Lunes, March 11, 2024

March 11, 2024

Lunes sa Ika-4 na Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Isaias 65, 17-21
Salmo 29, 2 at 4. 5-6. 11-12a at 13b

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

Juan 4, 43-54


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Fourth Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Isaias 65, 17-21

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang sabi ng Panginoon:
“Ako ay lilikha,
isang bagong lupa’t isang bagong langit;
mga pangyayaring pawang lumipas na
ay di na babalik!
Kaya naman kayo’y
dapat na magalak sa aking nilalang,
yamang nilikha ko itong Jerusalem
na ang aking pakay maging kagalakan ng mga hinirang.
Ako mismo’y magagalak
dahil sa Jerusalem at sa kanyang mamamayan.
Doo’y walang panambitan o kaguluhan.
Doo’y wala nang sanggol na papanaw,
lahat ng titira roon ay mabubuhay nang matagal.
Ituturing pa rin na kabataan pa ang edad sandaan,
ang hindi umabot ng gulang na ito ay pinarusahan.
Magtatayo sila ng mga tahanang kanilang titirhan,
sa tanim na ubas ay sila ang aani.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 29, 2 at 4. 5-6. 11-12a at 13b

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

O Panginoon ko,
sa iyong ginawa, kita’y pinupuri’t ako’y iniligtas,
kaya kaaway ay di na nakuhang matuwa’t magalak.
Mula sa libingang
daigdig ng patay, hinango mo ako at muling binuhay;
ako, na kasama nilang napabaon sa kailaliman.

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

Purihin ang Poon,
siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga hinirang.
Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos na Banal,
ang kanyang ginawa ay alalahanin at pasalamatan!
Hindi nagtatagal
yaong kanyang galit, at ang kabutihan niya’y walang wakas.
Ang abang may hapis at tigmak sa luha sa buong magdamag,
sa bukang-liwayway ay wala nang lungkot, kapalit ay galak.

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

Kaya’t ako’y dinggin,
ikaw ay mahabag sa akin, O Poon, ako ay pakinggan,
mahabag ka, Poon! Ako ay dinggin mo at iyong tulungan.
Nadama ko’y galak nang iyong hubarin ang aking panluksa.
Sa pasasalamat sa iyo, O Poon, ay di magsasawa.

Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Amos 5, 14

Matuwid ang dapat gawin,
masama’y iwasan natin,
at tayo ay bubuhayin;
ang Diyos ay sasaatin,
atin s’yang makakapiling.

MABUTING BALITA
Juan 4, 43-54

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, umalis si Hesus sa Samaria at nagtungo sa Galilea. Sapagkat si Hesus na rin ang nagsabing ang isang propeta’y hindi iginagalang sa kanyang sariling bayan. Pagdating niya sa Galilea ay mabuti ang pagtanggap sa kanya ng mga tagaroon, sapagkat nasa Jerusalem din sila noong Pista ng Paskuwa at nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa roon.

Nagpunta uli si Hesus sa Cana, Galilea. Doon niya ginawang alak ang tubig. Doon naman sa Capernaum ay may isang mataas na pinuno ng pamahalaan; at may sakit ang kanyang anak na lalaki. Nang mabalitaan niyang bumalik si Hesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito. Pinakiusapan niya itong pumunta sa Capernaum at pagalingin ang kanyang anak na naghihingalo. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Hangga’t hindi kayo nakakikita ng mga palatandaan at mga kababalaghan, hindi kayo mananampalataya.” Ngunit sinabi ng pinuno, “Tayo na po, Ginoo, bago mamatay ang aking anak.” Sumagot si Hesus, “Umuwi na kayo; magaling na ang inyong anak.” Naniwala ang lalaki sa salita ni Hesus, at umuwi nga siya. Sa daan pa’y sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing magaling na ang kanyang anak. Tinanong niya sila, “Anong oras siya gumaling?” “Siya po’y inibsan ng lagnat kahapong mag-aala-una ng hapon,” tugon nila. Naalaala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Hesus, “Magaling na ang inyong anak.” Kaya’t siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Hesus.

Ito ang pangalawang kababalaghang ginawa ni Hesus sa Galilea pagpunta niya roon buhat sa Judea.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 12 comments… read them below or add one }

Melba G. De Asis April 1, 2019 at 5:51 pm

Ang Panginoon ay dakila, at siya ang tagapagpagaling sa ating mga karamdaman, kailangan lang na ,magtiwala.

Ako ay nagsusumamo Panginoon na kaming may mga karamdaman aypagkakalooban Mo ng kagalingan, ang lahat ng ito’y itinataas ko sa Panginoon , ng may pagtitiwalla at pasasalamat. Amen…

Reply

ruel arcega March 24, 2022 at 6:51 am

Ang unang pag-basa mula kay propeta Isaias ay pinabanggit roon ang bagong lupa’t langit na lilikhain ng ating Panginoon para sa atin at doon tayo maninirahan, doon walang hirap , kamatayan , at doon tayo lahat ay ating edad at mukha ay ang pinaka maganda natin katayuan. at sa ebanghelyo ay pinagaling ni Hesus mula sa sakit at inilgtas sa kamatayan ang anak ng isang pinuno sa galilie. Ito’y pagpapahiwatig na dala ni Hesus ay isang maayus na buhay katulad na nang binabanggit ni propeta Isaias. Si Hesus , ang daan , si Hesus ang buhay natin kaya’t unahin muna nating itanghal si Hesus sa buhay natin dahil siya ang tunay na magdadala na kaginhawan at siya amg magbabatid sa atin ng katoohanan. upang hindi tayo malinglang na maling inaalay na tao o ilang politiko. katulad na ng ilang mga taong naghahanap ng mga palatandaan pero sila’y bulag sa katotohanan.

Reply

Reynald Perez March 27, 2022 at 3:00 pm

PAGNINILAY: “UMUWI NA KAYO; MAGALING NA ANG IYONG ANAK.”
Narinig natin sa Ebanghelyo ang isang marangal na opisyal, isang taong may mataas na posisyon sa mga kawal, na lumapit patakbo kay Hesus upang pagalingin ang kanyang anak na lalaking may sakit. Subalit pinagbalik siya ni Hesus na may katiyakang mabubuhay ang kanyang anak. Hindi kwinestyon o nagduda ang pinuno sa ganyang pahayag ni Kristo, bagkus sinundan niya ito. At ayon nga sa kwento, nakasalubong niya at ang kanyang mga kasama ng kanilang kapwang sundalo na nagbalitang nawala na ang lagnat. At sinabi rin sa kanya na ala una ng hapon nang gumaling ang bata. Kaya nabatid ng opisyal na iyan yung oras tiniyak siya ni Hesus na mabubuhay ang kanyang anak. Kaya nga siya’y sumampalataya kay Hesus, kasama rin ang kanyang buong sambahayan.

1. “UMUWI NA KAYO.”
Sa ating panahon ngayon, ito na ang paulit-ulit na paalala ng mga opisyal ng gobyerno, militar, pulis, mga doktor, experto sa kalusugan, at pati na rin ng ating mga mahal sa buhay. Ito ay isa sa mga pinakamabisang paraan upang maiwasan natin ang malalang sakit dala ng COVID-19 bukod sa paghuhugas ng mga kamay at pagsusuot ng mga “mask”. Subalit kung iisipin natin, bakit kaya tayo pinapauwi sa ating mga sariling bahay? Maliban sa proteksyon ng ating kalusugan at ng ibang tao, siguro pagnilayan natin kung ano ang kahalagahan ng isang tahanan. Ito ay ang ating sariling tahanan kung saan tayo’y tumutuloy. Pansinin po natin na tuwing tayo’y nagtatapos ng klase o trabaho, iilan o siguro marami sa atin ay dumediresto sa ating mga bahay. Dito tayo’y nagpapahinga o ginagawa kung anong nais nating gawin (maliban kung minsan kailangan natin gumawa ng “take home task”). Pansinin po natin na madalas sinabi ni Hesus sa atin na magpahinga. At sa pagpapahinga ay dapat patuloy na umiral ang pag-ibig ng Diyos sa atin upang maipadama natin ito sa kapwa. Kaya nga mayroon tayong mga pamilya na nakatira sa isang bahay dahil ang pamilya nga ay ang “domestic church”. Dito dapat unang umiral ang mga mahahalagang aral upang ito’y ating palaging mabuhat sa labas ng ating mga tahanan. Kaya nga po kahit tayo’y nanatili lang sa ating mga bahay bagamat ang ating lugar ay nasa general quarantine, gawin natin itong pananatili sa loob ng ating tahanan makabuluhan na magpahinga at hayaang hipuin tayo ng presensiya ng Diyos sa atin (at sa mga taong kasama natin, lalung-lalo ang ating mga pamilya). Nang sa gayon ay maipadama natin ang pag-ibig ng Diyos sa ibang tao kapag tayo’y babalik na sa paaralan upang mag-aral o kaya sa opisina upang magtrabaho.

2. “MAGALING NA ANG IYONG ANAK.”
Lahat tayo ay nalulungkot sa nangyayari sa ating mundo ngayon dahil sa pagdami ng mga kaso ng COVID-19 at ng mga namamatayan sa malalang sakit na ito. Lahat din tayo’y humangad sa Banal na Misa noong ECQ noong ito’y pansamantalang pinakansela, ngunit ito ngayo’y binuksan na sa ating mananampalataya, habang patuloy tayong sumusunod sa mga patakaran pangkaligtasan (pagsuot ng facemask + pagpanatili sa physical distancing). Ngunit nababagabag tayo kung kailan kaya matatapos itong ekstraordinaryong sitwasyon na ito. Kung ang unang pagninilay ay ang kahalagahan ng bahay/tahanan, ang pagninilay namang ito ay nakasentro sa pananampalataya. Sa mga ganitong klaseng suliranin, alalahanin po nating hindi tayo nag-iisa sa paghaharap ng pagsubok na ito. Kaya ang tanging magagawa natin ngayon ay patuloy na kumapit sa ating pananampalataya. Alam po natin na balang araw aalisin ng Panginoon itong malalang sakit na ito, at ang mga naapektuhan ay nawa’y gumaling. Kaya pansinin po natin na kahit paano, may mga taong gumagaling talaga. At ito ang kabutihan ng Diyos na sa panahong ito ay nawa’y hangarin pa natin. Sa ating pagpapatibay ng pananampalataya sa Panginoon, alalahanin din po natin ang mga doktor, nars, healthcare professionals, volunteers, militar, pulis, at iba pang mga taong nagsisikap ngayon na labanin ang bantang pagkalat ng COVID-19. Isama po natin sila sa ating mga panalanagin upang maging tagumpay ang kanilang misyon. Kung maari ay pwede rin po natin silang tulungan na malagpasan nila ang malalang sakit na ito. At isama rin po natin ang mga taong nagdurusa dahil sa COVID-19 na sana talaga sila’y gumaling. At sa huli, ipanalanagin natin ang ating mga sarili, ang ating mahal sa buhay, at ang mga nilalang sa buong mundo na lahat tayo’y iligtas mula sa matinding pagdurusa na ito. Bagamat mayroon pa ring mga mananampalatayang hindi makadalo ngayon sa simbahan upang ipagdiwang ang Banal na Eukaristiya, isama rin natin sila sa ating mga panalanagin sa kabila ng ating pagpapala makadalo ng ganap sa Banal na Misa. At dahil tayo ay nasa panahon ng Kuwaresma at malapit na pumasok sa Semana Santa, sama-sama natin harapin ang pagsubok na ito nang may matatag na pananalig at kahit papaano malasakit sa ating mga kapwa. Ito’y maging gabay natin sa paggunita ng Pagpapakasakit at Pagkamatay ng ating Panginoong Hesukristo nang sa huli ay balang araw mawala na ang COVID-19 at maluwalhati nating ipagdiwang ang kanyang Muling Pagkabuhay.

Reply

Monica March 28, 2022 at 4:15 am

MANIWALA AT MAGTIWALA

Minsan po sa ating mga nararanasang problema o mabigat na dinadala sa ating buhay, maaalala nawa natin na meron tayong Panginoon na tunay na nakikinig at sumasagot sa ating dasal. Siya na nagpapaalala na huwag tayong matakot manapa’y patuloy lang na maniwala at magtiwala sa Panginoon. God can do miracles and what we have to do is to believe that there’s nothing impossible to Him. Have faith and trust the LORD.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño March 28, 2022 at 9:16 am

Ano ang aral at hamon ng ebenghelyo natin ngayong araw na ito?

Manalig tayo sa Panginoon, ang pananampalataya ang nagpapagaling sa ating karamdaman, amg lubod na pagtitiwala ang nagbibigay sa atin ng ating mga kahilingan.

Kapag tayo ay mananalangin, ay taanggalin na natin ang pangamba at magtiwala tayo na diringgin ni Hesus ang ating mga dasal. Hindi man dumating sa oras na gusto natin subalit ito ay siguradong darating sa oras na loob ni Hesus. Siya ang higit na nakababatid ng ikabubuti natin kaya’t minsan ay nakakatagpo tayo ng kasawian ngunit may parating mmang ginhawa sa panahon na nais ng Diyos para sa atin. Kaya’t sa bawat panalangin natin ay tanggalin na ang alinlangan at ibigay natin amg buong tiwala, pananalig at pananampalataya.

Ang ating pangangailangan ay siguradong ibibigay nya lung tayo ay tumatalima din sa mga kautusan nya kasama ng pananalig. It will surely come, maybe not at the time we want, but it will surely come in His time…. In HIS sweet time…. If only you believe.

Reply

Reynald Perez March 10, 2024 at 3:50 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang pahayag ni Propeta Isaias tungkol sa paglikha ng Diyos ng mga bagong langit at bagong lupa, na kung saan wala nang bahid na luha ang mumutawi sa mata ng bawat tao. Ito’y nangangahulugan ng pangako na kaginhawaan, kaaliwan, at panibagong simula matapos ang mga pinagdaraanang araw, linggo, buwan, at taon na pagdanas ng mga suliranin at problema. Ito rin ay tanda na darating ang kaligtasan ng Diyos, na higit pa sa ginawa niyang pagliligtas sa kanyang bayan mula sa Egipto at Babilonia. Kaya ito’y patunay sa atin na bagamat patuloy tayo namumuhay sa daigdig, mayroon nang inilaan na lugar ang Diyos para sa atin.

Ang Ebanghelyo ay ang ikalawang kababalaghan ni Hesus ayon sa panunulat ni San Juan (matapos ang pagpalit ng tubig sa alak noong nasa kasalan siya sa Cana). Nakita natin kung paanong lumapit ang isang matataas na opisyal kay Hesus at nagmakaawang pumunta siya sa bahay niya para pagalingin ang kanyang anak. Ngunit narinig natin ang utos ni Hesus na umuwi siya sapagkat gagaling ang kanyang anak. At ayon nga sa pagbasa, narinig natin na ala una ng hapon nang gumaling ang anak ng matataas na pinuno, at nakita niya kung paanong sa salita ni Hesus ay napagaling ang kanyang anak. At ang karanasang ito ay naghudyat sa kanya at sa mga kasamahan niya sa sambahayan na sumampalataya kay Kristo.

Makapangyarihan ang katauhan ni Hesus. Anupamang hilingin natin sa kanya ay tiyak na igagawad ito ng Diyos Ama para sa atin. Subalit habang tayo’y naghihintay sa mga inaasahang kasagutan sa iba’t ibang pangangailangan natin, inaanyahahan tayo ni Hesus na ganapin ang kanyang mga utos at salita, at patuloy na manalig sa mga bagay na kayang ibigay sa atin ng Diyos, lalo na ang mga mas ikabubuting bagay na hindi natin inaasahang mangyayari.

Reply

Malou Castaneda March 10, 2024 at 10:31 pm

PAGNINILAY:
Magiging mas parang “vending machine” ba si Hesus sa atin? Minsan naniniwala lang tayo kay Hesus kung sinasagot Niya ang ating mga panalangin ng eksakto tulad ng ating hiniling. Kailangan nating hilingin at ipanalangin kay Hesus ang ating kailangan at nanaisin. Ngunit kailangan din nating magkaroon ng malawak na pananaw. Sa halip na mainip na maghintay ng sagot sa ating panalangin, kailangan nating maging bukas at makinig ng malalim. Sasagutin ni Hesus ang ating panalangin. Maaaring may ibang “pili” o direksyon ang sagot niya na maaaring hindi natin inaasahan. Kailangan nating maging bukas at magtiwala kay Hesus na pagpapalain tayo at bibiyayaan tayo, ayon sa ating tunay na pangangailangan. Hindi tayo bibiguin ni Hesus, kahit na kailangan nating maghintay ng sandali. Ano ang pagpapagaling na nais nating hilingin sa ating Panginoong Hesus? Nawa’y patuloy tayong magkaroon ng mga pusong bukas, umaasa at nagtitiwala.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming magkaroon ng pananampalataya kahit na wala kaming nakikitang ebidensya. Amen.
***

Reply

Jess C. Gregorio March 11, 2024 at 5:09 am

PAGNINILAY SA MABUTING BALITA ni Jess C. Gregorio:

Ang sabi ni Kristo, “Hangga’t hindi kayo nakakikita ng mga palatandaan at mga kababalaghan, hindi kayo mananampalataya.” Ganuon tayo. Nasanay sa mundo kaya ang pinaniniwalaan lang natin ay ang kayang gawain ng ating kamay at katawan. Lupang naturingan, mahina, nagkakasakit, at may kamatayan. Nilimitahan ng kalaban ang kaisipan. Pinaniwala sa sariling kakayahan. Kaya anuman ang higit sa mga nakasanayan ay nagdadala ng paghanga at pananampalataya. Iba ang isang pinalakas ng Espiritu Santo, nabaliktad ang realidad. Natural ang himala at kababalaghan, kaya sa kaloob na kapangyarihan, nagtataka ang mga nakararami na nagsasabing hindi kaya. Mapa biyaya o mapa kagalingan, siksik, liglig, at umaapaw pa mga grasyang tinatamasa. Ilapit natin ang ating sarili kay Hesus at ang lahat ay magiging magaan, hindi na kailangan makakita ng mga himala o tanda. Gusto nyo? Narito ang paraan: mangumpisal, mangumunyon sa misa, at bisitahin ang Diyos Ama, Anak, Espiritu sa Adoration Chapel. Simple di ba? Pag nagawa natin iyan, hindi na tayo aasa sa palatandaan at kababalaghan. Si Kristo at ang kapangyarihan ng langit ay sumasa atin. Tayo ang magigiging tanda at kababalaghan kung Siya ay natagpuan.

Reply

Joshua S. Valdoz March 11, 2024 at 10:30 am

PAGNINILAY ni Fr. Jun Sescon:
Magiging mas parang “vending machine” ba si Hesus sa atin? Minsan naniniwala lang tayo kay Hesus kung sinasagot Niya ang ating mga panalangin ng eksakto tulad ng ating hiniling. Kailangan nating hilingin at ipanalangin kay Hesus ang ating kailangan at nanaisin. Ngunit kailangan din nating magkaroon ng malawak na pananaw. Sa halip na mainip na maghintay ng sagot sa ating panalangin, kailangan nating maging bukas at makinig ng malalim. Sasagutin ni Hesus ang ating panalangin. Maaaring may ibang “pili” o direksyon ang sagot niya na maaaring hindi natin inaasahan. Kailangan nating maging bukas at magtiwala kay Hesus na pagpapalain tayo at bibiyayaan tayo, ayon sa ating tunay na pangangailangan. Hindi tayo bibiguin ni Hesus, kahit na kailangan nating maghintay ng sandali. Ano ang pagpapagaling na nais nating hilingin sa ating Panginoong Hesus? Nawa’y patuloy tayong magkaroon ng mga pusong bukas, umaasa at nagtitiwala.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming magkaroon ng pananampalataya kahit na wala kaming nakikitang ebidensya. Amen.
***

Reply

Len Hallare March 11, 2024 at 11:54 am

may biyaya na dumarating sa buhay natin kapag tayo ay marunong magtiwala at maniwala sa salita ng ating Panginoon Hesus..

Reply

Rex Barbosa March 11, 2024 at 2:12 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 4, 43-54

PAGNINILAY

PANANAMPALATAYA

Nahirati na tayo na dapat makita muna bago tayo maniwala
“To see is to believe” ika nga. Tayo’y naging “proof oriented”.

Si Hesus ngyon ay nagsasabing “MANAMPALATAYA”
ng higit pa sa nakikita ng ating mga mata.

Gitna ng lahat ng problema, takot, banta at kaguluhang ito lubos ba ang ating pananampalataya sa kabutihan ng Diyos?

Reply

Vicky Labbao March 11, 2024 at 4:49 pm

Panginoon, patatagin mo ang aking pananampalataya at pananalig
Saiyo, patawad po sa aking mga kasalanan, Amen!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: