Podcast: Download (Duration: 5:36 — 4.0MB)
Sabado sa Ika-3 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Oseas 6, 1-6
Salmo 50, 3-4. 18-19. 20-21ab
Katapatan ang naisin
kalakip ng paghahain.
Lucas 18, 9-14
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Third Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Oseas 6, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
Halikayo at tayo’y manumbalik sa Panginoon pagkat ang nanakit ay siya ring magpapagaling. Siya ang nanugat, kaya siya rin ang gagamot. Sa loob ng dalawang araw ay mapalalakas niya tayo uli. At sa ikatlong araw, tayo’y kanyang ibabangon, upang mamuhay sa kanyang pagtangkilik. Halikayo, sikapin nating makilala ang Panginoon; tiyak na tutugunin tayo sa ating panawagan. Sintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala, tulad ng patak ng ulan na dumidilig sa kaparangan.
Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim? Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga, gaya ng hamog na dagling napapawi. Kaya nga, ipahahampas ko kayo sa aking mga propeta, lilipulin ko kayo sa pamamagitan ng aking mga salita, at simbilis ng kidlat ang pagkatupad ng aking hatol. Sapagkat katapatan ang nais ko at hindi hain, at pagkakilala sa Diyos sa halip ng handog na susunugin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 18-19. 20-21ab
Katapatan ang naisin
kalakip ng paghahain.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!
Katapatan ang naisin
kalakip ng paghahain.
Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.
Katapatan ang naisin
kalakip ng paghahain.
Iyong kahabagan, O Diyos, ang Sion;
yaong Jerusalem ay muling ibangon.
At kung magkagayon, ang handog na haing
dala sa dambana, torong susunugin,
malugod na ito’y iyong tatanggapin.
Katapatan ang naisin
kalakip ng paghahain.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 94, 8ab
Kapag ngayo’y napakinggan
ang tinig ng Poong mahal,
huwag na ninyong hadlangan
ang pagsasakatuparan
ng mithi n’ya’t kalooban.
MABUTING BALITA
Lucas 18, 9-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus ang talinghagang ito sa mga taong ang tingin sa sarili’y matuwid at humahamak naman sa iba. “May dalawang lalaking pumanhik sa templo upang manalangin: ang isa’y Pariseo at ang isa nama’y publikano. Tumindig ang Pariseo at pabulong na nanalangin ng ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo pagkat hindi ako katulad ng iba – mga magnanakaw, mga magdaraya, mga mangangalunya – o kaya’y katulad ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinikita.’ Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ Sinasabi ko sa inyo: ang lalaking ito’y umuwing kinalulugdan ng Diyos, ngunit hindi ang isa. Sapagkat ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Marso 8, 2024
Linggo, Marso 10, 2024 »
{ 9 comments… read them below or add one }
Kinalulugdan ng Diyos ang taong mapagkumbaba kaysa sa taong nagpapakataas.
Panginoon nawa’y patawarin mo ako sa panahong nagiging judgemental ako at itinuturing ko na ako ay nakakahigit sa iba o mas mabuti kaysa sa iba.
Panginoon turuan mo ang puso ko na laging maging mapakumbaba at sa gayoy maging kaaya aya sa Iyong Pagtungin. Matuto akong aminin ang aking mga kahinaan at kasalan.
PAGNINILAY: Ang Panahon ng Kuwaresma ay paanyaya sa atin na magpakababa dahil hindi tayo perpekto, ngunit isang panawagan din na sumikap na magpakabanal sa ating mabubuting salita at gawain tungo sa Diyos at sa ating kapwa.
Ang Unang Pagbasa ay ang pahayag ni Propeta Oseas na manubalik ang bayang Israel sa Panginoon. Si Oseas ay kilala sa kanyang pagtatagpo sa isang masamang babaeng nangangalang Gomer. Pinakasalan niya ito, ngunit hindi naging matapat si Gomer sa kanya. Kaya maraming beses siyang humiling sa kanya na bumalik siya sa kanya. Ang buhay ni Oseas ay isang alegorya tungkol sa Diyos na nag-aanayaya sa kanyang bayang Israel, na lugmok sa pagkakasala, na taospusong manumbalik sa kanyang pagmamahal. Kahit magmatigas pa ang mga Israelita, gagawa pa rin ng paraan ang Panginoon upang marinig nila ang kanilang mensahe, tumalikod sa kanilang mga kasalanan, at mamuhay nang nararapat sa pamantayan ng Maykapal. Kaya sinabi ni Oseas na gagawa ng paraan ang Diyos kahit sa mga tanda upang makilala siya ng kanyang bayan, at gisingin ang kanilang konsensiya na may pagkakataon pa silang magbago at gumawa ng nararapat sa pamantayan ng ating Panginooong Diyos.
Ang Ebanghelyo ay ang pagsasalaysay ni Hesus tungkol sa Talinghaga ng Pariseo at ng Publikano. Ikinuwento ni Hesus itong talinghaga sa mga pinuno ng mga Hudyo dahil sa kanilang pagmamataas na tila mas kinalulugdan daw sila ng Diyos kaysa sa kapwang ordinaryong mamamayan. Dito isinalaysay niya ang dalawang taong nananalangin sa loob ng templo. Ang pariseo ay puno ng pagmamalaki sa kanyang sarili, na minamaliit niya ang ibang tao. Samantala ang publikano naman ay yumuko at dinagok ang kanyang dibdib, na humiling na kaawaan siya ng Diyos sa kanyang pagkakasala. At tinapos ni Hesus ang parabula sa pagsasabing ang publikano ay umuwing kinalulugdan ng Diyos, at hindi ang pariseo. Nagbigay rin siya ng paalala na ang nagpapataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.
Makikita natin sa ating buhay na wala sinumang sa atin ay makakasabing perpekto ang ating buhay at pagkatao. Lahat tayo ay may kanya-kanyang kahinaan at tukso na pilit na nilalabanan at pinagdadaanan. Subalit dahil sa awa at pagpapala ng Diyos, alam natin na siya ang nagiging gabay natin araw-araw tungo sa isang makabuluhang buhay. Kung hayaan natin siya palagi na maging Panginoon natin at sa ating papel ay magpakababa at maging magalang, makakamit natin ang buhay-kabanalan sa kagandahang-loob na ipinapakita natin sa ibang tao.
Payak anv ebanghelyo natin ngayon na ang ang hamon ay aral ay madaling intindihin.
Sinambit ni Hesus ang Mabuting balitang ito para sa mga taong matuwid ang tingin sa kanilang mga sarili pero nanghahamak naman ng kapwa.
Marahil ay hindi natin namamalayan na nagagawa nagin ang bagay na ito. Ang naturalesa ng isang tao ay nais na sya ay tumanggap ng mga papuri. Gusto natin sikat tayo. Nais natin na angat tayo sa iba. Gusto natin ay pag usapan tayo na mahusay, mabait, banal, makaDiyos, madasalin, relihiyosa, matulungin sa mahirap at iba pang kahanga hangang pagkatao. Subalit, ito ba talaga tayo? hindi ba tayo nagsasalita ng masama sa ating kapwa? Hindi ba tayo naninirang puri o mahilig pag usapan ang kapintasan ng iba?? O baka nman madami din tayong sinusuway sa mga kautusan ng Diyos ni sariling nating kapatid ay hindi natin mapatawad.
Isa pang aral at hamon ng Mabuting Balita ay pamosong salita ni Hesus na “ang nagmamakataas ay ibinababa at ang nagpapakababa ay itinataas”.
Napakagandang aral na kung lahat lamang tayo ay isasapuso ito marahil ay mas masaya ang mundo at kalulugdan tayo ni Hesus. Humility. Piliin natin ang magpakababa, yung inaamin ang kahinaan, yung nahigiya sa Diyos sa mga gawang baluktot, yung may gakot sa Diyos sa paggawa ng kabalastugan, yung nagsisisi sa mga kasalanan. Walang tao ang higit sa kapwa nya tao, lahat tayo ay galing sa alabok at walang dudang sa alabok mauuwi. Ang Panginoong Diyos lamang ang tanging nakahihigit so anong karapatan nating magyabang sa kapwa natin tao. Anong ipagmamalaki mo? Ang paggawa lamang ng mabuti at pag ibig sa kapwa ang dapat nating isinasapuso habang tayo’y nabubuhay sa mundong ito.
Samatalahin natin ang banal na panahon ng Kwaresma upang magbago at manumbalik sa Diyos sa pamamagitan ng: Pagsisisi, Paghingi ng kapatawaran at Pagsisikap na matalikuran na ang kasamaan at makaiwas sa tukso ng demonyo.
Tayo na Isa mananpalata sa Dios dapat bagging nating ang ating paguugali huwag po tayo magmataas at sikapin nating and lahat ng gingawa nating ay kalugolugod sa Dios. Tingnan mo yon taas ng kawayan ay marunong yumoko.hwag tayo magmataas dahil tayo ay pantay pantay lahat tayo nagmula sa alikabok.sa alikabok tayo babalik. ? AMEN.
PAGNINILAY:
Isang malawakang sakit na nakakaapekto sa marami ay tinatawag na “paghahambing ng sarili sa iba”. Mga sintomas ang: paninibugho, pagsasalita ng masama tungkol sa iba, sinusubukan ang lahat ng paraan na ibaba ang iba upang gawing maliit at hindi kapantay sila, at pagdarasal laban sa iba sa halip na ipagdasal sila. Bawat pagkakataon na ibinababa natin ang iba, ginagawa rin natin ito sa ating sarili; mas maliit tayong tignan kaysa sa mga pinagtsitsismisan natin. Kailangan natin ng pagpapakumbaba upang tanggapin na gaano man tayo kabanal sa ating paningin, tayo ay makasalanan pa rin na patuloy na nangangailangan ng awa ng Diyos. Kapag tinitingnan natin kung ano ang mabuti sa atin, alamin na ang lahat ay regalo: ang ating mga talento at kung ano ang nagawa natin mula sa mga ito. Wala tayong pag-aangkin sa Diyos maliban sa Kanyang awa. Ang ating pagyayabang ay dapat na isang pagmamayabang sa panginoon. Binigyan ng Diyos ang bawat isa sa atin ng mga natatanging kaloob upang tayo ay magkatugma at hindi upang labanan ang bawat isa. Nawa’y aminin natin ang ating mga kasalanan at magsikap na maging mas mahusay kaysa sa kung ano tayo noong nakaraang araw.
Panginoong Hesus, Anak ng Diyos, maawa Ka sa amin, mga makasalanan. Amen.
***
Let us be humble before the Lord…humble to accept that we are sinners. We sinned against Him and we sinned against our neighbor. Let us be humble before the Lord to ask Him for mercy. That we need forgiveness, that we need to extend forgiveness to others too.
Humility is key to admitting we’re wrong, asking for mercy and in giving forgiveness to others.
Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Ang tingin ng Diyos sa mga tao ay pantay-pantay. Lahat ay mahal niya. Nagpakasakit at inialay niya ang sarili para sa matuwid at makasalanan. Ginawa Niya ang lahat para hindi magkaroon ng pride ang mga matuwid ng hindi magmataas at magkasala. Ginawa Niya ang lahat para hindi mawalan ng pag asa ang makasalanan at magkaroon ng lakas bumalik sa Diyos. Ang objective ay maibalik sa langit ang lahat ng galing sa langit. Ang imahen ng Maylikha sa atin ang tali na nakakabit sa Diyos. Hanggang ang ibinigay na buhay sa tao ay nanatili, tayo ay kanya at Siya ay atin. Anumang sakit o ginhawa ay nararamdaman ng Diyos at tao. May tao ang Diyos. May Diyos ang tao. Hindi mailalayo. Ang timbangan ng Katotohanan ay dapat parating pantay. Kaya sinabi Niya, “Sapagkat ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.” Mahirap intindihin at mahirap gawin sa dahilang nagaaway ang mundo at langit sa atin. Ngunit maraming paraang itinuro ang Diyos para ang timbangan ng Buhay ay mapanatiling pantay. Kung bumibigat sa kasalanan, mangumpisal tayo para gumaan. I balance natin sa regular na pagsimba at pangungumunyon ng makilala natin siya at magkaroon ng kakayahang magsilbi at magmahal sa Kanya at sa ating kapwa, kung nagkakaroon ng pride sa pagsikat at pagkilala sa mga gawaing mabuti at maganda, ibaba natin ang ating sarili sa pamamagitan ng pagbisita sa Adoration Chapel, duon makikita natin ang ating totoong katangian at lugar sapagkat nakaharap tayo at nakikinig sa isang Haring Makapangyarihan. Malulusaw ang ating kayabangan. Susunugin ng Banal na Espiritu ang ating puso at sasabihing nagagawa lang natin ang lahat dahil sa kanyang kapangyarihan. At ang lahat ay babalik sa tamang sukat at ang timbangan ng buhay ay magiging pantay.
REFLECTION: Let us be humble before the Lord…humble to accept that we are sinners. We sinned against Him and we sinned against our neighbor. Let us be humble before the Lord to ask Him for mercy. That we need forgiveness, that we need to extend forgiveness to others too.
Humility is key to admitting we’re wrong, asking for mercy and in giving forgiveness to others.