod natin sa lahat ng oras ang ipinag-uutos ng Diyos na para sa ating ikabubuti at hindi Niya tayo pababayaan maging madunurin lamang tayo sa Kaniyang mga utos at aral sa atin.
Napagandang mabigyan natin ng magandang kahulugan ang mga aral na itinuturo sa atin ng Panginoon. Nawa’y magawa natin sundin ang Kanyang mga utos para magkaroon tayo ng kapanatagan sa ating pamumuhay sa araw araw at sa lahat ng panahon. Amen
PAGNINILAY: Habang tayo ay palapit sa mga banal na Mahal na Araw, patuloy tayong pinaalahahan ng Kuwaresma na magsisi at magbalik-loob sa Panginoon bilang paghahanda sa dakilang misteryo ng Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ni Hesukristo para sa ating kaligtasan.
Ang Unang Pagbasa ay ang hinanakit ng matuwid na tao, sapagkat alam niya na pagbabantaan siya ng kanyang mga kaaway dahil sila ay nagbabalak ng masama sa kanya. Ito ay kanilang plinano sapagkat naririndi sila sa mga pangangaral ng marunong at matuwid na tao laban sa kanilang pagmamataas at mga pagkakasala, na parang tingin nila ay hinihila sila pababa. At kung matupad man ang plano nila, isusubok nila ang taong ito kung ito nga raw ang sinugo ng Diyos. Subalit sabi ng manunulat na ang kanilang kasamaan ang nagbulag sa kanila at napawalay sa kanila mula sa pagkikila sa Diyos. Inilalarawan ng pagbasa si Hesus bilang Lingkod ng Diyos at Anak ng Tao na isinugo ng Diyos upang ituwid ang mga puso patungo sa tunay na kaligayahan at tuparin ang plano ng kaligtasan sa pamamagitan ng pag-aalay ng Anak ng kanyang buay sa Krus. At marami nga ang lilibak, iinsulto, yuyurak, dudura, at pagtatawanan siya. Subalit dahil sa kanyang pagtitis at pagkapit sa Diyos, niyakap niya ang makasalanang mundo at iniligtas niya tayo upang marapatin natin ang kaligayahan ng buhay ng walang hanggan sa pamamagitan ng kakayahang ipagpatuloy ang pagpapahayag ng Mabuting Balita.
Ang Ebanghelyo ngayon ay nasasaad na si Hesus ay nagpunta sa Jerusalem sa Pista ng mga Kubol (Sukkot), isang pista na kung saan ginugunita ng mga Hudyo ang kanilang paglalakbay sa disyerto mula Egipto papuntang Israel sa loob ng 40 taon. Sa pistang ito, nagpapasalamat ang mga Hudyo sa biyaya ng kalayaan ng Diyos mula sa pagkaalipin sa Egipto. Masagana ang ani na kanilang tinanim, at nag-aalay pa sila ng mga handog sa Panginoon. Si Hesus ay nagpunta sa Jerusalem iilang sandali pagkatapos umalis ang kanyang mga kamag-anak papunta ng lungsod. Dito napansin siya ng mga pinuno ng Hudaismo na nais nilang patigilin siya, ngunit ni isa sa kanila ay walang pagkakataong hulihin siya. Marami nang tao ang patuloy na nanalig at nakikinig sa kanya. Kaya alam nila na hindi lang basta-basta pwedeng hulihin si Hesus. Sa kabila nito, patuloy ang pagpapakilala ni Hesus kung sino siya talaga, bilang sugo ng Diyos Ama na nagpakaloob ng katotohanan upang ang tao ay maniwala at manindigan sa katotohanan.
Ang ating pagkilala kay Hesukristo bilang Panginoon ay isang pagkakataon na maging kaisa at kabahagi ng kanyang buhay, kaya ang bawat krus na ating pinapasan ay isang hakbang tungo sa pagsunod sa kanya. Ganun din habang tayo’y lumalakbay sa daan ng pananampalataya, sikapin nating gumawa ng kabutihan at palaging manindigan at kumapit sa katotohanan na tanging ang Diyos lamang ang makapagbigay nito. Ngayong Kuwaresma, patuloy tayong tumahak ang landas ng sakripisyo, panalangin, at kabutihan tungo sa Mahal na Araw.
Ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo ay halos magkahawig ng kwento. Ang matuwid ay pahihirapan at papatayin ng masasamang tao.
Sa ating buhay marahil naranasan natin kung kailan tayo nagpapakabait ay may mga dumarating na pagsubok. Mayroon naman na mga taong kukutyain tayo at pagtatawanan sa ating pagpapakabanal. Ang malala ay may magsasabi pang nababaliw na ata ang taong ito. Yan ay nasusulat… ang tuligsain tayo ng dahil kay Hesus. Pero hindi tayo dapt magpadala sa kanila sapagkat panig sa atin ang Diyos. Ipagpatuloy lamang natin ang mabuting gawain at may naghihintay na kagunhawahan at gantimpala sa dulo. At tyo ang nakatawa habang ang mga kumutya at maghihinagpis.
Kung mapapansin ay ang tema ng mga pagbasa ay paanyaya pa din sa ating pgbabalik loob sa Panginoon. Kamusta ka kapatid ngayong panahon ng Kwaresma? Naumpisahan mo ba simula nung Mierkules de abo? Kung hindi pa ay hindi pa rin huli ang lahat…. Magsisi tayo at magsikap na matalikuran ang kasamaan..
PAGNINILAY
Ang iba ay nagsasabing wala silang alam tungkol kay Hesus, ang iba naman ay nagsasabing alam nila ang lahat. Parang ganun din sa panahon ngayon, may mga eksperto sa bawat panig. Gumagawa tayo ng mabilis na paghuhusga tungkol sa iba sa lahat ng oras, hindi napagtatanto kung paano tayo binubulag ng sarili nating mga limitasyon sa kanilang katotohanan. Ipinako natin ang iba dahil masyado tayong nag-aakala. Ito ang ugat ng hindi pagkakaunawaan at ang bunga ng kahihiyan at pananakit na dulot nito. Tinatawag tayo ng Kuwaresma na isipin na hindi tayo eksperto sa lahat ng bagay! Hindi tayo dapat magtiwala sa ating mga paghuhusga. Nakakapagtaka ba kung bakit sinabi sa atin ng Panginoon na “Huwag manghusga!?” Nawa’y manalangin tayo para sa mas malalim na paggalang para sa mga nakapaligid sa atin – lalo na para sa mga sa tingin natin ay lubos nating kilala.
Panginoong Hesus, nawa’y huwag kaming mag-akala ng sobra at mabulunan sa aming mga salita. Amen.
***
Karaniwan pag nakikipagmarites, napapagusapan yung kapintasan ng ibang tao. At pag naisip nila ang kapintasan ng iba, maiisip nilang ay buti di ako ganun. “Hindi ako masama. Kase palasimba ako, hindi katulad niya isang buwan na yatang hindi pumapasok sa simbahan.” (Malay ba natin kung may pinagdadaanan na mental health problem yung tao di ba?) “Mas marami ako maglagay sa basket sa offertory kesa sa kanya, nakita ko bente lang binigay niya.” (Malay ba natin kung nasaid na yung bank account niya). “Tinanggalan niya ng trabaho yung katulong niya, walang consideration.” (Malay ba natin kung ilang beses nang kumupit ng pera yung katulong niya pag wala siya sa bahay). At marami pang iba. Minsan, sobrang bilib tayo sa ating mga sarili. Madalas nabubulag tayo ng KKK (kalakasan, kayamanan at kapangyarihan.)
In terms of kabanalan, pineperfect ng mga Jewish religious leaders and Kautusan ngunit marami sa mga ito ay pakitang tao lamang. Marami sa mga ito ay ginagawa nila upang sila ay tingilain at sundin ng mga tao na ito ang daan ng kabanalan. Ngunit sa pagsunod sa Kautusan ay may important ingredient na nawala sa kanilang paglilingkod—pag-ibig at pagpapakumbaba Tingnan ninyo ang example ng babaeng nahuli ng adultery. Kung ika’y puno ng pag-ibig, matitiis mo bang patayin o makitang patayinang kapwa mo tao? Kung ika’y may pagpapakumbaba, for sure, maiisip mo na ikaw man ay nagkakasala sa Diyos! Ikaw man, ay deserve ng kamatayan.
Kaya Nung panahon ni Hesus, He brought new and at that time radical perspective sa mga Kautusan na marami ay taliwas sa mga itinuturo ng official Jewish religion and traditions. It’s as if He is bringing reformed teachings about God and His laws. Ngunit sa totoong hindi naman. Sapagkat ang batas ng Diyos ay gawa out of His love for us. At ang ginawa ni Kristo ay bigyang liwanag ang pag-ibig na nakapaloob sa Kautusan ng Diyos. Si Kristo ang liwanag ng ating buhay. Si Kristo ang katotohanan, ang daan at ang buhay.
Imagine this: Sa mga Hudyo sa pamamagitan ni Abraham ibinigay ang pangako, sa mga Hudyo sa pamamagitan ni Moses ibinigay ang Kautusan, at sa isang Hudyo, ibinigay ang bagong tipan ng Diyos sa tao–sa pamamagitan ng ating Panginoong HesuKristo. Ngunit ang mga Jewish leaders na sobrang bilib sa kanilang mga sarili at sa kanilang mga religious practices at tradition, ay namiss out si Kristo. Sapagkat ang tinitingala talaga nila ay ang kanilang mga sarili at hindi ang Diyos.
Ang problema ay ito: Hindi makukumpleto ang kabanalan ng sinuman kung wala si Hesus sa kanyang puso at buhay. Bakit? Sapagkat si Hesus ang katauhan ng Diyos–ang Diyos na nagkatawang tao. Si Hesus ang Salita ng Diyos, mula sa kanya natin nalaman ang tunay na kagustuhan ng Ama. Na kay Hesus ang ating kaligtasan, namatay Siya para sa atin. Para sa mga taong binigyan ng chance makilala si Hesus, may offer lagi na Kaligtasan.
Ang tanong lang lagi sa atin ay: Kinikilala mo ba si Hesus bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas?
Sana ay oo. Sana ay hindi tayo katulad ng mga Jewish religious leaders nung panahon na iyon. Ang pagkilala kay Hesus ay isang grasya mula sa Panginoong Diyos. At lagi natin itong pag-ingatan at iput into practice. Sapagkat ang “faith without works is dead.” Sabi nga ni Apostol San Pablo, “work out your salvation with fear and trembling”. This means na katulad ng ating katawan na dapat nating iexercise para laging maganda ang ating kondisyon, ang ating kaligtasan na ibinigay ni Hesus ay dapat nating linangin sa pamamagitan ng ating mga gawa at pananampalataya para ito ay lalo pang mamunga sa ating puso at sa puso ng ibang taong ating nakakasalamuha.
Nawa ay lagi nating makilala si Hesus sa bawat yugto ng ating buhay, sa baway araw at oras na ibinigay sa atin ng Diyos. Amen.
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo ay halos magkahawig ng kwento. Ang matuwid ay pahihirapan at papatayin ng masasamang tao.
Sa ating buhay marahil naranasan natin kung kailan tayo nagpapakabait ay may mga dumarating na pagsubok. Mayroon naman na mga taong kukutyain tayo at pagtatawanan sa ating pagpapakabanal. Ang malala ay may magsasabi pang nababaliw na ata ang taong ito. Yan ay nasusulat… ang tuligsain tayo ng dahil kay Hesus. Pero hindi tayo dapt magpadala sa kanila sapagkat panig sa atin ang Diyos. Ipagpatuloy lamang natin ang mabuting gawain at may naghihintay na kagunhawahan at gantimpala sa dulo. At tyo ang nakatawa habang ang mga kumutya at maghihinagpis.
Kung mapapansin ay ang tema ng mga pagbasa ay paanyaya pa din sa ating pgbabalik loob sa Panginoon. Kamusta ka kapatid ngayong panahon ng Kwaresma? Naumpisahan mo ba simula nung Mierkules de abo? Kung hindi pa ay hindi pa rin huli ang lahat…. Magsisi tayo at magsikap na matalikuran ang kasamaan..
PAGNINILAY SA MABUTING BALITA ni Jess C. Gregorio:
Hindi pa natin oras. Kahit anong gawain natin o ninupaman, kung hindi pa natin oras hindi mangyayari ang ikinatatakot natin. Pinatunayan iyan ni Hesus. Bagama’t alam niya at ng kanyang mga alagad ang banta sa kanyang buhay, hindi niya alintana ang panganib dahil siya ay pinalalakas ng Kanyang pagmamahal sa pag sunod sa kayang Ama sa Langit. Kahit na markado naniniwala siya na walang kapangyarihan na maaring sumaling sa kanya. At dahil Siya ay totoo, walang kasinungalingan ang mamamayani. Mismong ang mga marites sa paligid ay magtataka kung bakit. At kung maipit sa corner, tutunog ang bell at matatapos ang labanang mabuti at masama na hindi tayo na knockout. Kasi hindi pa natin oras. Hindi pa tapos ang laban natin. May panahon pa tupdin misyon natin kung bakit tayo naririto. Marami ang magtataka dahil akala nila isang bulate na lang ang hindi nakapirma. Takot. Sandata ng kalaban. Sa tindi ng pangamba mga paa ay mabigat tila naging bakal. Takot. Puso ay tumigas at nawalan na ng awa. Ayaw na magkawang-gawa . Takot. Nawala ang paniniwala at tiwala sa Diyos, sa sarili bumilib na wala sa ayos. Takot. Dahil hindi na kilala ang tunay at pinaglalaruan na lang ng mga bagay na walang saysay. Ang takot natin sa anumang bagay ang dahilan kung bakit tayo ay sumasablay. Masyadong umaasa sa mundo higit pa sa ating maka-diyos na katangian.
Ano ang ating kinatatakutan? Mayroon ba? Pakatandaan natin na ang lahat ay may kani-kaniyang oras, hindi mangyayari kung wala sa panahon, ang buhay natin ay sadyang hindi isang show na kuwarta o kahon, kung parati lang tayo nakatingin kay Kristo, alam niya mga mangyayari at siya ay sigurado, ang susunod na yugto ng ating buhay ay makakakita ng liwanag, mga tamang gawa ay mababanaag hanggang oras natin ay dumating, hindi tayo parating natatakot o kaya ay nabibigla, normal sa ating tagapagsunod pero sa iba na hindi pa siya kilala ito’y mga himala.
ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 7, 1-2. 10. 25-30
PAGNINILAY / ARAL
Ang Ebanghelyong nababasa natin araw-araw
ay may iba-ibang dating sa atin na dapat pagnilayan.
Mga pangyayari sa ating buhay na
ang Salita ni Hesus ang ating Gabay.
Maaring sa iba ipinapakita ng Ebanghelyo ngayon ay
ang tapang ng Panginoon na harapin ang panganib sa kanyang
buhay ayon sa Kalooban ng Ama.
‘“HINDI (Ako) ANG NAPARITO (Hesus) SA GANANG AKIN LAMANG.
Ang TOTOO ang siyang NAGSUGO sa akin,
NGUNIT HINDI NINYO SIYA NAKIKILALA.
nakikilala ko siya, sapagkat AKO’Y MULA SA KANYA,
at SIYA ANG NAGSUGO SA AKIN.”
tinangka nilang dakpin siya; ngunit walang nangahas,
SAPAGKAT HINDI PA NIYA ORAS”’.
Sa ganang akin ang Ebanghelyo ngayon
ay may mensahe sa kasalukuyan kong nararanasan.
Nais ni Hesus na hintayin ko ang Tamang Panahon
Na Siya lang ang nakakaALAM.
Mga sagot sa aking hinihiling na sa Kanyang Panahon matutupad.
Tayo ba ay patuloy na naghihintay ng TAMANG PANAHON ayon sa KAGUSTUHAN NG PANGINOON?