Linggo, Marso 10, 2024

March 10, 2024

Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Para sa Pasko ng Pagkabuhay (B)

2 Cronica 36, 14-16. 19-23
Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6

Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.

Efeso 2, 4-10
Juan 3, 14-21

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Fourth Sunday of Lent (Rose or Violet)

UNANG PAGBASA
2 Cronica 36, 14-16. 19-23

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng Mga Cronica

Noong mga araw na iyon: Sumama nang sumama ang mga pinuno ng Juda, ang mga saserdote at ang mamamayan. Nakigaya sila sa nakaririmarim na gawain ng ibang bansa. Pati bahay ng Panginoon na itinalaga niya sa Jerusalem ay kanilang itinakwil. Gayunman, dahil sa habag ng Panginoon sa kanila at sa pagmamalasakit sa kanyang Templo, lagi niyang pinadadalhan sila ng mga sugo. Ngunit hinahamak lamang nila ang mga ito at ang mga propeta at pinagtatawanan sa anumang sabihin. Kaya, umabot na sa sukdulan ang poot ng Panginoon. Sinunog ng mga kalaban nila ang bahay ng Panginoon, winasak ang muog ng Jerusalem at ang malalaking gusali. Ang mahahalagang ari-arian doon ay tinupok din, anupa’t ang lahat ay iniwan nilang wasak. Ang nagligtas sa patalim ay dinala nilang bihag sa Babilonia. Doo’y inalipin sila ng hari at ng kanyang mga anak hanggang ang Babilonia’y masakop ng Persia. Sa gayun natupad ang hula ni Jeremias na ang lupai’y nakapamahinga sa loob ng pitumpung taong singkad.

Upang matupad ang salita niyang ito sa pamamagitan ni Jeremias, pinukaw ng Panginoon ang kalooban ni Ciro, hari ng Persia noong unang taon ng kanyang paghahari. Nagpalabas ang haring ito ng isang pahayag sa buong kaharian na ganito ang isinasaad:

“Ito ang pahayag ng Haring Ciro ng Persia: ‘Ipinaubaya sa akin ng Panginoon, Diyos ng Kalangitan, ang lahat ng kaharian sa daigdig at inutusan niya akong magtayo para sa kanya ng templo sa Jerusalem ng Juda. Kaya, ang sinuman sa inyo na kabilang sa kanyang bayan ay pinahihintulutan kong pumunta sa Jerusalem. Samahan nawa siya ng Panginoon, ang kanyang Diyos.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6

Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.

Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,
kami roo’y nakaupong tumatangis, sa tuwinang
ang iniwan naming Sion ay aming maalaala.
Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila,
isinabit namin doon, yaong dala naming lira.

Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.

Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,
na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
tungkol sa Sion, yaong paksa, niyong nais nilang awit.

Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.

Pa’no namin aawitin, ang awit ng Panginoon,
samantalang bihag kaming nangingibang bayan noon?
Ayaw ko nang ang lira ko’y hawakan pa at tugtugin,
kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem.

Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.

Di na ako aawit pa, kung ang lundong sasapitin.
Sa isip ko’t alaala, ika’y ganap na limutin,
kung ang kaligayahan mo ay hindi ko hahangarin.

Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.

IKALAWANG PAGBASA
Efeso 2, 4-10

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid:

Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo’y binuhay niya kay Kristo kahit noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Kristo. At ang kaligtasang ito’y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya’t walang dapat ipagmalaki ang sinuman. Tayo’y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Kristo Hesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti, na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 3, 16

Pag-ibig sa sanlibutan
ng D’yos ay gayun na lamang,
kanyang Anak ibinigay,
upang mabuhay kaylan man
ang nananalig na tunay.

MABUTING BALITA
Juan 3, 14-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong mga araw na iyon: sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya. Hinatulan sila sapagkat naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masama ang kanilang mga gawa. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw, at hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw; sa gayun, nahahayag na ang kanyang mga ginagawa’y pagsunod sa Diyos.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 11, 2021 at 12:34 am

PAGNINILAY: Ang Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag din bilang “Linggo ng Laetare”. Ang “Laetare” ay isang salitang Latin na isinalin sa wikang Ingles bilang “rejoicing”. Ito ang panahon kung saan sa pagtapat natin sa kalagitnaan ng Kuwaresma, inaanyayahan tayo ng Simbahan na magalak. Ang Pari ay maaring sumuot ng Rosas na kasulya, at ang altar ay maaring gayakin ng mga bulaklak. Sa paggamit ng mga instrumento para sa mga himig, maaring tumugtuog din ng “Instrumental”. Kung mapapansin natin ang Pambungad na Pagpasok sa Misa para sa araw na ito, inaanyayahan ni Propetang Isaias na magalak ang bayan ng Jerusalem dahil sa dumating na kaligtasan nito. Kaya sa gitna ng ating pagsisisi at pagsasakripisyo ngayong Kuwaresma, kailangan nating magalak sapagkat darating na ang pagdiriwang ng ating kaligtasan sa Semana Santa, at ito’y hahantong sa Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Pagninilay: Noong 1995, idinaos sa Maynila ang ikasampung pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan. Kasabay nito ang ikalawang pagbista ng pinakamamahal na Papa San Juan Pablo II sa ating bansa. Ang tema ng pagdiriwang ng WYD na ito ay “Kung paanong sinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” At kasabay nito ay ang pag-aawit ng inilikhang kanta ni Trina Belamide na “Tell the World of His Love”.

Ang nasabing kanta ay hango sa ating Ebanghelyo ngayon. Ang ating pinapaboritong bersikulo sa Bibliya ay isang magandang pahayag ni San Juan tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Sa kanyang diskurso kay Nicodemo tungo sa pagkakamit ng buhay na walang hanggan, ipinahayag ni Hesus ang isang pagganap na mas mapagpala ang kanyang pag-aalay ng buhay sa Krus para sa ating kaligtasan, higit pa sa pagtataas ni Moises ng isang tansong ahas sa isang poste. Alam natin na ang buod ng Banal na Kasulatan ay nakasentro sa ating Panginoong Diyos Ama bilang Diyos ng Pag-ibig. Ang paglikha niya sa atin ay ayon sa pag-ibig dahil ang kanyang ginawa ay puno ng kabutihan. Subalit dahil sa kasamaan ng tao, nawalay ang ating relasyon sa kanya. Ngunit sa kabila ng ating mga kahinaan dulot ng pagkakasala at pagkukulang, isinugo ng Ama sa napakatakdang araw ang kanyang Bugtong na Anak, ang ating Panginoong Hesukristo.

Bagamat siya ay Diyos, si Kristo ay nagkatawang-tao upang maranasan niya ang ating katauhan maliban sa gumawa ng kasalanan. Niyakap niya tayo upang tayo ay kanyang iangat patungo sa isang mabuting pakikipag-ugnayan sa Diyos nating Ama. Ginawa niya ang lahat alinsunod sa dakilang kalooban kahit hanggang sa bingit ng kamatayan sa Krus, kaya idinakila nang siya’y nabuhay na mag-uli. At ang tugon natin ay pananampalataya upang makamtan natin ang buhay na walang hanggan. Ito ang kanyang pangako hindi sa mundo ngayon, kundi sa kabilang banda, ang kalangitan.

Kaya ito’y paalala sa atin na ang Diyos na mapagmahal ay inaanyayahan tayong yakapin nang buong-buo ang kanyang pagmamahal upang ipadama natin ito sa ibang tao. At ang pag-ibig na iyan ay dapat kaakibat ng pagtutuwid ng mga masasamang bagay at patuloy na paggawa ng kabutihan.

Hilingin natin sa Panginoong Diyos ngayong Linggo ng Laetare na tayo nawa’y magalak sa kabila ng ating pagiging taimtim ngayong Kuwaresma, na ang pag-ibig niya ay maging ating gabay habang tayo’y nalalapit sa paggunita ng Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus ng kanyang Anak sa darating na Semana Santa, patungo sa liwanag ng Muling Pagkabuhay.

Reply

Sherwin D. Yanoria March 14, 2021 at 6:48 am

Masakit ibigin ang tao. Parang nakayakap ang Diyos sa tinik sa pagmamahal para sa mga tao. Pinadalhan na nga ng mga propeta, ibinigay pa ang Kanyang Anak na si Hesus upang tayo ay kalingain, subalit ayaw sa Kanila at pinili pa ng tao ang kadiliman. Hindi pwedeng sisihin ang Diyos sa sitwasyon kinasadlakan ngayon, bunga ng desisyon ng tao. Ang tao ang nagpapasiya, hindi ang Diyos. Napaka swerte ng mga taong pinili ang mamuhay ayun sa kagustuhan ng Diyos. Magkakamit siya ng buhay na walang hanggan. Nawa’y mamulat tayo sa katotohan, kung paano magmahal, umunawa at magpatawad ang ating Diyos.

Reply

Malou Castaneda March 9, 2024 at 10:09 pm

PAGNINILAY
Sinasabi na kung ang lahat ng Ebanghelyo ay nawala nang maaga maliban sa berso ng Ebanghelyo ngayon, “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay Niya ang Kanyang kaisa-isang Anak’… sapat na iyon para sa atin. Kapag nalaman natin na ‘mahal ng Diyos ang sanlibutan sa kaliit liitan nito’ mayroon tayong pag-asa. Ang Diyos ay nagsisikap na iligtas tayo – mula sa kasamaan at kabiguan at kapahamakan at kadiliman. Ang plano ng Diyos ay dalhin tayong lahat sa buhay na walang hanggan. Marami sa atin ang narinig na ang mga salitang: “Ang Diyos ay pag-ibig” mula pa sa murang edad. Ngunit minsan ay nahihirapan tayong maniwala at magtiwala sa katotohanang iyon. Ang panalangin ay nagliligtas sa atin – mula sa pagmamataas, hindi pagpapatawad, at kalungkutan. Nais ng Diyos na iligtas ang mundo mula sa lahat ng buktot, masama, makasalanan. Nais Niyang iligtas tayo mula sa pinakamasamang panig ng ating sarili. Ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng pagmamahal at habag, hindi sa koreksyon o pagsaway. Nawa’y buksan natin ang ating mga puso sa pag-ibig ng Diyos. Nawa’y maglaan tayo ng panahon para magdarang sa pag-ibig ng Diyos. Ang Diyos ay naghihintay sa atin.

Panginoong Diyos, alisin Mo ang anumang kadiliman sa aming kaluluwa.? Amen.
***

Reply

Jess C. Gregorio March 10, 2024 at 5:59 am

PAGNINILAY SA MABUTING BALITA ni Jess C Gregorio:

Ang kaparusahan ay dala ng kamay ng tao sa sarili niya. Hindi sa Diyos. Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa grasya. Kadahilanan ng ating kahirapan at kasakitan. Wala tayong mabuti sa atin kung ang mga bagay na masama ay nakalalapit sa atin. Hindi natin maintindihan kaya lalo tayong nabubulid sa kasalanan. Malayo tayo sa Diyos at hindi natin nararamdaman. Kaya ang Diyos na mismo ang gumawa ng paraan. Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sa panahon ngayon tayo ay lubhang nabubulagan. Sa kabila ng Kapabgyarihan ng Espiritu sa atin ay nanahan, anduon pa rin ang pag sunod natin sa kasamaan at hindi sa kabutihan. Kaya pinasimple ng Diyos ang pamamaraan, sumampalataya lang tayo at ating mapagtatagumpayan, hirap ng buhay na akala natin ay sumpa at hadlang, iyun pala tayo ang may gawa. Sumampalataya lang tayo kay Hesus at ang lahat ay magbabago. Demonyo ay lalayuan tayo. Lumapit sa liwanag niyang taglay, kadiliman ng puso’t isipan ay maihihiwalay. Simple di ba mga kapatid? Bakit pa natin pinahihirapan ang ating sarili sa mga iba’t ibang pinaniniwalaan? Heto na nga nangungusap na patunay ay kanyang buhay, ibinigay sa atin ng buo ng tayo ay maging matiwasay, pero magpa hanggang ngayon nagdududa kung siyang tunay. Isang Oo lang natin ang kapalit ay Katotohanan, Tamang Daan, at Buhay, si Hesus lang lahat iyan. Kung tatanggapin Talong Persona sa iisang Diyos ang ating ganansiya. Madali rin ang proseso kung gusto pa natin matuto, una ay mangumpisal nang ang bigat ng kasalanan ay mawala at mapatawad, maglaho ng tuluyan. Kung malinis ay panatiliing gayun sa pag sama sa mga Banal na Misa, tinanggap na Kristo sa pangungumunyon ang magiging parating kasama. At kung wala na ang demonyong minsan ay nagpahirap sa atin, itatanim niya sa isip natin na tayo ay oks na at magaling, maraming nagagawa at tinitingala, hindi natin alam ay pumapasok ang spiritual pride na sa atin ay muling sasaling, daan ng pagmamataas na kung saan tayo ang angat at hindi ang Diyos na nagbigay ng lahat. Ang tanging paraan ay bisitahin siya malimit sa Adoration Chapel, kausapin, at makinig sa kanyang mga sasabihin. Maitutuwid ang nagiging baluktot nating hangarin. Sapagkat ang Diyos na mismo ang nasa harapan natin. Subukan at tamasahin, grasyang siksik, liglig, at umaapaw pa para sa atin. Bakit pa tayo magtitiis sa lungkot at pighati gayung madali lang baguhin ang katauhang napilipit?

Reply

Joshua S. Valdoz March 10, 2024 at 11:13 am

PAGNINILAY
Sinasabi na kung ang lahat ng Ebanghelyo ay nawala nang maaga maliban sa berso ng Ebanghelyo ngayon, “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay Niya ang Kanyang kaisa-isang Anak’… sapat na iyon para sa atin. Kapag nalaman natin na ‘mahal ng Diyos ang sanlibutan sa kaliit liitan nito’ mayroon tayong pag-asa. Ang Diyos ay nagsisikap na iligtas tayo – mula sa kasamaan at kabiguan at kapahamakan at kadiliman. Ang plano ng Diyos ay dalhin tayong lahat sa buhay na walang hanggan. Marami sa atin ang narinig na ang mga salitang: “Ang Diyos ay pag-ibig” mula pa sa murang edad. Ngunit minsan ay nahihirapan tayong maniwala at magtiwala sa katotohanang iyon. Ang panalangin ay nagliligtas sa atin – mula sa pagmamataas, hindi pagpapatawad, at kalungkutan. Nais ng Diyos na iligtas ang mundo mula sa lahat ng buktot, masama, makasalanan. Nais Niyang iligtas tayo mula sa pinakamasamang panig ng ating sarili. Ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng pagmamahal at habag, hindi sa koreksyon o pagsaway. Nawa’y buksan natin ang ating mga puso sa pag-ibig ng Diyos. Nawa’y maglaan tayo ng panahon para magdarang sa pag-ibig ng Diyos. Ang Diyos ay naghihintay sa atin.

Panginoong Diyos, alisin Mo ang anumang kadiliman sa aming kaluluwa.? Amen

Reply

Alexander D. Pulumbarit March 10, 2024 at 12:59 pm

Pagninilay sa Mabuting Balita ng Panginoon:

Walang nagmahal na di nasaktan. Kaya nga kung tayo’y nagmamahal ay kaakibat na nito ang sakit na maaari nating makamtan maging ito man ay pagmamahal sa ating mga anak, asawa, kaibigan at sa sinumang ating minamahal o mamahalin. Ito ay dahil ang bawat isa ay may kani-kaniyang kahinaan at kapintasan. Kung kaya’t di natin dapat pagtuunan Ang pagkakamaling nagagawa ng bawat isa, bagkus ay lagi nating hanapin ang kabutihang likas sa atin. Sinasabi nga na, “Love until it hurts,” (St. Mother Teresa of Calcutta). Ang Pagmamahal ng Panginoong DIYOS ay di nagbabago at nagtutuos ng pagkakamali, lahat ng sumasampalataya ay pinuspos Niya ng Kaniyang walang kapantay na Pagmamahal. Kaya’t itinuturo din sa atin na di tayo dapat mapagod sa Pagmamahal sa ating kapuwa at sa mga taong Ipinagkaloob Niya sa atin upang mahalin. Kaakibat din nito ay ang pang-unawa at pagpapatawad sa mga kahinaan at pagkakamali ng ating minamahal. Di tayo perpekto, sapagkat Ang Panginoon lamang ang perpekto. Ang pag amin sa kamalian ay isang kalakasan na maituturing dahil ang kalaban nito ay ang mataas na pagtingin sa sarili na siyang magiging hadlang. Kung kaya’t ito ay laging hamon sa bawat isa sa atin. Ang pang-unawa ay katumbas ng Pagtitiyaga na siyang kahulugan ng Pag-ibig. Binabanggit sa Unang Corinto, “Love is Patient…(1 Corinto 13), na magagawa nating maging matiyaga sa pagpapahayag ng ating Pag-ibig kung lagi tayong na naka-angkla sa Pag-ibig na ipinadarama sa atin ni HesuKristo na ating Panginoon. Pag-ibig na di nagtutuos at di nagbibilang ng kamalian at di tumitingin sa kahinaan, bagkus ay sa pagsisikap at kakayahang magbago ng pusong nagkasala. Isang pag ibig na dalisay at tapat na nagbibigay ng pagkakataon sa lahat. Inaanyayahan Niya ang bawat isa na mamuhay sa liwanag, sa liwanag ng Kaniyang Pag-ibig. H’wag na nating bigyan katwiran ang pamumuhay sa dilim, dahil ayaw nating iwaksi ang mali nating mga gawain.

Panginoong Diyos, buksan Mo po ang aming isip at puso at turuang muling mag-alab. Amen…????

Reply

Alexander D. Pulumbarit March 10, 2024 at 1:00 pm

Panginoong Diyos, buksan Mo po ang aming isip at puso at turuang muling mag-alab. Amen…

Reply

Rex Barbosa March 10, 2024 at 2:24 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 3, 14-21

PAGNINILAY

Ang ebanghelyo ngayon ay nagsasabi ng pagmamahal ng Diyos sa sankalibutan.
Sinasabi na ang lahat ng naniniwala kay Jesus ay magkakaruon ng buhay na walang hanggan.
Isinugo ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang ito ay maligtas, at hindi para isumpa.

Si Hesus ang susi sa kaligtasan.

Handa ba nating tanggapin ang pagmamahal na ito?

Reply

Leave a Comment

Previous post:

Next post: