Lunes, Marso 18, 2024

March 18, 2024

Lunes sa Ika-5 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Daniel 13, 1-9. 15-17. 19-30. 33-62
o kaya Daniel 13, 41k-62
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Kahit sa daang madilim
Panginoon ko’y kapiling.

Juan 8, 1-11


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Fifth Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Daniel 13, 1-9. 15-17. 19-30. 33-62

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel

May nakatira noon sa Babilonia na isang lalaking nagngangalang Joakim. Ang asawa niya ay isang babaing bukod sa napakaganda ay may banal na takot sa Diyos. Susana ang pangalan nito, anak ni Hilcias. Pinalaki siya ng kanyang mga magulang ayon sa Kautusan ni Moises.

Napakayaman ni Joakim, at ang bahay niya’y ligid ng malawak at magandang hardin. Karaniwa’y doon nagpupulong ang mga Judio sapagkat iginagalang siya ng lahat. Yaon ang naging tanggapan ng dalawang hukom ng bayan at doon nagpupunta ang mga taong may usapin. Nang taong iyon, nahalal na hukom ang dalawang matanda, at ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa kanila. “Lumabas sa Babilonia ang kasamaan sa katauhan ng dalawang matanda na naglilingkod sa bayan bilang mga hukom.”

Nakagawian na ni Susana ang mamasyal sa hardin ng kanyang asawa pagkaalis ng mga tao upang mananghalian. Araw-araw, siya’y nakikita ng dalawang hukom sa kanyang pamamasyal sa hardin. Nagkaroon sila ng masamang hangarin sa babae. Sa kanilang pagkahibang kay Susana, tinalikuran nila ang pananalangin at kinalimutan ang kanilang katungkulan sa bayan.

At dumating ang pagkakataon. Gaya nang dati, si Susana ay pumasok sa hardin na dalawang abay lamang ang kasama. Napakaalinsangan noon kaya’t naisipan niyang maligo. Wala nang iba pang nasa hardin kundi ang nagkukubling dalawang hukom na nanunubok sa kanya. Sinabi ni Susana sa dalawang abay, “Dalhan ninyo ako ng pabango at langis ng olibo. Pagkatapos ay isara ninyo ang pinto para makapaligo na ako.”

Pagkaalis ng mga abay, mabilis na lumapit kay Susana ang dalawang hukom. “Sarado ang mga pinto at walang makakakita sa atin,” sabi nila kay Susana. “Sabik na sabik kami sa iyo, kaya’t pagbigyan mo na ang aming kahilingan. Pag tumanggi ka, palalabasin naming nahuli ka namin na nakikipagtalik sa isang binata, kaya mo pinaalis ang iyong mga abay.”

Litung-lito si Susana, at napataghoy siya: “Wala akong lusutan. Kung papayag ako sa inyo, ang parusa’y kamatayan. Pag tumanggi naman ako, maghihiganti kayo sa akin. Ngunit yari na ang pasiya ko. Hindi ako makapapayag sa inyong hinihingi. Mamatamisin ko pang lasapin ang tindi ng inyong higanti kaysa magkasala ako laban sa Diyos.” Pagkasabi niyon ay malakas na nagsisigaw si Susana, ngunit sinabayan siya ng dalawang lalaki. Ang isa’y tumakbo sa pinto at binuksan ito.

Narinig sa kabahayan ang ingay sa hardin kaya’t nagmamadaling pumasok ang mga utusan sa pinto sa tigiliran para alamin kung ano ang nangyari roon. Sinabi ng dalawang hukom ang kanilang paratang kay Susana at nabigla sa narinig ang mga katulong. Hindi pa sila nakarinig ng gayong paratang laban kay Susana kung di ngayon.

Kinabukasan, nang magkatipon na sa bahay ni Joakim ang mga tao, dumating ang dalawang hukom. Handa na silang hatulan ng kamatayan si Susana. Sa harapan ng lahat ay ipinag-utos nilang tawagin si Susana, ang anak ni Hilcias at kabiyak ni Joakim. Dumating ang babae, kasama ang kanyang mga magulang, mga anak, at lahat ng kamag-anak. Habag na habag namang nag-iiyakan ang pamilya ni Susana, sampu ng mga taong naroon.

Tumayo ang dalawang hukom, ipinatong sa ulo ni Susana ang mga kamay nila, at ipinahayag ang kanilang mga paratang laban kay Susana. Napatingala na lamang sa langit ang lumuluhang si Susana; sa kaibuturan ng kanyang puso’y nananalig siya sa Panginoon. Ang sabi ng mga hukom, “Naglalakad kami sa hardin nang pumasok ang babaing ito, kasama ang kanyang dalawang abay. Isinara niya ang malaking pinto ng hardin, saka pinaalis ang mga abay. Di nagtagal, lumabas sa pinagkukublihan ang isang binata, at silang dalawa’y nagtalik. Naroon kami sa isang sulok ng hardin. Pagkakita namin sa kanilang ginagawang kasamaan, lumapit kami. Bagaman nakita namin ang lahat, di namin napigilan ang lalaki. Higit na malakas siya sa amin, kaya’t madali niyang nabuksan ang pinto at tumakas. Itong babae ang pinigilan namin at tinanong, subalit ayaw niyang ipagtapat kung sino ang lalaking iyon na katalik niya. Nanunumpa kaming ang aming ipinahayag ay pawang katotohahan.” Sapagkat kinikilala silang matatanda ng bayan at mga hukom pa, pinaniwalaan ng mga tao ang kanilang salaysay at nagkaisang parusahan ng kamatayan si Susana. Dahil dito, malakas at umiiyak na sinabi ni Susana, “Diyos na Walang Hanggan, nalalaman mo po ang lahat ng lihim at nakikita ang lahat ng bagay bago pa mangyari. Alam mo pong walang katotohanan ang ibinibintang nila sa akin. Hindi ko ginawa kailanman ang ipinararatang nila sa akin. Bakit ako kailangang mamatay?”

Dininig ng Diyos ang kanyang dalangin. Nang si Susana ay dinadala na sa pagpapatayan sa kanya, isang binatang nagngangalang Daniel ang malakas na tumutol. “Ayokong mapabilang sa magbububo ng dugo ng babaing ito,” sabi niya.

Tinanong siya ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin, binata?”

Lumapit sa unahan ang binata at nagpatuloy ng pagsasalita, “Mga Israelita, hangal ba kayo at hinahatulan ninyo ang babaing ito nang di muna sinisiyasat at maingat na sinasaliksik ang katotohanan? Kailangang ulitin ang paglilitis; walang katotohanan ang katibayang inilahad ng dalawang iyan.”

Nagdudumaling bumalik ang mga tao. Sinabi ng mga pinuno, “Daniel, yamang binigyan ka ng Diyos ng karunungang gaya ng sa isang matanda, halika at sumama ka sa amin sa paghatol sa usaping ito.”

Pagkatapos, nagsalita si Daniel, “Paglayuin ninyo ang dalawang hukom at magkahiwalay ko silang sisiyasatin.” Nang mapaglayo na sila, tinawag ni Daniel ang isa at sinabi, “Matandang walang pinagkatandaan! Inilalantad ka na ng maraming kasalanang ginawa mo. Hindi makatarungan ang mga hatol na iginagawad mo; pinarurusahan mo ang walang kasalanan at pinalalaya ang talagang nagkasala. Di ba sinabi ng Diyos: ‘Huwag ninyong parurusahan ng kamatayan ang walang sala?’ Kung talagang nakita mo ang ipinararatang mo sa babaing ito, sabihin mo sa amin: sa ilalim ng anong puno sila nagtatalik nang matutop ninyo?”

Sumagot siya, “Sa ilalim ng punong hati.”

Sinabi ni Daniel, “A, gayun! Buhay mo ang kapalit ng iyong sagot, pagkat ibinigay na ng Diyos sa kanyang anghel ang parusa mo, at hahatiin ka sa dalawa.”

Inilayo siya roon, at ipinatawag ang kanyang kasama. Paglapit nito, sinabi ni Daniel, “Ikaw naman, anak ni Canaan, hindi ka tunay na Judio. Binihag ng alindog ng babae ang iyong isip at inalipin ng kahalayan ang iyong puso. Alam na namin ngayon ang ginagawa mo sa kababaihan ng Israel. Tinatakot mo sila para pagbigyan ang iyong kahalayan. Subalit narito ang isang babae ng Juda na hindi natakot sa iyong kaimbihan! Sabihin mo: sa ilalim ng anong puno ninyo nakita ang inyong pinagbibintangan?”

At sumagot ang matanda, “Sa ilalim ng punong putol.”

“A, gayun!” pakli naman ni Daniel. “Buhay mo ang katumbas ng kasinungalingang ito, pagkat naghihintay na ang anghel ng Diyos upang putulin ka sa pamamagitan ng tabak.”

Dahil dito, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng nakasaksi at nagpuri sila sa Diyos sapagkat inililigtas niya ang mga nagtitiwala sa kanya. Binalingan nila ang dalawang hukom matapos patunayan ni Daniel na sila’y nagsisinungaling at nanumpa nang di totoo. Hinatulan silang mamatay. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang nagparatang nang di totoo ay siyang lalapatan ng parusang nakatakda sa kasalanang ipinaratang niya. Naligtas nga sa kamatayan ang isang taong walang kasalanan.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya: Maikling Pagbasa
Daniel 13, 41k-62

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel

Noong mga araw na iyon, ang mga tao ay nagkaisang parusahan ng kamatayan si Susana. Dahil dito, malakas at umiiyak na sinabi ni Susana, “Diyos na Walang Hanggan, nalalaman mo po ang lahat ng lihim at nakikita ang lahat ng bagay bago pa mangyari. Alam mo pong walang katotohanan ang ibinibintang nila sa akin. Hindi ko ginagawa kailanman ang ipinararatang nila sa akin. Bakit ako kailangang mamatay?”

Dininig ng Diyos ang kanyang dalangin. Nang si Susana ay dinadala na sa pagpapatayan sa kanya, isang binatang nagngangalang Daniel ang malakas na tumutol. “Ayokong mapabilang sa magbububo ng dugo ng babaing ito,” sabi niya.

Tinanong siya ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin, binata?”

Lumapit sa unahan ang binata at nagpatuloy ng pagsasalita, “Mga Israelita, hangal ba kayo at hinatulan ninyo ang babaing ito nang di muna sinisiyasat at maingat na sinasaliksik ang katotohanan? Kailangang ulitin ang paglilitis; walang katotohanan ang katibayang inilahad ng dalawang iyan.”

Nagdudumaling bumalik ang mga tao. Sinabi ng mga pinuno, “Daniel, yamang binigyan ka ng Diyos ng karunungang gaya ng sa isang matanda, halika at sumama ka sa amin sa paghatol sa usaping ito.”

Pagkatapos, nagsalita si Daniel, “Paglayuin ninyo ang dalawang hukom at magkahiwalay ko silang sisiyasatin.” Nang mapaglayo na sila, tinawag ni Daniel ang isa at sinabi, “Matandang walang pinagkatandaan! Inilalantad ka na ng maraming kasalanang ginawa mo. Hindi makatarungan ang mga hatol na iginagawad mo; pinarurusahan mo ang walang kasalanan at pinalalaya ang talagang nagkasala. Di ba sinabi ng Diyos: ‘Huwag ninyong parurusahan ng kamatayan ang walang sala?’ Kung talagang nakita mo ang ipinararatang mo sa babaing ito, sabihin mo sa amin: sa ilalim ng anong puno sila nagtatalik nang matutop ninyo?”

Sumagot siya, “Sa ilalim ng punong hati.”

Sinabi ni Daniel, “A, gayun! Buhay mo ang kapalit ng iyong sagot, pagkat ibinigay na ng Diyos sa kanyang anghel ang parusa mo, at hahatiin ka sa dalawa.”

Inilayo siya roon, at ipinatawag ang kanyang kasama. Paglapit nito, sinabi ni Daniel, “Ikaw naman, anak ni Canaan, hindi ka tunay na Judio. Binihag ng alindog ng babae ang iyong isip at inalipin ng kahalayan ang iyong puso. Alam na namin ngayon ang ginagawa mo sa kababaihan ng Israel. Tinatakot mo sila para pagbigyan ang iyong kahalayan. Subalit narito ang isang babae ng Juda na hindi natakot sa iyong kaimbihan! Sabihin mo: sa ilalim ng anong puno ninyo nakita ang inyong pinagbibintangan?”

At sumagot ang matanda, “Sa ilalim ng punong putol.”

“A, gayun!” pakli naman ni Daniel. “Buhay mo ang katumbas ng kasinungalingang ito, pagkat naghihintay na ang anghel ng Diyos upang putulin ka sa pamamagitan ng tabak.”

Dahil dito, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng nakasaksi at nagpuri sila sa Diyos sapagkat inililigtas niya ang mga nagtitiwala sa kanya. Binalingan nila ang dalawang hukom matapos patunayan ni Daniel na sila’y nagsisinungaling at nanumpa nang di totoo. Hinatulan silang mamatay. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang nagparatang nang di totoo ay siyang lalapatan ng parusang nakatakda sa kasalanang ipinaratang niya. Naligtas nga sa kamatayan ang isang taong walang kasalanan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Kahit sa daang madilim
Panginoon ko’y kapiling.

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

Kahit sa daang madilim
Panginoon ko’y kapiling.

At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

Kahit sa daang madilim
Panginoon ko’y kapiling.

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.

Kahit sa daang madilim
Panginoon ko’y kapiling.

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.

Kahit sa daang madilim
Panginoon ko’y kapiling.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ezekiel 33, 11

Sinabi ng Poong mahal:
“Di ko nais na mamatay
ang mga makasalanang
nagbabagong-kalooban
upang sila ay mabuhay.”

MABUTING BALITA
Juan 8, 1-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, si Hesus ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. Kinaumagaha’y nagbalik siya sa templo. Lumapit sa kanya ang lahat, kaya’t umupo siya at sila’y tinuruan. Noo’y dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Pariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid. Pinatayo ito sa harapan nila, at sinabi kay Hesus, “Guro, ang babaing ito’y nahuli sa pakikiapid. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga gaya niya. Ano ang masasabi mo?” Itinanong nila ito upang subukin siya, nang may maisumbong sila laban sa kanya. Ngunit yumuko si Hesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. Ayaw nilang tigilan nang katatanong si Hesus, kaya’t sila’y tiningnan niya at sinabi ang ganito, “Sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa. Nang marinig nila ito, sila’y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Walang naiwan kundi si Hesus at ang babaing naroon pa rin sa harapan niya. Tiningnan siya ni Hesus at tinanong: “Nasaan sila? Wala bang nagparusa sa iyo?” “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae. Sinabi ni Hesus: “Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 4, 2022 at 1:27 am

PAGNINILAY: Ngayong linggo ay palapit na tayo sa dakilang misteryo ng Semana Santa, tungo sa paggunita sa Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ni Kristo. At ang mga Pagbasa ngayon ay nagpapahiwatig tungkol sa kaliwanagan ng katotohanan.

Ang mahabang salaysay ng Unang Pagbasa ay tungkol sa awa at katarungan ng Panginoong Diyos kay Susana, ang ama ni Hilkias at asawa ni Joakim. Si Susana ay inaakusahan ng dalawang matatandang hukom na nakikipaglandi sa isang lalaki sa loob ng hardin, subalit ang totoo ay silang dalawa ay may maruruming isip na pagnasain ang magandang babae habang nagliligo ito. Dahil naniwala ang taong bayan sa bintang kay Susana, una nilang hinatulang batuhan si Susana. Samantala siya’y matapat nananalangin para sa kanyang kawalan ng kasalanan. Kaya dininig ng Diyos ang kanyang panalangin at sinugo si Propeta Daniel upang kwestiyonin ang dalawang matatandang hukom na nagmamalinis habang nagbibintang sa dalaga. Isa sa kanila nagsabi na 2 magkaibang puno nakita nilang nakikipaglandi si Susana, subalit inilantad ni Daniel ang kasamaan ng 2 hukom na gusto nila lamang paglaruin ang katawan ni Susana. Kaya sila’y hinatulan ng kamatayan, samantala si Susana ay napatunayang walang sala at pinagpala dahil sa katatagan nito.

Ang Ebanghelyo naman ay ang alternatibong pagbasa, sapagkat binasa na kahapon ang kwento ng pagtatagpo ni Hesus sa isang babaeng nahuli kamo ng pakikiapid (ayon sa kwento ng mga eskriba at Pariseo). Siguro mayroong ugnayan ang Ebanghelyong magkadugtong sa ika-8 kabanta ng Juan. Pagkatapos ang pagbubunyag ng kanilang masamang balak dahil sa nais nilang hanapin ng butas, sinabi ni Hesus na ang katotohanang dala niya ay hindi galing sa tao, kundi galing sa Amang Diyos. At ganyan ang kanyang paghahatol, na hindi kailanma’y mauunawaan nila tungkol sa paghuhukom ng Diyos. At alam din ni Hesus na hindi naman taos-puso ang sinasabi nilang pagsamba sa Diyos at pagsunod sa Kautusan, sapagkat alam niyang nagpapakitang-tao lang sila na ang mga Hudyo ay titignan sa kanila upang makuha lang ang papuri sa labas, ngunit iiba na ang ugali sa loob. Kaya idineklara ni Hesus ang kanyang sarili bilang Ilaw ng sanlibutan, at kung sino man ay sumusunod sa kanya ay hindi mawawalay sa kadiliman, kundi ay lalakad sa liwanag. Madalas alam ni Kristo na ang mga Hudyo ay matagal nang lumalakad sa kadiliman dahil sa kapaimbabawan ng mga eskriba at Pariseo, kaya’t naparito siya upang iakay muli sila sa tunay na daan patungo sa Ama, bilang isang tunay na sugo ng Diyos at higit pa rito ay ang pagiging Anak ng Diyos.

Sa buhay natin, may mga panahong minsan nababalot ng kadiliman ang ating tunay na katangian bilang taong Kristiyano. Akala lang ng tao kung ano ang nasa liwanag batay na rin sa ating katayuan, paniniwala, at kultura ay yun na lamang makita nila sa atin para lang baga magpuri sila sa atin dahil sa ating ‘katuwiran’. Subalit ang Diyos lamang ang makikita sa tao ang tunay na intensyon ng kanyang pamumuhay. Kung paanong ibinunyag ni Daniel ang tangkang pagnanasa ng dalawang matatanda kay Susana (na akala nila mababaliktad nila lamang na si Susana at Joakim ay pagbibintangan nila ng pakikiapid), at kung paanong ipinamalas ni Hesukristo ang kanyang pangangaral at pamumuhay na higit pa sa kaplastikan na katangian ng mga pinuno ng mga Hudyo, ganun din tinitignan ng Diyos ang tunay na kalooban ng tao. Wala tayong dapat ikatago sa kanya, kung tunay na mapagkumbaba ang ating pamumuhay bilang mga Kristiyano, na ang tunay na hangad natin ay ang pagpapalaganap ng kanyang kabutihan sa kapwa. Nawa’y habang tayo’y unti-unting lumalapit sa mga pagdiriwang ng Semana Santa, isabuhay natin ang panawagan ng Kuwaresma na magsisi, magbalik-loob, at magsumikap na patuloy na gumawa ng mabuti na naayon sa puso at kalooban ng Panginoon.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 4, 2022 at 9:46 am

Patuloy pa din tayong inaakay sa pagbabalik loob ng mga pagbasa para sa parating na mahal na araw.

Sa Unang Pagbasa ay ipinapa-alala sa atin ang kahahantung ng pagiging matakaw sa pita ng laman o kapag nagpkahulog taulo sa kahalayan. Aminin natin na siguro nga’y isa ito sa pinakamasarap na pagapsaya ng sarili kaya’t maraming tao ang nagtataksil, nakikiapid, nanggagahasa, nagnanasa sa hindi nya asawa, naunuuod ng mga pornograpiya at kung anu ano pang may kinalaman sa pagtatalik at kahalayan. Pero ang mga ito ay panandaliang sarap lamang at ang kapalit ay habang buhay na paghihirap at pagsisisi o kaya nman ay kamatayan. Huwad na kaligayahan ang ibinibigay nito at kawalan ng kapayapaan ng isip. Magpigil, magdasal, hilingin ang espiritu santo na makayanan natin ang tukso at makontrol natin ang ating mga sarili sa mga bagay na ito. Mahirap pero tutulungan tayo ng Diyos.

Ang ating ebanghelyo nman ngayon ay iniiwan sa atin ang mensaheng huwag tayong mag akusa, magbintang at humusga. Kung pano natin hinusgahan ang ating kapwa ay ganuon din tayo huhusgahan ng Ama. Huwag din tayong mag alinlangan kay Hesus, huwag tayong humingi ng mga senyales at huwag nating syang subukin. Ibigay lamang natin ang ating buong tiwala at pananalig kahit hindi natin sya literal na nakikita. Mahalin mo lamang ang iyong kapwa gaya ng pag mamahal mo sa iyong sarili, maglimos at manalangin ng madalas at tanggalin na ang pangamba, at ang Diyos na nasa langit ang magbibigay sa iyo ng gantimpala.

Reply

RFL March 18, 2024 at 6:41 am

Si Hesus ay isang tao. Yes.
ngunit Siya rin ang Diyos na lumikha sa ating lahat, ang nagpalaya ng mga Israelita mula da Israel at ang nagbigay ng Kautusan. Ang mga Kautusan na ito ang magbear witness sa atin kung tayo ay sumusunod o hindi, at ibibigay sa atin ang karampatang parusa. In the same way, ang mga turo ni Hesus noong Siya ay nandito sa lupa pati ang mga udyok ng Espiritu Santo, ang Siyang magbebear witness din sa atin kung tayo ay sumusunod o hindi.

Paano nangyari iyon gayong hindi naman parte ng Sampung Utos ang mga itinuro ng Panginoon? Dahil si Hesus din ang Diyos, Siya at ang Ama ay iisa. Si Hesus ang liwanag ng sanlibutan, binigyang liwanag Niya ang mga Kautusan ng Diyos na ang pinaka-ugat ay pag-ibig. For example, ang nakalagay sa Kautusan ay “Huwag kang papatay”. Noong dumating si Hesus ay ipinaliwanag Niya ang pinaka-puso ng Kautusang ito—Magalit ka pa lang sa iyong kapwa at isipan siya ng masama, ay para mo na ring pinatay iyon.

Si Hesus ang liwanag ng sanlibutan—ineexpose Niya ang laman ng puso ng mga tao. Nawa sa ating mga pagninilay especially ngayong darating na Holy Week, iexpose din ng Panginoon sa atin ang ating mga kasalanan. Mabigyan din tayo nawa ng pagkakataon na tayo’y humingi ng tawad sa Kanya at sa ating kapwa. Mabigyan din nawa tayo ng panahon at pagkakataon upang makapag-bagong buhay. Ang awa ng Panginoon ay nagpapanibago sa bawat araw. Ipanalangin natin lagi na tayo’y Kanyang sagipin sa ating mga kasalanan. Amen.

Reply

Jess C. Gregorio March 18, 2024 at 7:55 am

PAGNINILAY SA MABUTING BALITA ni Jess C. Gregorio:

Sadyang malayo ang kaisipan ng Diyos sa tao. Ang tao ay walang alam. Salat tayo sa karunungan. Mahina. Walang lakas. Puno ng takot at pangamba. Maligalig. Sablay sa maraming bagay. At dahil sa mga iyan, marami tayong hindi maintindihan. Bagama’t may yaman at katayuan sa lipunan ay malungkot at nangangailangan. Maraming dapat patunayan. Madaling masilaw sa kinang ng kamunduhan kaya madaling makagawa ng kasalanan. Mandaya. Magsinungaling. Magnakaw. Magyabang. Maging sakim. At marami pang gawain na nakasisira ng buhay.
Sa kaunting kaalaman ay mahilig tayong magmataas at manguna na akala natin ay sapat na ang mataas nating pinag aralan. Pinangunahan na natin ang Diyos. Mga plano at gawa ng langit pilit na inililihis at ang mga tao sa paligid sa kanilang pagkilala sa katotohanan ay binubusalsalan. Hindi ba na ganito ang asal ng mga saserdote at eskriba nuong panahon na si Hesus ay unang nagpahayag? Malalaman natin ang ganitong espiritu sa kanilang pagmamataas, parating tama na katayuan, at tila walang katapusang kaalaman. Ang demonyo ay palalo at may matamis na dila ng kasinungalingan. Ito ang mga katangian ng mga false prophets sa kapaligiran. Nanaisin nila mag hari-harian sa marami. Mararamdaman natin pagka’t makikita natin, wala ang kababaang loob sa kanilang katauhan. Pati si Kristo ay hinigitan, naging anak ng diyos o mismong diyos ang gustong katauhan. Nahihibang sa yaman, kapangyarihan, katanyagang sa lahat ng galaw ay inaabangan. Marami sa panahong ito ang may ganitong katangian. Mag ingat at magsuot ng sinturon ng katotohanan. Better still, isuot at gamitin ang full armor of God. Hindi natin alam pero minsan ang kalaban ay nasa harapan na natin. Nagpapanggap. Ginagamit mismo ang Salita ng Diyos upang makapag tago. Nagsusuot ng puting damit ng tupa ang lobong maitim. Alam ni Hesus ang mga puso ninuman at kilala niya ang hindi kanya. Kaya himukin at hilingin na Siya ay manahan sa atin ng sa gayun hindi tayo mabudol at maloko ng mga palalo. Madali lang naman ang dapat gawin, parating mangumpisal, parating mangumunyon sa Banal na Misa, at parating bumisita sa Adoration Chapel kung saan naroon siya. Walang demonyong mananatili sa atin sa ganitong gawi kung ang Presensiya ng Panginoon ay mananatili. Hindi tayo mapapaniwala agad ng kasinungalingan. Hindi tayo mahihimok sa maling paniwala at maling landasin. Siya ang Ilaw natin sa ating kadiliman. Walang mangangahas sumaling hanggang hindi natatapos ang misyong ibinigay. Gaya ni Hesus dapat ang maging buhay natin.

Reply

Rex Barbosa March 18, 2024 at 3:20 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 8, 12-20

PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo

Minsan napakahirap arukin ang mga salita ni Hesus.
Ngunit sa gabay ng Banal Espiritu Sanyo tayo’y naliliwanagan.

Sa Mabuting Balita ngayon…
Sinasabi ni Hesus na ang Ama at Siya ay iisa
Na Siya ay nanggaling (nagmula) sa Ama.
Lahat ng nasa Kanya ay galing sa Ama.
At ang sinumang sumunod sa Kanya ay hindi maliligaw ng landas
sapagkat Siya ang ilaw na nagbibigay tanglaw sa mga tagasunod Niya.

Handa ba tayong sumunod as Ilaw ng Sanlibutan?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: