Huwebes, Pebrero 1, 2024

February 1, 2024

Huwebes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Hari 2, 1-4. 10-12
1 Mga Cronica 29, 10. 11ab. 11d-12a. 12bkd.

D’yos na Makapangyarihan,
Panginoon ka ng tanan.

Marcos 6, 7-13


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thursday of the Fourth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Hari 2, 1-4. 10-12

Pagbasa mula sa unang aklat ng Mga Hari

Nang sa pakiramdam ni David ay nalalapit na ang kanyang pagpanaw, sinabi niya kay Solomon: “Malapit na akong mamayapa. Magpakatatag ka at magpakalalaki. Tuparin mo ang iyong tungkulin sa Panginoon na iyong Diyos, at mamuhay ka ayon sa kanyang kalooban. Sundin mo ang kanyang mga batas, utos, hatol at tuntunin ayon sa nasusulat sa Kautusan ni Moises. Sa gayun, magtatagumpay ka sa lahat mong gawain; at tutuparin ng Panginoon ang pangako niya sa akin: ‘Kapag ang iyong mga anak at inapo ay nanatiling tapat sa akin at sumunod sa akin nang buong puso’t kaluluwa, hindi mapapatid ang iyong lahi sa trono ng Israel.’”

Namatay nga si Haring David ay inilibing siya sa Lungsod ni David. Apatnapung taon siyang naghari: pito sa Hebron at tatlumpu’t tatlo sa Jerusalem.

Naluklok si Solomon sa trono ni David at panatag ang kanyang paghahari.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
1 Mga Cronica 29, 10. 11ab. 11d-12a. 12bkd

D’yos na Makapangyarihan,
Panginoon ka ng tanan.

Karapat-dapat kang purihin magpakailanman Panginoon!
Ang Diyos ni Jacob na aming ama.

D’yos na Makapangyarihan,
Panginoon ka ng tanan.

Sa iyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay
pagkat iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa.

D’yos na Makapangyarihan,
Panginoon ka ng tanan.

Sa iyo ang buong pamamahala at ikaw ang hari ng lahat.
Sa iyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan.

D’yos na Makapangyarihan,
Panginoon ka ng tanan.

Taglay mo ang kapangyarihan at kadakilaan,
at ikaw ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat.

D’yos na Makapangyarihan,
Panginoon ka ng tanan.

ALELUYA
Marcos 1, 15

Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 6, 7-13

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, tinawag ni Hesus ang Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.” Sinabi rin niya sa kanila, “At sa alinmang tahanang inyong tuluyan – manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang dako, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.” Kaya’t humayo ang Labindalawa at nangaral sa mga tao na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang maraming demonyo sa mga inaalihan nito; pinahiran nila ng langis at pinagaling ang maraming maysakit.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 27, 2022 at 11:46 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang katapusan ng pagmumuno ni David bilang Hari ng Israel. Namahala siya sa bayan sa loob ng 40 taon at pumanaw na. Bago niyang ibigay ang huling hininga, ibinilin niya sa anak na si Solomon na maging matapat sa mga utos at pahayag ng Panginoon. Si Haring Solomon ay sumunod sa lahi ng kanyang amang si David, at kilala siya bilang isa sa mga pinakamatalinong hari dahil sa karunungang hiniling niya sa Diyos at wala nang iba pang materyal na bagay.

Ang Ebanghelyo ay tungkol sa pagsusugo ni Hesus sa Labindalawang Apostol upang ipalaganap ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Ang Labindalawa ay kumakatawan sa Labindalawang Tribo ng Israel, o kaya mga 12 anak ni Jacob, dahil sila’y magiging pundasyon ng bayang itinakda ng Panginoong itatag ang bagong Israel, ang Simabahan na kumakatawan sa Herarkiya at Laiko. Ang misyon ng pagpaparangal ng mensahe ng Panginoon at paggawa ng mga kababalaghan ng mga Apostol ay patuloy na isinasabuhay ng Inang Simbahan sa kasalukuyang panahon. Minsan iniisip natin na para lang sa mga pinuno ng Simbahan na ituro at igabay ang mga mananampalataya sa tamang asal ng buhay at sa kalooban ng Panginoon. Ngunit tayo ring mga Laiko ay bahagi din ng “Evangelization” sa pamamagitan ng pagbibigay-saksi kay Kristo sa ating ordinaryong pamumuhay. Yan yung kahalagan ng espirituwalidad sa pagtugon sa misyong ito.

Ang mga Apostol ay ibinilin na huwag magdala ng kahit anung bagay sa paglalakbay dahil sa kahalagahan ng pag-asa sa Diyos sa mga pisikal na pangangailangan bilang resulta ng kanilang kontribusyon sa misyong ito. Maraming mga parokyang ngayon ay tinatanggal na ang Arancel system. Ito yung sapat na presyo ng isang Sakramento kasama na diyan ang mga materyales. Kaya nga itong sistema ay tinatanggal upang bukas sa lahat na i-avail ang mga Sakramentong ito. Kahit may mga ilang paring nilulustay ang pera para sa pansariling interes, tayong mga mananampalataya ay inaanyayahang suportahan ang mga programa ng Simbahan para sa mga mahihirap at humaharap sa iba’t ibang hamon ng buhay. Ang perang ating binibigay ay hindi bayad, kundi kusang-loob na donasyon, bukas-loob o gift, at love offering. At higit pa rin na nawa’y makabahagi tayo sa misyon ng Panginoon sa pagbibigay-saksi sa kanyang banal na Salita.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño February 3, 2022 at 9:13 am

Ang ebanghelyo ngayon ay ang pagtawag at pagsugo ni Hesus sa mga labindalawang apostol. Ano ang hamon sa atin nito?

Alam ba ninyo na lahat tayo ay pari? Bukod sa pagsunod sa kalooban ng Diyos ay may tungkulin din tayong ipalaganap ang Mabuting Balita. Hindi mana natin kayang magpalayas ng demonyo o masamang espiritu ay maaari tayong magpatotoo kay Hesus.

Sa pangkasalukuyang panahon na halos lahat ng tao ay nakatutok sa celfon at kahit anong gadgets dahil sa pag unlad ng teknolohiya, maaari nating gamitin ang internet sa pagpapatoo kay Hesus. Hindi lamang tuwing Linggo ang misa sa online, araw araw na natin itong mapapanuod ng live sa facebook, youtuhe at Twitter. Pwede natin itong i-share sa ating social media account upang mas marami ang maka-alam na may nagaganap na ganito at mapnuod ng ating mga friends saan mang dako ng mundo. Maaari rin tayong magpost ng mga bible verses na naaangkop sa kasalukuyang sitwasyon upang makatulong sa mga nalulungkot at nawawalan ng pag-asa. Maaari rin tayong magkwento sa mga GC natin sa mga kaibigan tungkol sa magandang nangyayari sa atin magmula ng magsisi tayo at umiwas sa kasalanan.

Kung nakakatagal tayo ng lima o higit pang oras sa netflix, youtube, instagram, tiktok at iba pa ay hindi ba dapat na maglaan din tayo ng oras sa Ama na syang may bigay ng lahat ng kung ano man ang mayroon ka ngayon?

Marahil ay komportable ang buhay mo ngayon, subalit kailangan ay suklian mo yan ng Pasasalamat sa Diyos at paggawa ng kabutihan sa iyong kapwa sapagkat kapag niloob ng Diyos ay anumang oras ay kay myang bawiin lahat ang kung ano man ang iyong pinanghahawakan sa ngayon.

Magsisi, humingi ng kapatawaran, sikapin matalikuran ang kasamaan at makibahagi sa mga apostol sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita.

Reply

Malou Castaneda January 31, 2024 at 3:39 pm

PAGNINILAY:
Mainam na gumawa ng espirituwal na imbentaryo kung anong mga sobrang espirituwal na bagahe ang dinadala natin. Bilang mga tagasunod ng ating Panginoong Hesus, tayo ay tinawag upang ipahayag ang pangangailangan ng pagsisisi, simula sa ating sariling buhay. Ang isang malaking hadlang sa pamumuhay bilang Kristiyano ay kung paano natin ginagamit ang ating “libreng oras”. Kailangan nating lahat ang “paghinto” para makapagbago. Ngunit kung paano natin ginagamit ang ating nagawang ‘bagong oras’ ay mahalaga. Ginagamit ba natin ito bilang oras upang mapanumbalik ang ating pisikal, mental, at espirituwal? O bilang purong pagtalikod sa katotohanan? Ang ilang mga libro ay mas mahusay na basahin kaysa sa pagpalipas ng oras sa panonood ng mga palabas sa telebisyon. Maaari tayong magbigay ng oras sa pakikipag-usap sa mga taong matagal na nating ipinagpaliban, ngunit mas gusto nating mag-surf sa internet o mag-ukol ng oras sa social media. Maaari nating itama o isantabi ang ating mga labis na bagahe upang palalimin ang ating kaugnayan kay Hesus at ibahagi ang kaugnayang ito sa iba. Ang pinakamahalagang bagay upang magtagumpay sa buhay na ito ay ang katapatan sa Diyos. Dinadagdagan ng Diyos ang anumang kulang sa ating gawain. Kailangan nating gawin kung ano ang posible para sa atin at ipaubaya ang natitira sa Panginoon.
Wala ng iba pang mas mahalaga!

Panginoong Hesus, bigyan Mo kami ng biyaya na marinig at kumilos ayon sa Iyong mga salita. Amen.
***

Reply

Jebusite February 1, 2024 at 5:46 am

Ang Ebanghelyo ngayon ay naglalarawan ng pagpapadala sa labindalawang Apostol. Sila’y ipinadala nang magkasama, na may kapangyarihan at awtoridad laban sa lahat ng mga demonyo at sa pagpapagaling ng mga sakit. Ang kanilang misyon ay ipangaral sa mga tao ang darating na Kaharian ng Diyos, o ang pamamahala ng Diyos sa kanilang buhay. Tinuturuan silang ihanda ang kanilang mga puso para sa pamamahala ng Diyos sa pamamagitan ng pagsisisi sa kanilang mga kasalanan at paghingi ng tawad at kalayaan mula sa kanilang masasamang gawi.

Inaasahan din na susundan ng mga Apostol ang detalyadong plano at mga tagubilin ni Jesus. Ito ay nagpapahiwatig na dapat ang mga alagad ni Jesus ay hindi magdala ng sariling kagamitan sa kanilang paglalakbay, kundi magtiwala sa Diyos na Siyang nagbibigay ng pangangailangan. Ipinapakita rin ng mga tagubilin ni Jesus na hindi dapat maging ganid tulad ng mga pari noon na interesado lamang sa kayamanan. Dapat maging halimbawa ang mga alagad ni Jesus ng pag-ibig at pag-aaruga ng Diyos.

Sa buhay ng mga alagad, itinuturo ni Jesus na pumili ng pansamantalang tahanan sa marangyang sambahayan, pagpala sa mga taga-roon ng kapayapaan ng Diyos, maging kontento sa pagkain at tahanan na kanilang natanggap, at huwag mangarap ng mas magandang mga ito. Ang kanilang misyon ay ipangaral ang “Ang kaharian ng langit ay malapit na,” magpagaling ng mga may sakit, magbuhay ng mga patay, linisin ang mga ketong, at palayasin ang mga demonyo.

Mga mensahe sa buhay: 1) Lahat tayo ay may misyon sa pagsusuri: Tinatawag ang bawat Kristiyano hindi lamang na maging alagad, kundi maging apostol na nagbibigay-lihim kay Kristo. Bilang mga apostol, kinakailangan nating i-ebanghelyo ang mundo sa pamamagitan ng pagbahagi sa iba ng ating karanasan kay Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesus. Sa pamamagitan ng ating malinaw na buhay Kristiyano, ipinapakita natin sa iba si Jesus na ating natutunan bilang walang kondisyon na pag-ibig, pag-ulan ng awa, pagpapatawad, at pag-aalala para sa mga taong nasa paligid natin. 2) Mayroon din tayong misyon na magpalaya. Maraming demonyo na maaaring kontrolin ang buhay ng mga tao sa paligid natin na nagiging alipin sila —ang demonyo ng nikotina, ang demonyo ng alak o droga, ang demonyo ng sugal, ang demonyo ng pornograpiya at kahalayang sekswal, ang mga demonyo ng materyalismo, sekularismo, at konsumerismo. Kinakailangan natin ang tulong ni Jesus upang palayain ang ating sarili at ang iba mula sa mga demonyong ito.

Reply

Jess C. Gregorio February 1, 2024 at 7:36 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Marcos 6, 7-13

Pananampalataya at pananalig. Ito lang ang kailangan natin gawin. Ito lang ang kailangan dalhin. Ang lahat ng ating adhikain sa buhay ay matutupad kung ang Diyos ang gagalaw sa atin. Oo nga at nagtatagumpay, yumayaman, nagiging makapangyarihan ang lahat na umaasa lang sa kanilang sipag at tiyaga, ngunit ito rin ang mga magiging pabigat sa buhay. Kung wala ang Diyos sa anumang pinagpaguran, para itong sumpa na kinukuha ang ating saya at katauhan. Ang sino mang pinaghaharian ng Diyos ay hindi nagpapakasasa sa katanyagan, kayamanan, at kapangyarihan. Sila ang mga taong daluyan ng totoong kayamanan ng langit. Sapat lang sapagkat magaan ang lahat ng kayamanang kamunduhan at ito ay malayang ibinibigay at pinakawawalan sa nais ng Diyos para sa kanyang bayan. Magaan. Hindi pabigat. Malayang binibiyaan ng prubisyon sa lahat ng pangangailangan. At ang kapalit, malaya ring makakakilos ang Diyos sa sangkatauhan. Ang sabi pa nga niya, “For I know the plans I have for you,” declares the Lord, “plans to prosper you and not to harm you, plans to give you hope and a future.”

Reply

RFL February 1, 2024 at 9:58 pm

Makapangyarihan ang Panginoon at Siya ay tapat magpakailanman!

Walang magagawa ang tao kung hindi ito kaloob ng Diyos. Nang inutos ni Hesus sa 12 alagad Niya na maghatid ng Mabuting Balita, minarapat Niyang bigyan sila ng kapangyarihang makagamot at makapagpalayas ng demonyo. Ang Mabuting Balita ay, most of the time, accompanied by miracles. But whether there is a miracle or not, the Gospel itself is the greatest miracle and gift that God has for us, past, present and future. At ang pinakamaganda sa lahat, ang Diyos ay tapat magpakailanman. Gagawin Niya kung ano ang Kanyang ipinangako.

Isa lang ang gusto ng Diyos sa atin—ang ating pusong tapat sa Kanya, at sumusunod sa Kanya ng buong puso at kaluluwa, sabi nga Niya kay David sa ating Unang Pagbasa. Ngayong panahon na ito habang naghihintay tayo sa pagdating ni Hesus, paano ba tayo magiging tapat sa Panginoon? Tingnan natin ang 2 examples mula sa ating mga pagbasa.

Sa Unang Pagbasa, the Lord explicitly said to be faithful to Him and to obey Him with all our hearts and soul. And this does not only apply to us. Ito ay nagaapply din sa ating mga anak. Aanhin natin ang pagsosolo natin ng kapatapan sa Diyos kung ang anak naman natin ay mga lapastangan sa Panginoon. Hindi ba’t responsibility ng isang magulang to train his child into righteousness? Ang pagiging tapat sa Panginoon can be summed up sa greatest commandment na sinabi ni Hesus: Love God with all your heart soul and mind. And love others as yourself. Yung ganitong pag-ibig, hindi lang yan sa paglelecture sa anak itinuturo kundi mas higit na sa everyday example. Paano tayo makakapagturo sa ating anak ng forgiveness, kung hindi natin mapatawad ang kapatid natin? Paano tayo mkkpagturo sa ating anak ng generosity, kung sobrang kuripot mo kahit kaya namang magbigay ng mas malaki. And so on. Lead by example.

At ang pangalawang paraan ng pagiging tapat sa Diyos ay ang pakikinig, pag-intindi at paniniwala sa Salita ng Diyos—kay Kristo Hesus… sapagkat ang Salita ng Diyos ang nagpupukaw sa atin upang pagsisihan at talikuran ang ating mga kasalanan. At ito rin ang nagpapakilala sa atin sa Diyos. Ang sabi nga ni San Pablo ay “the Word of God is alive and active, sharper than any two-edged sword, piercing to the division of soul and of spirit, of joints and of marrow, and discerning the thoughts and intentions of the heart.” And who is the Word? Jesus Christ.

Itong mga steps na ito ay actually isang process or cycle na ating pinagdadaanan bilang tao hanggang tayo’y kunin ng Panginoon o kaya’y dumating Siya. Nawa ay magsumikap tayo na maging faithful sa Kanya. Napakabuti ng Diyos and He has never ending mercy. He is faithful even to a thousand generations. And in fact, pinadala na ni Hesus ang tutulong sa atin upang maging faithful sa Diyos—ang Espiritu Santo. Siya ang Helper, Siya ang advocate natin sa Ama. Katulad ng 12 alagad na sinugo ng walang kahit anong dala, ang Espiritu Santo ang magpprovide sa atin ng ating kailangan upang makapamuhay ayon sa Salita ng Diyos, noon, ngayon at magpakailanman. Amen.

Kaya salamat sa Diyos. Tunay Siyang makapangyarihan!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: