Miyerkules, Enero 31, 2024

January 31, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Tinanggihan si Jesus ng sariling niyang kababayan. May pananalig nating tanggapin siya bilang ating Panginoon at Tagapagligtas.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng karunungan at lakas, basbasan Mo kami.

Ang mga namumuno sa Simbahan nawa’y ipahayag ang Salita ng Diyos nang may katapangan at isabuhay ito nang may pananalig, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang lahat ng mga Kristiyano nawa’y maging maalab sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos sa mundong hindi naniniwala sa kanya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga misyonero nawa’y magkaroon ng tiyaga at hindi manghina ang kalooban sa paghahasik ng mensahe ng Diyos sa mga pook na hindi bukas sa pagtanggap dito, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at yaong mga nabibigatan sa buhay nawa’y makita ang pag-ibig at pagkalinga ng Diyos sa pamamagitan ng malasakit ng kanilang mga kapamilya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y magtamasa ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, buksan mo ang aming mga puso sa iyong Salita. Patawarin mo kami sa mga pagkakataong tinanggihan naming makinig sa iyong katotohanan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 28, 2024 at 9:27 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa kababang-loob ni Haring David na aminin ang kanyang pagkakasala at ihingin ang pagpapatawad ng Panginoon. Alam niya na dahil pinagpatay niya si Urias upang angkinin si Batseba, sunud-sunod na mga pangyayaring di mabuti ang sumapit katulad ng pagkamatay ng isang anak mula sa babaeng iyon, si Absalom. Kaya nga humingi siya ng awa kahit alam niya ang mga iba pang hinaharap na pagsubok. Nagpapakita dito yung kababang-loob ni David sa Panginoon ganun din ang pagtitiwala sa kanyang dakilang habag.

Masakit naman ang naransan ni Hesus sa Ebanghelyo nang tanggihan siya ng kanyang mga sariling kababayan sa Nazaret. Tingin nila sa kanya ay isa lamang siyang karpintero at imposibleng maging Tagapagligtas. Hindi nila makikita ang kanyang katauhan bilang propeta na isinugong ipahayag ang mensahe ng Diyos. Kaya sinabi ni Kristo na walang propetang tinatanggap ng kanyang sariling bayan. Makikita dito sa pagbabalik ni Hesus sa kanyang sariling bayan ang pagbabalik sa kanyang pinagmulan bilang tanda ng pagpapakumbaba. Pumasok siya sa sinagoga upang makisabay sa pagsamba at ipahayag ang mensahe ng Diyos. Ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang sariling mga kababayan dahil mas pinahahalagahan nila ang kultura ng tsismis kaysa sa kahalagahan ng mensaheng hatid ni Kristo.

Kaya nga huwag po tayong maniwala sa lahat nating naririnig ngunit suriin muna kung ito’y katanggap-tanggap ayon sa pamantayan ng Panginoon. Nawa’y tanggapin natin siya bilang tunay na kaligayahan ng ating buhay, at sundin natin ang kanyang kalooban sa pagiging saksi sa kanyang Salita.

Reply

Malou Castaneda January 30, 2024 at 6:31 pm

PAGNINILAY
Ipinakita sa atin ni Hesus na ang kawalan ng pananampalataya ay nagiging sanhi ng pagkawala ng mga palatandaan at himala ng Diyos sa ating buhay. Itinuturo din sa atin na ang pagiging pamilyar ay nagbubunga ng paghamak.

Kahit na matapos ang lahat ng mga himala ng pagpapagaling na ginawa ni Hesus, hindi pa rin Siya tinanggap kahit sa Kanyang sariling bayan. Habang Siya ay nagtuturo sa sinagoga doon, ang Kanyang mga tagapakinig ay namangha na ang ordinaryong taong ito na kilala nila bilang karpintero ay makakamit ang gayong karunungan, at tinanggihan nila Siya. May kalaliman ang bawat isa sa atin, maging ang mga inaakala nating alam nating mabuti, na tanging Diyos lamang ang nakakasilip. Ang isang paninira ay nagsasabi ng higit pa tungkol sa nagsasalita kaysa sa tungkol sa biktima. Hilingin natin sa Panginoon na iligtas tayo sa gayong kamangmangan.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming maging bukas sa Iyong tinig sa aming mga kapwa at pamilya. Amen.
***

Reply

Rey Anthony I. Yatco January 31, 2024 at 4:41 am

MAGANDANG BALITA NGAYON – MIYERKULES NG IKAAPAT NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

MARCOS 6:1-6 Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtungo sa sariling bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, nagturo siya sa sinagoga. Nagtaka ang maraming nakarinig sa kanya at nagtanong, “Saan niya nakuha ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga kababalaghan? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago at Jose, Judas at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At siya’y ayaw nilang kilanlin. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon, maliban sa pagpapatong ng kanyang kamay sa ilang maysakit upang pagalingin ang mga ito.

MAGNILAY: Habang mas nakikilala mas nababawasan ang respeto natin sa iba dahil natutuklasan na natin ang kanilang kapintasan. Ang pagiging pamilyar sa isang tao lalo sa isang mahal sa buhay ay parehong may mabuti at di-mabuting epekto. Sa isang banda, nagiging komportable at kabisado natin ang isa’t-isa. Madali na tayong nagkakaintindihan. Kaya lang, sa kabilang banda, nababawasan naman ang dating paghanga at pagiging espesyal sa isa’t-isa. Hindi na natin napupuri ang magandang nagagawa ng isa’t-isa. Ang espesyal ay ordinaryo na lang sa atin.

Ganito ang sinapit ni Hesus sa kanyang mga kababayan. Napakapamilyar niya at ng kanyang pamilya sa kanila kaya’t hindi nila makuhang purihin at hangaan siya sa ipinamalas niyang karunungan at kabanalan. Malamang mas nainggit sila. Bakit hindi sila ang nagkaroon ng ganung katangian pareho at pantay lang naman sila. Ngunit sayang kung mabubulag tayo ng pamilyaridad at lalo ng inggit. Makita at kilalanin nawa natin ang magaling kahit ng mga taong pamilyar sa atin. Masorpresa pa rin nila tayo.

MANALANGIN: Panginoon, makita ko nawa ang espesyal sa mga ordinaryong tao at sitwasyon ng buhay ko.

GAWIN: Ikatuwa mo at huwag ikainggit ang pag-angat ng iba.

Reply

Jess C. Gregorio January 31, 2024 at 8:39 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Marcos 6, 1-6

Ang tao ay sadyang may kahinaan. Maraming sablay. Maraming kasalanan. Ito ay nakikita ng mga taong kasama sa buhay. Bagama’t binago tayo ni Kristo nang ating siya ay masumpungan, tuluyang nilinis at binigyan ng kapangyarihan, nananatili ang masamang tanaw sa atin na sadyang hinihigitan ang kabutihan. Sa araw na ito tayo ay pinaaalalahanan. Wala ang kapangyarihan ng langit sa mga taong walang pananampalataya at pananalig sa dahilang kilala nila tayo sa ating nagawang kamalian at kahalayan nuong tayo ay makasalanan. Ngunit ang buhay ng tao ay sadyang dumadaan sa mga pagkakamali. Duon natin nababatid ang dumi at baho para maipatotoo sa ibang tao. Huwag mawalan ng tiwala. Huwag magalit. Magpatuloy lang tayo. Walang kabawasan sa ating pagkatao na sa ngayon ang gumagalaw ay si Kristo. Mas maraming makikinabang na gustong makinig sa Salita ng Diyos, madama ang mga mirakulo, kaysa sa mga ayaw na pilit tayong nililibak at sinasabihang naka iistorbo, nanggugulo, at tahasang sinasabing kilalang-kilala tayo.

Reply

Rex G. Barbosa January 31, 2024 at 11:55 am

PAGNINILAY

ANG MATATAG NA PANANAMPALATAYA

Karamihan sa atin ay alam ang karanasan ng pakiramdam na walang kapangyarihan sa harap ng pagtanggi, LALO NA KAPAG ITO AY PAGTANGGI MULA SA MGA TAONG PINAKAMALAPIT SA ATIN, MULA SA MGA TAONG KARANIWANG INAASAHAN NA UMUNAWA AT MAGPAPATIBAY SA ATIN.

Sa pagbabasa ngayon ng Ebanghelyo, nalaman natin na ang mga kapitbahay at kaibigan ng pamilya ni Hesus ay nahihirapang kikakanin siya. Siya ay anak ng isang karpintero, hindi anak ng isang rabbi. Maraming tao sa sariling bayan ang binalewala si Hesus at ang Kanyang mensahe. Tumanggi silang marinig siya.

Hindi nagalit si Hesus. Sa halip, sinagot ni Hesus ang kanilang mga sinabi sa pamamagitan ng pagsasabing karaniwan nang ang isang propeta ay hindi pinararangalan ng mga taong nakakilala sa kanya mula sa pa sa kanilang pagilang.

Ngunit inaamin nila na ang kaniyang pagtuturo ay nagpapakita ng malaking karunungan at kinikilala din nila ang kanyang pambihirang kapangyarihan bilang isang manggagamot.

Ang mga tao sa bayan ni Hesus ay hindi lamang nag-iisip tungkol sa Kaniyang pambihirang kapangyarihan. Ang mga ito ay talagang “naiiskandalo” niya, tulad ng ibang mga pinuno, pariseo at eskriba.

Dahil sa kawalan ng pananampalataya ng mga taong bayan at nang nakakataas, si Hesus ay, “Hindi nakagawa ng anumang kababalaghan doon, maliban sa pagpapatong ng kanyang kamay sa ilang maysakit upang pagalingin ang mga ito”.

Gayunpaman, mayroong isang pahiwatig na ANG ILAN AY MAY PANANAMPALATAYA: kayat “pinagaling niya ang ilang maysakit. ” Pinagaling niya ang mga taong ito “sa pamamagitan ng pagpapatong ng kanyang mga kamay sa kanila”. ANG MATATAG NA PANANAMPALATAYA NG MGA TAO AY NAKA PAGPAPAGALING..

Kung minsan, maaari tayong maging katulad ng iilan na dumarating nang may pananampalataya at nakakaranas ng isang nakapagpapagaling na paghipo. Kung minsan, maaari tayong maging katulad ni Hesus, na nagdadala ng karunungan at kapangyarihan ng Diyos sa ating mga pamilya o lokal na komunidad, kung ito’y tinatanggap.

SINO TAYO DITO.…
ANG WALANG PANANAPALATAYA?
ANG MAY KAUNTING PANANAMPALATAYA
ANG MAY LUBUSANG PANANAMPALATAYA?

Reply

RFL February 1, 2024 at 7:43 am

2 Samuel 24, 2. 9-17
Marcos 6, 1-6

Noong si David ay hari ng Israel, nagpacensus siya sa lugar. Hindi nakamention sa Bibliya kung para saan exactly ang census na pinagawa ni David. However, we know from history where census matters. 1st is for manpower or building an army, 2nd is for taxes. Both of these things, ay wala tayong narinig mula sa Diyos na pinaguutos Niya kay David. So this means that David devised it for himself or for Israel. Makikita natin sa unang verse mula sa 2 Samuel 24 na may nag-utos or may mag-influence kay David na kimuha ng census at ito ay nireveal sa 1 Chronicles bilang si Satan. Sa madaling salita, nagkasala talaga si David sapagkat sinunod niya ang gusto ni Satan at hindi niya nilapitan ang Diyos for guidance. Sa sobrang pagkabihasa niya sa pamumuno, ito marahil yung time na naging foolish sya sapagkat kay Satan siya nakinig and did not consult the Lord.

Familiarity breeds contempt. In a similar sense, ganito rin marahil ang nararamdaman ng mga tao kapag may kababayan, kakilala, kaibigan at minsan pati kamag-anak na nabalitaan nilang biglang naging sikat dahil sa kahusayan sa anumang larangang pinili nila. May factor na hindi sila makapaniwala sapagkat kasama nila noon yung tao na yun na naglaro ng taguan at habulan. Siguro may factor na hindi sila makapaniwala sapagkat noon walang alam sa math yun, pero paano ngayon bigtime engineer na. Hindi ito iba sa naranasan ni Hesus sa mga taga-Nazareth.

Malamang bilang bata o kababata, nakita ng mga taga-Nazareth si Jesus na lumaki, naglaro, nadapa, nagkasakit, nag-aral. Maaaring ang gumawa ng mga mesa at upuan nila ay si Hesus, sapagkat ang foster father Niyang si Jose ay isang karpintereo, malamang na si Hesus was trained and earned a living thru carpentry or building before He started and focused on His ministry. Sila pa mismo na kababata niya ang hindi naniwala sa Kanya. Sila pa mismo mula sa bayan Niya ang itinakwil Siya. Yung tipong “nakita namin yang nasaktan at hindi naman siya magaling maglaro noon sa habulan, tapos magiging Messiah?”

Ito ang tanong ko sa aking sarili: sa sobrang kabisa ko ba ng “Our Father” dahil mula nung elementary ay dinadasal ito, naniniwala pa ba ako sa bawat salita ng dasal na ito o nirerecite ko lang in prayer due to familiarity kahit na hindi ko minimean ang bawat salita? Sa sobrang familiar natin sa pagsisimba, may meaning pa ba sa atin ang bawat pagsagot at pakikinig during the mass, o naging habit lang siya?

Kaya naman kahit para sa mga maka-Diyos na, yung madasalin, nagseserve sa Diyos, at gumagawa ng mabuti, nagkakaroon pa rin time ng mga pagsubok. Yung iba, nagkakasakit. May iba naman na nababaon sa kasalanan. Yung iba may matinding problema sa pamilya o sa trabaho. Whether things are doing well or things are bad, God may allow Satan to tempt us. But why? To purify our hearts. And when we pass the test, God may truly say: “Itong si (your name), anak ko yan.”

Sana piliin natin si Hesus sa bawat pagkakataon. Ngunit kung mayroong time na tayo’y nadapa sa pagkakasala, kagaya ni David, humingi tayo ng tawad sa Diyos. At hilingin natin na linisin Niya tayong muli.

Ama ko sa Langit, binigay Nyo po ang aming Panginoong Hesus upang maglead sa amin papunta sa Iyo, upang linisin kami sa aming pagkakasala sa pamamagitan ng Kanyang katawan at dugo. Sa Iyong awa at pag-ibig, tulungan Mo pong lagi namin Siyang pakinggan at piliin sa bawat araw ng aming buhay. Palakihin Nyo po ang aming pananampalataya lalo na sa mga oras ng pagsubok. Help us to always renew our faith on you. Gabayan po Ninyo kami sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang malaman ang difference ng boses mo sa boses ng kaaway. At tulungan Nyo po kaming makasunod sa yapak ng aming Panginoong Hesu-Kristo. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: