Huwebes, Marso 7, 2024

March 7, 2024

Huwebes sa Ika-3 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Jeremias 7, 23-28
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

Lucas 11, 14-23


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thursday of the Third Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Jeremias 7, 23-28

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Sinasabi ng Panginoon: “Inutusan ko ang mga tao na sumunod sa akin upang sila’y maging aking bayan at ako naman ang Diyos nila. Sinabi kong mamuhay sila ayon sa ipinag-uutos ko, at sila’y mapapanuto. Ngunit hindi sila tumalima; ayaw nilang makinig sa akin. Sa halip, ginawa nila ang balang maibigan at lubusang nagpakasama, sa halip na magpakabuti. Mula nang lumabas sa Egipto ang inyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, patuloy akong nagsugo ng aking mga alipin, ang mga propeta. Subalit hindi ninyo sila pinakinggan ni pinahalagahan. Nagmatigas kayo at masahol pa ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno.

“Jeremias, sasabihin mo ang lahat ng ito sa kanila subalit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila ngunit hindi ka nila papansinin. Kaya ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Narito ang bansang ayaw makinig sa tinig ng Panginoon na kanilang Diyos, at ayaw ituwid ang kanilang landas. Naglaho na sa kanila ang katotohanan at di man lamang nababanggit.’”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

Tayo ay lumapit
sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita
ang aking ginawang sila’ng nakinabang.”

Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Joel 2, 12-13

Magsisi tayong mataos,
halinang magbalik-loob
sa mapagpatawad na D’yos;
sa kanya tayo’y dumulog
at manunumbalik na lubos.

MABUTING BALITA
Lucas 11, 14-23

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, pinalayas ni Hesus ang isang demonyong sanhi ng pagkapipi ng isang lalaki, at ito’y nakapagsalita na mula noon. Nanggilalas ang mga tao, ngunit may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Beelzebul na prinsipe ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.” May iba namang nais siyang subukin, kaya’t nagsabi, “Magpakita ka ng kababalaghang magpapakilala na ang Diyos ang sumasaiyo.” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinabi sa kanila, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat at mawawasak ang mga bahay roon. Kung maghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sapagkat binigyan ako ni Beelzebul ng kapangyarihang ito. Kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa inyong mga tagasunod na makagawa ng gayun? Sila na rin ang nagpapatunay na maling-mali kayo. Ngayon, kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos.

“Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahan ay nagbabantay sa kanyang bahay, malayo sa panganib ang kanyang ari-arian. Ngunit kung salakayin siya at talunin ng isang taong higit na malakas, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi ang ari-ariang inagaw.

“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at nagkakalat ang hindi tumutulong sa aking mag-ipon.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 17, 2022 at 6:49 pm

PAGNINILAY: Habang tayo ay lumalapit sa daan ng Kuwaresma patungong Mahal na Araw, inaanyayahan tayo ng Salmo ngayon na dinggin natin ang Panginoon, at huwag salungatin ang kanyang mensahe.

Subalit hindi natuwa si Hesus sa ating Ebanghelyo na paratangin siyang nagpapalayas ng mga demonyo sa ngalan ni Beelzebul, ang prinsipe ng mga demonyo. Tinanong niya ang mga eskriba kuny paanong mananatiling matatag ang bahay kung ito’y ginawa nang pansarili lamang. Ganun din sa isang nakikidigmang kaharian na hindi ito’y matatagumpay.

Ang sinasabi dito ni Hesus na nagmula ang kanyang kapangyarihan mula sa Ama, at hindi kay Satanas. Sa pamamagitan ng mga kababalaghan at pagpaparangal ng Mabuting Balita, ipinakita niya ang mabubuting gawain na ibigay ang pisikal at espirituwal na pangangailangan ng tao. Sa kanyang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus, inialay niya ang kanyang buhay upang tayo’y mailigtas mula sa ating pagsusuway sa kalooban ng Diyos.

