Podcast: Download (Duration: 5:19 — 3.8MB)
Miyerkules sa Ika-3 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Deuteronomio 4, 1. 5-9
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
Mateo 5, 17-19
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Wednesday of the Third Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 4, 1. 5-9
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Nagsalita si Moises sa mga tao: “Ngayon, mga Israelita, upang mabuhay kayo nang matagal at makarating sa lupaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, unawain ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo.
“Ngayon nga’y itinuturo ko sa inyo ang mga tuntuning ito upang sundin. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayun makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at lawak ng pang-unawa. Sa gayun, hindi nila mapipigilang sabihin ang ganito: ‘Ang bansang ito’y matalino at may malawak na pagkaunawa.’
“Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban sa Panginoon? Aling bansa ang may tuntuning kasing inam ng mga tuntuning ibinigay ko sa inyo ngayon? Ngunit kaiingat kayo. Ang mga bagay na inyong nasaksihan ay huwag ninyong kalilimutan o ipagwawalang-bahala habang kayo’y nabubuhay; ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon,
purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion.
Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas.
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo,
bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo.
Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
Kay Jacob n’ya ibinigay ang balita at pabilin,
ang tuntuni’t mga aral, ibinigay sa Israel.
Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin ang Panginoon!
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 6, 63k. 68k
Salita mo, Kristong mahal,
Espiritung bumubuhay,
nagtuturo’t umaakay
sa nagnanais makamtan
ang langit na walang hanggan.
MABUTING BALITA
Mateo 5, 17-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi nagaganap ang lahat. Kaya’t sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayun sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Martes, Marso 5, 2024
Huwebes, Marso 7, 2024 »
{ 8 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Kuwaresma ay panahon ng pagiging tapat sa Panginoon bilang tugon sa kanyang pag-ibig sa atin. At isa nang paraan ay ang pagsunod sa kanyang mga utos.
Ang Unang Pagbasa ngayon ay isang matuwid na paalala ni Moises sa mga Israelita na sundin at tudpin ang Kautusan ng Panginoong Diyos. Ito ay ang kanilang pangako pagkatapos ng pagkalikas sa kanila ng Diyos mula sa pagkaalipin sa Egipto. Kaya ito ang naging tipan ng Panginoon sa Israel na makilala nila na siya ang Diyos nila, at sila ang bayan niya. Kaya mahigpit na pinatatagubilin ni Moises na sundin nila ang utos ng Diyos habang binabantay ang sarili na hindi magkasala kailanman.
Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagsalaysay ni San Mateo sa Pangangaral ng ating Panginoong Hesukristo sa Kabundukan. Para sa ebanghelista, ang pokus ng kanyang panunulat ay upang ipakilala si Hesus bilang isang tao. At ipinakilala rin sa atin ang Panginoong Hesukristo bilang katuparan ng Kautusan. Kaya maririnig natin sa mga sumusunod na araw kung paanong tinupad ni Kristo ang mga utos ng Lumang Tipan at pinagpanibaguhin ang mga ito. Narinig natin ngayon na hindi naparito si Hesus upang buwagin ang Katusan, kundi tuparin ito. Bilang Anak ng Diyos, ipinapahalaga niya ang utos na ginawa ng kanyang Amang sa langit. Subalit alam rin niya na dahil siya ay isinugo sa mundo, siya ang magiging tanda ng kaligtasan ng sangkatauhan.
Kaya makikita natin na ang kanyang pakay sa pagtupad ng Kautusan ay upang gawin ito utos ng pag-ibig, kalayaan, at pagpapala. Pagpapala, sapagkat ang bawat utos na kailangang sundin ay magkaroon ng mabubuting kaloob, lalung-lalo na tungo sa kaayusan sa komunidad at mga relasyon ng tao sa Diyos at kapwa. Kalayaaan, sapagkat ang utos ang nagpapalaya sa mga taong nabibihag sa kasamaan at pagkasakim na dulot ng kasalanan at anupamang ikasisira ng relasyon ng tao sa Diyos. At sa huli ay pag-ibig, sapagkat ito ang kaganapan ng katuparan ng Kautusan, at ito ang pagkakilanlan natin sa iisang Diyos na Santatlo (Ama, Anak, at Espiritu Santo).
Kaya sa ating buhay pang-Kristiyano, tayo ay mga mamamayan ng mundo at mamamayan ng kalangitan. Ang bawat pagsunod natin sa batas ay dapat nagpapanibago sa tao tungo sa kanilang perspektibo sa buhay. Ito’y dapat maging daan ng pagpapala, kalayaan, at pag-ibig, na siyang ipinamalas ni Hesukristo kahit sa kanyang Pagkamatay sa Krus at Muling Pagkabuhay para sa kaligtasan ng tao.
Ang kuwaresma ay patuloy tayong inaayahan nang pagabablik-loob. ang Ebanghelyo ay bahagi ng sermon ni Hesus sa bundok ayong kay san Mateo. Anu ang kaugnayan nito sa panahon ito. Nais na tupdin natin ang batas. Dahil na parito ang Anak ng Tao upang sundin ang kalooban ng Ama, Dahil ang kasalan ay pumasok sa tao dahil hindi nila sinunud ang pinagbilin ng Diyos. Kayat ang pagsunod natin sa kalooban ng Diyos ang maglilitas sa atin upang matupad ang batas at magwawakas ang batas kung ito ay masusunod. Ang misyon nang bawat tao ay anu sumunod sa kalooban ng Diyos. Sabi nang pagnamatay ang tao sinasabi natin na natapos na ang misyon niya. Pero hindi lahat meron naman na namatay na hindi natupada ang misyon , Noon linggo ang ebanghelo ay patungkol na putilin natin kapag hindi na nagbunga ito. kaya’t pinaalalahan tayo na pudtin natin ang batas ng Diyos , sundin ang kalooban ng Diyos ang magmahal ayon sa kalooban niya//
Tayo ay halos nasa kalagitnaan na ng Kwaresma, ang panahon ng pagbabago at pagbabalik loob sa Diyos. Ang ebanghelyo ngayon ay isa na namang aral at hamon sa atin na kailangan natin ngayong banal na panahon ng Kwaresma.
Alam nyo ba na lahat tayo ay pari? Na may tungkulin na magpalaganap din ng Salita ng Diyos. Sinabi sa mga pagbasa ngayon na magunaw man ang lahat ng bagay sa mundo ay mananatili ang Salita ng Diyos. Kaya’ nararapat na makibahagi tayo sa pagpapalahanap nito. Umpisahan natin ito sa loob ng ating pamilya, ipaliwanag natin ang mga Mabuting Balita sa ating mga anak at apo, ang kahalagahan at gantimpalang matatanggap kung sususnod tayo sa kalooban ng Diyos o hindi natin gagawin ang mga ipinagbabawal sa sampung utos ng Diyos. Pagkatapos ay isunod natin ang ating mga kaibigan o kamag anak kung may pagkakataon. Nariyan ang social media na makakatulong sa atin sa pagbabahagi ng Mabuting Balita.
Ang layon natin ay mabigyang karunungan ang ating mga nakakasalamuha na matakot sa Diyos, magsisi, humingi ng kapatawaran at magsikap na matalikuran ang tukso at kasamaan. Hindi ito madali kung pakikinggan pero kung hindi natin sisimulan ay hindi natin malalaman na kaya pala natin itong gawin. Ipapaliwanag natin ang ating mga sariling karanasan na nakatagpo tayo ng tunay na kaligayahan sa Diyos. Magpapatotoo tayo sa tunay na kapayapaan ng puso’t isipan simula ng magkaron tayo ng relasyon kay Hesus.
Dahan dahan. Hindi mabilisan, pero kaya ng bawat isa sa atin na manghikayat na magbago at magbalik loob sa Diyos. Tulungan natin ang Mabuting Pastol sa paghahanap ng mga tupang naliligaw ng landas.
Maraming Salamat at goodluck sa iyong pagbabago kapatid…
Pinupuri at pinasasalamatan kita Panginoon Jesus Hesus sa Mabuting Balita ng kaligtasan .Panginoon patawad sa aking mga kasalanan.Salamat Panginoon binigyan mo muli ako ng pag-asa upang matuwid ko ang aking sarili sa katotohanan. ?
PAGNINILAY
Nakasaad sa ating pag-basa ngayong araw ay “Kaya’t sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayun sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos.” tinuturo sa atin ng pag-basa na ang mga ginagawa natin ngayon ang daan kung saan man tayo nararapat sa pinakamababa o di kaya’y sa kalangitan.
Kaya’t hanggat maaga pa ay talikuran na natin ang ating mga kasalanan dahil tayo mismo ang gumagawa ng ating kapalaran, wala ng taong perpekto ngunit nagiging perpekto ang tao kung ito’y gumagawa ng kabutihan at tama sa kapwa kaya ngayon pa lamang lalo na’t panahon ng Kuwaresma ay magnilay tayo upang magbukas ang ating isip para kay Kristo.
Si Kristo’y niligtas tayo lupang sumama sakanya ngunit hindi ka susunod sakanyang mga yapak ay balewala lahat ng kanyang sakripisyo para sa atin. Mahal tayo ng Diyos hindi dahil siya ang lumikha sa atin bagkus mahal tayo ng Diyos dahil alam niyang lahat ng kanyang nilikha ay mabuti at nagpapakabuti.
Nawa sa pagninilay natin ngayon ay maging daan para tayo’y sumunod sa yapak ni Kristo, sinusubok tayo minsan ng Panginoon ngunit hindi yun dahil para parusahan tayo bagkus para tayo’y maging matatag at malakas para sa mga masbibigat pang papasanin natin na Krus hanggang sa dulo ng ating hininga.
Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Sadyang malayo ang kaisipan ng Diyos sa tao. Ang tao ay walang alam. Salat tayo sa karunungan. Mahina. Walang lakas. Puno ng takot at pangamba. Maligalig. Sablay sa maraming bagay. At dahil sa mga iyan, marami tayong hindi maintindihan. Bagama’t may yaman at katayuan sa lipunan ay malungkot at nangangailangan. Maraming dapat patunayan. Madaling masilaw sa kinang ng kamunduhan kaya madaling makagawa ng kasalanan. Mandaya. Magsinungaling. Magnakaw. Magyabang. Maging sakim. At marami pang gawain na nakasisira ng buhay.
Nakikita natin ang mga nangyayari kung ang tao ay humihigit pa sa Diyos. Lalong lalo na sa mga samahan na sa una ay pinalakas ng Banal na Espiritu at nakakagawa ng maraming himala. Nagkakaroon ng pagkawatak-watak at hindi pagkakaintindihan na mauuwi sa paghihiwalayan. Natural lang kasi umiiral ang tiwala ng kada isa sa kanilang tila angking kalakasan. Sa nais nating sumikat at mapansin, nawala sa isip natin na isa lang ang Tagapagturo. Siya rin ang gaganap sa lahat ng pinag uutos. Tayo ay lupa na naturingan, magwawakas tulad ng mundo na inaasahan. Kaya sa mga pagkakataong wala ang Espiritu sa ating kandungan, ang kalaban ang namamayani at magdudunong-dunungan. Iibahin ang Salita ng Diyos at ipagdidikdikan, na siya namang nagdadala sa marami sa kawalan. Kaya sa bawa’t galaw at salita, harinawang palakihin si Kristo at hindi ang mga sarili nating pakawala. Hilingin sa Banal na Espiritu na parating manguna at hindi ang mga sariling plano natin ang nagdidikta. Ang tanging paraan para hindi mawala ay ang tanggapin na tayo ay salat at mistulang walang magagawa. Kung hindi dahil sa Diyos, lakas at pananampalataya ay sadyang wala.
Tayo na kay Kristo ang pinaka mababa sapagkat angat Siya sa lahat ng ating gawa.
PAGNINILAY: Ang kuwaresma ay patuloy tayong inaayahan nang pagabablik-loob. ang Ebanghelyo ay bahagi ng sermon ni Hesus sa bundok ayong kay san Mateo. Anu ang kaugnayan nito sa panahon ito. Nais na tupdin natin ang batas. Dahil na parito ang Anak ng Tao upang sundin ang kalooban ng Ama, Dahil ang kasalan ay pumasok sa tao dahil hindi nila sinunud ang pinagbilin ng Diyos. Kayat ang pagsunod natin sa kalooban ng Diyos ang maglilitas sa atin upang matupad ang batas at magwawakas ang batas kung ito ay masusunod. Ang misyon nang bawat tao ay anu sumunod sa kalooban ng Diyos. Sabi nang pagnamatay ang tao sinasabi natin na natapos na ang misyon niya. Pero hindi lahat meron naman na namatay na hindi natupada ang misyon , Noon linggo ang ebanghelo ay patungkol na putilin natin kapag hindi na nagbunga ito. kaya’t pinaalalahan tayo na pudtin natin ang batas ng Diyos , sundin ang kalooban ng Diyos ang magmahal ayon sa kalooban niya//
ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Mateo 5, 17-19
PAGNINILAY
Si Hesus ang Katuparan ng Batas
Ang Batas ng Diyos ay Batas ng Pag-ibig sa Diyos at Kapwa
Araw-araw ay kailangan nating sundin ang mga Batas ng Diyos
at ng Tao na naaayon sa Batas ng Diyos.
Sinasabi sa atin ng Ebanghelyo ngayon na hindi nilalayon ni Hesus na sirain ang mga Batas ni Moises, bagkus, isulong at ipakita pagmamahal ng Diyos.
Talaga ba ay namumuhay tayo ayon sa batas ni Cristo-Hesus?