Podcast: Download (Duration: 6:44 — 4.8MB)
Biyernes sa Ika-3 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Oseas 14, 2-10
Salmo 80, 6k-8a. 8bk-9. 10-11ab. 14 at 17
Tinig ko’y iyong pakinggan,
ang sabi ng Poong mahal.
Marcos 12, 28b-34
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Friday of the Third Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Oseas 14, 2-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
Ito ang sabi ng Panginoon: “Israel, manumbalik ka na sa Panginoon na iyong Diyos. Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan.” Dalhin ninyo ang inyong kahilingan, lumapit kayo sa Panginoon at sabihin ninyo, “Patawarin mo na kami. Kami’y iyong kahabagan at tanggapin. Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri. Hindi kami mailigtas ng Asiria, hindi kami sasakay sa mga kabayo. Hindi na namin tatawaging diyos ang mga larawang ginawa lamang ng aming mga kamay. Sa iyo lamang makatatagpo ng awa ang mga ulila.”
Sabi ng Panginoon, “Patatawarin ko na ang aking bayan.
Mamahalin ko sila nang walang katapusan,
sapagkat mapapawi na ang aking galit.
Ako’y matutulad sa hamog na magpapasariwa sa Israel,
at mamumulaklak siyang gaya ng liryo,
mag-uugat na tulad ng matibay na punongkahoy;
dadami ang kanyang mga sanga,
gaganda siyang tulad ng puno ng olibo,
at hahalimuyak gaya ng Libano.
Magbabalik sila at tatahan sa ilalim ng aking kalinga.
Sila’y yayabong na gaya ng isang halamanan,
mamumulaklak na parang punong ubas,
at ang bango’y katulad ng alak mula sa Libano.
Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyosan!
Ako lamang ang tumutugon at nagbabantay sa iyo.
Ako’y katulad ng sipres na laging luntian,
at mula sa akin ang iyong bunga.”
Ang mga bagay na ito’y dapat unawain ng matalino, at dapat mabatid ng marunong. Matuwid ang mga daan ng Panginoon, at doon tumatahak ang mabubuti, ngunit madarapa ang mangangahas na sumuway.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 80, 6k-8a. 8bk-9. 10-11ab. 14 at 17
Tinig ko’y iyong pakinggan,
ang sabi ng Poong mahal.
Sa paglabas namin sa bansang mabagsik,
ganito ang wika na aking narinig:
“Mabigat mong dala’y aking iniibis,
ipinababa ko ang pasaning basket.
Iniligtas kita sa gitna ng hirap,
iniligtas kita nang ika’y tumawag.
Tinig ko’y iyong pakinggan,
ang sabi ng Poong mahal.
Tinugon din kita sa gitna ng kidlat,
at sinubok kita sa Batis Meriba.
Kapag nangungusap, ako’y inyong dinggin,
sana’y makinig ka, O bansang Israel.
Tinig ko’y iyong pakinggan,
ang sabi ng Poong mahal.
Ang diyus-diyosa’y huwag mong paglingkuran,
diyos ng ibang bansa’y di dapat luhuran.
Ako’y Panginoon, ako ang Diyos mo,
Ako ang tumubos sa ‘yo sa Egipto.
Tinig ko’y iyong pakinggan,
ang sabi ng Poong mahal.
Ang tangi kong hangad, sana ako’y sundin,
sundin ang utos ko ng bayang Israel;
ang lalong mabuting bunga nitong trigo,
ang siyang sa inyo’y ipapakain ko;
at ang gusto ninyong masarap na pulot,
ang siya sa inyo’y aking idudulot.
Tinig ko’y iyong pakinggan,
ang sabi ng Poong mahal.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 17
Sinabi ng Poong mahal:
“Kasalanan ay talikdan,
pagsuway ay pagsisihan;
maghahari nang lubusan
ang Poong D’yos na Maykapal.”
MABUTING BALITA
Marcos 12, 28b-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, lumapit ang isa sa mga eskriba kay Hesus at tinanong siya, “Alin pong utos ang pinakamahalaga?” Sumagot si Hesus, “Ito ang pinakamahalagang utos, ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” “Tama po, Guro!” wika ng eskriba. “Totoo ang sinabi ninyo. Iisa ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain.” Nakita ni Hesus na matalino ang kanyang sagot, kaya’t sinabi niya, “Malapit ka nang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong kay Hesus mula noon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Marso 7, 2024
Sabado, Marso 9, 2024 »
{ 4 comments… read them below or add one }
Ang pinakamahalagang utos ay ibigin ang Diyos ng higit sa lahat, ang pangalawa ay ibigin ang ating kapwa ng higit sa ating sarili. Ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ang pinakamahalagang utos.
Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Ang karunungan ay siyang maglalapit sa atin sa Kaharian ng Diyos. Ngunit pag-ibig o pagmamahal lang sa Kanya ang paraan para maghari siya sa atin. Katulad ng Eskriba, tayo ay abala ng mga katanungan kung ano ang dapat unahin. Dapat gawin. Kung masumpungan natin ang katotohanan ating agad-agad na sinasang ayunan. Malapit na tayo. Pero ganun pa man, marami sa atin ay nanatiling eskriba lamang. May alam ngunit walang lakas para sumunod at gawin mga sumusunod na kababalaghan. Takot at nangangamba na baka kulangin ang kapangyarihang angkin. Hindi mawala ang makamundong pag iisip na hindi kakayanin kung wala ang tao sa atin. Lahat ay dapat planado at nakasunod sa pinag uutos ng sanhedrin. Pero iba si Kristo na ating Tagapagsalba, sinabi niya na sapat na ang Espiritu na magtuturo at gagawa sa inyo ng tama. Ang mga hindi nyo inaakala ay sadyang mangyayari na hindi nyo na ikatataka. At kahit na sinabi na niya at pinatunayan ng mga apostoles sa kanilang unang ginawa, hayun andito pa rin ang tao, naniniwala lamang sa kanyang kakayahan ng todo. Kaya puno pa rin tayo ng takot kung ano ang gagawin gayung ang dapat lang ay magpati anod sa gusto ng Diyos sa atin. Kahit sa ating dasal na puno ng ating hiling, nangungusap tayo ngunit hindi nakikinig, mga tenga ay bingi sa kanyang tinig. Bakit hindi natin subukan sa ating panalangin na ang Banal na Espiritu lang ang mangusap sa atin? Itrato natin na tayo ay pipi, maari lang makinig. Baliktarin natin ang proseso sa pagdadasal at yariing mismo ang Diyos ang nagdadasal para sa atin. Sa ganung paraan ay maririnig natin, mga sinasabi niya, hanggang sa magkaroon tayo ng lakas takasan ang tanikala, matanggal ang eskriba sa ating katangian, tuluyang kumalas sa mundo at sumunod kay Kristo, magawang umibig at magmahal ng totoo.
Ang pinakamahalagang utos.
Mahalin ang Diyos ng buong isip, buong puso at buong lakas.
Mahalin ang kapwa gaya ng pagmamahal sa sarili.
Mas mahalaga pa ito kaysa sa mga sacrifices and offerings na ginagawa ng tao.
May mga taong sumusunod sa kautusan ngunit out of duty lamang. May mga taong tumutulong sa kapwa na ang habol ay popularity lamang, out of duty lamang or napipilitan lamang. Either way, nakasunod ka at nakatulong ka. Ngunit ano ba ang pinakaimportante—yung ginagawa mo ang mga ito out of love. Ang pinakaimportanteng ingredient ay love.
Sumunod ka sa Kautusan dahil mahal mo ang Diyos at ayaw mo Siyang masaktan dahil sa iyong pagsuway. Tumulong ka sa kapwa dahil sa pag-ibig at awa mo sa kanila. Ang kapwa ay ang tao outside of yourself. Kabilang dito ang mga magulang, kapatid, kamag-anak, kaibigan, ka-church, katrabaho, kakilala, kabarangay, kababayan, and goes as far as foreigners and even enemies. Yes, even enemies ay nararapat din nating ibigin gaya ng inutos ng Panginoong Hesus.
Sa panahon natin ngayon, common teaching ang “love yourself”. Totoo naman ngunit dapat nating bigyang diin that there’s a very thin line between loving yourself and being selfish. It’s when you love yourself more than God. Another is when you love yourself at the cost of unloving others. Loving one’s self is inherent at nakatanim na sa tao simula noong una pa lang kahit di mo turuan. Minsan ang sobrang pagibig sa sarili ang nagiging dahilan ng pagiging madamot, holding grudges, ayaw magpatawad, mataas na pride.
Ngunit, kung mamahalin natin ang ating kapwa gaya ng ating pagmamahal sa sarili, aba! Di na siguro magkakaroon ng nakawan kase maiisip niya, itong tao na ito may pamilya rin, pag ninakawan ko sya paano na ang kanyang pamilya.? Di na siguro magkakaroon ng unforgiveness kase maiisip niya, itong tao na ito nasaktan din, nahirapan din sa sitwasyon na ito, kaya patatawarin ko na lang sya. Di na siguro magkakaroon ng pataasan ng sarili kase magiging masaya ang isa sa success ng iba. At pati world peace, tuluyan nating maaachieve kung mahal lamang ng bawat isa ang kanyang kapwa gaya ng pagmamahal niya sa sarili.
Maraming kasalanan ang naidudulot ng pagmamahal sa sarili. Paano natin ito malalabanan? Mahalin muna natin ang Diyos nang buong-buo, sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin at Siya ang may karapatan ng buo nating pag-ibig. Iniibig tayo ng Diyos na parang mga anak (kahit tayo’y naging alibugha), at para Niyang kabiyak (kahit tayo’y nangalunya sa ating pagkakasala). Inibig tayo ng Diyos kahit tayo’y kanyang mga kaaway dahil sa ating pagkakasala. Ngunit dahil sa pag-ibig na ito, Siya na rin mismo ang sumagip sa atin mula sa kasalanan. Upang ibigin natin ang Diyos, tingnan natin si Hesus. Upang ibigin natin ang ating kapwa, tingnan natin ang example ni Hesus. Si Hesus–ang perfect example ng pagibig sa Diyos at pagibig sa kapwa. Amen.
PAGNINILAY Ang pinakamahalagang utos ay ibigin ang Diyos ng higit sa lahat, ang pangalawa ay ibigin ang ating kapwa ng higit sa ating sarili. Ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ang pinakamahalagang utos.