Nawa’y tunay na makita natin ang kabutihan ng Panginoon at ipalaganap ito sa ating araw-araw na pamumuhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño March 24, 2022 at 8:53 am

Katulad ng mga tao sa kwento ngayon ng ebanghelyo, may pagdududa ka pa ba sa Diyos?

Ang tao kapag hindi nakamit ang hinihiling o di kaya nman ay puro kamalasan ang inaabot sa buhay ay nagkakaroon ng pagdududa o humihina ang paniniwala sa Diyos. Ang tendency ay lalo na lamang ibinabaon sa kasalanan ang sarili. Ang iba nman ay nagiging Atheist o walang pinaniniwalaang Diyos.

Kapatid, ganito ang buhay, ang mga hinihiling natin ay naririnig lahat ng Diyos, kung hindi man ito dumating ay darating ito sa oras na loob ng Diyos at hindi sa oras na gusto natin. Kung hindi man ito dumating ay may ibang plano ang Diyos sa atin na mas makabubuti para sa atin. Dapat din nating malaman na ang paghiling sa Ama ay may kaakibat na pagbabago, dapat na sinusunod din natin ang kalooban nya o sinusunod natin ang sampung utos ng Diyos.

Kung may pagdududa ka naman sa Diyos ay tingnan mo lamang ang lahat ng mga lalang sa paligid mo. Sino ang makagagawa ng bituin, araw at buwan? Ang milyon milyong klase ng isda sa dagat, ibon sa himpapwid, hayop sa lupa at ikaw mismo.

Ibigay lamang natin ang ating BUONG tiwala sa Diyos habang sinusunod ang kalooban mya at lahat ng iyong ninanais ay ipagkakaloob nya.

Reply

Malou Castaneda March 6, 2024 at 11:07 pm

PAGNINILAY
Alam natin kung gaano kasakit kung baluktot na pakahulugan ang ilalagay sa atin. Ang ilang mga tagapakinig, na nakasaksi lamang sa pagpapagaling ni Hesus ng isang pipi, ay tumangging mag-isip ng mabuti tungkol sa Kanya, at nag-imbento ng isang mapanirang-puri na kuwento. Ito ay nag-uudyok sa atin: mas madali ba tayong mag-isip ng masama sa iba kaysa bigyan natin sila ng karangalan sa mabubuting bagay na kanilang nagawa? Iba’t ibang labanan ang nagaganap sa loob nating lahat: ang kaharian ng puso ay maaaring hatiin sa mabuti na gusto nating gawin, at ang hindi masyadong mabuti o masama na pumapasok din sa atin. Ang panalangin ay ang pagkakataon na palusugin natin ang mabuti sa atin, upang ang kabutihan ay manalo sa ibabaw ng kasamaan.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming labanan ang kasamaan saan man namin ito makita. Bigyan kami ng biyaya na makita ang pinakamabuti sa iba, dahil nais naming makita nila ang pinakamabuti sa amin. Amen.
***

Reply

Jess C. Gregorio March 7, 2024 at 5:51 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Ang pag gawa ng mabuti ay galing sa mabuting puso. Ang kabaitan ay galing sa mabait na tao. Ano ang saysay na magpalayas ng demonyo kung ikaw mismo ang demonyo? Ito ang tanong ni Kristo. Hindi ba na maliwanag sa ating mga nababasa na hindi sila nagtataboy at sa halip ay nagsasama pa nga ng marami kung sakaling palayasin at bumalik sa kanilang lungga? Ganito rin ang ugali ng tao. Kung gumagawa ng masama at may nakikitang mabuti, pilit nilang ibilang sa kanilang sarili, gawin ring masama sa mata ng ibang tao. Kung hindi nila gagawin sila ay mabubuking. Buti pang sirain ang pagkatao, bigyan ng malisya, at pahirapan ng intriga para malaya silang makapagpatuloy ng planong masama. Ito ang sinasabi ni Kristo na bakit naman nila sisirain ang kanilang kaharian sa pagtataboy ng sarili nilang kasapi. Pansinin natin na walang sinasabi si Hesus na siya ay nagpapa alis ng demonyo sa ngalan ng demonyo sa halip ang binabanggit ay ang Ama sa Langit. Ang nagbabangit ay ang mga ipokritong may kapangyarihang magturo at angat sa lipunan. Sa kanilang labi namutawi ang pangalan ng kalaban. Sila na mismo ang nagpatunay sa kanilang uri ng katangian na taglay lahat ng kasiraan. Sa bagay na ito, minarites pati si Kristo. Nagsabi sa ibang tao ng pagdududa pagkat hindi kaya mga katotohanang dala niya. Madali nating mabatid mga demonyong gumagalaw sa paligid, sa isip ng tao, maging sa kanilang katangian, kung tayo ay nasa Espiritu ituturo Niya kung ano ang totoo. Ang Templo ng Diyos sa ating mga puso, kung Siya ang naghahari dito, walang demonyo ang maaring magtago. Makikita natin ang pangit sa mundo. Maaamoy ang baho nito. Ito ang kaharian ng Diyos na nasa atin. Ito ang lakas at sandata na maglalayo sa atin sa panganib at kasamaan. Ang hindi papanig ay magkakalat. Paglalaruan ng kalaban. Ang kanilang tanggulan ay ang ating mga kasalanan. Hanggang sumusuway tayo sila sa atin ay paparito. Pangungumpisal sila ay mapapalayas. Sa regular na pagpunta sa Misa at pag tanggap ng komunyon, kaharian ng Diyos ay pinalalakas. Ang pakikipag ugnayan kay Kristo sa Adoration Chapel, tayo ay kinakausap, pinatitindi ng Banal na Espiritu ang ating sarili. Nang sa gayun magawa natin ang lahat ng mabuti. Kung ang paniwala lang sa ating lakas ang aasahan, mas malakas ang demoyo kaya tayo ay maigugupo at pagtatawanan. Si Hesus lang ang dapat nating sinasandigan.

Reply

Joshua S. Valdoz March 7, 2024 at 10:22 am

PAGNINILAY
Alam natin kung gaano kasakit kung baluktot na pakahulugan ang ilalagay sa atin. Ang ilang mga tagapakinig, na nakasaksi lamang sa pagpapagaling ni Hesus ng isang pipi, ay tumangging mag-isip ng mabuti tungkol sa Kanya, at nag-imbento ng isang mapanirang-puri na kuwento. Ito ay nag-uudyok sa atin: mas madali ba tayong mag-isip ng masama sa iba kaysa bigyan natin sila ng karangalan sa mabubuting bagay na kanilang nagawa? Iba’t ibang labanan ang nagaganap sa loob nating lahat: ang kaharian ng puso ay maaaring hatiin sa mabuti na gusto nating gawin, at ang hindi masyadong mabuti o masama na pumapasok din sa atin. Ang panalangin ay ang pagkakataon na palusugin natin ang mabuti sa atin, upang ang kabutihan ay manalo sa ibabaw ng kasamaan.

PANALANGIN: Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming labanan ang kasamaan saan man namin ito makita. Bigyan kami ng biyaya na makita ang pinakamabuti sa iba, dahil nais naming makita nila ang pinakamabuti sa amin. Amen.

Reply

Rex Barbosa March 7, 2024 at 4:28 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Lucas 11, 14-23

PAGNINILAY

Ang ebanghelyo ngayon ay pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos sa mga nangangailangan. Sukdulang paghinalaan man Siya ng masama.

Kinutya siya dahil sa kanyang mga kamangha-manqhang ginawa at pinagduduhan pa Siya sa pinagmumulan ng kanyang kapangyarihan. Ngunit tinalo sila ni Hesus sa katuwiran.

Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na gumawa ng mabuti at tulungan ang mga nangangailangan sa kabila ng maraming balakid na nakaharang. Nais ni Jesus na sundin ang kanyang mga paraan kahit hanggang sa puntong pinagtatawanan tayo dahil sa kabutihang ating ginagawa.

Handa ba tayong ipamahagi ang pag-ibig gaya ni Hesus?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: