Podcast: Download (Duration: 7:36 — 5.4MB)
Huwebes sa Ika-4 na Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Exodo 32, 7-14
Salmo 105, 19-20. 21-22. 23
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Juan 5, 31-47
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Thursday of the Fourth Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Exodo 32, 7-14
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inialis mo sa Egipto, naroon at nagpapakasama. Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila’y iyon ang diyos na nag-alis sa kanila sa Egipto. Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matigas ang kanilang ulo. Kung gusto mo, lilipulin ko sila at sa iyo ko pagmumulain ang isang malaking bansa.”
Nagsumamo si Moises sa Panginoon, “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inialis ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita’y inialis ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong balak laban sa kanila. Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila’y pararamihin tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupaing ipinangako ninyo.” Hindi nga itinuloy ng Panginoon ang balak na paglipol sa mga Israelita.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 19-20. 21-22. 23
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Sa may Bundok ng Horeb, doon ay naghugis niyong gintong baka,
matapos mahugis ang ginawa nila’y kanilang sinamba.
Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Kanilang nilimot ang Panginoong Diyos, ang Tagapagligtas,
na yaong ginawa doon sa Egipto’y kagila-gilalas.
Sa lupaing iyon ang ginawa niya’y tunay na himala.
Sa Dagat na Tambo yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Ang pasiya ng Diyos sa ginawa nila’y lipulin pagdaka,
agad na dumulog sa Poon, si Moises namagitan siya,
at hindi natuloy yaong kapasiyahan na lipulin sila.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 3, 16
Pag-ibig sa sanlibutan
ng D’yos ay gayun na lamang,
kanyang Anak ibinigay
upang mabuhay kailanman
ang nananalig na tunay.
MABUTING BALITA
Juan 5, 31-47
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, huwag ninyong tanggapin, ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo’y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit sa patotoo ni Juan: ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap – iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya. At ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma’y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig, at nakita ang kanyang anyo. Walang pitak sa inyong puso ang kanyang salita, sapagkat hindi kayo nananalig sa akin na sinugo niya. Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan, sa paniwalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga ito ang nagpapatotoo tungkol sa akin, ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo’y magkaroon ng buhay.
“Hindi ako naghahangad ng parangal ng mga tao. Ngunit kilala ko kayo; alam kong wala kayong pag-ibig sa Diyos. Naparito ako sa ngalan ng aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya’y inyong tatanggapin. Ang hinahangad ninyo’y ang parangal ng isa’t isa, at hindi ang parangal na nanggagaling sa iisang Diyos; paano kayong makapaniniwala? Huwag ninyong isiping ako ang magsasakdal sa Ama laban sa inyo; si Moises na inaasahan ninyo ang siyang maghaharap ng sakdal laban sa inyo. Kung talagang pinaniniwalaan ninyo si Moises, ako’y paniniwalaan din sana ninyo, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. Ngunit kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sulat niya, paano ninyong paniniwalaan ang mga sinasabi ko?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Marso 13, 2024
Biyernes, Marso 15, 2024 »
{ 7 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang susunod na pangyayari matapos ang pagbibigay ng Diyos kay Moises ng Sampung Utos sa dalawang tableta. Natunghayan ng Panginoong Diyos ang pagsusuway ng mga Israelita laban sa kanya sa pagsasamba sa isang diyos-diyosang anyo ng matabang guyang yari sa ginto. Kaya’t plano ng Diyos na lipulin ang kanyang bayang naging matigasin ang ulo. Subalit namagitan si Moises na huwag ituloy ng Diyos ang kanyang plano bilang alaala sa kanyang pangako sa mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob, at ganun din ang paglikas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto. Kaya’t hindi pinahintulot ng Diyos ang kanyang plano ng paglilipol dahil sa kanyang habag na pagkakalugod sa kanyang bayang Israel.
Ang Ebanghelyo ay ang patuloy na diskurso ni Hesus sa mga Hudyo tungkol sa Mesiyas. Ipinaalala ni Hesus sa kanila na ang kanyang mabuting gawain ay hindi para sa papuri mula sa tao, kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos. Ito’y ipinahayag ni San Juan Bautista sa ilang nang ipaghanda niya ang taongbayan sa pagdating ng Mesiyas upang makilala nila ang plano ng Diyos na kaligtasan. Kaya inihalintulad ni Hesus ang kanyang pinsan na parang isang ilawan na nagliliyab ng ilaw upang maging gabay sa mga tao tungo sa liwanag ng kabutihan at kagandahang-loob. Subalit may mga taong katulad ng mga pinuno ng Judaismo ang hindi tumanggap kay Juan, at ganun din ang pagtrato nila kay Hesus. Bagamat sila ay dalubhasa tungkol kay Moises at sa Kautusan, hindi nila lubos na nakita ang katuparan nito sa ating Panginoong Hesukristo. Kaya hindi nila kailanma’y natanggap ang pagka-Mesiyas ni Hesukristo.
Ang Panginoon ay ang Diyos na hindi mawawala sa ating piling. Ang tunay na pagkilala sa kanya ay pagsunod sa kanyang utos at sa Mabuting Balita na ipinahayag ng kanyang Anak na si Hesus. At sa ating pasasabuhay ng kanyang Salita, tularan nawa natin si Kristo sa isang halimbawa ng pagmamahal, paglilingkod, at pagpapakita ng kabutihan sa ating kapwa.
Ang Unang Pagbasa ay pagpapa-alala sa atin na ang Diyos ay mahabagin, mapgpatawad at nagbibigay pa ng paulit ulit na pagkakataon upang magbago ang isang bayan o ang tao. Ngayong panahon ng Kwaresma ay isabuhay natin ito, pakatandaan na hindi pa huli ang lahat, naghihintay lamang si Hesus na tayo’y magsisi, manilkluhod, humingi ng kapatawaran at unti unting talikuran ang kasamaan at makararamdam tayo ng tunay na kaligayahan sa piling nya.
Ang mensahe naman ng ebanghelyo ngayon ay pagsasakatuparan ng ating mga nababasa o naririnig sa Mabuting Balita. Kahit anong pagsasaliksik natin sa mga kasulatan kung hindi naman natin isinasabuhay aya para lamang tayong mga mapag imbabaw. Ang nais lamang natin ay ang parangalan ang isat isa pero ang parangalan si Hesus na sinugo ng Ama ay hindi nakikita sa ating mga kilos at salita.
Ang ginagawa ng Anak ay kung ano ginagawa ng Ama, kaya’t ang nais ni Hesus at ang karapat dapat nating gawin ay kung ano nman ang mga ginagawa ni Hesus. Hindi literal na magpagaling tayo ng bulag, pingkaw at paralisado, o di kaya nman ay bumuhay ng patay, Ang nais lamang at hiling ni Hesus sa atin ay makita sa ating pagkatao ang Diyos sa pamamaraang nagmamahal tayo ng ating kapwa. Nagmamahal na hindi pakitang tao, nagmamahal ng walang hinihintay na kapalit, nagmamahal na katulad ng pagmamahal natin sa ating mga sarili.
Halos lampas na tayo sa kalagitnaan ng Kwaresma at nalalapit na sa Mahal na Araw…. Kamusta ka na kapatid? Naumpisahan mo na ang pagbabago? Anong sakripisyo ang napili mo? Naglilimos ka ba at nagdarasal ng madalas na hindi pakitang tao? Magnilay tayo.
PAGNINILAY
Ang pagsamba batay sa pagsang-ayon ng tao ay isa pang kahulugan ng pagkukunwari. Ginagawa lang ba natin ang mga bagay dahil sa sinasabi o iniisip ng iba tungkol sa atin? Talaga bang inuuna natin ang Diyos at sinisikap na pasayahin Siya kahit na nangangahulugan ito ng pagkawala ng pabor ng mga tao sa ating paligid? Maaaring hindi tayo sikat, huwag mag-alala; maaaring hindi tayo magustuhan ng mga tao, walang problema; kahit ang ating mga kapitbahay o mga kapamilya ay maaring magalit sa atin, walang pagka bahala. Huwag pansinin kung ano ang iniisip o sinasabi ng mga tao tungkol sa atin, hangga’t ginagawa natin ang nais ng Diyos, nasa tamang landas tayo. Nawa’y hanapin muna nating palagi ang pagkalugod ng Diyos kaysa sa mga tao.
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming magbigay ng patotoo sa Iyo sa pamamagitan ng aming mga sinasabi at ginagawa. Amen.
***
HEART CHECK!
1. Kanino ba talaga tayo nananalig??
2. May talab ba sa ating puso at gawa ang Salita ng Diyos?? o yung sinasabi lamang ng tao ang pinahahalagahan natin?
3. sa daming nakakaimpluwensiya sa atin ngayon, paano natin maiprioritize na ang number 1 na dapat nating sundin ay ang Panginoong HesuKristo?
“Kailanma’y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig, at nakita ang kanyang anyo. Walang pitak sa inyong puso ang kanyang salita, sapagkat hindi kayo nananalig sa akin na sinugo niya.”
PAGNINILAY SA MABUTING BALITA ni Jess C. Gregorio:
Patotoo. Ano ang totoo? Walang iba kundi ang pagsunod kay Kristo. Maraming kuwento. Maraming patotoo. Pero karamihan ay sa tao. Tagumpay na ang nais itaas ay ang galing at kakayahan ng isang palalo. Walang ibang Daan. Walang ibang Katotohanan. Walang ibang Buhay na makakamtan. Si Hesus lang ang puno at dulo. Anak ng Diyos na nagkatawang tao. Naisulat. Naituro ni San Juan Bautista. Hinimok ang lahat maniwala na Siya ay naisugo. Inimbita bawat nilalang makasalo. Walang bayad. Walang membership. Walang kapalit. Pero sa panahon ngayon pati Salita ng Diyos ay nagkaroon ng presyo at kundisyon, kung walang pera malayong makiayon. Bakit ganuon ang nangyayari? Nakalimutan ba natin na kanyang sinabi, sa pagpapahayag ay huwag magdala, “…lalagyan ng pera, balutan, o sandalyas.” Dagdag pa nga ay, “Pagpasok ninyo sa isang bayan at tinanggap kayo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo.” Anumang ihain ang sabi, hindi anumang hilingin o singilin. Sapagkat kung ang grasya ay sapat sa tahanang mapupuntahan, tayo ay pakakainin, kung wala naman Diyos na bahala sa atin. Ano ang pagkakaiba ng patotoo ng mga pariseo? Kunwari ay naniniwala at nananampalataya, ngunit bingi at kulang sa tiwala, mismong templo nilagyan ng bawal, ang mga alay ginawang kalakal. Isinugo ba tayo? Kung gayon ipahayag ang Totoo na tulad ng ginawa ni Kristo, ang ibigay ang sarili sa lahat ng tao, pagsasalbang pinilit ng walang kapalit. Sa ganitong paraan ang ating mga pahayag ay tama at matuwid, lahat ng kabutihan ay maririnig, nagpapatotoo tayo ayon sa gusto ni Kristo.
We will only go to heaven when we begin to experience God in our midst. Amen.
Pagninilay
Sa panahon ngayon, maraming mananampalataya akala sapat na nagsisimba at paggseserve sa simbahan tuwing linggo. Pero madalas ang paglilingkod o pagsisimba nila base lamang sa panlabas lamang. May umaawit pero hindi para sa Diyos kundi para sa sarili. May nagsisimba dahil lang kaugalian lamang ng pamilya. Madalas napanghihinaan tayo ng loob kung ang kasamahan sa pamilya o simbahan na hindi natin gusto ugali. Madalas eto nagiging dahilan pagtigil sa pagsimba o paglilingkod. Para kanino ba tayo nananalig? para kanino tayo naglilingkod? para kanino tayo nagsisimba? Madalas nakakalimot tayo na dapat ang Diyos ang ating focus at sentro ng buhay natin. Tunay ba minamahal natin ang Diyos? o minamahal lang ang ating sarili? kase tunay pagsunod sa Diyos ay handang piliin ang makitid na daan para masunod ang kalooban Diyos. Handa pasanin ang krus at piliin si Hesus.