Martes, Marso 19, 2023

March 19, 2024

Dakilang Kapistahan ni San Jose,
Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen

2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16
Salmo 88, 2-3. 4-5. 27 at 29

Lahi niya’y walang wakas,
kailanma’y hindi lilipas.

Roma 4, 13. 16-18. 22
Mateo 1, 16. 18-21. 24a
o kaya Lucas 2, 41-51a


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Solemnity of Saint Joseph,
Spouse of the Blessed Virgin Mary
(White)

UNANG PAGBASA
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Natan, “Ganito ang sabihin mo kay David: ‘Pagkamatay mo, isa sa iyong mga anak ang ipapalit ko sa iyo. Patatatagin ko ang kanyang kaharian. Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. Kikilanlin ko siyang anak at ako nama’y magiging ama niya. Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 4-5. 27 at 29

Lahi niya’y walang wakas,
kailanma’y hindi lilipas.

Pag-ibig mo, Poon, na di nagmamaliw
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin.
Yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.

Lahi niya’y walang wakas,
kailanma’y hindi lilipas.

Sabi mo, O Poon, ikaw ay may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa sa lahi mo’y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.”

Lahi niya’y walang wakas,
kailanma’y hindi lilipas.

Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
Tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Ang aking pangako sa kanya’y iiral
At mananatili sa kanya ang tipan.

Lahi niya’y walang wakas,
kailanma’y hindi lilipas.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 4, 13. 16-18. 22

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma.

Mga kapatid, ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang lahi na mamanahin nila ang sanlibutan, hindi dahil sa pagsunod niya sa kautusan kundi sa kanyang pananalig sa Diyos at sa gayun siya’y pinawalang-sala.

Kaya nga, ang pangako ay nababatay sa pananalig upang ito’y maging isang kaloob sa lahi ni Abraham – hindi lamang sa mga sumusunod sa Kautusan kundi sa lahat ng nananalig sa Diyos, tulad niya, yamang siya ang ama nating lahat. Ganito ang nasusulat: “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Ang pangakong ito ay may bisa sa harapan ng Diyos na kanyang pinanaligan, ang Diyos na bumubuhay sa mga patay at lumikha sa lahat ng bagay. Bagamat wala nang pag-asang magkaanak, nanalig pa rin si Abraham na siya’y magiging ama ng maraming bansa, ayon sa sinabi sa kanya, “Kasindami ng bituin ang magiging lahi mo.” Kaya’t dahil sa kanyang pananalig, siya’y pinawalang-sala.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 83, 5

Purihin ang Poong mahal
sa angkin n’yang kabutihan.
Mapalad ang tumatahan
sa templo ng Poong banal,
nagpupuring walang hanggan.

MABUTING BALITA
Mateo 1, 16. 18-21. 24a

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Si Jacob, ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo.

Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi niya sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”

Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya:
Lucas 2, 41-51a

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta sa Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Hesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siya’y hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakaririnig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.

Siya’y umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 12, 2022 at 8:49 pm

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang ng Simbahan tuwing ika-19 ng Marso ang tagapagbantay niya na si San Jose, ang mahal na Esposo ng Mahal na Birheng Maria at ang ama ng ating Panginoong Hesukristo dito sa lupa. Alam natin na si San Jose ay nagsimula bilang isang simple at matiyagang karpintero sa Galilea.

Nakasalaysay sa Ebanghelyo ngayon ang naging buhay ni San Jose nang ipinahayag ng Diyos ang katuparan ng kanyang kaligtasan. Siya ay nakatakdang ikasal kay Maria, subalit nalaman niya na buntis ang dalaga. Makikita dito na parang hindi pa handa si Jose sa ganyang tungkulin na maging ama. At siya rin ay isang matuwid na lalaki na bagamat may batas ng mga Hudyo na batuhan ang di kasal na babaeng buntis, plano niyang iwanan si Maria nang tahimik. Kaya makikita dito sa pagtulog ni San Jose ang kakayahan ng panaginip. Isinalalay niya ang kanyang desisyon sa kanyang tulog hanggang dumating ang anghel ng Diyos na nagpaalala sa kanya na huwag siyang matakot sa pagpapakasal kay Maria.

Dito nabatid ni Jose na ang anak na dinadala ni Maria ay ang Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin na Tagapagligtas ng mga tao mula sa kanilang mga kasalanan. Kaya ipinasya ni San Jose na sundin ang kalooban ng Diyos Ama na mag-isang dibdib sila ng Mahal na Ina at maging legal na ama ni Hesukristo dito sa lupa. At si San Jose ay nagsilbi rin bilang tagapagtanggol ng Banal na Pamilya. Siya’y pumanaw mga 30 nakalipas bago magsimula ang Publikong Ministeryo ni Hesus. At kilala si San Jose bilang tapag-alaga ng ating Inang Simbahan. Makikita natin sa mga Ebanghelyo na ni isang salitang binanggit niya. Ito ay tinatawag na “golden silence” sapagkat ang mahalaga sa lalaking ito ay ang pagtalima sa dakilang kalooban at ang pagtanaw ng utang na loob sa grasyang ipinagkaloob ng Panginoon para sa kanyang sambayanan.

Nawa’y tularan natin si San Jose sa pagiging masunurin at matapat sa dakilang kalooban ng Ama upang tuparin ang tungkuling ibinigay sa atin.

Reply

Malou Castaneda March 18, 2024 at 10:24 pm

PAGNINILAY
Nahaharap tayo sa maraming sitwasyon kung saan gusto nating sumigaw at iparinig ang ating mga boses: kawalang-katarungan, katiwalian, karahasan, pang-aabuso . . . atbp at maraming beses tayong pinanghihinaan ng loob dahil kahit na sumigaw tayo ng malakas, pakiramdam namin ay walang magbabago.

Pinararangalan natin si San Jose ngayon, isa sa pinaka hinahangaan at paborito sa mga santo, sa kanyang kapistahan ngayon. Si San Jose ay walang sinabi sa alinman sa mga ebanghelyo ngunit isa siya sa pinakamahalagang tao sa buhay ni Hesus. Itinuturo sa atin ni San Jose na maging isang tahimik na saksi tulad niya. Ang buhay ni San Jose ay puno ng mga hamon at kahirapan, ngunit patuloy siyang nagtiwala sa plano ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya at pagpapahalaga ng pagiging makatarungan. Isang tagapagtanggol ng buhay, isang tapat na asawa, isang masipag na tagapagkaloob, at isang madasalin na ama at guro, ang kanyang tahimik na panlalaking kabanalan ay ang perpektong modelo para sa mga ama, asawa at lahat ng lalaki. Ang kanyang buhay ay nagsasalita ng pinakamalakas. Tulad ni San Jose, nawa’y patuloy tayong tumugon ng may pananampalataya, kahit na hindi natin nakikita ang kahulugan ng mga nangyayari sa ating buhay.

San Jose, tulungan mo kaming tularan ang iyong halimbawa sa pamamagitan ng mapagpakumbabang pagsunod sa Salita ng Diyos. Amen.
***

Reply

Jess C. Gregorio March 19, 2024 at 6:33 am

PAGNINILAY SA MABUTING BALITA ni Jess C. Gregorio:

Magaling at maganda mga plano ng Diyos. Pero minsan ay nasa ibang paraan na hindi maintindihan. Pagkat hindi ito plano ng tao na na kayang mabatid at maunawaan sa nalakap na karunungan. Mas malalim at hindi pangkaraniwan. Tulad ng pagbubuntis ni Maria na nilukuban ng Banal Espiritu at maging Ina ng Diyos mismo. Paano natin maiipaliwanag? At ang panaginip ni Jose na agad-agad sinunod na para bagang nauudyukan mag Oo sa lahat ng gusto. Ang lahat ng ito ay dahil sa Banal na Espiritu. Ang hindi kaya ng tao ay madali at walang kaso sa Diyos. Bagama’t malalim at di agad maarok ng ating limitadong isipan, nang dahil sa ginawang sakripisyo para sa atin ng Poong Anak, tayo ang naging luklukan. Templo ng Banal na Espiritu na kung ating pag iingatan ay pupunuin tayo ng mga kaalaman, mga sagot sa ating katanungan, at pagsunod na katulad ng ginawa ni Jose at Maria. Maraming plano marahil si Jose sa kanilang pag iisa pero hindi iyun mas mataas pa sa plano ng Panginoon sa kanila. At sa kanilang kababaang loob, nabuo ang pagliligtas ng sangkatauhan. Ganun din tayo kung hindi natin ipipilit parati ang mga plano natin, makinig ng mabuti sa Tinig ng Diyos at huwag puro sa salita natin, alalahanin natin na ang lahat ay nagsimula at magtatapos kay Kristo, wala na tayong maidadag na mas higit pa para maging mas maige pa ito. Christ is the same yesterday, today, and tomorrow. Ang Salita niya ay may kapangyarihan na mas malakas pa sa pinaka matalino. Ang kailangan lang natin ay sundin at huwag nang mag mataas pa na para bagang ang plano ng tao ay mas higit pa dito. Tumatayong mag isa ang Salita ng Diyos. Hindi na kailangan ng gimik at kadramahan. Maipahayag lang natin, Siya ang lalago at tayo ang maglalaho. Iyan ang katotohanang ipinakita ng dalawang tao sa Ebanghelyong ito. Madali ang maging Kristiyano kahit sa anong panahon. Ang kailangan lang ay sumunod kay Kristo. At ang lahat ay aayos kahit sa gitna ng gulo. Ang problema lang sa mga pariseo, saserdote, at eskriba ng templo, nasa puwesto nga at ginagalang ng tao, dahil sa kanilang tiwala sa kanilang galing at talino, hindi nila alam na naipako na nila sa krus ng kalbaryo, ang Diyos na kanilang sinasamba at ipinapahayag sa tao. Mag ingat at magdasal parati. Mangumpisal, mangumunyon, bisitahin si Kristo sa Adoration Chapel, iyun lang ang paraan para hindi tayo maloko ng kalaban at makaramdam na may kailangan pa tayong idagdag sa Salita ng Diyos para mas maging makapangyarihan. Ito ang naging pride ng diyablo, ang isiping kulang at kailangan pang baguhin ang Salita ng Diyos para maging mabisa. Naging makasarili at hinigitan ang makapangyarihan kaya naitapon sa kawalan. Sapat na ang Salita ng Diyos. Gumagalaw ang sangkatauhan dito. Sumusunog ng puso. Tumutunaw ng kaluluwa. Nagbibigay ng kasiyahan. Nagpapa usbong ng pananampalataya. Ito ang nakita at nabatid ni Jose at Maria, si Hesus na naipangako sa kanila. Sumunod sila ng matiwasay at hindi na gumawa ng drama.

Reply

yolanda maglonzo March 19, 2024 at 6:56 am

Oh Saint Joseph Happy Feast Day. Please pray for my daughter to pass her board exam this march 21 and 22. we pray thru the sweet and holy name of our Almighty Jesus Christ and the intercession of the blessed Virgin Mary. Amen.

Reply

Rosalinda Panopio March 19, 2024 at 7:23 am

pinupuri kita Panginoong Hesukristo pinasasalamatan kita Panginoong Hesukristo Amen???

Reply

Rex Barbosa March 19, 2024 at 1:59 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Mateo 1, 16. 18-21. 24a

PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo

Kaya tayo’y may imahen ng “The Sleeping St. Joseph”

Kadalasan hindi tayo mapakakli sa mga bagay na gumugulo sa ating isipan.
Sa mga pagkakataong ito hindi natin makita ang sagot ng Diyos
sa ating mga katanungan (mensahe ang Diyos)
dahil sa ating makataong kalagayan.
Marahil ayaw niyang lalong gumulo ang ating isipan.

Sa ating pamamahinga (peaceful mind) inihahatid Niya ang kasagutan
upang lubos nating maunawaan ang mga pangyayari sa ating buhay.

SA EBANGELYO NGAYON IPINAPAALALA SA ATIN
ANG AGARANG PAGSUNOD SA UTOS NG DIYOS
NA TULAD NI SAN JOSE.

Pinararangalan siya bilang Matuwid na Tao
sapagkat ginawa niya ng agaran ang tama, ayun sa kagustuhan ng Diyos.
Ipinakita ni San Jose ang malalim na pananampalataya
at pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Ngayon ay Kapistahan ni San Jose na nagmula sa angkan ni Haring David.
Siya ay ama-amahan ni Hesus, Taga-pangalaga ng Banal na Pamilya
at “Patron of the Universal Church”.

Handa ba tayong tularan ang halimbawa ni San Jose?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: